"You're still a manang," bulong ng babae kaya napalayo ng bahagya si Lalaine kay Jeanne. Humalakhak ito at tinapik ang kanyang pisnging namumula. Muli, naikuyom niya ang kanyang kamao sa kanyang damit. Kumuskos iyon sa balat niyang natatakpan ng tela.
"Adrian," masayang tawag naman ni Jeanne kay Adrian na nakatayo lamang sa kanyang tabi. "Oh, nice seeing you again." Bumeso rin si Jeanne at may ibinulong. Saka kumapit ito sa braso ng lalaki. "Ako na ang bahala sa kanila. Go on with your meeting, Dad," masayang taboy ni Jeanne sa mga matatandang kasama. Nakamasid ang mga ito sa kanila.
Pilit na ngumiti si Lalaine lalo na noong bumaling ang ama sa kanya. Tumango ito nang igiya ng ibang mga kasama paloob sa bahay.
Hinila ni Jeanne si Adrian. Halos iwanan na si Lalaine ng mga ito. Naramdaman niya ang titig ng kanyang ama na sa kanya pa rin pala nakamasid kahit papalayo na. Tinitigan niya ito. Alam niya ang nilalaman ng mga tinging iyon, tiyak niyang mapapahamak si Adrian kaya naman nilawakan niya ang ngiti sa kanyang labi at lumapit sa ama na napatigil sa paglalakad at nagpa-iwan sa mga kasama. "Bye, dad. I will enjoy the night with my friends. Don't worry about me," saad niya at muli, humalik sa pisngi ng ama saka tumakbo para habulin na ang dalawa.
"Did you recieve my messages?" Mula sa likuran ng mga sinusundan ay naulinigan niyang tanong ni Jeanne kay Adrian.
Napakunot noo. Napakagat labi nang mapagtantong may komunikasyon ang dalawa. Kaya siguro napapayag na dumalo si Adrian ay dahil nalaman nitong umuwi si Jeanne.
Napayuko siya habang naglalakad, nang hindi niya namalayan ang isang bulto ng tao sa harapan niya. Huli na nang magtaas siya ng tingin, nabunggo niya ito.
Dahil sa gulat at pagkakabunggo hindi niya nakontrol ang sarili para mawalan ng balanse. Patumba na siya nang maagapan siya ng lalaki at nahawakan sa beywang.
"Ooppss, not again pretty lady!" Natatawang saad nito. Magkalapit na naman ang kanilang mga mukha. Parang bumilis ang daloy ng kanyang dugo dahil sa pagkakahawak nito sa kanyang beywang. May papisil kasi ito.
"Allen?"
Napalingon sila kay Jeanne sa ganoon pa ring posisyon. Tinapik niya ang braso ni Allen para itayo siya ng maayos. Napalunok siya nang magtama ang tingin nila ni Adrian.
"Hi, babe!" Palatak ni Allen at sinugod ng yakap si Jeanne pagkatapos siyang maitayo nang maayos. Kita niya ang mahigpit na pagyakap pabalik ni Jeanne kay Allen.
Pakiramdam na naman ni Lalaine ay etsapwera siya sa mga ito. Naroon lang siya nakatayo habang pinapanood ang mga ito na masayang nagkakamustahan. Tumalikod siya at aalis sana nang may kamay na humawak sa kanyang palapulsuan.
Tinignan niya iyon bago bumaling sa may-ari ng kamay. Madilim ang mukha ni Adrian habang nakatitig sa kanya.
"Dito ka lang sa nakikita ko, baka kung ano pang mangyari, kasalanan ko pa!" anas nito at humigpit ang hawak sa palapulsuan niya. "At kung puwede, huwag kang tanga!"
Kumurap-kurap siya para pigilan ang nagbabadyang luha. Lumunok siya para hindi lumabas ang hikbing nais lumabas sa kanyang bunganga. Para hindi makita ni Adrian ang luha niyang papatak na ay yumuko siya.
"Adrian, lets go!"
Tumango lamang si Adrian sa tawag na iyon ni Jeanne. Lalo niyang hinigpitan ang hawak sa palapulsuan ni Lalaine. Lalo na nang hindi nakatakas sa kanya ang pagpatak ng luha nito kahit nakayuko pa.
Nagtagis bagang siya at napabuntong hininga ng marahas. Tinitigan niya si Lalaine habang ito ay nakayuko. Para pa rin itong bata na umiiyak sa maliit na bagay. Naive and vulnerable. Hindi kayang ipagtanggol ang sarili.
Naiinis siya! Naiinis siya dahil hindi niya mapigilang paiyakin ito. Isa siya sa mga taong nananakit sa damdamin nito pero hindi niya kayang pigilan ang sarili.
Hinila niya ito pagkatapos ng ilang saglit. Sumunod sila kay Jeanne at Allen na ngayon ay nakaupo na sa isang mesa, malayo sa mga nagsosoyalang panauhin ng mga Yap.
"Dito tayo, ayaw kong makihalubilo. Sawa na ako sa sosyalan sa States," ika ni Jeanne nang umupo siya sa tabi nito. Pang-apatan iyon. Pinatabi niya rin si Lalaine sa kanyang kaliwa. Si Allen ang katabi nito. "Mom will entertain them!" dagdag pa nito.
Tumawag ng waiter si Jeanne at nagpadala ng pagkain sa kanilang mesa. Muli niyang tinapunan ng tingin si Lalaine na nakatungo lamang at tahimik. Nang mapabaling ang kanyang mga mata kay Allen na nakatitig rin pala sa babae.
"Hindi ka ba nasaktan kanina?" tanong ni Allen na mababanaagan ng pag-aalala sa boses. Kinakausap nito si Lalaine.
Nag-angat ng tingin si Lalaine at tinanguhan si Allen. Napakunot noo si Adrian sa inaasal ng kaibigan.
Nanatili siyang nakatingin sa kaibigan nang bumaling ang tingin nito sa kanya at nginisian siya. Matalim ang ipinukol niyang tingin dito kaya napahalakhak ito. Lingid sa kanilang kaalaman, nakamasid sa kanila si Jeanne na nagpupuyos ng galit dahil sa nakikitang pag-aalala ng mga kasama kay Lalaine.
"Kumusta kayong lahat? It's been a while since we saw each other. Ikaw, Lalaine? May boyfriend na ba?"
Mabilis na napaangat ng tingin si Lalaine kay Jeanne. Kahit nakangiti ay nakitaan niya ang mga mata nito ng pang-uuyam. Yumuko siya at inayos ang salamin sa mata.
"Silence means yes, right? Sino...?"
"Lets just eat. Lalamig ang pagkain–" putol ni Adrian sa sasabihin pa sana ni Jeanne. Kaya naman napatahimik ito.
Ang mga kamay naman ni Lalaine ay abala sa pagkalmot sa kanyang hita. Buti na lamang at may telang nakapagitan kundi, sugat-sugat na naman iyon.
Sa totoo lang, may lalaking inilaan na ang kanyang ama para sa kanya. Lalaking akala nito ay mapapaikot ng ama sa sariling kamay. Si Adrian.
Nagbabadya na naman ang kanyang luha sa mga mata, kaya bago pa tuluyang bumagsak iyon ay agad siyang tumayo at nagpaalam na magbabanyo.
Pagkapasok pa lang ay agad niyang ibinuhos ang kanyang luha. Iniyakan niya ang bagay na hindi man lamang niya kayang ipagtanggol ang sarili.
"Hanggang kailan ka ganito, Lalaine? Hanggang kailan mo gagawing santa ang sarili mo sa mga taong walang ginawa kundi saktan ka! Hanggang kailan ka magpapakatanga?" sumbat niya sa sarili habang kaharap ang repleksiyon sa salamin.
Umiyak siya nang umiyak doon. Kahit pa nga may mga kumakatok para gumamit din. Gusto niyang ibuhos lahat bago muling humarap sa mga taong alam naman niyang hindi siya napapansin. Pero kahit na, gusto niyang handa na siyang muling peke-in ang ngiti. Iyong handa na siya muling tanggapin ang mga panghuhusga ng mga tao sa paligid.
Sinuntok niya ang dibdib sa paninikip nito. Hindi siya makahinga. Pumikit siya, nakaupo na siya sa may bowl at pilit pinapakalma ang sarili. Nang mapansin niya ang pulang mantsa sa kanyang damit.
Itinaas niya ang laylayan ng palda. Sumambulat sa kanyang paningin ang namumulang hita. May gasgas ang ibang parte noon na siyang pinagmulan ng dugo.
Mapait siyang napangiti. Siya ang may kagagawan noon. Sa tuwing sobrang hindi na niya kayang tanggapin ang mga sinasabi ng ibang tao, ang sarili niya ang kanyang napagdidiskitahan. Sarili niya ang lihim na sinasaktan. Bakit siya naging ganoon? Dahil iyon sa kanyang ama. Sa labis na pagmamahal nito kahit may nasasaktan ng iba.
Napakagat labi siyang muling inayos ang damit. Tumayo siya at hinanda na muli ang sarili. Inihanda niyang muli ang pekeng ngiti.
Nang makapaghilamos at maitago ang namumugtong mata sa makapal na salamin ay agad na siyang lumabas, para lamang mahagip ng kanyang tingin ang dalawang bulto ng tao na papalayo. Papunta sa dilim.