Chapter 25 (Part 2)

2267 Words
May gusto ako kay Peter at alam niya ‘yon. Ang questionable na lang talaga ngayon ay kung may nararamdaman din ba siya sa ‘kin – at kung wala’y may pag-asa bang magkaroon kahit kaunti. Pagkatapos kong magkunwaring umalis sa isla, nalaman kong may pake naman pala si Peter sa ‘kin kahit papaano. Kaya ngayon ay nasa stage kami kung saan pinapakiramdaman ko siya, hinahayaan kong siya ang maghabol o magpakita ng emosyon. Kaya ang number one rule ko sa sarili’y bawal mag-assume. Hindi ko dapat pangunahan si Peter sa mga bagay na siya lang ang nakakaalam para ‘di ako mas masaktan sa huli. Kaya nga hangga’t wala siyang sinasabi sa ‘kin, magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan muna ako sa mga senyales na nakikita ko. Nakasunod ako kina Peter at Nikolai ngayon. Nasa likod nila ako; naglalakad pabalik sa salu-salo ng mga taga-isla. Iniisip ko pa rin ang naputol na pag-uusap namin ni Peter kanina. Dala ng panghihinayang, malakas na buntong-hininga ang pinakawalan ko bago tamad na sinipa ang bato sa buhangin. Ayon lang ay tumama ito sa binti ni Peter! Nanlaki ang mga mata ko nang lingunin niya ‘ko. Agad akong tumingala sa langit, kunwari’y inosenteng nagbilang ng mga ibon. Akala ko’y tatalab na ang maang-maangan mode ko. Pero nalaglag ang panga ko nang bigla akong hinawakan ni Peter sa braso! “Hindi ko naman sadya—” Naputol ang pagdadahilan ko nang bahagya niya akong hinila papunta sa tabi niya. Mabuti at ito lang pala ang balak niya. Ngayon ay imbes na nasa likuran, magkakatabi na kaming naglalakad. Binitawan ako ni Peter bago ibinalik ang atensyon kay Nikolai na ‘di ko alam kung bakit ngiting-ngiti. Nagpabalik-balik ang tingin ko sa dalawa; hinahanap ang kanilang pagkakatulad. Napakamot ako ng ulo dahil kung magkapatid sila’y bakit hindi sila magkamukha? "Sure you're not making a comeback anytime soon?" seryosong tanong ni Nikolai kay Peter maya-maya. Nag-iwas ako ng tingin, kunwari’y may ibang iniisip, pero ang totoo’y nakikinig pa rin ako sa kanilang pag-uusap. Napaisip ako kung anong tinutukoy ni Nikolai. Saan ba dapat mag-comeback si Peter? “Dapat babalik ako. Pero wala na ‘kong makitang dahilan,” sagot ni Peter na nagpaikot ng tyan ko. Kung bakit ba naman kasi attracted din ako sa lalim ng kanyang boses. Pero… pagbalik kaya sa Maynila ang kanyang tinutukoy? Kung hindi pa huminto ang dalawa, hindi ko mamamalayang nakarating na kami sa salu-salo. Dahil may kasamang dayo, napalingon lahat sa direksyon namin. Halatang nagtatanong ang kanilang mga mata nang makita si Nikolai kaya si Peter na ang nagkusang magpakilala sa kanya sa buong Cole’s Cove. “Si Nikolai po. Kapatid ko. Dumaan lang siya rito sa isla para mangumusta,” tipid niyang saad. Magkapatid nga sila, at mukhang mas bata si Nikolai kay Peter. Nakakagulat na may kamag-anak naman pala si Peter na marahil ay nakatira sa Maynila. Bakit mas pinili niyang tumira mag-isa sa islang ito? Lalo tuloy akong naging interesado na mas makilala pa siya. “Ala eh, sumalo ka na sa amin, iho!” maligalig na pag-aaya ni Aling Dolores. At katulad ng inaasahan ay mainit naman ang naging pagtanggap kay Nikolai ng mga taga isla, lalo na ng mga kadalagahan. Nilapitan nila ito at hinila papunta sa kanilang pwesto. Mabuti na nga lang at game na game si Nikolai. Napanuod ko siyang makipagbiruan na para bang matagal na silang magkakakilala. Mukhang wala namang dapat ipag-alala si Peter sa kanyang kapatid. Pero napansin kong nakatutok talaga ang buong atensyon niya rito. Marahil ay na-miss din niya ang kapatid dahil matagal silang ‘di nagkasama. At dahil mukhang abala siya, hindi na muna ako nakisali pa sa kanila. Medyo napagod din ako ngayong araw kaya mas gusto kong magpahinga. Nagdesisyon akong tahimik na umalis at bumalik sa kubo nina Aling Dolores. Mabuti na nga lang din at ginawa ko ito dahil noong makapasok na ‘ko sa loob, saktong nag-ring ang phone ko. Tumikhim ako at huminga ng malalim bago sinagot ang tawag ni mama. Kabado ako dahil video call ito. Buti na lang din pala at ako lang ang tao rito sa kubo ngayon. “Hello, ma--!” “Ano itong sinabi ni Kyle na break na kayo?” pagputol ni mama sa ‘kin. Bakas sa mukha niyang dismayado siya sa nalaman. Hinigit ko ang hininga ko; ‘di napigilan ang bahagyang paglaki ng mga mata. Nawala sa isip kong may contact nga pala si Kyle sa mga magulang ko at ganuon din sila sa kanya. Imposibleng ‘di makarating sa mga magulang ko ang tungkol sa paghihiwalay namin. “Pumunta po siya sa bahay?” nag-aalangang tanong ko. Iniisip ko kung anong posibleng sinabi niya sa mama’t papa ko. Tanda kong hindi naging maganda ang paghihiwalay namin lalo na’t idinaan ko lang ito sa drunk call. Pero valid naman siguro ang rason ko lalo na’t kawalan ng respeto ang pinag-uusapan dito. “Ikaw talaga, Wendy! Ang ayos-ayos nung tao, bakit ka nakipaghiwalay?” reklamo ni mama na nagtuloy-tuloy na. Tumatak sa akin ang sinabi niyang sinayang ko lang daw ‘yung ilang taong relasyon namin ni Kyle. Mataas kasi talaga ang tingin niya rito lalo na’t malapit din ito sa kanya. Akala talaga nila, kaming dalawa na sa dulo – hindi ko sila masisisi dahil ito rin naman ang inakala ko. Nagsimulang mangilid ang luha ko. Hindi ko masikmurang sabihin sa kanila ang totoong dahilan ng paghihiwalay namin. At marahil napansin ni papa ang pinipigilan kong emosyon, kinuha niya kay mama ang cellphone. Siya na ang nagkwento ng pinag-ugatan nito. Nalaman kong tulad ni Elle, tinawagan din pala nila si Kyle noong mga araw na hindi nila ako ma-contact. Syempre, ang alam pa nila’y ito ang boyfriend ko. Ayon lang ay hindi ito sumagot sa kanila. Hindi pa nila nakuha noon na hiwalay na kami. Inintidi nilang baka busy lang ito sa trabaho. Hanggang sa ngayong araw ay nakatanggap sila ng mahabang text message galing dito. Humingi ng thank you si Kyle sa ilang taong pinagsamahan nila ng mga magulang ko. Parang anak na rin kasi ang turing sa kanya. Pagkatapos ay nag-sorry siya dahil hindi na raw niya matutupad ang ipinangako niyang aalagaan ako hanggang sa pagtanda. Wala na raw siyang karapatan dahil hiwalay na kami. Oo’t dito niya sinabi ang tungkol sa break up namin. Hindi ko alam kung anong gustong mangyari ni Kyle at talagang naisipan pa niyang mag-text sa parents ko. Pero kung nagbabakasakali siyang matutulungan siya ng mga ito para makipagbalikan ako sa kanya, pwes ay nagkakamali siya. Tapos na akong magbulag-bulagan; bukas na ang isip ko sa totoong estado ng relasyon namin. “Anak, kung ayaw mong sabihin sa amin ng mama mo ang dahilan, hindi ka namin pipilitin. Ang gusto lang namin malaman ng nanay mo ay kung ayos ka lang ba,” sabi ni papa sa malumanay na boses. Halatang iniingatan niya ang pagbitaw ng bawat salita dahil nag-aalala siya sa nararamdaman ko. Sa tabi niya’y kita ko naman ang nakasibangot na nanay ko. Parang hindi pa rin niya tanggap ang break up namin ni Kyle. Huminga ako ng malalim bago tipid na ngumiti. Kailangan kong maging matigas sa desisyon ko. “Tama po kayo. Break na kami ni Kyle. Ako po ang nakipag-break kasi na-outgrow na po namin ang isa’t isa.” Nakita kong sumilip si mama sa camera, nagsalubong lalo ang kilay. Kaya naman napilitan pa akong linawin ang sinabi ko. “Hindi na po kami katulad ng dati. Hindi na po siya ‘yung Kyle na nakilala ko, at ganuon din po ako sa kanya. Magkaiba na po ‘yung mga gusto namin sa buhay.” Hindi na ako nagbigay pa ng detalye. “Ay naku, anak. Natural lang naman na magbago ang tao. Kung iyan ang rason kung bakit kayo naghiwalay, aba paano ka pa makakahanap ng ibang lalaki?” ‘di makapaniwalang tanong ni mama. Napasapo siya sa noo at para bang napasakit ko ang kanyang ulo. Bigla namang bumalik sa isip ko ang mga linyang madalas sabihin sa ‘kin ni Kyle noon – Ano na lang ang gagawin mo kung hindi mo ‘ko kasama? Pasalamat ka. Ako lang ang may kayang unawain ka. Wala nang ibang lalaking magtatyaga sa ‘yo bukod sa akin. Noon ay tinatawanan ko lang ang mga ganitong linyahan ni Kyle dahil madalas ay kung hindi pabiro, may lambing naman niyang sinasabi. Pero ngayon ay naunawaan ko na ang ibig sabihin ng mga ito. Naramdaman ko ang pagtakas ng luha sa isang gilid ng mata ko kaya agad kong itinapat sa kisame ang camera ng phone ko. Narinig ko ang parehong pagtawag sa ‘kin ng mga magulang ko. Pero kinailangan ko munang huminga ng malalim, mga ilang beses. Tumikhim ako bago sila muling hinarap na para bang walang nangyari. “Hindi po talaga kami match ni Kyle e,” I let out a weak smile. “Tingin ko naman po, nandyan lang ‘yung lalaking tatanggap sa ‘kin kahit magbago pa ‘ko, at ganuon din ako sa kanya.” Bigla na lang pumasok sa isip ko ang mukha ni Peter. Hanggang sa isa-isa nang bumalik sa alaala ko ang mga pinagsamahan namin sa isla. “Sigurado po akong may lalaking kaya akong suportahan sa mga bagay na gusto kong gawin, kahit pa takot ako. ‘Yung lalaking nakahandang ibigay ang sarili niya ng buong-buo kapag nagmahal…” “Alam kong marami pang lalaki sa mundo, anak. Pero ‘yung hinahanap mo sa lalaki, masyadong perpekto. Paano kung hindi mo ‘yan mahanap?” nag-aalalang tanong ni mama. Alam ko naman kasi na gusto nila ni papa na magkaroon ako ng malaking pamilya lalo na’t ako lang ang nag-iisa nilang anak. Umangat ang isang dulo ng labi ko. “Kung hindi rin po siya, mas gugustuhin ko pang maging mag-isa buong buhay ko,” makahulugang sagot ko. Napa-sign of the cross si mama dahil takot talaga siyang tumanda akong dalaga. Nagpaalam na ako sa kanilang may gagawin akong mahalagang bagay. Mabuti at back up ko si papa kaya natapos na ang tawag. Humiga na ako sa sofa pagkatapos. Pumikit ako, ipinatong ang isang braso sa ibabaw ng mga mata ko. Habang sinusubukang kumuha ng tulog, hindi ko maiwasang isipin si Kyle dahil sa naging pag-uusap namin ng mga magulang ko. Napaisip ako kung kailangan ko pa ba siyang kausapin para talagang magkaroon kami ng closure – tulad ng nangyari kina Elle at Peter. *** Nagising ako sa katok ng pinto. Hindi ko namalayang nakatulog na pala ako. Pagtingin ko sa oras ay hapon na, marahil ay malapit nang lumubog ang araw. Napansin kong wala pa ring ibang tao sa loob ng kubo bukod sa akin. Kaya napilitan akong tumayo at pagbuksan kung sino man ito. Napaatras ako nang bumungad sa akin si Peter. Agad kong inayos ang buhok ko; isinukbit ang ilang hibla sa magkabilang tainga. Talagang nata-timing siya kung kailan ako bagong gising. Sa kabila ng pagkabigla ko’y sinubukan ko pa ring maging confident sa harapan niya. “Mukhang nadadalas yata ang pagdalaw mo ah. Gusto mo na ba talaga ‘kong bumalik sa kubo mo… Tart?” may panunuyang tanong ko. Naubo si Peter. Nag-iwas siya ng tingin bago nagsalita, “Si Nikolai. Nag-aayang uminom. Baka gusto mong sumama,” simpleng saad niya. Napangiti ako sa pag-aaya niya. Humakbang ako palapit sa kanya hanggang sa halos isang ruler na lang ang distansya sa pagitan namin. Hinintay ko hanggang ibalik niya sa ‘kin ang tingin bago sumagot sa kanya. “Gusto mo ba ‘kong sumama?” mahinang tanong ko. Hindi ko inaalis ang tingin sa mga mata niya. At nang akmang ibubuka na niya ang kanyang bibig, inunahan ko na siya. “If you insist. Sige, pupunta ako. Sa kubo na tayo magkita. Mag-aayos lang ako.” Tinalikuran ko na si Peter at pagpasok sa loob ng kubo, sinaraduhan ko siya agad ng pinto. Sumandal ako sandali at pinakiramdaman ang bilis ng t***k ng puso ko. Paano’y siya mismo ang nag-aya sa akin. Ibig sabihin, gusto rin niya akong makasama. Kaya naman naghanap agad ako ng masusuot sa lukbutan ko. Mabuti at may nakita akong pa-tube na long dress. Kulay dark blue ito, simple pero malakas ang dating kapag sinuot. Hinayaan kong nakabagsak ang buhok ko, naglagay din ako ng pampapula sa labi at pisngi. Nang tingnan ko ang sarili sa harap ng salamin, napangiti ako dahil itong-ito ‘yung Briar na na-imagine ko. Paglabas ko ng kubo, muntik na akong mapatalon nang makitang nandito pa rin si Peter. Inasahan ko kasing maglalakad akong mag-isa papunta sa kubo niya pero naghihintay pa pala siya sa ‘kin. Nang mag-angat siya ng tingin, napansin ko agad ang pagsuyod niya sa akin mula ulo hanggang paa. Halata ang pag-awang ng labi niya. Pinigilan ko ang pagngiti dahil sa reaksyon niya. I’d like to think na nagustuhan niya ang ayos ko. “Hindi mo na dapat ako hinintay—” “Tara na, Peter!” Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses at nakita si Lorraine at ang mga kaibigan niya. Ako ngayon ang nalaglagan ng panga. “Malamok. Magsuot ka ng jacket o balabal,” sabi ni Peter sa akin, kunwari pang concerned. “Try mo rin mag-jacket. Mukhang ngayon pa lang marami ng lamok sa paligid mo,” asar kong balik, pinaningkitan ko siya ng tingin at kunwari’y may hinampas na lamok malapit sa mukha niya. Nang makitang papalapit na ang mga babae sa kanya, inirapan ko lang siya at nilagpasan. Hindi naman pala ako ang hinintay niya kaya nagdire-diretso na ako sa paglalakad papunta sa kanyang kubo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD