“Papasukan ng langaw ang bibig mo,” walang emosyong bulong ni Peter kaya agad kong pinagdikit ang labi ko. Pagtingin ko sa paligid, may ilang residente sa isla na tulad ko’y laglag ang panga sa nasaksihan. I feel them! Paano ba naman ako makakapagdasal ng maayos kung hawak-hawak ko mismo ang hiling ko!
Habang patuloy ang pagdarasal ng lahat, sinubukan kong bawiin ang kamay ko. Dahan-dahan ko itong ginawa upang hindi na mas makakuha pa ng atensyon. Ayon lang ay hinigit ko ang hininga ko. Paano’y mas lalong humigpit ang pagkakasalikop ng mga kamay ni Peter. Nanlaki ang mga mata ko sabay tingin sa kanya.
Sinasakyan lang ba ulit ni Peter ang pag-arte kong mag-asawa kami para ‘di maungkat ang nakaraan namin?
Pinagmasdan ko ng mabuti ang facial expression ni Peter, nagbabakasakaling mauunawaan ko siya sa ganitong paraan. Ngunit napatitig lang ako sa mukha niya dahil wala pa ring pinagbago ang kanyang kagwapuhan— tumingin ako sa iba paglingon niya sa ‘kin!
Malakas at mabilis ang t***k ng puso, huminga ako ng malalim at pumikit. Pilit kong pinakalma ang sarili.
Pinapaalala ko lang sa ‘yo, Bra. Hawak lang ang kamay mo. Walang pasingsing. ‘Ni hindi pa nga nagko-confess ng kahit anong feelings. Kaya kalmahan mo lang!
Nang idilat ko ang mga mata ko, saktong nakita ko ang matalim na tingin ni Lorraine sa direksyon ko. Imbes na kabahan sa kanya ay tinaasan ko siya ng kilay. Tipid din akong ngumiti. Ayos na rin siguro ang ginawa ni Peter. Kahit papaano’y sa ganitong paraan ay muli ko siyang nabakuran.
“AMEN!” sabay-sabay itong sinabi ng lahat nang matapos ang dasal. Nang maramdaman ko ang pagluwag ng hawak ni Peter sa kamay ko, binawi ko na ito. Pagharap niya sa akin ay inilagay ko ito kaagad sa likuran ko. Sa gilid ng mga mata ko’y nakita kong akmang magsasalita na siya—
“Ale e magsikain na ang lahat! ‘Wag niyong kalimutang maghugas ng kamay,” sabi ng isa sa mga nakatatanda sa ‘min na nagpabalik sa ‘kin sa wisyo.
Oo nga pala’t nagpapahabol ako. Kaya naman imbes na kausapin si Peter katulad ng intensyon niya, naglakad na ako papunta sa banyong pambabae at dito naghugas ng kamay. Kailangan niyang maramdaman na may distansya sa pagitan namin. Hindi pwede ‘yong isang lapit lang niya papalakpak na agad ang tainga ko.
Pagbalik ko sa kainan, bumilog ang bibig ko nang makitang nasa magkabilang gilid na ni Peter si Lorraine pati ang ibang babae sa isla. Ang bilis ng galawan nila. Pansin kong tahimik lang si Peter habang masayang nakikipag-usap sa kanya ang mga babae.
Napabuntong-hininga na lang tuloy ako sabay iling. Mukhang kahit kasi rito sa isla ay may itinuturing na heartthrob. Hindi naman na nakapagtataka dahil kahit sino mahuhulog sa mala artistahing itsura at tikas ni Peter na tila hango sa libro— at kapag mas nakilala pa, mas lalo itong kahanga-hanga. Paano na lang pala kung taga-Maynila si Peter? Paniguradong mas marami pang babae ang magkakandarapang kuhanin ang kanyang atensyon.
Inayos ko muna ang sarili. At imbes na bumalik sa dating pwesto, dumiretso ako sa lamesa kung nasaan sina Aling Dolores at Mang Cardo. Para makakain ng maayos ay sila ang mas magandang saluhan sa ngayon.
“Ala e bakit ka nandirito, iha? Bakit hindi ka kumain kasama ni Pete?” nagtatakang tanong ni Aling Dolores bago hanapin sa paligid si Peter.
Napanguso naman ako sabay hawak sa kanyang braso. “Ayaw niyo na po ba akong kasamang kumain?” tanong ko, kunwari’y nagtatampo.
Nagkatinginan naman ang mag-asawa at mukhang mas nag-aalala para sa akin. “Kukuha lang ako ng maiinom natin,” sabi ni Mang Cardo at iniwan muna kami ng asawa niya.
Imbes na magsimula nang kumain, ipinatong ni Aling Dolores ang kamay niya sa ibabaw ng akin. “Iha, hindi ko alam kung ano talaga ang pinag-awayan ninyong mag-asawa. Pero ang maipapayo ko lang sa iyo bilang nakatatanda, ngayong alam na ni Pete na nandito ka pa sa isla ay mag-usap kayo ng maayos.” Gusto ko rin naman ito pero tingin ko hindi pa sa ngayon…
Inihilig ko ang ulo ko sa balikat ni Aling Dolores bago nagsalita, “Alam ko naman ho. Humahanap lang ako ng timing. Natatakot po kasi ako na baka kapag nag-usap kami agad, mas lalo pang hindi maayos ang problema namin.” Baka wala pa rin kasing nagbago sa nararamdaman niya tungkol sa akin. Baka masaktan niya ako dahil dito at mas mapabilis ang pag-alis ko sa isla.
Binibigyan ko pa ng oras si Peter na magustuhan ako.
Bumuntong-hininga si Aling Dolores. “O sya, kumain na nga muna tayo. Walang problemang maaayos ng gutom,” biro niya na nagpangiti sa akin.
Sakto namang bumalik si Mang Cardo at nag-abot sa amin ng inumin. “Babalik ka na ba ga sa kubo ni Peter?” tanong niya na para bang mas excited pa para sa ‘kin. Siniko naman siya ni Aling Dolores. “Bakit? Hindi mo pa ba sinabi sa kanya na si Peter ang nag-ayang magsalo— aray!” Nagulat ako sa pagkurot ni Aling Dolores sa tagiliran ni Mang Cardo!
“Ikaw talaga! Kahit kailan, ‘yang bibig mo hindi mo gamitin sa tama,” untag ni Aling Dolores, para bang nabwisit sa asawa.
Napaisip na tuloy ako. Kaninang umaga pa sila ganito. Parang may hindi sila sinasabi sa akin. Tatanungin ko na sana sila nang pareho silang napatitig sa likuran ko. Lumingon na rin tuloy ako para makita kung anong tinitingnan nila.
Natigilan ako at napalunok nang makita si Peter na papalapit sa ‘kin. Malalim ang tinging ipinukol niya. Hinarap ko ulit ang mag-asawa pero nagulat ako nang maglaho sila. Pagbalik ko ng tingin kay Peter ay sobrang lapit na niya!
“Hello, kain tayo!” sobrang awkward na bungad ko kaya yumuko agad ako sabay pikit ng mariin.
Imbes na kausapin siya ay dumakot na agad ako ng kanin gamit ang kamay ko. Sinubo ko ito kasunod ng ulam na pinakamalapit dito. Nagsunod-sunod pa ito hanggang sa mapuno ang bibig ko. Ginawa kong abala ang sarili sa pagkain dahil kabado ako sa presenya ni Peter. Paano ako magpapahabol nito kung masyado akong apektado sa kanya?
Sa gilid ng mga mata ko, nakita kong nakatayo lang sa tabi ko si Peter. Hindi siya kumakain kaya ano pang ginagawa niya rito. Para siyang personal bodyguard kung umasta. Pinagtitinginan pa rin tuloy kami ng mga tao. Mabuti na nga lang at may iba silang napagtsismisan…
“Kamuntikan nang matuklaw ng cobra ang asawa ko pag-akyat niya ng bundok!”
“Aba’y talaga? Nahuli naman ba ga ‘yong ahas?”
“Ayun na nga. Hindi pa! Ang hula namin, namamahay iyon sa isang punong tinibag kamakailan lang. Kaya ‘wag muna kayong maglalalagi sa gubat. Mahirap na. Wala pa naman tayong malapit na ospital dito.”
“E buti nga sa atin ahas lang. Alam niyo bang sa kabilang isla, ang balita ko’y may kidnapper na dinakip ng mga awtoridad!”
Nasamid ako sa huling narinig. Agad akong inabutan ni Peter ng tubig na tinanggap ko at mabilis na inubos. Pasok sa kanang tenga, labas sa kaliwa lang ang lahat ng ibang tsismis. Pero nasamid ako nang marinig ang salitang kidnapper.
“Akalain niyo? Ang kapal ng mukha niyang mangidnap ng babae at pagkatapos ay sa isla niya itinago! Naku’t ‘wag lang sana rito mangyari ‘yan sa isla na ‘tin!”
Talagang hindi nila pwedeng malaman ang tungkol sa pagkidnap ni Peter sa akin noon!
Ubo pa rin ako ng ubo kaya huminto muna ako sa pagkain. Hinihintay kong mahimasmasan ako nang abutan ako ng panyo ni Peter. Napatitig ako sandali rito bago kinuha. “Salamat. Lalabhan ko na lang ‘to,” sabi ko para hindi magmukhang may utang na loob pa ‘ko.
Pinupunasan ko ang bibig ko nang magsalita pa si Peter. “Pwede ba tayong mag-usap?” tanong niya na nagpabalik ng atensyon ko sa kanya. Tatanggi sana ako ngunit nakita ko ang sinseridad sa kanyang mga mata. Kinagat ko ang ibabang labi ko bago tumango.
“Maghuhugas lang ako ng kamay,” sabi ko kaya naman sinamahan niya muna ako sa banyo.
Tiningnan ko ang sariling repleksyon sa salamin. Sa isip ko’y sinubukan kong kausapin ang sarili. Gusto kong bigyan ang sarili ng lakas ng loob kahit napanghihinaan ako sa tuwing bumabalik sa ‘kin ang pagiging si Wendy ko.
Paglabas ng banyo, naabutan kong naghihintay si Peter. Kita ko ang likod niya habang nakatanaw siya sa malayo. Tumatama pa sa kanya ang sikat ng araw, kala mo nasa pelikula. Animo bumagal ang oras, may kakaibang init akong naramdaman sa dibdib ko.
Pinanuod ko muna siya sandali bago lapitan. Kinalabit ko siya at pagharap niya sa ‘kin ay tipid akong ngumiti.
Naglaho lang ang ngiti sa labi ko nang makita ko ang pagbuntong-hininga niya na para bang nakahinga siya ng maluwag. Nangungusap ang mga mata, bahagyang umangat ang isang dulo ng labi niya. Nginingitan ako ni Peter?
“Maglakad-lakad tayo para bumaba ‘yung kinain ko,” suhestyon ko at nauna na. Paano’y baka mahalata niya ang pamumula ng pisngi ko.
Ramdam kong nakasunod lang sa likod ko si Peter. Tahimik at mabagal kaming naglakad pababa, papunta sa daungan. May ilang bangka rito pero walang ibang tao bukod sa amin. Marahil ay nasa kabilang isla sila o ‘di kaya nanananghalian din.
Huminto kami sa harap ng dagat kung saan tanaw ang hampas ng alon. Pumikit ako at huminga ng malalim. Napangiti ako dahil pa rin sa sariwang hangin. Kung pwede lang ito dalhin sa Maynila o ‘di kaya sa amin ay gagawin ko.
“Kumusta ka?” tanong ni Peter na nagpahinto sa kung anu-anong iniisip ko. Tumayo siya sa tabi ko pero pinili kong hindi alisin ang mga mata sa dagat nang sagutin siya.
“Okay naman,” simpleng sagot ko. Hindi ko alam kung interesado ba siyang malaman ang detalye o nagtatanong lang siya para maumpisahan ang pag-uusap.
Hindi ko inasahan nang magtanong pa siya ulit. “Kay Aling Dolores ka ba dumiretso pag-alis mo sa kubo ko?”
“Oo. Wala naman akong ibang kakilala rito.” Para namang hindi pa niya ito alam kung makapagtanong siya.
“Saan ka natutulog sa kubo nila?”
“Sa sala.” Saan ba niya ako gustong matulog? Sa banyo? Sa labas?
“Baka inubusan mo pa sila ng pagkain.”
Bumilog ang bibig ko sabay lingon sa kanya. “Anong akala mo sa ‘kin? Masiba?” reklamo ko. Magana lang naman kasi talaga ako kumain. “Tumutulong din kaya ako—” Natigilan ako nang mapansin ang bahagyang pag-angat ng isang dulo ng labi niya. Mukhang nang-aasar lang siya kaya ayan na naman siya sa pangiti-ngiti niya.
“Buti naman maayos ka,” sabi niya pero inirapan ko.
“Sus. Talaga lang? ‘Di mo na lang kasi sabihing na-miss mo ‘ko,” mahinang balik ko.
“Tama ka,” pagsakay ni Peter sa biro ko na nagpasalubong ng kilay ko.
“Anong ibig mong sabihin?” pagkumpirma ko dahil bawal ang assuming.
“Parte ka pa rin ng araw-araw ko, Briar.” Nahinto ako sa pag-iisip. Hindi naman ako nakalubog sa dagat pero para akong nalulunod sa lalim ng tingin ni Peter sa akin. “Akala ko makakayanan ko ang pag-alis mo rito. Dahil alam naman nating dalawa na iyon ang tama. Kaya lang sobrang hirap dahil—”
“Bro!” Naputol ang pagsasalita ni Peter dahil napalingon kami sa dagat kung saan may speedboat na paparating. May sakay itong lalaki na nakasuot ng sombrero at sunglasses. Kaway ito nang kaway sa direksyon namin.
Paghinto ng speedboat sa daungan ay agad siyang bumaba. Pinagmasdan ko siya mula ulo hanggang paa habang papalapit sa amin. Mukha siyang yayamanin dahil branded ang suot na striped polo, maong na shorts, at kahit tsinelas na libo-libo ang halaga. Kapansin-pansin din ang suot niyang alahas, animo nagbebenta nito.
Mukha siyang bakasyunista pero nakapagtatakang kilala ni Peter. Dire-diretso ang lakad niya papalapit sa ‘kin kaya naestatwa ako nang bigla niya akong niyakap!
“A beautiful beach like this calls for a beautiful lady, no doubt,” sabi nung dayong lalaki sa accent na mukhang nakapag-aral sa Amerika. Sabi na’t yayamanin nga siya.
Agad siyang hinila ni Peter papalayo sa akin. At dito sila seryosong nagharap. “Anong ginagawa mo rito, Nikolai?”
Nagpabalik-balik ang tingin ko sa dalawa. Napaisip kung sino ang Nikolai na ito dahil ‘ni minsan ay hindi ko pa naririnig ang pangalan niya sa isla.
Kabado ako dahil mukhang mag-aaway sila. Kulang na lang ay lightning bolt sa pagitan nila kaya papagitna na sana ako. Ayon lang ay biglang ngumisi si Nikolai at nakakagulat na nailing at nangiti na lang din si Peter. “Wala talagang nakakapigil sa ‘yo,” komento pa niya.
“Well, come on. It’s your fault in the first place. Kung sinasagot mo ba naman ang mga text at tawag namin. E ‘di sana wala ako ngayon dito sa day off ko?” balik ni Nikolai. Base sa pag-uusap nila’y mukhang matagal na silang magkakilala at malalim ang relasyon nila.
Nabalik ang tingin ni Nikolai sa direksyon ko. Bakit ba parang curious na curious siya sa ‘kin? “Siya ba si Elle?” Narinig kong bulong niya kay Peter.
Sumama tuloy ang timpla ko. Siya pa rin ba, Peter?
Umubo ng malakas si Peter. "Ah! Obviously, Briar. The woman who's taken my brother's heart captive these days,” paglilinaw ni Nikolai. “Gininaw ka ba sa sobrang cold ng puso niya?”
Nagkatinginan tuloy kami ni Peter; kapwa nanlalaki ang mga mata. Mabilis niyang inakbayan si Nikolai at hinila papalayo sa akin.
Naningkit naman ang mga mata ko habang pinapanuod ang dalawa. Bro? Ibig sabihin ba magkapatid sila? Tsaka anong captive? Ako nga itong kinidnap ni Peter—wait. Ibig bang sabihin, may feelings na rin si Peter para sa akin? Kasi bakit ganuon na lang ang sinabi ng kapatid niya?