‘Yung feeling na gusto mong magpahabol pero hindi ka hinabol?
Matinding pagkadismaya ang naramdaman ko nang makabalik sa kubong tinutuluyan ko pansamantala. Paano ba naman kasi’y hindi ako sinundan ni Peter pag-alis ko sa pa-swimming lesson nila. Nag-walk out pa man din ako pero mukhang walang effect sa kanya.
Bago pumasok sa kubo, napilitan akong lumingon sa pinanggalingan at tumingin sa paligid. Malinis – wala akong nakita kahit isang tao. Talaga ngang walang humabol sa ‘kin kaya napabuntong hininga ako sabay irap sa kawalan. Bakit pa siya nagpapansin kung ganuon? Kailangan ba talaga ako pa rin ang maghabol sa kanya?
Sabagay ay sino ba naman ako para sa kanya? Ako ang nagtapat ng nararamdaman ko. Kaya malamang, ako ang inaasahan niyang hahabol sa kanya. Pwes manigas siya.
Papasok na sana ako sa loob nang saktong bumukas ang pinto ng kubo. Bumungad sa akin si Aling Dolores na may bitbit na kaldero ng kanin. Agad nagsalubong ang kilay ko dahil dito.
“Bakit ilalabas niyo ho iyan?” nagtatakang tanong ko kasi sa loob naman kami karaniwang nanananghalian.
“Ala e gusto ng mga tao sa isla na magsalo-salo ngayong tanghalian!” masayang bulalas niya na nagpaawang ng labi ko. Kasunod lang ni Aling Dolores si Mang Cardo na may dala namang lalagyan ng ulam.
Hindi ko alam na may ganito palang ganap sa isla. Sabagay ay hindi na dapat ako magtaka na para silang isang malaking pamilya rito lalo na’t hindi naman ganuon karami ang naninirahan sa islang ito.
“Kumusta ang swimming lesson, iha?” nakangising tanong ni Mang Cardo; nagtaas-baba pa ang kilay. Mukhang nakarating na rin sa kanya ang tungkol sa pinuntahan ko.
Mapait ang panlasa ko nang sumagot. “Mukhang ‘di ho talaga para sa akin ang paglangoy.” Tumawa ako ng mahina sabay hawak sa batok. Nagkatinginan agad ang mag-asawa na mukhang nag-aalala para sa akin.
“Akala ko ba ga’y gusto ni Pete mapalapit—”
“Ay naku Cardo! Mahuhuli na tayo!”
Nagsalubong ang kilay ko dahil hindi naunawaan ang huling sinabi nina Aling Dolores at Mang Cardo. Pero dahil nagmamadali sila ay hindi na ako nangulit pa.
Sumunod na ako sa mag-asawa at napagtantong papunta sila sa events area; doon kung saan din ginanap ang birthday celebration ni Aling Dolores. Naabutan namin ang ibang residente na nag-aayos na rin dito. May kanya-kanya silang dalang pagkain tulad namin. Lahat ay mukhang excited sa salo-salo na ito—
“Hindi ba’t siya ‘yong asawa ni Pete?”
“Totoo ngang nandito pa siya sa isla!”
“Ano nga ulit ang pangalan? Akala ko ba’y naglayas siya?”
Dahil na rin maliit lang ang lugar, madali kong narinig ang bulung-bulungan ng ilang residente rito. Partida at nasa likuran ko lang sila. Hindi na sila nahiya. Napabuntong hininga ako nang mapagtantong kahit saan, hindi talaga nawawala ang mga tsismosa.
Kung noon ay iniiwasan ko lang ang ganitong klase ng tao habang nanliliit ako sa isang sulok, iba ang pinili kong gawin ngayon bilang si Briar.
“Hello po mga ate!” bungad ko sabay lingon sa kumpol ng tao. Inakbayan ko pa ‘yong dalawa sa magkabilang gilid ko na halos mapatalon sa ginawa ko. “Tama po kayo, ako nga si Briar, asawa ni Peter. Na-miss niyo ba ‘ko? Don’t worry po, hindi naman ako naglayas. Nagpalamig lang,” dagdag ko pa. Halatang hindi nila inasahan ang pagsagot ko.
Alam ko namang pag-uusapan ng mga tao ang bigla kong pagkawala at pagbalik sa isla. Lalo na’t may kinalaman ito kay Peter na minsan na ring iniwan ng babaeng mahal niya. At kahit inihanda ko na ang sarili, may kaba pa rin sa loob ko na hindi ko basta maiaalis.
Nagkatinginan silang lahat, hindi alam kung anong gagawin at sasabihin. Tumawa ng mahina ang iba hanggang sa nadamay na lahat. “Welcome back, Bra!” nag-aalangang bati nila.
Ngumisi naman ako hanggang sa halos naging guhit na lang ang mga mata ko. “Kung may gusto ho kayong sabihin sa ‘kin, lapitan niyo lang ako. Happy lunch!” sabi ko na lang bago humiwalay sa kanila dahil kung tutuusin, hindi ko talaga sila gustong kausapin.
Lumapit na ako kina Aling Dolores na agad nagtanong sa ‘kin, “Ayos ka lang ba, iha? Kung hindi ka pa kumportable rito, sa kubo na lang tayo kumain,” puno ng pag-intinding bulong niya.
Tipid akong ngumiti. “Okay lang po ako. Game ako rito,” simpleng balik ko sabay thumbs up. Ayaw ko naman kasing sila pa ni Mang Cardo ang mag-adjust para sa akin. Ako na nga itong nang-aabala sa kanila.
Tumulong na ako sa pag-aayos ng hapagkainan: Pinagdikit-dikit namin ang mga lamesa at nagkaroon ng dalawang long table; pinatungan ang mga ito ng kulay light blue na tela bago nilagyan ng dahon ng saging; at noong ibinuhos dito at ipinalibot sa lamesa ang lahat ng kanin sa kaldero, tsaka ko naunawaang gusto nilang magkaroon ng boodle fight.
Napalunok ako nang ilagay nila sa gitnang bahagi ang sariwa at masasarap na seafood tulad ng tilapia, hipon at alimango. May mga gulay din tulad ng talong at okra, pati na rin kamatis at itlog na maalat. Mukhang may idadagdag pang mga inihaw dahil nakita kong nag-iihaw sa malapit. Kahit papaano’y nakalimot ako sa mga problema nang makita ang mga pagkaing ito.
Noong patapos na kami sa pag-aayos ay nagsidatingan na ang iba pang mga taga-isla. Hinigit ko ang hininga ko nang makitang kabilang na rito ang mga nakasama ko sa swimming lesson noong umaga. Hindi ko agad naisip na malamang ay kasama sila rito. Agad kong hinanap si Peter kahit na paharang-harang sa harapan ko ang mga kaibigan niya. Nakita ko na si Lorenz pero hindi niya kasama si Peter.
“Kaya pala umalis agad, inuna ang kasibaan,” may kalakasang komento ni Lorraine na nagpatawa sa mga kasama niya.
Alam kong ako ang kanyang pinaparinggan pero hindi ako nagpaapekto – I just didn’t want to give her the satisfaction. Sigurado naman kasi akong ang puno’t dulo ng kanyang galit ay selos at inggit. Hindi pa rin niya matanggap ang pagkakaalam niyang relasyon namin ni Peter. Now, it’s either she's truly concerned as a friend or secretly disappointed to be just a friend.
Bukod kay Reese ay mayroon pa silang ibang kasama. Nasa apat din sila ngayon na lahat ay nakita ko kanina. Wala na silang kailangang gawin dito dahil nakaayos na ang lahat. Kaya naman pumwesto na lang sila sa hapagkainan.
Ngunit mukhang nananadya talaga, kung saan ako nakatayo ay talagang dito pa sila dumiretso. Siniksik nila ako hanggang sa mapilitan akong umalis. Wala namang problema at marami akong malilipatan. Huminga ako ng malalim at nagdesisyong lumipat sa kabilang lamesa.
“Sandali. Padala na rin nito. Tutal nagsisipag-sipagan ka naman na. Sagarin mo na,” sabi ni Lorraine sabay abot sa akin ng pinaglagyan ng ulam na naiwan sa lamesang inagaw nila.
Pinagdikit ko ang labi ko; sinubukang pigilan ang sarili makapagsalita ng masama. Pero sa huli ay nanaig ang kagustuhan kong ito nang kuhanin ang inaabot niya. “Okay. Tulungan na kita. Pero kailan ka ulit magbabait-baitan? Kapag kaharap mo na ang asawa ko?” balik ko kaya nanlaki ang mga mata niya. Namula ang mukha niya lalo na nang magbulungan ang dalawa sa kasama niya.
“Mag-ingat ka sa mga sinasabi mo! Anong gusto mong iparating? Kabit ako?” Muntik na akong matawa sa itinawag ni Lorraine sa kanyang sarili.
“Oy grabe ka naman sa sarili mo. Wala akong sinabing ganyan,” mapang-asar kong saad. At mukhang kung gaano siya kagaling mang-asar ay ganuon din siya kadaling mapikon.
Tinalikuran ko na sila at naglakad papunta sa kabilang lamesa. Ayon lang ay napasinghap ako sa biglang pagtulak sa ‘kin galing sa likuran. Muntik na akong masubsob sa sahig kung hindi ako mabilis na nasapo ng braso mula sa harapan. Itinayo ako nito ng maayos at pagtingin ko kung sino ito’y napigil ang paghinga ko.
Paano’y si Peter na pala ito!
Nagkatinginan kami sandali, bakas ang pag-aalala sa kanyang mga mata, bago niya ibinaling ang seryosong tingin sa likuran ko. Sinundan ko ito at nakita ang pagkunot ng kanyang noo habang nakatingin kina Lorraine. Agad akong tinuro ng babaeng ito.
“Siya ang may kasalanan! Babalik-balik siya rito tapos pagbibintangan akong kabit mo!” sigaw ni Lorraine, parang batang nagsusumbong na inagawan siya ng candy. Inirapan ko siya sabay iling. Pansin kong tumigil na ang ibang residente ng isla at nakiusyoso sa nangyayari. Mukhang bago pa man kumain ng tanghalian ay busog na sila sa tsismis.
At dahil alam kong mag-isa lang ako sa laban, ipagtatanggol ko sana ang sarili nang maunahan akong magsalita ni Peter, “Hindi pa rin ‘yan dahilan para saktan mo ang asawa ko.”
Hinigit ko ang hininga ko sa pagtawag niya sa ‘king asawa, higit pa sa pagtatanggol niya sa ‘kin. Nagkagulo ang mga paruparo sa tyan ko habang nagpaulit-ulit sa isip ko ang bigat ng pagbigkas niya ng bawat salita.
“Bakit ba ipinagtatanggol mo pa siya? Pareho lang naman sila ni Elle. Pareho lang silang walang kakuntentuhan sa buhay at nang-iiwan!” mangiyak-ngiyak si Lorraine; tila hindi pa sapat ang pagkapahiya para matauhan.
Gusto ko na sana itong kutusan nang magsalita pa ulit si Peter, “Magkaiba sila ni Elle.” Natigilan ako at napayuko. Napaisip ako kung pabor na naman sa kaibigan ko ang ibig niyang iparating. Magkaiba kami ni Elle dahil mas okay si Elle— “Hindi niya ako iniwan.”
Napaangat ako ng ulo sabay tingin kay Peter. Lumingon din siya sa akin at nakita ko ang nangungusap niyang mga mata. Dito sandaling bumagal ang oras. Para bang kami lang ang tao sa isla. “Nagkamali ako ng akala tungkol sa kanya. Kaya hindi niyo rin siya dapat husgahan,” dagdag pa ni Peter. Pwede ko na kaya itong bigyan ng ibang kahulugan ngayon?
“Peter! Buti naman at nandito ka na!”
Naputol ang pagtitinginan namin ni Peter sa biglang pagdating ni Aling Dolores. Nag-iwas ako ng tingin sabay ayos ng sarili. Naririnig ko ngayon ang malakas na kabog ng dibdib ko. Bigla ring uminit sa paligid kaya ipinaypay ko ang kamay ko.
“Nagdala ho ako ng mga sariwang prutas,” sabi ni Peter at dito ko nakita ang dala niyang basket na inabot niya sa ibang nag-aasikaso ng tanghalian.
Hindi na ako naghintay pa sa kanilang pag-uusap at itinuloy ang paglipat ng lamesa. Pagpwesto ko rito ay nagkatinginan pa kami ni Lorraine na ngayon ay mas lalong nanlilisik ang mga mata sa akin.
Sumunod sa akin sina Aling Dolores at Mang Cardo. Nasa iisang gilid ko sila, katabi ko si Aling Dolores. Dahil nakahanda na ang lahat ay sumunod na rin ang iba pang residente ng isla. Nakiramdam na lang ako at muling bumigat ang paghinga nang tumayo sa tabi ko si Peter.
“Kung nandito ka para umiwas sa tsismis, hindi na kailangan,” sabi ko sa kanya, para naman magkaroon ako ng mas malinaw na ideya sa kanyanag intensyon sa pagdikit-dikit at pagtatanggol sa ‘kin.
May tumayong residente at nagsimulang magdasal. Pagsasalikupin ko na sana ang mga kamay ko nang unahan ako ni Peter!
Ayos lang naman sana. Pero imbes kasi na mga kamay lang niya ang pagsalikupin para magdasal, nasa pagitan ng mga kamay niya ang kamay ko!
What does this even mean, Peter?!