Chapter 24 (Part 1)

2318 Words
“Bakit nandito ka?” mariing tanong ni Peter, bawat salita ay tila patalim na bumaon sa dibdib ko. Pagkatapos niya akong lagpasan kanina noong nasa daungan kami at pinapanuod ng maraming tao, hindi ko inasahang pupuntahan pa niya ‘ko. “Kasi gusto ko rito sa isla,” simpleng sagot ko. Hindi ko mabasa ang ibig sabihin ng tanong niya. Ayaw ko rin itong bigyan ng sariling kahulugan. Kaya naman nagkunwari akong hindi apektado sa kanyang presensya. “Maganda ang tanawin, masarap ang mga pagkain—” “Hindi ba’t sumama ka na kay Elle?” pagputol niya sa ‘kin. Ninenerbyos ako sa lalim ng tingin niya pero nagawa ko pa rin siyang tingnan ng diretso. “Hindi ako sumama. Kaya nga ako nandito e. Disappointed ka ba?” sarkastikong balik ko na nagpaigting ng kanyang panga. “Umalis ako sa kubo mo katulad ng gusto mo. Pero hindi ibig sabihin aalis din ako ng isla,” dagdag ko pa. Malakas ang loob kong magdahilan ng ganito dahil hindi naman kanya ang isla. Natahimik si Peter. Pansin ko ang mabigat niyang paghinga. Pinagdikit niya ang kanyang labi, napahawak ang isang kamay sa beywang bago tumingin sa malayo. “Ibig sabihin… nandito ka lang buong Linggo?” may pag-aalinlangan niyang tanong. Para bang dismayado ang boses. Dismayado ba siya dahil gusto niya akong makita noon tapos nandito lang pala ako o dahil ayaw nita talagang nandito ako? “Noong araw na umalis ako sa kubo mo, pinatuloy ako nila Aling Dolores,” sagot ko. Sinubukan kong hindi magpadala sa emosyon. Binalot kami ng katahimikan sa paglipas ng ilang minuto. Naalala ko ang nangyari kanina sa daungan kaya hindi ko napigilang magkomento. “Mukhang may lakad ka ah. Hindi na tuloy?” “I no longer have a reason to leave this island,” malamig niyang sagot sabay tingin sa ‘kin. Nagsalubong naman ang kilay ko. Hinintay ko kung may sasabihin pa siya pero muli na naman siyang nanahimik. Ang hirap pa rin niyang espelengin kahit kailan. “Kung wala ka nang gustong sabihin, papasok na ‘ko,” sabi ko na lang tuloy. Tinalikuran ko na si Peter at akmang bubuksan ang pinto ng kubo nang may pahabol pa siya. “Bumalik ka na sa kubo ko.” Hinigit ko ang hinininga ko. Hindi ko inasahang sasabihin niya kaagad ito. Sasagot na sana ako nang maunahan niya ‘ko, “‘Wag mo nang idamay ang ibang tao sa problema natin,” seryoso niyang saad. Bumagsak ang tingin ko sa sahig; bahagyang umangat ang isang dulo ng labi. Na-anticipate ko na kasing pababalikin niya ako sa kubo niya dahil ayaw niyang makaabala ako kina Aling Dolores. “Problema natin?” mapanuyang tanong ko sabay tingin sa kanya at taas ng isang kilay. “From what I can remember, wala naman ng problema. You wanted me gone from your place, and I left. It was that simple. Tsaka, don’t worry, tingin ko naman walang problema sina Aling Dolores sa pagtira ko sa kanila. Kung ano man ang setup namin ngayon, labas ka na roon.” Nakita ko ang magkahalong pagkabigla at pagtataka sa mukha ni Peter, halatang hindi makapaniwala sa mga sinabi ko. He probably thought that if he opened his arms to me, I'd just rush into them immediately. Nakalimutan yata niyang hindi ako ganuong klase ng babae at wala kami sa fairy tale. Ipinatong ko ang isang kamay ko sa ibabaw ng kanyang balikat kaya napatingin siya sa ‘kin. Nang masigurado kong nakatitig kami sa mga mata ng isa’t isa ay tsaka ako nagsalita, “‘Wag kang mag-alala, hindi ikaw ang dahilan kung bakit nandito ako sa isla.” Nagawa kong tipid na ngumiti sa kanya bago siya tuluyang tinalikuran. Pumasok na ‘ko sa loob ng kubo nang ‘di siya nililingon. Alam kong sampal ang huli kong sinabi pero sinadya ko itong ipaalam kay Peter. Parte ito ng plano ko kahit alam kong posibleng ‘di siya maniwala. Dalawa ang dahilan kung bakit: una, ayaw kong ma-pressure siya ngayong alam niyang nandito pa rin ako sa isla; at pangalawa, gusto kong mabawasan ang kumpyansa niya sa sarili tungkol sa feelings ko para sa kanya. Tingin ko ay makakatulong ang mga ito para makapasok ako sa buhay niya at magkaroon ng permanenteng lugar dito. *** Kinumusta ako nina Aling Dolores at Mang Cardo pagkagaling ko sa daungan. Nag-aalala sila dahil narinig nila ang nangyari mula sa ibang taga isla. Mabilis lang talaga ang balita rito dahil maliit lang ang lugar at lahat ay magkakakilala. Sinabi ko naman na ayos lang ako pero hindi na ako nagbigay pa ng ibang detalye. Katulad ng dati, pinalipas ko lang ang araw sa loob ng kubo. Tumulong ako sa pagluluto at pag-aasikaso sa bahay dahil ayaw ko rin naman talagang maging pabigat dito. Kung tutuusin, nahihiya rin ako sa mag-asawa. Pero wala lang kasi akong ibang malalapitan dito bukod sa kanila. Sa sala ako natutulog kaya kinabukasan, ako ang unang nagising ng pagkatok sa pinto ng kubo. Mabigat ang talukap, kinukusot ko ang mga mata ko nang maglakad papunta sa pinto. Halos nakapikit pa ako nang buksan ito. At nang saktong humikab ako, nanlaki ang mga mata ko nang makita sa harapan ko si Peter! Mabilis kong sinarado ang bibig ko. Blanko ang mukha, magsasalita sana siya pero sunod ko ring isinarado ang pinto. Sumandal ako rito at ngayon ay daig ko pa ang binuhusan ng malamig na tubig. Bakit kasi nandito si Peter sa kubo nina Aling Dolores ng ganito kaaga?! “Bra, sinong tao?” tanong ni Aling Dolores na naghihikab din paglabas ng kwarto. Kasunod lang niya si Mang Cardo. Mukhang tulad ko’y inaantok pa sila. Kakasikat pa lang kasi ng araw pero kung makapang-istorbo si Peter ay wagas. “Si Peter ho. Pero ‘wag po kayong mag-alala, paaalisin ko na rin siya kaagad,” sabi ko sa mag-asawa. Inihilamos ko ang dalawang kamay sa mukha, siniguradong wala akong muta. Pagsuklay at paghawi ng buhok papalikod ay tsaka ko muling binuksan ang pinto. “Bakit nandito ka na naman?” medyo nagtataray kong tanong kay Peter. Humalukipkip ako sabay taas ng isang kilay. “May hindi ba malinaw sa naging pag-uusap natin kahapon?” tanong ko pa. Pero hindi katulad kahapon ay mas maaliwalas ang awra ni Peter. Para bang nakatulog at nakapagpahinga siya ng maayos. Pagsinghot ko nga’y nakaamoy ako ng pabango na palagay ko’y galing sa kanya. Kung makaasta ay kala mo aakyat ng ligaw. “May bagong proyekto ang Cole’s Cove. Swimming lessons para sa mga bagong residente ng isla,” pormal na sagot ni Peter. Medyo uminit tuloy ang pisngi ko dahil iba pala ang kailangan niya. Hindi na lang ako nagpahalata. “Thank you pero hindi kami interesado,” sabi ko kaagad at isasarado sanang muli ang pinto nang pigilan niya ‘ko. “Mandatory ito sa mga bagong residente. Optional sa mga matagal nang nakatira rito. Kung ayaw mong sumunod, may bangka ngayong babyahe papunta sa kabilang isla. May masasakyan ka roon pabalik ng Maynila,” mapanubok niyang saad na nagpaawang ng labi ko. “Paano ako makakasiguradong totoo ang sinasabi mo? Hindi naman ikaw ang may-ari ng islang ‘to,” sabi ko dahil kung makaasta siya, para bang siya ang batas dito. Mula sa likod ko’y nagsalita si Aling Dolores. “Ay iha, nakatanggap kami ng sulat kagabi! Totoo ang sinabi ni Peter. Hindi na namin nasabi sa ‘yo ni Cardo dahil maaga kang nakatulog.” Maiinis pa sana ako at magpoprotesta pero naisip kong tingnan ang positive side ng sitwasyon namin. Swimming lesson with Peter? Hindi naman na ito bago. Gusto ko rin siyang makasama. Pwede akong magkunwaring napipilitan kahit ang totoo’y gustong-gusto ko naman ito. Magandang opportunity din ito para magkalapit kami. “Fine. Susunod na lang ako,” kunwari’y dismayadong saad ko. Maghihilamos at magpapalit muna ‘ko ng panlangoy. “Kailangan kitang hintayin…katulad ng iba,” sabi pa ni Peter. Ayos na sana pero may isinunod pa siya. Napairap na lang tuloy ako sa kawalan bago tipid na ngumiti. *** Hindi ganuon katirik ang sikat ng araw habang naglalakad kami ni Peter papunta sa tabing dagat. Mabuti at maganda ang panahon. Kaya naman payapa lang kami habang magkasama kahit walang nagsasalita. Nag-assume ako na kaming dalawa lang ang tao rito, umaasang ‘di totoo ang swimming lesson at dahilan lang niya ito para masolo ako. Pero mukhang nagkamali na naman ako. Bukod kasi sa akin, nakita ko ang barkada niya pati na rin iba pang mga kabataan na naghihintay sa ‘min. Tumayo ako sa tabi nina Reese at Lorraine kahit na halatang hindi sila natuwang makita ako. “Akala ko ba para ‘to sa mga residente ng Cole’s Cove? Bakit may sumamang dayo?” tanong ni Lorraine sa kaibigan niya na alam kong parinig lang naman sa akin. Pero umay na kasi ako rito. Kaya imbes na pakinggan ang pagtsi-tsismisan nila tungkol sa akin ay itinuon ko ang pansin sa harapan. Nakatayo rito sina Lorenz at Peter. Nag-uusap sila at mukhang silang dalawa ang magtuturo sa lahat mag-swimming. Mukhang seryoso talaga ang Cole’s Cove sa proyektong ito. Kahit papaano’y may alam naman na ‘ko sa paglangoy dahil kay Peter. Sadyang minsan ay napangungunahan lang talaga ako ng takot. “Lahat naman tayo nakatanggap ng sulat galing sa owner ng Cole’s Cove, ‘di ba?” panimula ni Peter. Inilibot niya ang mga mata sa paligid bago huminto sa ‘kin. Sumagot naman ng ‘oo’ ang lahat pwera sa ‘kin. Wala talaga kasi akong alam tungkol dito. Uso pa pala ang sulat? “Good! For sure, mayroon sa ‘tin dito na sanay nang lumangoy. Pero sisimulan natin ang klase ngayong umaga sa basics para sa iba na hindi pa sanay…” Nagkaroon sila ng maigsing introduction tungkol sa paglangoy sa dagat. Pinaintindi nila ito ng mabuti sa lahat pati na rin ang mga paraan kung paano ito dapat respetuhin. “Kailangan muna nating maging kumportable sa dagat. Kaya bibigyan namin lahat ng ilang minuto para lumublob dito at maging kumportable sa pagtaas-baba ng alon. Kailangan ito para mabuo ang tiwala niyo sa dagat,” paliwanag pa ni Peter – at katulad kanina, sa akin pa rin huminto ang tingin niya. Alam kong may plano ako sa kanya, pero wala akong ideya kung anong plano niya. Balak pa rin kaya niya akong paalisin sa isla kaya niya ginagawa lahat ng ‘to? Nag-iwas naman ako ng tingin nang sundin ang sinabi niya. Siguro ay nasa sampung tao kaming lumublob sa dagat. At dahil nga nagawa ko na ito noon, hindi na ako masyadong kinakabahan. Ginaya ko ang iba at pinakiramdaman lang ang alon. Sinigurado ko nga lang na nakakapa pa ng mga paa ko ang buhangin at mga bato sa lapag. May trust issues pa rin kasi talaga ako pagdating sa dagat. Ilang sandali lang, napansin ko ang paglublob nina Peter at Lorenz katulad namin. May inasikaso si Lorenz na ilang participants, samantalang pansin ko namang papalapit si Peter sa direksyon ko. Agad bumilis ang t***k ng puso ko nang makita ang diretso niyang tingin sa ‘kin. Parang dahil matagal din kaming ‘di nagkasama, mas lalong tumindi ang nararamdaman ko para sa kanya. “Pinupulikat yata ako,” sabi ni Lorraine ‘di kalayuan sa ‘kin. Tuloy ay naagaw niya ang atensyon ni Peter. Imbes na dumiretso sa akin ay lumihis pa ito ng landas. Hindi ko napigilang mainis dahil sa nangyari. Alam kong sinadya ito ni Lorraine – pero hindi ko sigurado kung sinadya rin ba ito ni Peter. Gusto ba niyang makita ko ito para magselos ako at umalis? Parang may pumiga sa puso ko nang makita ang paghawak ni Peter sa braso ni Lorraine! Nag-iwas ako ng tingin nang makitang magyayakapan pa sila sa harapan ko. “Floating naman tayo. Sinong gustong mag-volunteer na mauna? Susuportahan ko naman.” Narinig kong sinabi ni Lorenz. Agad akong nagtaas ng kamay. Nakita na niya ako pero tumingin pa siya sa iba. Mukhang nag-aalangan siyang piliin ako kaya tuloy naglakad na ako papalapit sa kanya. Pansin ko ang pagsulyap ni Lorenz sa bandang likuran ko. Sinundan ko ang tingin niya at nakita ang matalim na tingin ng kaibigan niyang si Peter sa kanya. Hindi na nito hawak si Lorraine, magkaharap na lang sila dahil mukhang umayos na ito kaagad. “Paanong gagawin?” tanong ko kay Lorenz, kunwari’y walang ideya sa nangyayari. Inuna ni Peter ang ibang babae, tingin ba niya ay hindi ko ito kayang gawin pabalik? Walang nagawa si Lorenz kung hindi turuan ako. Lumayo kami sa tabig dagat hanggang sa halos nakatingkayad na ako. Nakahawak naman ako sa braso niya dahil sa takot. “Unang-una sa lahat, kailangan niyong mag-relax. Hinga ng malalim…” Ginawa ko lahat ng mga sinasabi ni Lorenz. I leaned backward horizontally, keeping my face above the water. Ibinuka ko ang mga braso at binti ko, parang starfish. At naramdaman ko naman ang kamay ni Lorenz sa likuran ko na nakaalalay the whole time. Nakita ko pa si Lorenz bago ako pumikit at nag-relax. Kailangan kasi talaga ito para manatili akong nakalutang. Mabuti at hindi ganuon kalakas ang alon kaya naman hindi ako masyadyong kinakabahan. Maya-maya, nang idilat ko ang mga mata, parang nalaglag ang puso ko nang bumungad ang mukha ni Peter! Nawala ako sa concentration at sumabay pa ang pagdaluhong ng malaking alon. Tuloy ay lumubog ako. Napilitan akong maghanap ng makakapitan at nang imulat ko ang mga mata’y binalot ng kahihiyan ang buong katawan ko. Paano’y nagmukha akong lintang nakakapit kay Peter. Nakapulupot ang mga binti ko sa kanyang beywang, ang mga braso ko naman ay nasa leeg niya. Ilang segundo rin ang lumipas bago ako bumitiw sa kanya. "Guess I can't really trust the sea,” mapait kong saad bago nag-ayos ng sarili at naglakad paahon. Ikaw naman ang maghabol, Peter.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD