Hindi ako sigurado kung saan papunta ang pagsunod ko kina Peter at Lorraine. Hindi naman kami totoong mag-asawa pero para akong baliw na nakabuntot sa dalawa. Umabot na sila sa harap ng kubo ni Peter nang mapilitan akong magtago sa likod ng malaking puno ‘di kalayuan dito. Lumingon kasi si Lorraine, animo nakaramdam na may sumusunod sa kanila – o masyado siyang guilty dahil may binabalak siyang masama.
Nagdadalawang-isip pa akong magpakita sa kanila. Syempre natatakot akong masira ang plano ko. Pero natatakot din akong may mangyari sa dalawa kapag wala akong ginawa. Baka mas lalo ko itong pagsisihan pag nagkataon.
My heart was racing so hard against my chest. I could barely breathe as I watched both of them. Nang maglakad sila papunta sa pinto ng kubo, muntik nang bumagsak si Peter. Mabilis siyang hinawakan ni Lorraine kaya parang magkayakap sila ngayon. Kinuyom ko ang mga palad ko dahil dito. Nagtiim-bagang din ako kahit mabilis na tumayo ng maayos si Peter.
Paano’y gusto ko sana siyang tulungan pero si Lorraine ang nasa tabi niya at nakaalalay sa kanya. Why does he have to drink so much when he clearly can't handle it?
Binuksan ni Lorraine ang pinto ng kubo. At parang sinaksak ako sa dibdib nang makitang pagpasok ni Peter dito ay sumunod din siya sa loob. Mukhang kahit sinong babae ay madali lang makapasok dito kaya pumait ang panlasa ko.
Alam ko namang nagpapanggap lang kaming mag-asawa. Pero alam din ni Peter ang totoong nararamdaman ko para sa kanya. Kaya sana naman, kahit papaano, maalala niya ito. Umaasa pa rin akong hindi siya basta gagawa ng bagay na pwedeng makasakit sa ‘kin.
Naghintay ako ng ilang segundo bago naglakad papalapit ng kubo. Kailangan kong makasiguradong paghatid lang talaga ang gagawin ni Lorraine. Nakita ko namang wala sa wisyo si Peter, kaya natatakot akong baka may gawin siya rito ngayon.
Naglakas-loob akong lumapit sa pinto, pinakinggan ko ang nangyayari sa loob. Noong una ay bukod sa alon ng dagat at tunog ng mga kuliglig ay wala akong ibang marinig. Huminga ako ng malalim at itinuon ng mabuti ang pansin sa kubo. Mula sa malakas na t***k ng puso ko at mabigat na paghinga, unti-unting naging malinaw sa ‘kin ang boses galing sa loob.
“Ano bang mayroon sila na wala ako? Dahil ba taga isla lang ako kaya hindi mo ako magustuhan?” boses ito ni Lorraine. Hinigit ko ang hininga ko dahil sa pagtataas niya ng boses, para bang nakikipagtalo kay Peter. Hindi ko maisip kung paano sila nauwi sa ganitong pag-uusap. “Bakit ‘di ka pa nadala kay Elle? Pumatol ka pa ulit kay Briar – e pangalan pa lang niya hindi na tatagal sa isla!”
Nanlaki ang mga mata ko sa komento ni Lorraine. Ano bang kasalanan ng pangalan ko sa kanya at dinadamay niya?!
Nang magkaroon ng sandaling katahimikan, papasukin ko na sana ang kubo. Ayon lang ay natigilan ako nang marinig si Peter.
“Umalis ka na. ‘Wag ka nang magpapakita ulit sa harapan ko.” Hindi ako sigurado kung tama ako ng intindi. Pero katulad ng dati ay seryoso at malamig ang kanyang boses. Kung ako ang sinabihan niya ng mga salitang ito’y kikilabutan ako.
“Sinasabi ko sa ‘yo Peter, walang pinagkaiba ang dalawang ‘yon. Mamumuti lang ang mga mata mo sa paghihintay sa kanya,” sabi pa ni Lorraine na nagpaikot ng tyan ko. Nang marinig ko ang mga yabag niya, mabilis akong nagpunta at napatago sa gilid ng kubo malapit sa duyan. Napahawak ako sa dibdib nang makita ang padabog niyang paglabas sa kubo ni Peter. Mukhang pumalya kung ano mang binabalak niya.
Nang makita kong nakalayo na si Lorraine, tsaka ako naglakas-loob silipin si Peter. Dahan-dahan akong pumasok sa loob ng kubo. Binalot ko ang katawan ko ng jacket at tinakpan ang mukha gamit ang hat. Una akong tumingin sa sala dahil dito ko siya karaniwang nakikita noon, ayon lang ay bakante ito.
Kaya naman napilitan akong maging maingat habang inililibot ang mga mata sa paligid ng kubo. May tunog ang bawat hakbang ko dahil gawa lang ang sahig sa kawayan. Sana lang, sa kalasingan ni Peter, ay hindi na niya ito mapansin pa.
Gusto ko lang naman makasiguradong ayos si Peter bago ako bumalik sa bahay nina Aling Dolores. Para naman makatulog na ‘ko ng maayos. Sa loob kasi ng isang Linggo na hindi kami magkasama, mababaw lang ang tulog ko. May mga nakakatakot pa akong panaginip.
Nakita kong nakabukas ang kwarto kung saan ako nanatili noon kaya rito ako dumiretso. Sumilip muna ako sa awang ng pinto at dito nakakita ng mga binti. Nang buksan ko pa ang pinto, nakita kong nakahiga siya si Peter sa kama, nakadapa siya at mukhang bagsak ang katawan dahil sa kalasingan.
Pumasok ako sa loob at dito siya pinagmasdan. Kahit likod lang niya ang makita ko ay nalulungkot na ako ng sobra. Sana ganito siya ngayon dahil sa ‘kin. Kasi kung si Elle pa rin ang hinihintay niyang bumalik… hindi ko alam kung hanggang kailan ko pa kayang ipagsiksikan ang sarili.
Tumalikod na ako, palabas na ng kwarto nang may kamay na humawak sa kamay ko. Nanigas ako sa kinatatayuan dahil dito. Mukhang bistado na kasi ako.
“Hindi totoo ang sinabi ko sa ‘yo,” namamaos ang boses ni Peter. Hindi ako sigurado kung sino ang tingin niyang kausap niya ngayon. At kung ako man, sa dami ng mga sinabi niya sa ‘kin, hindi rin ako sigurado kung ano rito ang tinutukoy niya.
Pero nanatiling tikom ang bibig ko. ‘Ni hindi rin ako nagtangkang gumalaw. Naramdaman ko na lang ang paghila niya ng kamay ko at pagdikit nito sa kanyang pisngi. Basa ito at dito ko narinig ang pagsinghot niya. Umiiyak si Peter. Umiiyak siya at hindi ako sigurado kung ano ang dahilan. Pero kahit ano pa ang sagot, parang binibiyak ang puso ko dahil dito. Hindi ko maatim makita siyang nagkakaganito lalo na’t parang siya ‘yong tipong walang kinakatakutan sa buhay.
Hinayaan ko lang si Peter umiyak. Ilang minuto rin ang itinagal nito. Nang lumuwag ang pagkakahawak niya sa kamay ko ay tsaka ako lumingon sa kanya. Nakita kong nakatulog na siya. Bahagya akong lumapit sa kanya at pinunasan ang basang pisngi niya. Pinagmasdan ko pa sandali ang mukha niya bago siya marahang ginawaran ng halik sa pisngi.
Aalis na sana ako pero nagdalawang-isip ako nang makita ang itsura ni Peter. Hindi ko maatim iwan siya ng basta. Kaya naman huminga ako ng malalim at mabilis na kumilos. Inalisan ko siya ng suot na sapatos at jacket. Naging maingat ako sa takot na magising siya. Pagkatapos, kumuha ako ng basang bimpo at pinunasan ang kanyang mukha, mga braso at kamay. Sana kahit papaano ay guminhawa ang pakiramdam niya sa ganitong paraan. Nag-iwan na rin ako ng baso ng tubig at gamot sa lamesa katabi ng kama.
“Bigyan mo lang ako ng pagkakataong makapasok sa buhay mo, sisiguraduhin kong hindi ka magsisisi,” bulong ko kay Peter bago siya tuluyang iniwan sa kubo.
***
Alanganing oras na ‘kong nakabalik sa kubo nina Aling Dolores at Mang Cardo, kaya naman tanghali na nang magising ako. Inasahan kong marami silang tanong para sa akin, pero normal lang nila ‘kong binati. Posibleng may ideya na sila sa ginawa ko kagabi, o gusto lang nila akong bigyan ng privacy. Hindi naman kasi porke’t nakikitira ako sa kanila, karapatan na nilang malaman lahat ng nangyayari sa buhay ko.
“Bra, magpapahinga nga pala si Cardo rito sa kubo. Baka pwedeng pakitingnan-tingnan mo lang ngayong hapon. Kukuhanin ko lang ang mga isdang binili namin,” sabi ni Aling Dolores pagkatapos namin magtanghalian. Kasalukuyan akong naghuhugas ng plato para hindi naman nakakahiyang nakikain ako sa kanila.
“Sige po—ah wait po,” bigla akong napaisip… “Marami ho ba ‘yung kukuhanin niyong isda?” tanong ko sabay patay ng gripo sa lababo. Sumandal ako rito pagharap kay Aling Dolores na nasa sala at nagtutupi ng mga natuyong sampay.
“Ala e hindi naman. Siguro kasya na sa isang bayong.” Nang marinig ang sagot ni Aling Dolores ay lumawak ang ngiti sa labi ko.
“Ako na ho ang kukuha. Doon pa rin po ba sa daungan ng mga bangka?” tanong ko dahil minsan ko na itong nakita noon. Talagang pinipilahan ito ng mga taga-isla para makakuha ng mga sariwang lamang dagat. Dito rin madalas tumulong si Peter kasama si Lorenz.
Nakita ko ang pagkalaglag ng panga ni Aling Dolores dahil sa sinabi ko. “Sigurado ka ba, iha? Maraming pwedeng makakita roon sa ‘yo. Akala ko gusto mo munang itago na nandito ka sa isla?”
Tipid akong ngumiti. Tama naman si Aling Dolores pero nagbago ang isip ko dahil sa nangyari kagabi. “Ayos lang ho sa ‘kin kung malaman na ng iba na nandito ako. Baka mas mabuti na rin ho ito…” para mabakuran ko si Peter.
Dahil sa takot ko kagabi, napagtanto kong mali ang ginagawa kong pagtatago. Madali lang nakapasok si Lorraine sa kubo ni Peter, at sigurado akong hindi lang ito ang una’t huling beses na tatangkain niyang gawin ito. Mas maganda nang alam niya, at ng mga tao sa isla, na nandito lang ako. Para kahit papaano ay mahiya sila kung may binabalak man silang masama.
Bukod pa rito, tingin ko’y mas malalaman ko ang totoong nararamdaman ni Peter kung haharapin ko siya. Kung magmamatigas pa rin siya, at patuloy akong itutulak papalayo kahit wala na ‘ko sa poder niya, wala akong choice kung hindi umalis.
“Alagaan mo na lang ho si Mang Cardo. Ako nang bahala sa mga isda,” sabi ko pa kay Aling Dolores.
Binigyan lang ako ni Elle ng isang buwan para subukang alamin ang totoong estado ng relasyon namin ni Peter. Hindi naman niya kasi ako kayang habangbuhay tulungang itago ang totoo sa mga taong nakapaligid sa amin.
Kaya naman sa dalawang Linggong natitira, kung makita kong wala talagang pag-asang maging kami, hindi ko na ipagpipilitan pa ang sarili ko sa kanya. Babalik ako sa Maynila, babalik ako sa amin – sa buhay ko bilang si Wendy.
***
Tama nga si Aling Dolores, nandito sa daungan ang halos lahat ng mga tao sa isla. Wala na akong suot na jacket at hat ngayon kaya kitang-kita ako sa ilalim ng tirik ng araw. Malakas na buntong-hininga ang pinakawalan ko bago naglakad papunta sa dulo ng pila.
Inihanda ko naman na ang sarili sa sitwasyong ito. Kaya lang ay iba pa rin talaga kapag nandito ka na. Nakakailang ang paglingon sa ‘kin ng mga tao sa paligid ko. Kahit ‘yong taong nasa dulo ng pila ay lumingon sa ‘kin, bakas ang pagkabigla sa mukha, animo nakakita ng multo.
Harap-harapang nagbulungan ang mga taong nakakita sa ‘kin. Wala silang pake kahit na nandito ako. Malamang nagtataka sila na nandito pa rin ako sa isla dahil ang alam nila’y katulad ni Elle, iniwan ko si Peter.
Imbes na pansinin sila ay sinubukan kong ilibot ang mga mata sa paligid. Nang hindi makita ang hinahanap, sumilip ako sa unahan ng pila kung nasaan ang mga mangingisdang nag-aabot ng mga huli nilang lamang dagat.
Hinahanap ko si Peter. Pero mukhang imposibleng tumulong pa siya ngayon dito dahil lasing na lasing siya kagabi. Muli akong bumuntong-hininga nang sa likuran ko’y may bumasag ng kapayapaan ko.
“Parang ang lansa. Sigurado ka bang sariwa ang pinipilahan natin?”
Tumirik ang mga mata ko nang marinig ang boses ni Lorraine. “I think so? Ano ka ba, Lorraine? Para namang first time mo rito.” Si Reese ang nagsalita, mukhang hindi pa nakuha ang pagpaparinig ng kanyang kaibigan.
Umandar na ang pila sa harapan ko. Instead of paying attention to them, I simply took a few steps forward. Isda naman ang pinunta ko rito, hindi sila. Kaya mabuti na lang at itinikom na muna nila ang kanilang bibig hanggang sa malagyan ng isda ang dala kong bayong.
“Salamat,” sabi ko nang makaharap si Lorenz. Maging siya ay nagulat makita ako. Pero buti pa siya ay ngumiti sa ‘kin.
“Mabuti bumalik ka na,” komento pa ni Lorenz.
Bahagya akong umiling. Umangat din ang isang dulo ng labi ko, “Hindi naman ako umalis,” sabi ko. Nilakasan ko pa para marinig ng mga tao sa paligid ko na mahilig sa tsismis. Pinalis ko papalikod ang buhok ko bago umalis sa pila dala ang pinabili sa ‘kin.
Nakailang hakbang na ‘ko papalayo kaya akala ko makakaalis na ‘ko ng payapa. Ayon lang ay may umagaw ng dala kong bayong. Binato ito sa sahig kaya tumapon ang ilang isda sa buhangin. Nagmadali akong pulutin ito kahit na mabilis ding umakyat ang dugo sa ulo ko.
“Bakit nagpakita ka pa ulit?” inis na untag ni Lorraine. Sabi na’t siya lang ang mageeskandalo ng ganito. Mukhang mainit ang dugo niya sa ‘kin dahil hindi niya nagapang si Peter kagabi.
Pinagtitinginan na kami ng mga tao kaya tatayo na sana ako pagkakuha ng bayong. Ayon lang ay itulak pa niya ‘ko ulit. Talagang sinusubukan niya ang pasensya ko.
Ilang segundo rin akong nakayuko sa buhangin nang may lumapit sa ‘kin para tumulong. Huminto sandali ang t***k ng puso ko nang maisip kong si Peter ito. Siya lang kasi ang nagliligtas sa ‘kin parati.
Pero ngayon ay si Lorenz pala ito. Mukhang nakita niya ang nangyari kaya agad niya akong tinulungan. Inalalayan niya ako kaya sa wakas ay nagawa kong tumayo. Hinawakan ko ng mabuti ang bayong dahil baka madamay pa ang mga inosenteng isda na pinabili lang sa ‘kin. Taas-noo ko namang hinarap sina Lorraine at Reese.
“Ah bawal ba ‘kong magpakita? Kung makapagsalita ka, parang pag-aari mo ang islang ‘to. Sabagay, mukhang hindi ka naman marunong magdalawang-isip umagaw ng bagay na hindi iyo,” may pagpaparinig kong sagot. Nakita ko lalo ang galit sa kanyang mga mata nang pandilatan niya ‘ko.
“Kung sasaktan mo lang si Peter, mabuti pang iwan mo na siya,” sabi pa ni Lorraine na nagpatawa sa ‘kin. Lalo tuloy lumukot ang mukha niya. Humigpit ang hawak niya sa basket na naglalaman ng mga alimango. Nang akmang ibabato niya sa ‘kin ang laman nito, mabilis ko siyang inunahan kaya naman nabaliktad ang sitwasyon. Napaaray siya nang masipit siya ng ilang alimango!
“Wala kang karapatang makielam sa aming mag-asawa, Lorraine,” mariin kong saad habang mangiyak-ngiyak siyang tinutulungan ng kanyang mga kaibigan. Akala yata niya ay kakayan-kayanin lang niya ako. Hindi niya alam na nagkamali siya ng binangga – ako si Briar, hindi si Wendy. Hindi ako natatakot gumanti sa kanya.
Tatalikuran ko na sana sila nang matigilan ako. Para akong binuhusan ng malamig na malamig na tubig. Sa likod kasi nila, nakita ko ang taong kanina ko pa hinahanap. Nakatayo malapit sa mga bangka si Peter. Maayos ang suot niya ngayon – polo at pantalon. Mukhang nakaporma siya dahil may lakad.
“Mabuti at nakahabol ka. Pwede ka pang sumabay papuntang Maynila.” Narinig kong saad ng lalaking kaharap niya.
Papunta si Peter sa Maynila?!
Hinigit ko ang hininga ko nang ilibot ni Peter ang mga mata sa paligid ng isla. Saktong huminto ang tingin niya sa direksyon ko bago pa ako yumuko. Pareho kaming natigilan nang makita ang isa’t isa, animo tumigil ang oras. Ayon lang ay sobrang lalim at seryoso ng tingin niya sa ‘kin. Kaya naman parang biglang umihip ang malamig na hangin, at nanayo ang buhok ko sa batok at braso.
Akala ko ay sasakay na siya ng bangka nang talikuran niya ‘yong lalaki. Nagdilim ang ekspresyon ng kanyang mukha nang maglakad siya papunta sa direksyon ko. Magsasalita sana ako nang putulin niya ang pagtititigan namin. Napayuko ako nang lagpasan lang niya ‘ko. Malamang hindi siya natuwang makita ako sa isla… inasahan ko naman na ito pero masakit pa rin pala.
Nakarinig pa ako ng ilang pang-aasar galing kina Lorraine. Pero hindi ko ito pinansin. Naghintay lang ako ng ilang minuto bago ako umalis sa daungan. Bagsak-balikat akong nagpatuloy sa paglakad pabalik sa kubo nila Aling Dolores.
Wala ako sa mood nang buksan ko ang pinto. Para akong magkakasakit. Inilapag ko muna ang bayong sa loob, at yumuko para kuhanin ang suot kong sapin sa paa. Ayon lang ay hindi ako nakahinga nang makakita ng pares ng sapatos sa harapan ko.
Napalunok ako bago dahan-dahang nag-angat ng ulo. Dito ako sinalubong ng nakakapasong tingin ni Peter.