“Kung ayaw mong ipakita sa ‘min ng papa mo ang itsura ng paligid, pupuntahan ka namin dyan,” panakot ni mama pagkatapos ng mahigit isang oras naming pag-uusap. Mabuti na lang talaga at may data ang cellphone ko.
May pareho kaming script ni Elle sa mga magulang ko. Sinabi ko lang din kung anong alam kong sinabi niya. Nasa Cole’s Cove ako ngayon para magtrabaho sa kumpanya nila. Tinanong nila ako kung anong trabaho ko at sinabi ko na lang na marketing related. Kailangan ako para tulungang i-promote ang islang ito na ka-partner kunwari ng kumpanya nina Elle.
Katulad ng inaasahan namin, hindi na sila nagtanong pa masyado tungkol sa trabaho. Mas interesado sila sa buhay ko rito – sa tinitirhan, kinakain, at mga nakakasalamuha ko.
Sinabi ko naman sa kanila na nakikisama pa ako sa mga tao rito pero maayos naman sila. Malinis at masarap din ang mga pagkain lalo na’t parating sariwa. Ayon lang, kubo lang nina Aling Dolores at Mang Cardo ang kaya kong maipakita dahil nagtatago nga ako rito. Mabuti at wala ang dalawa kaya nai-tour ko ng maayos sa loob ng bahay ang mga magulang ko.
“Anak, makakampante lang kami kung makikita namin ang paligid mo,” pagkumbinsi ni papa; alam niya kasing hindi ako titigilan ni mama.
“Wendy! Lalabas ka lang ng kubo, tinatamad ka pa?” reklamo ni mama; animo umuusok na ang ilong sa harap ng camera.
Ayaw ko sanang lumabas dahil baka may makakita sa akin. Ngayon pa talaga kung kailan gusto kong magpa-miss kay Peter kahit papaano. Pero mukhang wala akong choice dahil magdududa ang mga magulang ko kapag hindi ko ginawa ang gusto nila.
“Sige sige. Sandali lang. Tatawag ako ulit,” sabi ko at binaba muna ang tawag. Malakas na buntong-hininga ang pinakawalan ko sabay tingin sa paligid.
Naghalungkat ako sa gamit ko ng pwedeng gamiting pang-disguise kapag lumabas ako ng kubo. Ayon lang ay natigilan ako nang maisip na baka maging dahilan pa ito para mas makilala ako. Kaya naman tumayo ako at inilibot ang mga mata sa paligid ng kubo. Nakakita ako ng kulay dilaw na raincoat na palagay ko’y kay Aling Dolores. Naisip kong hiramin ito kaya agad kong kinuha at isinuot. Lalabas na sana ako nang mapansin ko ang beach hat sa ibabaw ng lamesa. Pareho ng kulay ng raincoat. Napangiti ako nang mapagtantong dilaw ang paboritong kulay ni Aling Dolores. Isinuot ko na rin ito kaya nakumpleto ang ayos ko.
Mataas ang sikat ng araw paglabas ko ng kubo. Tamang-tama lang ang suot ko dahil parang masusunog ang balat ko rito.
Nagpunta sina Aling Dolores at Mang Cardo sa kabilang isla para humango ng ilang produktong pwedeng itininda. At mukhang sumama rin sa kanila ang iba pang naninirahan sa Cole’s Cove dahil wala akong taong makita sa paligid. Kung hindi man, malamang ay nagsisyesta sila pagkatapos mananghalian. Either way, ayos na rin ito dahil payapa ang paligid. Walang makakakita sa balak kong gawin.
Tinawagan ko ulit ang mga magulang ko. Isang ring pa lang ay sinagot na nila agad ang tawag. Imbes na sa ‘kin ay nakatutok na sa bukas ng pinto ng kubo ang camera. Ayaw kong makita nila ang disguise ko dahil magtatanong pa sila kung bakit ganito ang ayos ko.
“Ma, pa. Ganito ang itsura sa isla. Tahimik at payapa naman dito. Para lang akong nasa bakasyon,” pagmamalaki ko habang naglalakad palabas ng kubo. Una nilang nakita ang malawak na dagat. Narinig ko ang paghanga ng dalawa dahil sa ganda nito; parang katulad lang ng reaksyon ko noong unang beses ko itong nakita. “May iba pang mga kubo rito. Tapos may area din sila for events at clinic,” sabi ko pa sabay lakad papunta sa mga lugar na nabangit.
“Ibig sabihin ba, sagot ng kumpanya ng kaibigan mo ang food at accommodation mo dyan?” paniniguro ni mama. Alam ko kasing wala pa rin siyang tiwala kay Elle. Gusto kong sabihin ngayon na tama siya tungkol dito pero pinigilan ko ang sarili. Wala naman kasi itong tulong na maibibigay sa gusto kong mangyari sa ngayon.
“Yes, ma. Kaya wala na kayong dapat ipag-alala ni papa. Okay lang talaga ako rito. Maliit lang ang islang ‘to pero nandito lahat ng kailangan ko.” Nandito si Peter.
Base sa ekspresyon ng mukha ng mga magulang ko, mukhang nakahinga sila ng maluwag nang marinig ang sagot ko. Sa loob-loob ko’y humingi na lang ako ng tawad sa pagsisinungaling sa kanila. Alam kong magagalit sila sa ginawa ko. Pero ayaw ko lang talagang umalis sa islang ito at mapuno ng maraming ‘what if’ sa buhay: What if I had stayed? What if I had fought for my feelings?
“Sabi ko sa ‘yo, gusto kong magpunta ng beach. Tingnan mo’t naunahan pa tayo ng anak mo.”
“Sino ba ang palaging nagsasabing aksaya sa pera ang bakasyon? Inaya na kita noon pero ikaw itong tumanggi.”
Nailing na lang ako dahil sa pagtatalo ng mga magulang ko sa video call. At habang pinapanuod ko sila, sa gilid ng mga mata ko’y napansin kong may paparating. Out of reflex, napasulyap ako rito – pero agad ding yumuko. Para akong binuhusan ng malamig na tubig dahil sa nakita.
Akala ko ba may lagnat at nagkukulong siya sa kubo? Aba’t bakit ngayon pa talaga naisipang lumabas ni Peter?!
“Sige, Ma… Pa. Tawag na lang ulit ako. May kailangan lang akong gawin sa trabaho, bye! Love you both!” agad kong binaba ang tawag.
Walang lingon-lingon, nagmadali akong maglakad papunta sa kubo nina Aling Dolores. Binilisan ko ang lakad pero hindi ako tumakbo. Baka kasi mas lalo itong makahalata na iniiwasan ko siya at magtaka kung bakit.
Sobrang bilis at lakas ng t***k ng puso ko. Pakiramdam ko biglang lumayo ‘yong kubo kahit kaunti lang naman talaga ang distansya kung tutuusin. Dinig ko ang bigat ng paghinga ko nang sa wakas ay nakarating ako rito.
“Aling Dolores, akala ko sasama ka sa paghango sa kabilang isla?” Narinig kong tanong ni Peter sa likuran ko na nagpaestatwa sa ‘kin sa harap ng pinto ng kubo.
Hindi ko alam kung bulag ba siya o sadyang sabaw lang parati. Noong una napagkamalan niya akong si Elle. Ngayon naman napagkamalan niya ‘kong si Aling Dolores.
Naramdaman ko ang pag-akyat ng dugo sa ulo ko. Huminga ako ng malalim at pinaalalang suot ko kasi ang raincoat at hat ni Aling Dolores, malamang magkamali siya. Tsaka mas mabuti na ring mapagkamalan ako ni Peter kaysa makilala.
Imbes na magsalita, itinaas ko sa ere ng mabilis ang isang kamay ko at kinaway ng bahagya. Pagtanggi ko ito sa tanong niya. Ibig sabihin ay hindi ako sumama – na kung tutuusin ay obvious naman.
Tutuloy na sana ako papasok ng kubo nang may pahabol pa siya, “Ah magtatanong lang din sana ako. Dumaan daw dito si Briar bago umalis ng isla?” Napapikit ako ng mariin sa pagbanggit niya sa pangalan ko. Dumoble ang kabog ng dibdib ko. “Kumusta ho ba siya nung nakausap niyo?” may pag-aalinlangang tanong niya. Naubo pa siya kaya mukhang ‘di talaga okay ang pakiramdam niya.
Napairap naman ako sa kawalan. Concerned naman pala siya pero nagtulug-tulugan nung nagpaalam ako. Buti pa si Elle kinausap niya.
Malakas na buntong-hininga ang pinakawalan ko. At imbes ulit na magsalita ay nag thumbs down lang ako sa kanya. Ibig sabihin ay hindi ako okay nung kinausap nina Aling Dolores at Mang Cardo. Dapat nga alam na niya ito lalo na’t siya itong nagpaalis sa ‘kin kahit ayaw ko.
“Aling Dolores, may problema ba?” tanong ni Peter kaya para akong tinamaan ng kidlat. Mukhang nakahalata na siya dahil sa ‘di ko pagsasalita!
Napilitan tuloy akong magsalita; sinubukan kong gayahin ang may katandaang boses ni Aling Dolores, “Oo. Pagod lang. Sige!” Ilang salita lang ang nagawa kong sabihin habang umuubo. Hindi na ako naghintay pang makalapit siya sa ‘kin at nagmadali papasok ng kubo. Pagsarado ng pinto ay dito lang ako nakahinga ng maluwag.
Napahawak ako sa dibdib ko. Mistulang nag-echo ang tanong ni Peter. Pinagdikit ko ang labi ko pero hindi ko napigilan ang pag-angat ng magkabilang dulo nito.
Nagsisisi na kaya siya ngayon dahil pinaalis niya ‘ko sa isla?
***
Tamang timing ang kailangan namin ni Peter. Kapag nagmadali ako dahil lang hindi na makapaghintay na makita siya, baka mauwi lang kami sa nangyari noon. Hangga’t hindi ako nakakasiguradong gusto niya akong makita, hindi ako dapat magpakita sa kanya.
Kaya pigil na pigil talaga ang emosyon ko. Ginawa kong abala ang sarili sa pamamagitan ng paglilinis sa kubo. Tumulong din ako sa paghahanda ng hapunan. Kaya pagdating nina Aling Dolores at Mang Cardo ay may pagkain nang nakahain sa lamesa.
“Ala e hindi mo naman kailangang gumawa ng gawaing bahay dito pero salamat, iha,” bungad ni Mang Card. Bakas ang pagod sa mga mukha nila.
“Naku, sige ka. Baka hindi ka na namin ibalik kay Pete,” biro naman ni Aling Dolores na nagpatawa sa ‘ming tatlo. Pag-upo namin sa hapagkainan ay muli siyang nagsalita. “Oo nga pala, nakita namin siya kanina.”
Nanlaki ang mga mata ko. Naalala ko rin kasi ang engkwentro namin ni Peter kanina. Baka nabuko na pala ako hindi ko pa alam. “Kanina ho? Ano hong sabi?”
“Hindi naman namin nakausap. Nakita lang namin kasama sina Lorenz – basta ‘yung tatlo. May dalang mga alak. Mukhang mag-iinom na naman sila sa tabing dagat,” sagot ni Mang Cardo na para bang normal lang na nangyayari ito.
Hinigit ko ang hininga ko sa nalaman. Ibig sabihin ay kainuman ni Peter sina Lorenze, Reese, at… Lorraine? Eh may gusto si Lorraine kay Peter! Baka dahil vulnerable si Peter ngayon, ma-take advantage siya!
Nagsisimula nang kumain ang mag-asawa nang bigla akong tumayo. Nagulat at nag-angat sila ng tingin sa ‘kin. “Bakit iha?” may kabang tanong ni Aling Dolores.
“Una na ho kayo. Magpapahangin lang ako,” seryosong saad ko at hindi na hinintay pa ang pahintulot nila. Basta kinuha ko ulit ang raincoat at hat na sinuot ko kanina bago lumabas ng kubo.
***
Ang tanga ko lang dahil hindi ko tinanong kung saang parte ng isla umiinom sina Peter. Ang alam ko lang ay tabing dagat. Ginamit ko na lang ang common sense ko – dahil nakita sila ng mag-asawa habang papunta sa kubo, nilakaran ko kung anong nilakaran din nila.
Tama nga lang ang ginawa ko. Dahil sa itaas, natanaw ko ang magkakaibigan sa ibaba, malapit sa mga nakaparadang mga bangka. Dahan-dahan at tahimik akong lumapit sa kanila. Hangga’t may pwedeng pagtaguan ay tinuloy-tuloy ko.
Nang may makita akong malaking bato ‘di kalayuan sa kanila. Pumwesto ako sa likuran nito at patagong nakinig sa kanila.
“Ikukwento mo na ba sa ‘min ngayon kung bakit iniwan ka ni Briar?” may sinseridad na tanong ni Lorenz. “Pinag-alala mo kami ng ilang araw. Akala namin napano ka na.”
Pigil hininga ang pakikinig ko. Inasahan ko ang boses ni Peter pero pabida si Lorraine. “Natural parang si Elle lang. Kunwari kaya. Matapang sa umpisa. Pero hindi naman sanay sa buhay sa isla.” Saktong kinagat ako ng lamok sa kanyang sinabi.
“Kahit na hindi siya sanay, teh. Mag-asawa na sila ni Pete. Iba ang kaso niya kay Elle.” Si Reese naman ito. Wala pa rin silang ideya sa pagpapanggap namin. Mukhang hindi pa sinasabi ni Peter ang tungkol dito.
Sumilip ako at nakita ang sunod-sunod na pag-ubos ni Peter sa hawak na canned beer. May kirot akong naramdaman sa dibdib; parang may maliliit na mga karayom na tumutusok sa puso ko. Imbes na panuorin pa siya ay sumandal lang ako sa batong pinagtataguan ko. Napaisip ako kung anong ibig sabihin ng paglalasing niya ngayon – miss na rin ba niya ‘ko?
Iniba nila ang kanilang topic. Siguro’y tumagal din ito ng mahigit isang oras. Bumibigat na ang talukap ng mga mata ko nang magising ako dahil kay Peter. “Kasalanan ko kung bakit siya umalis.” Muntik nang mabasag ang boses niya. Hindi ko ito inasahan sa kanya kaya parang nagkaroon ng crack ang puso ko. “Kasalanan ko lahat.”
Nagsisisi ka na ba talaga, Peter? Kapag ba nagpakita ako sa harapan mo, babawiin mo na ang desisyon mong paalisin ako?
“Bakit naman ikaw pa ang may kasalanan? Kung matinong babae siya, hindi niya basta iiwanan ang asawa niya,” sulsol ni Lorraine na nagpasalubong ng kilay ko.
Gusto ko na sanang sumugod at kumprontahin siya nang magsalita si Lorenz, “Hanggang dito na muna tayo. Mahaba pa ang araw natin bukas.” Ramdam ko ang konsiderasyon niya bilang totoong kaibigan.
Hindi ako kumilos sandali pero nang makalayo na sila ay tsaka ako sumunod. Dito ko nakitang hindi na diretso ang lakad ni Peter. Sa magkabilang gilid niya, nakatayo sina Lorenz at Lorraine. Si Reese naman kasi ay parang may sariling mundo dahil lasing na lasing din.
“Iuwi mo na si Reese. Ako nang bahala kay Peter,” nag-volunteer si Lorraine sabay hawak sa braso ni Peter. Dito ko kinagat ang ibabang labi ko; kinuyom ko rin ang mga palad ko. Sabi na’t may binabalak ang babaeng ‘to sa pagsama-sama niya. Kung totoo palang wala ako rito sa isla, malamang inahas na niya ang asawa ko.