Bumalik ako sa loob ng kubo. Naabutan ko sa sala si Peter. Nakahiga siya sa sofa, nakapatong ang isang braso sa ibabaw ng mga mata, at mukhang natutulog. Talagang kaya pa niyang matulog sa sitwasyon namin ngayon? Huminga ako ng malalim bago bagsak-balikat na nagpunta sa kwarto.
Mag-aayos pa lang sana ako ng gamit nang makita ko ang isang bag sa ibabaw ng kama. My heart dropped suddenly as I understood what it meant. Dahan-dahan akong lumapit dito. At nang buksan ko, nakita ko ang mga damit na binili ni Peter sa ‘kin. Lalong nanikip ang dibdib ko. Hindi ko na ito kailangan pang halungkatin para malaman kung ano pa ang ibang laman.
Mukhang hindi na talaga magbabago ang isip ni Peter. Desidido na siyang paalisin ako. At gusto niyang mangyari ito kaagad. Kaya nga habang nag-uusap kami ni Elle sa labas, pinagempake na niya ako. Parang wala lang sa kanya ang pinagsamahan namin. Parang madali lang niyang nakalimutan ang nangyari sa ‘min.
Naramdaman ko ang pamumuo ng luha sa mga mata ko nang isarado ko ng mabuti ang bag. Binitbit ko ito at agad na lumabas ng kwarto. Dire-diretso akong naglakad papunta sa pinto ng kubo. Ngunit pagdating sa harapan nito ay napahinto ako. Alam kong nakakahiya na pero kinapalan ko ang mukha ko.
“Bibigyan pa kita ng second chance para pigilan akong umalis,” medyo pabiro kong saad. Pero katulad ng inaasahan ko, nilamon ako ng katahimikan ng paligid. Lalabas na sana ako pero lumapit pa ako kay Peter.
Hindi ako sigurado kung natutulog ba siya talaga. Pero ibinaba ko ang sarili hanggang sa maging magkalebel kami. Pinagmasdan ko siya ng mabuti bago nagsalita, “Aalis na ‘ko sa kubo mo.” Huminto ako nang muntik na ‘kong pumiyok dahil sa matinding emosyong sinusubukan kong pigilan.
Hinintay kong mag-react si Peter sa sinabi ko. Kahit na nakatakip pa ang braso niya sa mga mata. Pero walang nagbago sa kanyang mukha; ‘ni hindi man lang siya kumilos. Talagang walang kibo. Sa lakas ng boses ko, imposibleng hindi niya ‘ko narinig.
Huminga pa ako ng malalim bago nagpatuloy. “Tutuparin ko lahat ng mga pangarap ko katulad ng gusto mong mangyari. Pero ang hiling ko lang, sana maging masaya ka na.”
May tumakas na luha sa isang gilid ng mata ko na agad kong pinunasan bago pa makita ni Peter. Dito ko naman napansin ang paggalaw ng Adam’s apple niya. Kinagat ko ang ibabang labi ko nang mapagtantong balak niyang magpanggap na tulog hanggang makaalis ako imbes na kausapin ako ng maayos.
Kung ganuon, panindigan niya ang pagtutulugtulugan niya.
Sa ikatlong paghinga ko ng malalim, kabado man ay bahagya kong inilapit ang sarili sa mukha ni Peter. Hindi ko inaalis ang tingin sa kanyang labi kahit pa nagtatalo ang puso at isip ko ngayon. Pinigilan ko ang paghinga, at nang masiguradong sapat na ang distansya sa pagitan ng mukha namin, mabilis ko siyang ninakawan ng halik!
Yes! I kissed Peter!
Pumikit ako. Inilapat ko ng mabuti ang labi ko sa ibabaw ng kay Peter hanggang maramdaman ko ang paninigas ng katawan niya sa sofa. May kaunting paggalaw sa labi niya nang muli siyang lumunok. Para bang gusto niyang tumugon pero pinipigilan niya ng sobra ang sarili. I couldn’t help but let out a downward smile before I moved away.
“I just want you to know that I don’t regret anything that happen between us…” pagkasabi ko nito’y mistulang bumalik sa ‘kin ang mga alaala namin ni Peter sa isla. Nanikip ang dibdib ko nang para itong naging isang pelikula. Hindi ako sigurado kung namalikmata lang ba ako nang may umagos sa gilid ng isang mata ni Peter.
“The only thing I regret is not being enough to set your heart free. Still, thank you for doing it for mine.” Pagkasabi ko nito’y sabay na bumagsak ang luha sa mga mata ko; parang nabasag at nagpira-piraso ang puso ko. Imbes na punasan ay tumayo na ‘ko at naglakad papunta sa pinto. Isang beses pang sinuyod ng mga mata ko ang kubo bago muling sumulyap sa sala. “Goodbye, Peter.” Ito ang huling sinabi ko bago tuluyang lumabas ng kubo.
Hindi kalayuan sa kubo ay nakita kong nakatayo si Elle. Nakatanaw siya sa dagat. Naglakad ako papalapit sa kanya at napansing tumigil na ang ulan. Pagharap niya sa ‘kin, mababakas pa rin ang lungkot sa kanyang mga mata. Wala naman ako sa posisyon para i-comfort siya lalo na’t may pinagdadaanan din ako ngayon.
“Sigurado ka na ba sa gusto mong mangyari, Wendy?” nag-aalalang tanong niya; sinusubukan niyang basahin ang mukha ko.
Mabilis naman akong tumango dahil desidido na ‘ko. Ngayon lang ako magdedesisyon para sa sarili ko. Posibleng pagsisihan ko ito pero nakahanda akong harapin anuman ang maging consequence nito.
Bumuntong-hininga si Elle bago ako lagpasan. Pinanuod ko ang paglakad niya papunta sa kubo bago ako sumunod. Pagpasok niya sa loob, tumayo ako sa labas nito. Hinayaan niyang nakabukas ang pinto para sa ‘kin.
“Peter, pwede ba tayong mag-usap?” Narinig kong tanong ni Elle.
Nagkaroon ng nakakabinging katahimikan. Sumandal ako malapit sa awang ng pinto at naghintay. Ilang minuto rin ito kaya inakala kong ‘di na magkakausap pa ang dalawa. Kaya naman hinigit ko ang hininga ko nang sa wakas ay narinig ko ang boses ni Peter.
“Ano pang dapat nating pag-usapan?” malamig na balik ni Peter. Inasahan ko na ang ganitong reaksyon niya lalo na’t bago nahulog ang loob ko sa kanya, sobrang bitter niya kay Elle.
“Tungkol sa ‘tin,” sagot ni Elle kahit halatang mahirap para sa kanya. “I’m sorry that I made you wait for me.”
“It was my choice to wait. You have nothing to do with it,” paglilinaw ni Peter kahit na may pait sa tono niya.
“Of course, I have something to do with it. Nangako akong babalik pero hindi ko natupad. Iyon naman kasi talaga ang balak ko noon. But then I fell in love again with my life in the city… I fell in love with—”
“Axel,” may diing pagputol ni Peter. Mukhang may galit pa rin siya sa kanyang kaibigan.
“Our relationship just happened naturally. It wasn’t planned nor expected. Sana dumating ‘yung time na mapatawad mo rin siya.” Nagulat ako sa sinabi ni Elle. This was unnecessary. Tuloy ay mukhang lalo pa niyang na-trigger si Peter.
“Kung hindi ko ba pinasama ang gagong ‘yon sa ‘yo, natuloy kang bumalik?” Hindi ako sigurado kung nagbabakasakali pa si Peter na magkaroon ng sila. Hindi pa ba talaga siya nakakapag-move on?
“I’m sorry… still, I think I would have fallen in love with someone else.” Parang sampal ang diretsong sagot ni Elle. At ipokrita na kung ipokrita para sa iba pero nasasaktan ako ngayon para kay Peter. Alam kong dapat niyang malaman ang totoo pero ang hirap…
“Ibig sabihin hindi mo talaga ako minahal ng totoo—”
“I loved you. I did. It was genuine. But when I left… you never gave me a reason to come back. Kaya akala ko tapos na tayo—”
“Hindi naman—”
“Pero iyon ang pinaramdam mo, Peter.” Natahimik sila pareho. Boses pa rin ni Elle ang sunod kong narinig. “You never put in any effort to reach out to me. You never even thought about finding me. You only left this f*cking island when you found out I was getting married to someone else.”
“Wasn’t our love enough?”
“I know you said you loved me, but when we were still together, it didn't feel like you were ready to give me your whole heart. And I don’t think you ever will be."
Hindi ako makahinga sa mabilis nilang palitan ng linya. Mahirap makinig sa kanilang dalawa dahil nakuha ko ang kanilang gustong ipunto. At dahil alam kong kailangan nila ng privacy ay umalis na ako sa puntong ito.
Hiniling ko kay Elle na kausapin niya si Peter para magkaroon sila ng closure. At kahit alam kong maraming tanong ang kaibigan ko tungkol sa relasyon namin ni Peter, hindi na niya sinubukan pang mangusisa. Sinunod na lang niya ang gusto ko para makabawi sa kanyang pagkakamali.
Sana sa pag-uusap nilang ito, kahit masakit, magising na sa katotohanan si Peter. Sana matanggap na niya ang paghihiwalay nile ni Elle. Sana hayaan na niya ang sarili maging masaya ulit.
***
Halos isang Linggo na rin ang nakalipas mula noong huling beses kong nakita si Peter. Kumusta na kaya siya? Hindi ko alam kung ano nang nangyari sa kanya, kung ayos lang ba siya, o kung humihinga pa ba siya. Pero kailangan kong panindigan ang desisyon ko.
He wanted me gone, and so I did – at least for now.
Nag-ring ang cellphone ko. Oo’t binalik ni Elle ang cellphone ko sa ‘kin. Nakuha niya ito sa bahay nila na naiwan ko noong gabing nakidnap ako. Sinagot ko ang tawag nang makitang si Elle ang caller.
“Nakausap ko na sina Tito at Tita,” bungad niya na agad nagpalakas ng kabog ng dibdib ko. “I tried my best, though I’m not sure kung napaniwala ko sila sa kwento mo. Basta be prepared na lang. Any minute baka tumawag sila sa ‘yo to confirm.”
Napangiti naman ako dahil sinunod niya ang pabor na hiningi ko sa kanya. “Good. Ready naman na ‘ko. Hihintayin ko na lang ang tawag nila. Basta ‘wag mong kalimutan ‘yung mag documents na ni-request ko sa ‘yo ah? For sure manghihingi sila ng pruweba.”
“Yup! I just sent them to your email. Check mo na lang kung pumasok.”
Dito na natapos ang tawag namin ni Elle. Binuksan ko ang email ko at nakahinga nang makitang naipadala na nga niya ang ni-request ko. Ngayon ay mukhang handa na ‘ko.
“Bra! Ala e, kain na!”
Napatingin ako sa kusina ng kubo at napangiti. Tumayo na ako at nagpunta rito para sumalo sa tanghalian.
“Anong gusto mong sawsawan?” tanong pa ni Aling Dolores na nagpalawak ng ngiti ko. Naabutan ko sila ni Mang Cardo sa hapagkainan.
“Okay na po ‘yung toyomansi,” sagot ko habang abala sila sa pag-asikaso sa akin. “Maraming salamat po talaga sa pagkupkop sa ‘kin pansamantala.”
“Ay naku iha. Ano ka ba? Para namang iba ka pa sa amin. Welcome na welcome ka rito sa bahay namin!” bulalas ni Aling Dolores habang pinaghihimay ako ng isda. Parang anak ang trato nilang mag-asawa sa ‘kin.
“Ayos lang sa ‘min pero eto e matanong ko lang naman. Wala ka ba talagang balak ipaalam kay Pete na nandito ka sa ‘min?” tanong ni Mang Cardo pagkatapos akong ipagsandok ng kanin. “Baka akalain nun ay kinidnap ka namin ah!” Natawa siya sa sariling biro. Tinapik tuloy siya ng asawa para sawayin.
Tumawa naman ako sabay iling. “Ay hindi ho. ‘Wag kayong mag-alala. Malabong isipin niya ‘yon,” sagot ko dahil sa history namin ni Peter.
“Sana mapag-usapan niyo ang problema niyong mag-asawa. Mukhang dinibdib din niya ang pagpapaalis sa ‘yo. Ala e ang dinig ko sa iba, hindi pa raw ulit lumalabas ng kubo si Pete! Noong dinalaw ng mga kaibigan niya’y inaapoy daw ng lagnat!”
Bumagsak ang tingin ko sa plato sa harapan ko. Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman sa nalaman. Dapat ba akong malungkot at mag-alala dahil may sakit siya? O dapat akong maging masaya dahil may posibilidad na apektado siya sa pagkawala ko?
“Hayaan na muna nating magpalamig ng ulo ang dalawa. Hindi naman ikamamatay ni Pete ang lagnat. Siya ang nagpalayas sa asawa niya e,” pagdadahilan naman ni Mang Cardo para sa ‘kin.
Oo’t umalis ako sa kubo ni Peter katulad ng gusto niya. Pero hindi naman niya pag-aari ang isla kaya hindi niya ako mapipigilan kung gusto kong manatili rito.
Nakitira ako kina Aling Dolores. Ang alam nila’y may pagtatalo kaming dalawa at napalayas ako. Kinupkop naman nila ako kaagad at walang ibang nakakaalam buko sa kanila na nasa isla pa ‘ko.
Nakiusap ako kay Elle na kausapin ang mga magulang ko para ‘di sila mag-alala sa akin. Nagpadala siya ng pekeng dokumento na magpapatunay na empleyado ako ng kumpanya nila at pinadala ako sa islang ito para sa trabaho. Kaya naman simula ngayon, walang problema kahit magtagal ako rito sa isla. Hindi ako nakidnap dahil choice kong tumira rito bilang si Briar.
Ngayon ay gusto ko lang sundin ang puso ko. Nangako akong tutuparin lahat ng mga pangarap ko at isa na rito si Peter.