Alam kong sa mga mata ng ibang tao, kabaliwan ang ginagawa kong pagtatanggol sa kidnapper ko. Pero para sa akin ay natural lang na gawin ko ito dahil hindi naman masamang tao si Peter. Napatunayan na niya ito ng maraming beses kahit pa may mga pagkakataong tinakot niya ‘ko.
At kung may isang tao mang dapat ay nakakaalam nito – si Elle iyon.
Nang makita ni Elle ang determinasyon sa mga mata ko, binawi na niya ang kanyang kamay at umatras ng isa. Huminga siya ng malalim at para bang pinag-isipan ng mabuti ang nangyari.
Sa gilid ng mga mata ko’y nakita ko naman ang pag-alis ni Peter. Naglakad siya pabalik sa kubo na para bang hindi importante sa kanya kung ano man ang mapag-usapan namin ni Elle. Parang may mga karayom tuloy na tumutusok sa puso ko maisip ko pa lang na desidido na talaga siyang paalisin ako.
Binalik ko ang tingin kay Elle. Kaming dalawa na lang ang naiwang magkaharap sa tabing dagat. Parehong naiilang, tiningnan namin ang isa’t isa mula ulo hanggang paa. Tumagal din ito ng halos isang minuto.
Pansin kong wala namang masyadong nagbago sa kanyang itsura. Mas naging blooming lang siya at ngayon ay may suot na wedding ring. Kahit pa hindi siya nakangiti, masasabi kong mas masaya siya sa buhay niya ngayon.
“So, you already know who he is…” nag-aalangang saad ni Elle. Hindi niya ‘ko matingnan ng diretso. Malamang ay nagkaideya siya na may alam ako tungkol sa kanila dahil sa sinabi ko kanina nang ipagtanggol ko si Peter.
Tumango naman ako bago direktang sumagot. “Sinabi niya sa ‘kin umpisa pa lang.”
Elle suddenly looked guilty. Kinagat niya ang ibabang labi at nagkaroon ng sandaling katahimikan sa pagitan namin. Kung tama pa rin ako ng pagkakakilala sa kanya, malamang ay sinisisi niya ang sarili sa nangyari sa ‘kin.
Dahil hindi na makapaghintay, malakas na buntong-hininga ang pinakawalan ko bago humakbang palapit kay Elle. Animo nabasa ang balak ko, ginaya niya ako at sinalubong ang pagyakap ko ng mahigpit. Kahit pa biglaan at hindi kagandahan ang muli naming pagkikita, masaya naman akong makita ang kaibigan ko.
“It's my fault! I'm so sorry for what you had to go through,” mangiyak-ngiyak si Elle nang magsalita. Nang maghiwalay kami ay muli niyang ininspeksyon ang katawan ko. Pinaikot pa niya ako sa harapan niya para makasigurado. “Wait. Bakit ba basang-basa ka? Anong ginawa ni Peter sa ‘yo? Did he hurt you?” halos mabasag ang kanyang boses sa sunod-sunod na tanong.
“Elle, kumalma ka,” sabi ko tuloy sabay hawak sa kanyang magkabilang braso. “Okay lang ako,” mariin ang bigkas ko sa bawat salita para tumatak sa isip niya. Diretso ang tingin ko sa mga mata niya bago tipid na ngumiti.
Kaya lang ay nakakita pa rin ako ng pagdududa sa kanya. Inihilamos niya ang dalawang kamay sa mukha bago muling nagsalita, “I’m really… truly… sorry, bestie, for showing up late. But it's all good; we'll handle this situation however you prefer. We’re going home now. I've got my team all set if you decide to press charges against him—"
“Naiisip mong sampahan siya ng kaso?” pagputol ko sa kanya. Napalakas ang boses ko dahil hindi ako makapaniwala sa narinig ko.
Kumunot ang noo ni Elle. “Don’t you want to? I mean, he did take you against your will.” Pinagmasdan ko ng mabuti ang mga mata niya.
Alam kong concerned siya sa ‘kin, pero hindi ako makapaniwalang kaya niyang sampahan ng kaso si Peter. Kung makapagsalita siya ay parang wala silang pinagsamahan – parang hindi nila minahal ang isa’t isa.
"You do know that he only did that because he thought I was you, right?" Natigilan si Elle sa sinabi ko. Nag-iwas siya ng tingin at para bang hindi nagulat sa nalaman. "I don't know everything about your past. But all I know is that you left him, never came back to this island, and the next thing he knew, you were marrying someone else. Malamang nasaktan ‘yung tao—"
"Wendy, our past doesn't matter now. He still kidnapped you, so he must face the consequences. Kung hindi ko nga siya napaghandaan, malamang nasira niya talaga ang kasal namin— ang ibig kong sabihin…” Nahinto si Elle sa pagsasalita. Tinakpan niya ang kanyang bibig na para bang may nasabi siyang hindi dapat.
Sinubukan kong isipin ng mabuti kung ano ito, at unti-unting nanlaki ang mga mata ko. Mukhang nakumpirma na ngayon ang isang bagay na ayaw kong isipin noon tungkol sa best friend ko. “Napaghandaan? Paano mo siya napaghandaan?” tanong ko; naningkit ang mga mata ko. Naghintay ako ng magandang paliwanag galing kay Elle pero natahimik lang siya. Magalaw ang mga mata niya at para bang nahihirapang makapag-isip. Kaya naman inunahan ko na siya. “Kaya ba inimbitahan mo ‘kong maging maid of honor sa kasal mo? Umpisa pa lang, may ideya ka na sa balak gawin ni Peter.” Dahil sa sinabi ko’y parang biglang nabuo ang mga puzzle pieces sa utak ko.
“Alam mong balak niyang sirain ang kasal niyo kaya pinaghandaan mo siya. Kaya ba pinaayusan mo ako katulad ng iyo bago ang kasal niyo? Nagkunwari ka pang sobrang concerned sa sitwasyon namin ni Kyle. Hinayaan mo akong magpakalasing at nang mawala sa wisyo, pinagsukat mo pa ‘ko ng wedding gown mo—”
“Wendy, let me explain—”
“Oh my God, Elle! Iniyakan ko pa ‘yung gown mo nung sinunog ni Peter! Akala ko nasira ko ang kasal mo, ‘yun pala ginamit mo lang ako!”
Now I understand what's going on. May tumakas na luha sa magkabilang gilid ng mga mata ko na basta ko na lang pinunasan. Sinubukan akong hawakan ni Elle sa braso pero pinalis ko ang mga ito na para bang napaso.
Hindi ko mapigilan ang emosyon ko. Minsan nang sumagi sa isip ko na may alam si Elle sa pagkidnap ni Peter pero tinawanan ko lang dahil akala ko imposible. Pero ngayon naunawaan ko na kung bakit nagtagal ako sa islang ito ng walang kahit isang tulong na natatanggap.
Si Elle ang puno’t dulo ng lahat. Pakiramdam ko malakas na sampal ang tinanggap ko dahil sa nalaman.
“Talagang hindi pa kayo nakuntento, ‘no? Sinagad niyo na hanggang honeymoon ang paggamit sa ‘kin. Ginamit niyo akong pain para hindi kayo maistorbo. At ngayong nakabalik na kayo galing sa pagpapasarap, may oras ka na para sunduin ako rito.” Kahit ako nasasaktan sa mga salitang binibitawan ko sa kaibigan ko. Sinusubukan ko namang pigilan ang sarili ko pero ang hirap.
Panay ang pag-agos ng luha sa pisngi ko. Hindi lang ako makapaniwala na kayang gawin ‘to ni Elle sa ‘kin. Pinagkatiwalaan ko pa naman siya ng sobra – pinilit ko pa ang mga magulang ko na pagkatiwalaan din siya dahil matagal na kaming magkakilala.
“I’m really sorry—”
“Ilang sorry pa, Elle?” sarkastikong tanong ko. Kanina ko pa kasi ito naririnig mula sa kanya. “Oo nga pala. Ako si Wendy na masyadong malambot kaya palaging nate-take advantage. Hindi ba’t ‘yon ang palagi mong sinasabi sa ‘kin? Alam mong oras na sunduin mo ako, kapag nagpaliwanag ka at humingi ng tawad, madaling maaayos ang problema. Kaya hindi ka nagdalawang-isip na gamitin ako.”
“I had no choice! My husband accidentally sent a wedding invitation to Peter!” sigaw ni Elle na nagpahinto sa ‘kin.
Lalong lumukot ang noo ko. “Ano namang kinalaman ng asawa mo kay Peter?”
“Hindi ba niya nasabi sa ‘yo na magkaibigan sila ni Axel?” Mukhang nakuha ni Elle ang sagot sa katahimikan ko dahil sinundan niya agad ito ng paliwanag. “Axel used to live on this island too. Peter and I met first, and then he introduced me to his best friend, Axel. Noong araw na bumalik ako sa Maynila, pinasamahan niya ako kay Axel. Sumama si Axel dahil gusto rin niyang tumira sa city. Sawa na siya sa buhay niya rito sa isla. Tinulungan ko siya, at sa pagdaan ng panahon, mas naging malapit kami sa isa’t isa. Mas lumalim ang relasyon namin…”
And then they ended up getting married.
“Hindi niyo man lang naisip sabihan si Peter tungkol sa relasyon niyo bago kayo nagdesisyong magpakasal? At talagang ginusto mo pang itago?” Nahirapan akong makahinga sa mga nalaman. Ngayon mas naunawaan ko na kung bakit sobrang nahihirapan si Peter mag move on. Kung ako man ang nasa posisyon niya ay ganito rin marahil ang mararamdaman ko.
“I honestly thought he'd already moved on, so it didn't really seem to matter. We haven't been in touch for quite some time. In fact, kung talagang mahalaga ako sa kanya, dapat matagal na niya ‘kong pinuntahan sa Maynila,” paliwanag ni Elle pero hindi ko makita ang punto.
“Paano siya makakapag-move on kung hindi naman kayo nagkaroon ng closure?” Naalala ko ang kwento ni Peter sa ‘kin noon. Bakit kasi hindi niya maiwan ang islang ito? Kung makaasta siya ay para bang pagmamay-ari niya ito.
Bumagsak ang tingin ni Elle sa buhangin. “Nagkamali ako sa part na ‘yon. Akala ko talaga tapos na kami. Ganuon kasi ang nangyari sa iba ko pang relasyon noon bago siya.” Napasabunot si Elle sa kanyang buhok; animo sumasakit ang ulo. “And then just a few days before our wedding, Axel sent an invitation to this group email. He completely forgot that Peter's email address was also included, and he ended up inviting him!”
Nakatanggap si Peter ng invitation sa kasal nina Elle at Axel – si Elle na ex niya, at Axel na best friend niya. Mapapamura ka talaga sa masalimuot niyang love life. Mas masakit pa pala ang nangyari sa kanila kaysa sa amin ni Kyle kahit pa mas matagal ang relasyon namin.
Kinailangan kong tumalikod para iproseso lahat ng mga nalaman. Kahit anong paliwanag ni Elle, nasasaktan pa rin ako para kay Peter. Alam kong nasa mali si Peter dahil sa pag kidnap niya, pero hindi ko siya masisi dahil sa nagawa niya. Hindi naman niya kasalanan na hindi sila magkasinglalim ng nararamdaman ni Elle.
“Wendy, gusto talaga kitang imbitahan as my maid of honor. Pero nung nalaman ko ‘yung nagawa ni Axel, pati ang pag-alis ni Peter sa isla ilang araw bago ang kasal ko, I had a feeling he would do something to ruin it. Naalala ko kasi ang sinabi niya sa ‘kin noong araw na umalis ako rito. He said he would steal me if I ended up marrying another man. Natakot ako. Kilala mo naman ako. I can be impulsive at times. Kaya nung nakaharap kita, nakaisip ako ng paraan para masalba ang kasal ko—”
Naglakad ako papalayo dahil ayaw ko nang marinig pa ang paliwanag niya. Excuses lang naman lahat ng ‘to. Pero mabilis niyang hinawakan ang braso ko bago pa ‘ko makalayo. “Maniwala ka, please. Hindi ko intensyong ipakidnap ka sa kanya! Oo’t inayusan at binihisan kita katulad ko. Pero gusto lang namin mahuli si Peter. May mga tao kaming manghuhuli dapat sa kanya kaya lang hindi ko alam kung paano niya nalusutan lahat.” Huminga siya nang malalim bago nagpatuloy, “You have no idea how much I wanted to save you at that time, but it was already my wedding day. Axel is the greatest gift in my life, and I couldn't let him down—”
“Kaya tinuloy niyo ang kasal. Dinamay niyo na pati honeymoon,” pagpapatuloy ko sa kwento niya. Dahil pareho lang ito ng sinabi ko kanina. Tama lahat ng mga naisip ko.
Inalis ko ang pagkakahawak ni Elle sa ‘kin bago humarap sa kanya. Humakbang ako palapit habang nakatitig kami sa mga mata ng isa’t isa. Nakita ko ang pamumula ng mga mata niya; ang pangungusap ng mga ito, pero ngayon ay parang namanhid naman ang puso ko.
Nang kaunti na lang ang distansya sa pagitan namin, malakas na sampal ang tinanggap niya mula sa ‘kin. Dapat ay kanina ko pa pala ito ginawa imbes na yakapin siya. Pero masakit sa ‘kin saktan ang kaibigan ko. Masyado pa rin akong malambot.
“Naintindihan ko na lahat ngayon. Pwede ka nang umalis,” mas kalmadong saad ko kahit na pumipintig ang ulo ko.
Pero mukhang wala siyang balak makinig sa ‘kin dahil niyakap niya pa ‘ko ng mahigpit. “Alam kong masama ang loob mo sa ‘kin. Tatanggapin ko lahat ng galit mo. Pero nandito ako para tulungan ka. Bumalik na tayo sa Maynila. Ako nang bahala kay Peter. Sisiguraduhin kong magbabayad siya sa ginawa niya.”
“If you want to arrest him, then you’d be an accomplice,” sinabi ko ang totoo nang ‘di kumikilos. Tinulungan ni Elle si Peter sa pagkidnap sa ‘kin, aminin man niya ito o hindi. “Be honest, Elle. During my stay here, did he ever reach out to you, even just once?"
Lumuwag ang pagkakayakap ni Elle sa ‘kin. Nanlamig naman ang buong katawan ko dahil sa ihip ng hangin. Nagsimula na ring pumatak ang ulan. “He did. More than once. And I’m sorry I didn’t do anything.”
Just as I thought. “May ginawa ka. Tinulungan mo ako sa mga magulang ko. Kaya nga hindi pa nila ako pinaghahahanap ngayon.”
Hinawakan niya ang dalawang kamay ko. “Wendy, hindi ko alam kung anong nangyari habang nandito ka. Kung anong mga sinabi ni Peter. But believe me, everything he did or said to you was a lie. Ginamit ka lang niya para makaganti sa ‘kin.”
Para akong paulit-ulit na sinaksak ng mga sinabi niya. “Wow. Ang taas naman talaga ng tingin mo sa sarili mo, Elle. Kung nagawa mong mag move on, for sure, kaya rin ni Peter,” sinabi ko ito pero kahit ako hindi sigurado rito. “Choice kong maniwala o hindi sa kanya. Kaya please, ‘wag mo ‘kong diktahan. Kung wala kang tiwala sa kanya, pwes ako mayroon. Buong-buo. Kaya hindi mo siya kailangang arestuhin kung ako lang ang dahilan.”
“Pero Wendy—”
“Alam mong mabuting tao si Peter at hindi niya ako kayang saktan. Kaya nga hinayaan mo akong magtagal dito kasama siya. Kaya kahit binigyan ka ng pagkakataon noon, wala kang ginawa.”
Hindi si Wendy ang pinapairal ko ngayon. Si Briar. Sinusubukan kong lakasan ang loob ko kahit na hindi ko talaga maatim sabihin lahat ng pangri-real talk na ito sa best friend ko.
Napayukong muli si Elle. Hindi ko alam kung bakit gusto pa niyang dagdagan ang sugat ni Peter. Pero mas lalo lang lumalakas ang kagustuhan kong protektahan ito sa kanya.
“Kung talagang may pake ka sa ‘kin, then do me a favor.” Nang sabihin ko ito ay nag-angat siya agad ng tingin sa ‘kin. Nakita ko ang pag-asa sa mga mata niya habang hinihintay kung anong pwede niyang magawa para sa ‘kin.