Gusto kong magsimula sa islang ito kasama si Peter bilang si Briar. At para magawa ito ng maluwag sa loob ko’y balak kong tawagan ang mga magulang ko para ipaalam sa kanila kung nasaan talaga ako at sino ang kasama ko. Hindi ko sasabihin sa kanila kung paano at bakit ako napunta sa islang ito. Gusto ko lang malaman nilang maayos at masaya ako rito.
Alam kong tututol sila sa umpisa pero kalaunan ay mapapapayag ko rin sa buhay na gusto ko. Kung hindi man, handa akong ipaglaban si Peter sa kanila. Lahat naman kasi ng gusto nila sinunod ko simula pagkabata. Kaya sana kahit ito lang ay ibigay na nila sa ‘kin. Kung magagalit sila ay ipagdadasal ko na lang na mapatawad nila ‘ko pagdating ng panahon.
Ito ang mga bagay na tumatakbo sa isip ko habang pababa kami ni Peter sa bundok. Nagpaplano na ako para sa hinaharap habang parehong tikom ang bibig namin. Hindi ko nga alam kung bakit parang mas mabilis kaming nakabalik sa kubo kaysa nakaakyat sa bundok kahit pareho lang naman ang daang tinahak namin.
Pagdating sa kubo, nagtaka ako nang pagbaba ni Peter ng gamit ay lumabas din siya. Tuloy ay kahit gusto ko sanang magpahinga sa kwarto, naisipan kong sundan siya. Nakita ko siyang nakatayo sa tabing dagat. Dahan-dahan akong naglakad at tumabi sa kanya, animo ibon na natatakot akong mabugaw.
Pasikreto akong sumulyap sa kanya at nakitang malayo ang tingin niya. Para bang malalim ang iniisip niya. Tuloy ay ilang minuto rin ang pinalipas ko bago ako tumikhim at nagsalita, “Bakit nandito ka? Baka umulan na. Pasok na tayo sa loob,” pag-aya ko sa kanya dahil madilim na ang langit; napuno na ito ng mga ulap. Mukhang pinagbigyan lang talaga kami kanina.
Nang hindi siya kumibo, hinawakan ko siya sa braso at bahagyang iginiya pabalik.
May problema kaya? Hindi kasi siya kumilos sa kabila ng paghila ko. Para siyang naging bato sa kinatatayuan niya. Napansin ko ring masyadong seryoso ang mukha niya ngayon. Malalim ang tinging ipinukol niya sa ‘kin bago hinawakan ang kamay ko at dahan-dahang inalis ang pagkakahawak sa kanyang braso.
“Bakit nagsusungit ka na naman?” medyo pabirong tanong ko kahit na kabado at may kirot sa dibdib.
Kumpara kaninang umaga ay para bang mas malamig siya ngayon sa ‘kin. Anong nangyari sa deep talk namin kanina? Akala ko pa naman ay mas magiging malapit na kami sa isa’t isa pero parang na-reset ang relasyon namin.
Hindi kaya kulang lang siya sa lambing? Nang maisip ito’y humakbang pa ‘ko palapit kay Peter. Nakatingin siya ng diretso sa ‘kin at ganuon din ako. Nang kaunti na lang ang distansya sa pagitan namin, tumingkayad ako at mabilis na nagnakaw ng halik sa kanyang labi.
Nakita ko ang paglaki ng mga mata niya habang nakalapat ang labi ko sa kanya. Pumikit ako; dinama ang lambot nito habang dinig ang malakas na hampas ng alon. Para bang sandaling huminto ang oras sa pagitan namin.
Pagputol ko ng halik ay umatras ako para makita siya ng buo. Parang natulala siya dahil sa ginawa ko. “Makikinig ka na ba sa ‘kin?” tanong ko habang nakangiti. Nakakatuwang makita na kahit papaano ay may epekto ako sa kanya.
Akala ko ay susunod na siya sa ‘kin nang ipasok niya ang kamay sa kanyang bulsa. May kinuha siya rito bago inilahad ang palad sa ‘kin. Lumawak ang ngiti sa labi ko nang akala ko’y may regalo siya. Ayon lang ay nagtaka ako nang makitang ito lang pala ‘yong baryang pinautang niya sa ‘kin kanina kapalit ng bigay niyang sapatos.
Napaisip ako kung binibigay ba niya ito sa ‘kin. At nang balak ko na sanang kuhanin ay sinarado naman niya ulit ang kanyang palad. Pagkatapos ay ibinato niya sa dagat ‘yong barya!
Nalaglag ang panga ko; nanlaki ang mga mata ko. “Bakit mo tinapon?! Hindi mo ba naintindihan ‘yung paliwanag ko kanina?” pagtataas ko ng boses. Pupuntahan ko sana ang pinagtapunan niya nang hawakan niya ‘ko sa braso. Dito muling nagtagpo ang mga mata namin – may mababakas na kakaibang dilim at lungkot sa kanya.
“Ikaw na mismo ang nagsabi. Kapag hindi ka nagbigay ng barya sa taong nagregalo sa ‘yo ng sapatos, maghihiwalay kayo,” may diing saad ni Peter na nagpalukot sa noo ko.
“Nakuha mo naman pala e! Pero bakit tinapon mo pa rin ‘yung binigay ko?” tanong ko na agad kong pinagsisihan. Bumagsak ang balikat ko nang makuha ang gusto niyang iparating. “Gusto mo pa rin akong umalis,” ako na ang nagsabi ng bagay na hindi niya magawang sabihin ng diretso.
Nagtiim-bagang si Peter. “Papunta na si Lorenz dito para ihatid ka pabalik ng Maynila,” sabi niya at dito nagsimulang mamuo ang luha sa mga mata ko. “Nakapag-hiking ka na. Nakaupo ka na rin sa duyan ng ilang beses. Ginawa ko na lahat ng mga sinabi mong pagkukulang ko sa ‘yo. Kung may hindi man ako natupad, gawin mo na lang pagbalik mo. Wala ng dahilan para manatili ka pa sa islang ‘to.”
Parang may sumaksak sa dibdib ko ng paulit-ulit dahil sa mga binitawang salita ni Peter. “Seryoso ka ba? Papaalisin mo pa rin ako pagkatapos ng mga nangyari sa ‘tin? Kailan mo pa naisip ‘yan?” Sunod-sunod kong tanong.
“Hindi naman nagbago ang isip ko,” sabi niya na malaking sampal sa ‘kin. Kaya pala pinasaya niya ‘ko buong araw. Ito ang kanyang binabalak habang nagpaplano ako para sa hinaharap.
Kinuyom ko ang dalawang palad ko; sinusubukang kontrolin ang sariling emosyon. “Dapat pala hindi na lang ako sumama sa ‘yo mag hiking. Sana pinilay ko na lang ang sarili ko. Sana hiniling kong bumagyo,” bulong ko bago kinagat ang ibabang labi. Parang pinipiga ang puso ko.
May tumakas na luha sa isang gilid ng mata ko. Nag-iwas siya ng tingin at agad naman akong yumuko. Ayaw kong daanin siya sa iyak. Ayaw kong kaawaan niya ‘ko.
“Hindi ka para sa islang ‘to,” deklara ni Peter sabay talikod sa ‘kin pero may pahabol pa ‘ko.
“Hindi rin ba ‘ko para sa ‘yo?” pumailanlang sa hangin ang tanong ko, na tila ba buong buhay ko ay nakasalalay sa sagot niya.
“Malinaw naman na magkaiba tayo ng pangarap sa buhay. Tuparin mo lahat ng mga pangarap mo—”
“Paano ko matutupad lahat e ikaw nga ‘yung isa sa mga pangarap ko!” pagputol ko sa kanya sabay angat ng ulo. Hindi ko maintindihan kung bakit panay ang pagtulak niya sa ‘kin papalayo.
Nakita ko na lang ang likuran ni Peter nang magsalita siya, “You weren't meant to be here with me from the start. You simply didn't have a choice." Ito ang huli niyang sinabi bago naglakad papalayo.
Alam ko namang totoo ang sinabi niya. Kinidnap niya ako. Nagkamali siya. Pero matagal ko na siyang pinatawad. Tinanggap at nagustuhan ko rin ang sitwasyon ko.
Naalala ko naman ang baryang tinapon ni Peter sa dagat. Ayaw kong maniwala sa kasabihan pero dahil sa kanya, natatakot akong gawin ito ngayon. Kaya naman nagmadali akong tumakbo papunta sa direksyon kung saan niya hinagis ‘yong barya. Naramdaman ko ang mabilis na paglubog ng katawan ko sa dagat lalo na’t malakas ang alon. Nanginginig ako sa takot kahit na naturuan na niya akong lumangoy kahit papaano.
Huminga ako ng malalim bago inilubog ang ulo. Sinubukan kong kapain ang buhangin at mga bato. Kailangan kong mahanap ‘yong baryang tinapon ni Peter. Baka mapapayag ko pa siyang manatili ako sa isla kapag naghimala at nahanap ko pa ito.
Pag-ahon ko para huminga, nanlaki ang mga mata ko nang salubungin ako ng malakas na hampas ng alon. Para akong nilamon ng buhay. Sinubukan kong umahon kaagad pero nalubog ako sa dagat. Kinapa ko ang sahig gamit ang mga paa ko pero wala ng lupa o kahit mga bato. Agad akong nag-panic. Nakainom ako ng tubig dahil hindi ako naging handa.
Sabi nila kapag nasa life-and-death situation ka, rerehistro sa isip mo ang buong buhay mo. Lalo na ‘yung mga bagay na mahalaga sa ‘yo at ayaw mong iwan. Bukod sa mga magulang ko, akala ko wala na ‘kong ibang maiisip pa. Halos lahat naman kasi ng mga pangyayari sa buhay ko, ginawa ko dahil sa expectations ng mga taong nakapaligid sa ‘kin.
Kaya nagulat ako nang maalala ko ‘yong pagtuturo ni Peter sa ‘kin lumangoy, at nagsunod-sunod na ang iba pa naming mga alaala sa isla.
Sinulit ko na ito dahil mukhang katapusan ko na. Nauubusan na rin ako ng hangin. Pinikit ko ang mga mata ko at hinayaang lumutang ang katawan ko sa dagat.
Ilang sandali lang nang maramdaman kong may brasong yumakap sa beywang ko. Akala ko’y ilusyon lang nang iangat ako nito. May hanging tumama sa balat ko. Nang subukan kong huminga’y naubo ako. Lumabas ang tubig sa ilong at bibig ko.
Pagmulat ko ng mga mata’y karga-karga na ‘ko ni Peter na parang sako ng bigas. Nakaahon na kami pero naisip kong kuhanin ang pagkakataong ito para hindi mapaalis. Nagpanggap akong nawalan ng malay.
Paghinto namin, tinawag niya ng ilang beses ang pangalan ko pero nanatiling tikom ang bibig ko. At dahil wala siyang makuhang kahit ano mula sa ‘kin, inihiga niya ‘ko ng marahan sa buhangin. Bahagya niya ‘kong inalog para magising. Nang hindi umepekto ay naramdaman ko ang mabilis na pagdampi ng labi niya sa ibabaw ng akin. Binugahan niya ako ng hangin sa bibig katulad ng ginagawa sa mga nalulunod. Hindi ko ito inasahan kaya naubo ako.
Napilitan akong dumilat at una kong nakita ang pag-aalala sa mukha niya. Yumuko siya para maitago ito pero nakita ko ang paghahabol niya ng hininga.
"Sus. Gusto mo kong paalisin pero takot ka namang mawala ako," komento ko na dapat ay sa isip ko lang pero nasabi ko mismo sa kanya. Bahala na kung anong isipin niya sa 'kin. "Bibigyan kita ng chance para bawiin ang pagpapaalis mo sa 'kin," sabi ko pa na para bang utang na loob pa niya ngayon ang pananatili ko sa isla. Kunwari'y confident ako pero takot na takot pa rin ako ngayon.
“You can't get that coin back, no matter how hard you try,” narinig kong bulong ni Peter; pumait ang panlasa ko dahil dito.
Naalala ko ‘yong barya dahil sa sinabi niya. Nagmadali akong bumangon. “Kailangan kong mahanap ‘yung barya!” sigaw ko pagtayo kahit ang totoo’y gusto ko lang sabihin ng paulit-ulit na ayaw kong umalis. Gusto kong manatili sa isla kasama siya.
Pabalik na ako sa dagat nang hawakan ni Peter ang palapulsuhan ko.
“Wendy!”
Natigilan kami sa boses na narinig. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Kahit na ‘di ko pa nakikita kung sino ang tumawag sa ‘kin, nakilala ko agad ang boses nito. At mukhang ganuon din si Peter dahil dito niya ako agad na binitawan. Tumayo ako sa buhangin at nanatiling kaharap niya. Hindi naman niya ‘ko matingnan ng diretso.
“Pinapunta mo ba siya rito pa-para kuhanin ako?” nabasag ang boses ko nang magtanong. Umihip ang malakas na hangin at napayakap ako sa sarili. Ngayon lang ako gininaw ng sobra. Ngunit kahit mahirap para sa ‘kin ay hindi ko inalis ang tingin ko sa kanya.
“Umpisa pa lang, malinaw sa ‘yo na ginamit lang kita para mapabalik siya sa ‘kin.”
Parang nalaglag ang puso ko at nagpira-piraso. Kahit pa nakaiwas siya ng tingin, nakita ko ang pamumula ng mga mata niya. Alam kong totoo ang sinabi niya pero imposibleng hindi nagbago ang intensyon niya sa panahong nagkasama kami sa isla. Kaya bakit niya ito gustong kalimutan ngayon? Mukhang desidido na talaga siyang paalisin ako sa pagkakataong ito.
“Ibig sabihin ba… kahit kaunti… hindi mo ako nagustuhan?” ramdam ko ang pagdausdos ng luha ko. Bumabagsak din ang magkabilang dulo ng labi ko at nanginginig. “Tingnan mo ‘ko ng diretso,” mariin kong saad. Sa gilid ng mga mata ko’y nakita kong may papalapit sa ‘min. Alam kong sinasaktan ko lang ang sarili ko ngayon pero mas maganda nang sa kanya mismo ito manggaling.
Tinalikuran na naman niya ‘ko bago siya sumagot, "How could I ever dare to fall for someone I kidnapped? That would make me a fool."
Hindi sinagot ni Peter ang tanong ko. Sasabihin ko pa lang ito nang mapasinghap ako dahil sa sampal na tinanggap niya galing kay Elle. Nag-angat siya ng tingin at para bang hindi nabigla sa ginawa nito sa kanya. Binalot sila ng matinding tensyon habang nakatingin sa isa’t isa. Ngayon lang sila nagkita ulit pagkatapos ng matagal na panahon.
Bakas ang galit sa tingin ni Elle. At nang makita ko ang muling pag-angat ng kamay niya sa ere, mabilis akong tumayo sa harapan ni Peter. Iniharang ko ang sarili, hinawakan siya sa palapulsuhan, at pinigilan sa balak gawin.
Halatang nabigla ang kaibigan ko sa pagprotekta ko kay Peter. Napuno ng pagtataka ang mga mata niya nang balingan ako ng tingin.
“I won’t let you hurt him again,” sabi ko kay Elle.