Minsan na ‘kong inaya ni Elle mag-hiking noon pero hindi ako pumayag dahil ang sabi sa ‘kin ni Kyle, delikado at hindi ko raw kakayanin. Marami akong iba’t ibang bagay na hindi nagawa dahil naniwala ako sa sinabi ng ex ko sa ‘kin. Kaya naman hindi ako makapaniwala na ginagawa ko na ang isa sa mga ito ngayon.
Pwede naman pala. Basta kasama ang tamang tao.
Mabuti na nga lang at totoo ang sinabi ni Peter na hindi naman ganuon kahirap ang trail na nilalakaran namin ngayon; hindi ganuon kadelikado. Medyo malambot lang ang lupa dahil sa ulan kagabi kaya dahan-dahan at maingat ang paglalakad namin.
Napasulyap ako sa mukha ni Peter. Seryoso pa rin ito katulad ng dati; tila malalim ang iniisip. Ngunit sa kabila nito, hindi ko mapigilan ang pagngiti. Bumaba pa ang tingin ko sa mga kamay naming magkasalikop pa rin; mahigpit ang hawak niya sa ‘kin. Para na kaming mag boyfriend at girlfriend kung kumilos. Label na lang talaga ang kulang. Siguro naman ay wala na siyang balak pang itaboy ako sa pagkakataong ito.
“Tumingin ka sa nilalakaran mo,” utos ni Peter na agad kong sinunod. Ayon lang ay madali akong natalisod ng bato. Mabuti at agad niya akong nahawakan sa braso bago pa ‘ko matumba.
Dahan-dahan akong tumingin sa kanya at ngumisi. “Nice catch! Salamat!” pagpuri ko sa kanya, halos maging guhit ang mga mata ko sa pagngiti habang nakatitig siya sa mukha ko.
Tumikhim naman siya sabay iwas ng tingin. Itinayo niya ako ng maayos at nagpatuloy kami sa trail. Itinuon ko muna ang buong atensyon ko sa daan dahil may mga bato kaming inakyat. Medyo nakakatakot pero nakaalalay si Peter kaya madali itong nawala. Nang maging patag ulit ang daan, dito lang ako nakahinga ng maluwag kahit papaano.
“Sabi mo nakapunta ka na rito noon. Sinong kasama mo?” pagbasag ko sa katahimikan. Naisip ko agad na si Elle ang isasagot niya. Natural lang naman ito dahil may relasyon sila noon—
“Nagpupunta ako rito kapag gusto kong mapag-isa… para makahinga at makapag-isip ng maayos,” walang pagdadalawang-isip niyang sagot na muling nagpalawak ng ngiti sa labi ko. Nagulat ako nang bahagya niya akong iginiya palapit sa kanya. Pagtingin ko’y may iniwasan pala kaming puno. Para bang mas nakatingin pa siya sa nilalakaran ko kaysa sa akin.
Balak yatang pasakitin ni Peter ang panga ko ngayong araw. Lahat kasi ng mga sinasabi niya at ginagawa ay nakaayon sa gusto ko. Kanina pa ako nakangiti. Masarap din pakinggan ang t***k ng puso ko.
“Hindi ba’t lagi ka namang mag-isa? Bakit kailangan mo pang umakyat ng bundok?” komento ko.
Hindi ko lang alam kung anong dapat niyang pag-isipan ng maayos. Kung gusto niyang mapag-isa, mag-isa naman na siya sa kubo niya; malayo siya sa ibang mga naninirahan sa islang ‘to. Makakahinga na siya kahit maupo lang siya sa tabing dagat. Kaya naman bakit kailangan pa niyang pagurin ang sarili niya?
Wala namang sinabi si Peter pabalik. Nalaman ko lang ang sagot sa sarili kong tanong nang sa wakas ay binati kami ng magandang tanawin. Bumilog ang bibig ko pagkakita sa kulay asul at malawak na karagatan sa harapan namin. Kaunting lakad pa ay natanaw na rin namin ang ibang bundok sa isla.
“Dito na tayo,” sabi ni Peter nang makarating kami sa mismong lugar na gusto niyang pagdalhan sa ‘kin. Para akong nananaginip lang sa sobrang ganda ng paligid. Tanaw namin ngayon hindi lang ang karagatan kung hindi maging ang kabuuan ng isla. Kahit maliit lang ay nakita ko ang kubo niya maging mga kubo ng iba pang naninirahan dito. Kita ang distansya ng dalawa lugar na para bang hindi ganuon kalaki mula sa pwesto namin.
“Tama ka nga. Mas makakahinga at makakapag-isip dito…” halos pabulong kong saad. Kung ako rin siya, gugustuhin kong magpunta sa itaas ng bundok na ito palagi.
Masarap sanang magkaroon ng alaala rito. Kaya naman agad kong hinarap si Peter sa tabi ko. Kinapkapan ko siya. “Teka. Anong ginagawa mo?” gulat na tanong ni Peter sabay atras para umiwas sa ‘kin.
“Pahiram ng cellphone. Mag picture tayo!” pag-aya ko. Tumigil ako nang siya na mismo ang kumuha ng cellphone niya. Itinapat niya sa ‘min ang front cam nito; nasa likod namin ang magandang view. Sa unang litrato ay simpleng pagngiti lang ang ginawa namin. Nang pumindot pa siya sa ikalawang beses ay nagnakaw ako ng halik sa pisngi niya.
Napatingin siya sa ‘kin dahil sa pagkabigla. Pero nagkunwari akong walang ginawa nang pagmasdan ulit ang paligid. Napapikit ako pagkatapos. Sinamantala ko ang pagsinghot sa sariwang hangin. Sa sobrang payapa ng lugar na ito, parang ayaw ko nang bumaba pa.
May naalala akong dapat gawin sa itaas ng bundok. Kaya naman napadilat ako. Huminga ako ng malalim at pagkatapos ay iniharang ang dalawang kamay ko malapit sa bibig bago sumigaw.
“Anong hindi ko kayang tumaas ng bundok?! Kaya ko! Kinaya ko!” magkakasunod kong bato sa bawat salita. Halos maputol ang ugat sa leeg ko dahil sa pagsigaw pero masarap sa pakiramdam dahil parang may mabigat na nawala sa dibdib ko.
Naalala ko naman si Peter kaya agad ko siyang nilingon. Nakatingin lang siya sa ‘kin nang hawakan ko siya sa braso. Hinila ko siya papunta sa pwesto ko. “Ikaw naman ang sumigaw!” Ako naman ang nag-utos sa kanya. At katulad ng inaasahan, awtomatikong nagsalubong ang kilay niya.
“Hindi na kailangan. Anong isisigaw ko?” panay ang pag-iling niya pero nakikita ko sa mga mata niyang gusto rin niyang subukan ang ginawa ko.
“Kahit anong gusto mong sabihin, isigaw mo. Try mo lang. Masarap sa pakiramdam. Promise!” pag engganyo ko sa kanya. At para mas mapapayag siya ay inulit ko pa ang ginawa ko. Humarap ako sa malawak na karagatan at muling sumigaw, “Thank you, Peter! Ngayon ko lang naramdaman maging malaya ng ganito!”
Pagtingin ko kay Peter, mas malalim ang tingin niya sa ‘kin. Nagtaka ako sa pagbabago ng ekspresyon sa mukha niya. Para bang may pagtatakang mababakas sa mga mata niya – or maybe it’s amusement? Hindi ko ito masyadong natukoy dahil siya naman ang humarap sa karagatan.
“Pinagsisisihan ko lahat ng mga pagkakamali ko!”
Parang may sumaksak sa dibdib ko. Hindi naman detalyado ang isinigaw ni Peter. Wala siyang binanggit na pangalan o pangyayari. Pero pakiramdam ko kasi, isa ako sa mga pagkakamaling tinutukoy niya.
Nang humarap siya sa ‘kin, agad kong binalik ang masayang ekspresyon ng mukha ko. Hangga’t maaari ay ayaw kong magmukhang apektado. Ako naman ang namilit sa kanyang sumigaw. Kailangan kong tanggapin na ito ang bigat na gusto niyang mawala sa kanyang dibdib.
“Ano bang laman ng bag mo?” pag-iiba ko ng usapan. At dito niya naalala ang mga dinala niya.
Natuwa ako nang mag-set-up siya ng tent para sa amin. Tinulungan ko siya at dito nalamang kumpleto siya ng mga gamit dahil nakapagdala pa siya ng sapin para sa aming dalawa at nakapaghanda ng mga pagkain. Naupo kami sa nakabukas na tent, sa harapan namin ay makikita ang magandang tanawin. Magkasabay tuloy na-check sa bucket list ko ang hiking at camping dahil kay Peter.
“Pwede ko na bang malaman ngayon kung anong pinagkakaabalahan mo sa buhay bukod sa pagkidnap sa ex mo?” medyo pabiro kong tanong pagkalipas ng ilang minutong katahimikan. Ayon lang ay mukhang seryosong bagay pa rin ito sa kanya kaya tuloy matalim ang tinging ipinukol niya sa ‘kin. “Sabi ko nga lagpasan na natin ang getting to know stage. Masyadong boring!” tumawa ako pero hindi epektibo. Kaya nagkunwari akong zinipper ang bibig.
Ayon lang ay nang abutan niya ‘ko ng sandwich ay agad ko itong kinuha at kinagatan. Tumingin ako sa malayo nang magsalita si Peter, “I’m an entrepreneur.” Napalingon ako sa kanya dahil ngayon lang niya sinagot ang tanong ko.
Entrepreneur… ibig sabihin kaya ay unemployed siya pero ayaw lang niya aminin? Kasi kung entrepreneur siya, bakit hindi siya busy? Bakit pwedeng nasa isla lang siya? Bakit parang twenty-four seven kami magkasama? Tumango lang ako dahil ayaw ko namang ma-offend siya kapag nag-react pa ‘ko. Ayaw ko ring mapilitan siyang magbigay ng detalye.
“Ako naman, dating assistant sa munisipyo ng probinsya namin. Nagkaroon ng layoff at natanggal ako,” kwento ko. Alam kong hindi naman siya nagtatanong, at gusto kong si Briar ang tumatak sa isip niya, pero gusto ko pa ring buksan ang sarili ko sa kanya bilang Wendy kahit papaano. Para makilala niya ‘ko ng totoo.
“Nalungkot ako. Akala ko noong una dahil gusto ko ang trabaho ko. Pero na-realize ko na nalungkot lang ako dahil may nawala sa ‘kin na nakasanayan ko. Simula bata hanggang pagtanda, boring at parang routine lang ang buhay ko sa ‘min. Kaya nga natuwa ako nung napunta ako sa islang ‘to. Kahit pa pagkakamali lang pero naging masaya ako,” dagdag ko.
Nahinto ako sa pagsasalita nang mapagtantong marami na naman akong nasabi. Masyado kong ipinakita kay Peter si Wendy. Kaya tuloy nang mapasulyap ako sa kanya, pakiramdam ko tumatagos ang tingin niya sa ‘kin.
Tumawa naman ako ng malakas para mapagtakpan ang pagkailang ko sa nangyari. “Kuntento na ‘ko sa buhay ko ngayon. Gusto ko ‘yung ganito. Go with the flow lang. Kung nasaan ka, dun ako. Kung anong gusto mo, gagawin ko,” casual kong saad.
“Ano bang pangarap mo?” tanong niya na nagpatigil sa ‘kin sa pagtawa. Kinailangan kong palipasin ang ilang minuto para makapag-isip. Tumingin pa ako sa malayo bago ito sinagot.
“Pangarap? Parang maraming iba’t ibang klase ng pangarap e. Kung sa pamilya, pangarap kong makasama pa ng mas matagal ang mga magulang ko at maabutan nilang magkapamilya ang mga apo nila.” Napangiti ako maisip pa lang ito. “Kung sa trabaho, pangarap ko lang naman magkaroon ng posisyon na magpaparamdam sa ‘king importante ako. I want something that makes me feel alive; something challenging yet fulfilling. ‘Yung maggo-grow ako hindi katulad ng dati kong trabaho na pareho-pareho lang ang nangyayari araw-araw.”
“Sa relasyon?” Si Peter na ang nagdugtong. Kaya tuloy bumalik ang tingin ko sa kanya. Nakakatuwa ngayong interesado na siyang mas makilala pa ‘ko.
Nakita ko ang kamay niyang nakatukod sa sapin at ipinatong ko ang kamay ko sa ibabaw nito bago sumagot.
“Ikaw. Ikaw ang pangarap ko,” sagot ko at bahagya akong napayuko para itago ang kilig ko. Minsan na nga lang akong bumanat ako pa ang unang kinilig. Tumikhim naman ako bago muling nagsalita, “Teka nga. Ikaw naman ang sumagot sa lahat ng mga tanong mo sa ‘kin. Ano bang pangarap mo?”
“Simple lang ang pangarap ko. Manatili sa islang ‘to, bumuo ng pamilya kasama ang taong mahal ko,” diretso niyang sagot na nagpahinto sa paghinga ko. Alam kong hindi ko na ‘to dapat pang ikagulat dahil sa nangyari sa kanila ni Elle pero ganito pa rin ang naging reaksyon ko.
Mukhang nabasa tuloy ni Peter ang pagkabigla sa mukha ko kaya nag-iwas siya ng tingin. Binawi niya ang kamay niya mula sa ‘kin sabay tayo.
“Baka abutan tayo ng ulan. Bumalik na tayo,” mabilis niyang saad. Kumagat pa ako sa hawak. Pagkatapos ay napilitan na rin akong tumayo.
“Aalis na agad tayo?” tanong ko dahil parang kakaupo pa lang namin. Binilisan ko ang pagnguya sa laman ng bibig ko.
“Oo. Madilim ang langit. Mahirap kapag umulan,” determinadong sagot niya.
Napabuntong-hininga ako pero alam kong kailangan kong makuntento. Lumapit ako kay Peter at bago pa siya makaatras ulit ay mabilis ko siyang niyakap ng mahigpit. “Salamat sa pagdala sa ‘kin dito, Peter,” bulong ko malapit sa tainga niya. Para naman siyang nanigas sa kinatatayuan niya. ‘Ni hindi man lang ako niyakap pabalik.
Nang humiwalay ako sa kanya, nagsimula na siyang magligpit. Tinulungan ko naman siyang mag-ayos nang huminto siya sa kalagitnaan. Dala ang cellphone niya ay lumayo siya sa ‘kin at naging abala sa pagtipa rito.
Hindi ko alam kung bakit pero may kaba akong naramdaman. Para bang may hindi magandang mangyayari. Napatingin ako sa langit at nakita ang pagdilim na tinutukoy niya. Mukhang kahit gusto ko pang manatili ay pagkakataon na ang ayaw makisama sa ‘min.