Pagdilat ko’y agad kong hinigit ang hininga ko. Nanlaki ang mga mata ko at pinagdikit ko rin ang labi ko. Paano’y hindi ko inasahang gigising ako kaharap si Peter! Sobrang lapit ng mukha namin sa isa’t isa!
Agad bumalik sa alaala ko lahat ng mga nangyari kagabi. Mabilis nag-init ang mukha ko dahil hindi lang ito basta panaginip. Pagkatapos kong magtapat ng nararamdaman ko, kung anu-anong pageeksperimento ang ginawa namin. Pero hindi ko pa rin alam kung ano ng label namin at kung paaalisin pa rin ba niya ‘ko.
Ilang minuto rin akong hindi kumilos sa pwesto ko. Dahil bihira lang ang ganitong pagkakataon, sinamantala ko na at tahimik kong pinagmasdan ng malapitan ang mukha ni Peter. Ang payapa nito – mahaba ang pilikmata, matangos ang ilong, at mamula-mula ang labi. Nainggit naman ako sa kutis niyang makinis kahit hindi kaputian, at para bang mas naalagaan pa kaysa sa ‘kin.
Hinigit ko ang hininga ko nang bumaba ang mga mata sa kanyang dibdib. Wala siyang suot na t-shirt at dito ko lang napansin na ako pala ang may suot nito ngayon. Lalo tuloy bumilis ang t***k ng puso ko. Dahan-dahan kong inilapit ang kamay ko sa kanyang dibdib, gusto ko siyang hawakan.
Pero buti na lang at nakapagpigil ako. Kinuyom ko agad ang palad ko. Napapikit ako ng mariin sabay iling. Talagang nagawa ko pang pagpantasyahan si Peter habang tulog!
Wendy, ikaw ba talaga ‘yan? Akala ko manhid ka pero kaya mo palang mahumaling ng sobra sa isang lalaki. Ikaw pa ngayon ang hindi mapakali!
Sinubukan ko namang umalis sa kanyang tabi o kahit man lang magbigay ng distansya sa pagitan namin para makahinga ng maayos – at baka ano pang magawa ko. Ayon lang ay dito ko napansin ang braso niyang nakapatong pala sa beywang ko. Tuloy ay napalunok ako. Huminga ako ng malalim at mas naging maingat sa paggalaw para ‘di siya magising.
Dahan-dahan akong umikot patalikod kay Peter. At nang iaangat ko na sana ang braso niya, napasinghap ako sa bigla niyang paghigit sa ‘kin palapit sa kanya!
“Saan mo balak pumunta?” tanong ni Peter, malalim at namamaos ang boses. Isiniksik pa niya ang mukha sa bandang leeg ko habang nakayakap mula sa likod. Tuloy ay nanayo ang buhok ko sa batok dahil sa pagtama ng hininga niya rito. “Tatakas ka?” tanong pa niya nang ‘di ako nakasagot.
Malakas na buntong-hininga ang pinakawalan ko. “Alam mo, kung balak kong tumakas, matagal ko ng ginawa,” balik ko sa kanya dahil ito naman ang totoo na siguradong alam niya rin. Napakarami ko kayang pagkakataong sinayang.
“Bakit hindi mo gawin ngayon?” paghamon niya sabay higpit ng yakap sa ‘kin. Napangiti tuloy ako sabay iling. Akala yata niya ay uurungan ko ang hamon niya.
Gamit ang natitirang lakas ng loob ay umikot ako paharap kay Peter. Nakita ko ang pagkabigla sa mukha niya lalo na nang ipulupot ko ang mga braso ko sa leeg niya. “Papayag ka bang makatakas ako?” tanong din ang ibinalik ko sa kanya habang malawak ang ngiti.
Siya ngayon ang hindi makapagsalita. Nang maramdaman ko ang pagluwag ng yakap niya sa beywang ko, kinuha ko itong pagkakataon para kumawala sa kanya.
Nakabangon na ako at proud na tumayo sa gilid ng kama. Tinaasan ko siya ng kilay habang nakatitig siya sa ‘kin, mababakas ang paghanga sa mga mata. “Nakatulog ka ba ng maayos?” tanong niya. Agad nag-init ang pisngi ko.
Nag-iwas ako ng tingin sabay bukas-sara ng mga mata. “Oo naman. Bakit hindi?” sagot ko sabay halukipkip – kunwari’y hindi apektado sa lakas ng kabog ng dibdib ko.
“I woke up when I heard you moaning,” balik niya kaya tuloy nanlaki ang mga mata ko. Bumagsak sa magkabilang gilid ko ang mga kamay ko.
“S-Seryoso?” Hindi makapaniwalang tanong ko. “Habang tulog?” paglilinaw ko.
Tumango siya pero halatang nagpipigil ng ngiti. Humiga siya ng diretso at pinagpahinga ang ulo sa braso. “Panay ang tawag mo sa pangalan ko,” dagdag pa niya na para bang inaalala pa talaga ito. Kaya mistulang umakyat lahat ng dugo ko sa mukha dahil sa hiya. Hindi ko alam kung nang-aasar lang ba siya pero agad kong kinuha ang unan sa kama at binato sa kanya.
“Peter!” pagsaway ko pero natawa lang siya. Hindi pa kami nagkaroon ng ganitong interaksyon noon kaya naman bago sa pakiramdam. Hindi ko tuloy alam kung matutuwa ba ako o mahihiya.
Tatalikuran ko na sana siya nang mabilis niyang nahuli ang kamay ko. Hinila niya ako pabalik sa kama na nagpatalon sa puso ko. Bumagsak ako rito pahiga at pumaibabaw siya sa ‘kin. Mabilis rumehistro sa isip ko ang ilang imahe kagabi.
Nang mapansin ko ang paglapit ng mukha niya sa akin, lalong naghuromentado ang puso ko. Pinigilan ko ang paghinga at napapikit ako ng mariin. Umawang ang labi ko, inabangan ko ang pag-angkin niya rito. At ilang sandali lang, naramdaman ko ang paghinga niya malapit sa tainga ko.
“Gusto mong mag hiking?” pag-aya niya kaya napadilat ako.
“Ngayon?” pagkumpirma ko sabay kagat sa ibabang labi. Sana hindi niya napansin ang paghihintay ko sa halik niya. “Okay na okay sa ‘kin,” sabi ko agad bago siya sumagot. Kahit kailan niya gusto ay pwede ako.
Nasagot ko naman na siya kaya tatayo na sana ‘ko para makapaghanda. Ayon lang ay pinirmi pa niya ‘ko sa kama. Hawak niya ako sa parehong palapulsuhan kaya hindi ako nakakilos. Makahulugan ang tinging ipinukol niya sa ‘kin nang muli siyang nagsalita. “Sigurado ka? Wala na bang masakit sa ‘yo?” tanong niya kaya nanlaki ang mga mata ko; malamang ay mukha na akong kamatis sa pula ng mukha.
“W-Wala namang masakit. ‘Di ba wala namang… sa atin… kagabi?” pahina nang pahina ang boses ko.
Dito naman siya napayuko sandali. Pag-angat ng tingin sa ‘kin ay may multo ng ngiti sa labi. "You injured your ankle yesterday, right?" Bumilog ang bibig ko. Kung hindi niya pinaalala ay muntik ko nang makalimutan ang pagpapanggap ko! Iba kasi ang pumasok sa isip ko! “What were you thinking?” tanong niya na ayaw kong sagutin.
Tinaas ko agad ang binti ko para sana ipakita sa kanyang ayos na ‘ko. Ayon lang ay natulak ko ang likod niya nang ‘di sinasadya at dito siya nasubsob sa ‘kin. Nadikit tuloy ang labi namin sa isa’t isa! Kapwa nanlaki ang mga mata namin.
Akala ko ay lalayo rin agad si Peter nang samantalahin niya ang aksidente. Mapanuyo ang kanyang halik na sinubukan kong tugunan. Muling nabugaw ang mga paruparo sa tyan ko dahil dito. Nang maghiwalay, halos hirap akong tingnan siya ng diretso. Ilang segundo rin ang lumipas bago ko naalala ang dapat sana’y sasabihin.
“Okay na ‘ko. Na-sprain lang naman ako kahapon. Kamay ko na lang ang masakit,” paliwanag ko. Sana ay di niya maisip na nagsinungaling ako.
“Mukha ngang okay ka na,” makahulugang balik niya.
“Pwede mo na ba ‘kong pakawalan?” tanong ko sabay ngisi. Habang nasa ibabaw kasi siya, hirap akong huminga. Baka bago pa kami makapag-hiking ay ubos na ang lakas at oxygen ko.
Mabuti naman at hindi na siya nagprotesta pa. Umalis na siya sa ibabaw ko at agad naman akong bumangon. Naupo ako sa dulo ng kama at tumayo naman na siya.
“Hingin ko na ‘yung t-shirt ko,” sabi niya kaya hinawakan ko ang laylayan ng t-shirt na suot ko. Itataas ko na sana ito nang mapag-isipan ang dapat sana’y gagawin. Pagtingin ko kay Peter ay nakahawak siya sa bibig, nagpipigil na naman siya ng ngiti. Dahil sandaling nawala sa sarili’y muntik na ‘kong maghubad sa harapan niya!
“Bahala ka na nga dyan!” sabi ko na lang tuloy sabay tayo. Ako ngayon ang napikon sa amin at lumabas ng kwarto.
Nasa pinto pa ako nang marinig ko ang pag ring ng kanyang cellphone. Hindi ko na ito pinansin pa at dumiretso ako sa banyo para makapaghilamos – nang sa gayon ay mahimasmasan man lang ako pagkatapos ng mga nangyari.
Ang hirap tuloy hindi mangiti sa tuwing naiisip ko si Peter at ang mga patagong ngiti at tawa niya. Madalang lang siyang mang-asar kaya tuloy kahit pikon ako, hindi ko magawang mainis sa kanya.
***
Hindi na umuulan; hindi rin ganuon kainit ang sikat ng araw. Maulap at mahangin ngayong umaga kaya masarap maglakad-lakad. Tamang-tama lang ang plano naming mag-hiking ni Peter. Ang sabi naman niya ay hindi ganuon kahirap ang trail na dadaanan namin kaya hindi ako dapat kabahan kahit first time ko.
Nagsuot ako ng maluwang na pants at manipis na white shirt. Ayaw akong pagsuotin ni Peter ng shorts dahil daw sa mga insekto at baka magasgasan ako sa mga bato. Pinahiram din niya sa ‘kin ang kulay navy blue niyang flannel shirt na sinuot ko naman dahil nilalamig pa sa hangin.
Dahil nasa ‘kin pa ang kanyang panyo na parang bandana, ginamit ko ito bilang headband habang naka pigtail. Ayos na sana ang style ko pero naka-tsinelas lang ako. Hindi ko alam kung uubra ba ito dahil baka madulas ako.
Pinaupo muna ako ni Peter sa duyan dahil may mga inaayos pa siya sa loob ng kubo. Ayaw naman niya akong patulungin dahil sa kamay ko kaya nagmuni-muni muna ako.
Siguro’y halos kalahating oras din bago lumabas ng kubo si Peter. May malaking bag siyang bitbit na mukhang pang-hiking talaga. Hindi ko alam kung ano ang laman. Lumapit siya sa akin at tatayo na sana ako nang bigla siyang lumuhod sa harapan ko.
“Teka—anong—”
Natigilan ako nang kuhanin niya ang isang paa ko. Tsaka ko lang napansin ang hawak niyang kulay brown na hiking boots. “Ito lang ang mayroon sa palengke. Sana kasya sa ‘yo,” sabi niya nang alisin ang tsinelas na suot ko. Hindi ako nakahinga nang isuot niya sa ‘kin ang isang sapatos. Para akong naging si Cinderella bigla.
Habang nakatuon ang atensyon ni Peter sa paa ko at sa boots, nakatitig naman ako sa kanya. Nakita ko ang tipid niyang pagngiti nang magkasya ito sa ‘kin. Isinunod na rin niyang isuot ang kapares nito. Nang maisuot ko na pareho, napangiti na rin ako dahil tamang-tama lang ang nabili niya.
“Kailan mo pa ‘to binili? Siguro matagal mo na ‘kong balak ayaing mag-hiking ‘no?” panunukso ko sa kanya, tinaas-baba ko pa ang kilay ko.
“Oo,” diretsong sagot niya na nagpahinto ng isang segundo sa t***k ng puso ko. “May gusto kasi akong ipakita sa ‘yo,” sabi pa niya sabay angat ng tingin sa ‘kin. Nagbibiro lang naman ako pero mukhang seryoso siya.
Binalik ko agad ang tingin sa boots na suot. “Salamat. Ang ganda nito. Nagustuhan ko. Hindi tulad nung pambatang bra na binili mo sa ‘kin,” walang preno kong saad. Napapikit tuloy ako ng mariin. Ayos na ang pagpuri ko pero talagang hindi ako nauubusan ng bloopers sa katawan!
Tumayo na ako para makaiwas sa reaksyon niya. Ganuon din naman ang ginawa niya. Nang magkaharap na kami, may naalala akong mahalagang bagay.
Inilahad ko ang palad ko sa kanyang harapan. “Pautang ng barya. Kahit piso,” sabi ko agad.
Nakita ko ang pagtataka sa mukha niya pero dumukot siya agad sa kanyang bulsa. “Bakit? Aanhin mo?” tanong niya sabay abot sa ‘kin ng limang piso. “Sapat na ba ‘yan?” nag-aalangang tanong niya nang tanggapin ko ito.
“Ang sabi kasi sa pamahiin, kapag binigyan ka raw ng sapatos, dapat bigyan mo ng barya ang nagbigay nito. Alam mo namang wala akong pera kaya pautang muna,” paliwanag ko sa kanya. Binalik ko rin naman sa kanya ang inabot niya. “Ayan ah. Akin ‘yan dahil inutang ko,” paglilinaw ko pa.
“Ano bang mangyayari kapag hindi nagbigay ng barya?” puno ng kuryosidad niyang tanong.
“Maghihiwalay kayo,” sagot ko. Dito kami napatitig ng matagal sa mga mata ng isa’t isa. Hindi ko alam kung bakit may kakaiba sa tingin niya. Pakiramdam ko may gusto siyang sabihin na hindi niya magawa.
“Tara na nga!” pag-aya ko at nauna nang maglakad. Ayon lang ay mabilis niyang hinawakan ang kamay ko kaya nahinto ako.
“Doon tayo,” sabi niya pagturo sa direksyong kabaliktaran ng balak kong puntahan.
“Ay sabi ko nga e. Kung saan ka pupunta, nakasunod lang ako sa ‘yo,” nakangiting saad ko. Sandali pa siyang napatitig sa mukha ko kaya na-conscious tuloy ako. “May dumi ba?” naiilang kong tanong. Baka may muta pa ako kaya pinunasan ko ang mga mata ko.
Umiling naman siya bago ko naramdaman ang pagsalikop niya sa kamay ko. Hinigpitan ko rin ang hawak sa kanya at dito kami nagsimulang maglakad papunta sa trail.