“Rise and shine!” masayang bungad ko kay Peter pagbukas ng pinto ng kwarto.
Naabutan ko siyang nakahiga pa rin sa sahig. Pero nang marinig ang boses ko ay bigla siyang napabangon. Halatang nagulat sa lakas ng boses ko.
“Sa unang hirit, unang-una ka!” Kinantahan ko pa siya para talagang magising ang diwa niya. Lalo nga lang lumukot ang mukha niya. “Unang hirit! Unang hirit! Unang—" Tumigil tuloy ako, baka kasi hindi siya pamilyar sa theme song ng morning tv show na ito dahil wala naman siyang telebisyon dito.
Tumikhim ako bago lumapit sa kanya dala ang niluto kong danggit silog. “Uhm ang bango! Niluto ko na ‘yung tinatago mong danggit sa ref ah. Tsaka may nakita akong kamatis, baka mabulok na kaya hiniwa ko na,” pagpapaalam ko kahit alam kong wala naman na siyang magagawa.
Nakita kong nakakakunot ang noo ni Peter habang nakatulala, halatang nag lo-loading pa ang isip sa mga nangyari.
Wala naman talaga akong balak magluto ng umagahan. Pero dahil kagabi pa lang ay kumukulo na ang tyan ko, nagising ako ng maaga ngayon kahit ayaw ko. Si Peter sana ang paglulutuin ko kaya lang mahimbing ang tulog niya. Nakakahiya namang gisingin kaya ako na lang ang nagluto.
“Anong ginagawa ko rito?” seryosong tanong niya, medyo namamaos ang boses. Akala mo talaga siya pa itong naagrabyado. Tila nagkapalit kami ng sitwasyon ngayon.
Naupo naman ako sa kama, pinatong ko muna rito ‘yong dalawang platong dala ko bago sumagot.
“Nakidnap ka,” pang-aasar ko na lalong nagpasibangot sa kanya. “Joke lang! Pumasok ka rito kagabi. Lasing na lasing.” Kinilabutan ako nang maalala ko ‘yong nangyari sa pagitan namin. Akala ko talaga kung saan na kami mauuwi. Mabuti na lang at masyado siyang lasing para gawan ako ng masama.
Natahimik naman si Peter. Napatakip ang isang kamay sa bibig. Binigyan ko siya ng ilang segundo at magsasalita na sana dahil sa pagkainip nang mauna siya. “Did we… Did I…?” nag-aalangang tanong niya. Mukhang wala siyang maalala.
Niyakap ko kunwari ang katawan ko bago dahan-dahang tumango.
“F*ck,” sabi niya sa sarili. Inihilamos niya ang dalawang kamay sa mukha bago napasabunot sa buhok. Pinagdikit ko naman ang labi ko. Pinigilan ang pagngiti. At least nakaganti ako sa pananakot niya sa ‘kin. Mabuti naman at may pagsisising makikita sa mukha niya. Kahit papaano ay hindi naman pala siya masamang tao.
At bago pa siya mawala sa sarili ay sinabi ko na ang totoo. “Joke lang ulit! Wala ka namang ginawa. Nakatulog ka lang dyan sa sahig,” bawi ko. Tutal wala naman siyang naaalala, hindi ko na pinaalam pa ang totoong nangyari.
Dito siya napatingin sa ‘kin ng matalim. Ngumisi naman ako sabay nguso sa dala kong pagkain. “Pwede bang mamaya na tayo mag recap sa mga nangyari? Nagugutom na kasi talaga ‘ko. Masarap ‘to. Promise.” Ngumisi ako sabay taas-baba ng kilay.
Dahil sa pang-aasar ko ay marahas siyang tumayo, nag-iwas ng tingin sa ‘kin, at halatang nainis.
“Grabe ang pikon mo naman,” pahabol ko nang maglakad na siya palabas ng kwarto. “Oy! Sayang naman ‘tong niluto ko! Masamang nag-aaksaya ng pagkain! Hindi ba ‘yon tinuro sa kidnapping academy?!” sigaw ko pa.
Pero mukhang wala talaga siyang balak kainin ang iniluto ko. Napabuntong-hininga ako dahil sa pagkadismaya pero ilang segundo lang ang itinagal. Naisip ko kasing may dalawang serving na ‘kong pwedeng kainin ngayon.
Masaya naman akong kumain ng breakfast. Hindi ko alam kung sobrang sarap ba nito o sadyang gutom na gutom lang ako. Paniguradong mas masarap nga lang ‘to kung nakatingin ako ngayon sa beach habang kumakain.
Alam kong dapat ay tumakas na ‘ko kagabi. Pero pakiramdam ko mas ligtas ako kung mananatili na lang ako sa kubo imbes na maglakad sa labas ng madilim. Hindi ko rin kasi alam ang pasikot-sikot dito. Baka may maengkwentro pa ‘kong mas nakakatakot kaysa kay Peter.
Tsaka dahil nalaman kong may koneksyon siya kay Elle, gusto ko pa siyang tanungin tungkol dito.
Kung mag-ex sila, ibig sabihin naman siguro ay hindi siya talaga kidnapper. Nagkataon lang na gusto niyang pigilan ang kasal ng kaibigan ko. Ayon lang ay nalito siguro siya dahil magkapareho kami ng buhok ni Elle. Tapos ako pa ang may suot ng wedding gown nito.
Nasamid ako sa kinakain at naubo. Nakalimutan ko pa lang kumuha ng tubig.
Naalala ko kasi bigla ‘yung galit ni Peter sa gown. Akala ko trip lang niyang sunugin ito kaya nagalit pa ‘ko sa kanya. Iyon pala’y may dahilan naman siya para gawin ito.
Ilang minuto pa ang lumipas, naubos ko agad ang laman ng plato ko. Kaya kinuha ko naman ‘yung platong para kay Peter sana. Kakainin ko na ito nang bumukas ang pinto kaya natigilan ako.
Si Peter ito, magkasalubong pa rin ang kilay habang nakatingin sa ‘kin. Bigla niyang kinuha ang hawak kong plato. Pagkatapos ay may binato siya sa ‘kin kaya napasinghap ako.
Malamig ito at pagtingin ko’y bottled water lang pala. Nag-angat ako ng tingin kay Peter pero lumabas na siya at sinarado na niya ang pinto ng kwarto.
Napangiti naman ako habang binubuksan ang inuming binigay niya. “Sus. Hindi rin niya natiis ang luto ko,” bulong ko sa sarili.
***
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko.
“Pwede na ba ‘kong lumabas ng kwarto ngayon?” tanong ko kay Peter galing sa loob ng kwarto. Hindi kasi ako sigurado kahit nakalabas naman na ‘ko kaninang umaga. Baka bigla ay magalit siya kapag lumabas ako. Pinapayagan lang niya kasi ako kapag didiretso ako ng banyo. Pero kakapunta ko lang dito kanina.
Naghintay pa ako ng halos kalahating oras pero wala akong narinig na sagot.
“Well, silence means yes. Kaya lalabas na ‘ko,” sabi ko pa bago binuksan ang pinto ng kwarto.
Dito ko mabilis na inilibot ang mga mata sa paligid. Mukhang mag-isa lang ako sa kubo ngayon. Paglabas ng kwarto, ilang hakbang lang, tanaw sa kanan ko ‘yong sala. Sa kaliwa naman ‘yong kusina. Kaninang umaga ay naglibot-libot na ako rito. Wala naman akong kakaibang nakita. Parang normal na bahay lang ito. Ang pinagkaiba lang talaga ay malapit kami sa beach.
Pagdating sa pinto ng mismong kubo, tinapat ko ang tainga ko rito at pinakinggan ang alon sa dagat. Tumindi tuloy ang pagnanais kong makita ito ng malapitan. Gusto ko itong mapuntahan.
At tutal mag-isa lang ako sa kubo, hindi naman siguro malalaman ni Peter ang gagawin ko basta mabilis lang ako.
Na-excite naman ako kaya rito mabilis na binuksan ang pinto. Ayon lang ay saktong papasok si Peter kaya napaatras ako. Malamig ang tingin niya sa ‘kin kaya kinilabutan ako.
Basang-basa si Peter pagpasok sa kubo. Tumutulo pa ang tubig galing sa kanyang kulot na buhok. Wala siyang suot na pang-itaas kaya nag-iwas ako ng tingin. Napaupo ako sa sofa na gawa sa bamboo.
“Sana all nakakalabas. Pa-swimming swimming pa,” bulong ko tuloy. Hindi man lang niya kasi naisip na bored na ‘ko sa kubong ‘to. Sana man lang ay nag-aya siya. Mukhang naligo kasi siya sa beach.
Hindi naman ako pinansin ni Peter. Nagtuloy-tuloy lang siya sa pagkuha ng damit sa cabinet niya. Nakapwesto ito sa harapan ng sofa. Bahagya siyang yumuko kaya tuloy lalong bumakat ang pang-upo niya sa suot na swimming jammer.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita ito. Tumikhim ako at tumitig sa kisame. Uminit ang pisngi ko dahil dito. Tumingin lang ulit ako sa harapan ko nang makita kong dumiretso na siya sa banyo. Nakakahiya naman dahil mas matambok pa ang kanyang pwet sa ‘kin.
Dahil naiwang mag-isa sa sala, nagkaroon ako ng magandang ideya!
Tumayo ako at lalabas na sana ng kubo nang halos mapatalon ako sa boses ni Peter. “Subukan mong lumabas. Sisiguraduhin kong ‘di ka makakatayo mamaya,” pananakot niya.
Napasibangot tuloy ako sabay balik sa sofa. Pinuno ko ng hangin ang bibig ko bago napabuntong-hininga. Siguro’y ilang minuto rin ang lumipas bago ako humalukipkip sabay sandal. Nakatitig ako sa mga gamit niya sa harapan ko. Wala man lang TV dito para may mapaglibangan.
“Jusko mamamatay na yata ako sa sobrang boring,” sabi ko sa kawalan at dito saktong lumabas ng banyo si Peter. Kaya sinabi ko na lahat ng sentimyento ko.
“Wala na nga akong magawa, wala pa akong maayos na damit at gamit. ‘Yung boxers hindi kumportableng isuot kasi malaki sa ‘kin. Ilang beses ko na ring sinusuot ang bra ko. Tsaka ang lagkit na ng buhok ko kasi maalat na nga ‘yung tubig, wala pang hair treatment o kahit conditioner man lang dito. May babae bang nabubuhay sa islang ‘to?” Bumuntong-hininga ako pagkatapos magpaawa.
Hindi ako mahilig manghingi ng kahit ano, lalo na ng materyal na bagay. Pero ganito ako bilang Wendy – at hindi ako si Wendy ngayon. Kaya naisip kong ayos lang kung magiging tapat ako sa pangangailangan ko.
Sa gilid ng mga mata ko’y nakita kong nagpunta ng kusina si Peter. Nagbukas siya ng ref at kumuha ng tubig.
“Bakit nandito ka? Didn’t I tell you not to leave the room?” istriktong tanong niya, hindi pinansin ang mga sinabi ko. Nauuhaw din ako kaya lumapit ako sa kanya.
“Ano namang pinagkaiba ng kwarto mo sa sala?” untag ko. “Parehong boring. Buti kinakaya mong mabuhay dito?”
Kumuha ako ng sariling baso at maglalagay sana ng tubig pero dahil hawak niya ang pitsel ay siya na ang naglagay nito. Uminom naman ako ng tuloy-tuloy. Pagtingin ko sa kanya, pansin kong mataman niyang pinagmamasdan ang mukha ko. Naningkit naman ang mga mata ko nang tingnan siya pabalik. Mukhang alam ko na kasi ang ibig sabihin ng tinginan niyang ‘to.
“Oo na. Ito na. Babalik na sa kwarto,” sabi ko tuloy. Binaba ko nang may kalakasan ‘yong hawak na baso bago labag sa loob na naglakad pabalik ng kwarto.
“Bakit hindi ka pa umalis kagabi?” pahabol niyang tanong.
Wala ako sa mood makipag-usap ng seryoso sa kanya. Kaya ginawa ko lang biro ang sagot ko.
“Kawawa ka naman eh. First time mong mang kidnap tapos palpak agad. Binibigyan lang kita ng motivation para ipagpatuloy mo ang career mo,” sabi ko sabay pasok sa kwarto. “Don’t worry, bibigyan kita ng four-star review!” pahabol ko pa bago sinarado ang pinto at pabagsak na nahiga sa kama.
***
Unti-unti ko nang nararamdaman na nakidnap ako. Kasi pakiramdam ko, kaunti na lang, masa-suffocate na ‘ko sa loob ng kubong ‘to. Daig ko ang ibong nakalagay sa kulungan.
Pumikit ako at sinubukan kong makatulog. Ayon lang ay sobra-sobra na yata ako sa tulog kaya hindi ako dinadalaw ng antok. Ilang sandali lang ay nakarinig ako ng pagkatok sa kwarto kaya napadilat at napabangon agad ako.
“Aalis ako. Mamayang gabi pa ang balik ko,” paalam ni Peter. Kung umasta siya’y halatang first time nga lang niyang mang kidnap. Sino ba namang kidnapper ang magpapaalam sa kinidnap niyang aalis siya?
“Okay! Ingat! Dala ka pasalubong,” sabi ko na lang pabalik. Muntik ko pang sabihing akong bahala sa kubo namin, animo naging bahay ko na ito bigla.
Wala na akong narinig pa kay Peter. Inisip ko nga lang na baka ni-lock niya ang kwarto ko kaya ganito siya kakampanteng iwan ako. Kaya sinubukan kong buksan ang pinto noong marinig kong umalis na si Peter.
Bukas naman.
Napakamot ako sa ulo bago nag-aalangang naglakad papunta sa pinto ng kubo. Sinubukan ko rin itong buksan at unti-unting nanlaki ang mga mata ko.
Paano’y bukas din ito! Hinayaan itong bukas ni Peter kahit alam niyang posible akong lumabas!
Mukhang sa wakas ay nauto ko rin ang kidnapper ko!
Dahil dito’y lumabas na nga ako ng kubo. Patakbo akong nagpunta sa tabing dagat. Mukhang hapon na kaya hindi ganuon katirik ang araw.
Nakapaa lang ako pero ayos lang dahil pino at maputi ang buhangin dito. Inilibot ko ang mga mata sa paligid at natuwa dahil sobrang ganda rito. May nakita akong mga maliliit na bahay pero may kalayuan kung nasaan ang kubo namin. Para kaming nakahiwalay sa lahat. Para akong nasa paraiso!
Paglapit ko sa dagat ay mas lalo akong namangha. Paano’y sobrang linis din ng tubig. Ang linaw kaya kitang-kita ko ‘yung nasa ilalim nito. Sayang nga lang at wala akong camera. Hindi ko man lang makukuhanan ang ganda ng paligid.
Bahagya kong nilublob sa tubig dagat ‘yung mga paa ko. Pero dahil may kalakasan ang alon, napapaatras ako sa tuwing lumalapit ito sa ‘kin.
Gusto ko sa dagat pero hindi ako sanay lumangoy. Malubog lang ang mukha ko ng ilang segundo, pakiramdam ko hindi na ‘ko makahinga. Hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob aralin ito dahil ilang beses na rin akong nalunod noon. Kaya hanggang tingin lang ako – hanggang lublob lang ng mga paa sa tabing dagat.
Kumirot ang puso ko nang maalala ko bigla si Kyle noong minsan kaming namasyal kasama ang mga magulang ko at pamilya niya. Isang taon pa lang kami noon kaya hindi pa pwedeng umalis ng kami lang. Nag family outing kami sa isang beach resort. Noong mga panahong ‘yon ay sobrang saya pa namin – magkakasama kaming kumain na parang isang buong pamilya na.
Napailing ako. Naiisip ko na naman kasing makipagbalikan kay Kyle dahil sa mga magagandang alaala namin. Kahit ang totoo’y hindi ko na gusto ‘yung mismong tao ngayon.
Siguro’y ilang minuto rin akong nagtampisaw sa dagat bago ako napagod at nagdesisyong maupo sa buhangin. Tahimik ko lang pinagmasdan ang dagat. Huminga ako ng malalim at napapikit sandali. Umangat ang magkabilang dulo ng labi ko dahil sobrang kalmado lang ng lahat.
“Miss!”
Napadilat ako sabay lingon sa pinanggalingan ng boses. Naningkit ang mga mata ko nang matanaw ang isang matandang babaeng naglalakad papalapit sa ‘kin. Marahil nasa late fifties na siya. Tumayo na ako at kusang lumapit sa kanya.
“Ay bakit po?” tanong ko. Nakangiti kasi ito sa ‘kin, para bang tuwang-tuwa.
“May tanong lang ako,” balik niya, may kakaibang kinang ang mga mata. Mukhang taga rito siya sa islang ito.
Binukas-sara ko naman ang mga mata ko. Tinuro ko ang sarili. “Sa ‘kin po?” Tumango siya kahit na hindi naman kami magkakilala. Kaya nagtaka ako. Ano naman ang gugustuhin niyang malaman galing sa ‘kin? Wala naman siyang hawak na kahit ano kaya mukhang hindi niya ‘ko balak bentahan.
“Ano po ‘yon?” tanong ko para tumigil na ‘ko sa panghuhula.
Lalo namang lumawak ang ngiti sa labi niya. “Bagong kasal ba ga kayo ni Pete?”
Nalaglag naman ang panga ko. Sa lahat ng pwede niyang itanong, ito ang pinakahindi ko inasahan!
“Ay bakit niyo naman po natanong ‘yan?” natatawang balik ko imbes na sagutin siya.
“Ala e nakita ko kayo noong isang araw. Nakasuot ka ng puting gown at buhat-buhat ka niya!” Natawa ako ng mas malakas dahil mukhang malabo na ang mga mata niya para isiping bagong kasal kami. Paano’y halos kainin ako ng buhay ni Peter noong araw na nakita niya kami. Hindi rin niya nakita ‘yung pagkakatali sa ‘kin. Marahil dahil ‘di naman siya nakalapit.
Pero naisip ko namang sakyan ang biro niya imbes na magsabi ng totoo. “Ay opo! Bagong kasal po kami sa Maynila. Dinala ako ni Tart dito para sa honeymoon namin,” kunwari’y kilig na kilig ako kahit gusto kong humagalpak ng tawa. Ginamit ko kasi ang endearment ng mga magulang ko sa isa’t isa.
Napapalakpak naman siya dahil natuwa na tama ang kutob niya. “Sabi na eh! Ala e ayaw nilang maniwala sa nakita ko dahil hindi naman daw ikaw si Elle!”
Naglaho ang ngiti sa labi ko nang marinig ko ang pangalan ng kaibigan ko. “Kilala niyo po si Elle?”
“Ay oo! Halos isang taon din siyang tumira rito sa isla namin. Bigla nga lang umalis ang batang ‘yon eh. Akala namin sila na talaga ni Pete ang magkakatuluyan," sabi pa ng matandang kaharap ko.
Isang taon? Ito ba ‘yung panahong bigla na lang kaming nawalan ng komunikasyon ni Elle?
Lumakas ang kabog ng dibdib ko. Lalo akong na-curious sa relasyon nina Elle at Peter. Mukhang mas malalim pa kasi ito kaysa sa inaasahan ko.
“Ano ngang pangalan mo, iha?” tanong ng matandang kaharap ko. Bumalik sa kanya ang atensyon ko.
“Ah, We—Briar po. Bra for short,” nakangiting saad ko. Nakita ko ang pagdepina ng lukot sa noo niya. Mukhang hindi naniniwala sa pangalan ko. Naalala ko naman ang matagal ko na dapat ginawa. “May cellphone ka po ba? Baka pwede pong mahiram. May kailangan lang po sana akong tawagan o kahit i-text.”
Nakahinga naman ako ng maluwag nang may inilabas siyang cellphone. Maliit lang ito at hindi touch screen pero ayos lang basta may load. “May pantawag po kayo?” Tumango siya at nagmadali akong i-dial ang numero ng tatay ko sa cellphone.
Ayon nga lang ay bago pa man mapindot ang pantawag, may umagaw na ng cellphone sa kamay ko. Akala ko noong una ay ‘yong matandang kaharap ko. Nalaglag ang puso ko nang makita ko si Peter sa tabi ko. Malamig ang tingin sa 'kin.