Chapter 9

3566 Words
“Bakit ba kayo naghiwalay ni Elle?” tanong ko kay Peter. Kumuha pa ‘ko ng dalawang canned beer sa ref bago siya nilapitan. At ngayon ay nakaupo ako sa sahig, kaharap ng sofa kung saan siya nakahiga. Gusto ko sanang makipag heart-to-heart talk sa kanya. Kaya lang ay hindi ko alam kung nakatulog na ba siya talaga. Nakaharang pa rin kasi sa ibabaw ng kanyang mga mata ‘yong braso niya. Pero imbes na tanungin pa siya ulit, nanahimik lang ako at naghintay. Ipinatong ko sa lamesa ‘yong isang beer para sa kanya, habang ang isa’y sinimulan kong inumin. Siguro’y ilang minuto rin ang nakalipas bago ko muling narinig ang mahinang boses ni Peter na medyo namamaos. “Hindi kami naghiwalay—” Nasamid ako sa iniinom ko kaya ilang beses akong umubo bago nahimasmasan. “Elle cheated on you?!” pasigaw kong tanong, hindi makapaniwalang gagawin ito ng best friend ko. She’s always been an honest person. Dito naman bumangon si Peter at naupo ng maayos sa sofa. Kinuha niya ‘yong bagong canned beer sa lamesa at ininom. Yumuko siya bago ako sinagot. "We never explicitly ended things, but it was clear that it was over.” Nagsalubong naman ang kilay ko. “Teka. Paano naging malinaw na hiwalay na kayo kung hindi niyo naman napag-usapan?” “Isang taon na ang nakalipas mula noong huli kaming nagkita at nagkausap. After she left this island, we lost touch completely.” Halata sa boses ni Peter ang labis na pagkadismaya. Para bang gusto niyang manakit kaya umatras pa ‘ko at baka mabato ako ng lata ng wala sa oras. Pero naguluhan naman ako lalo. “Wala ka bang cellphone? Hindi niyo alam ang number ng isa’t isa? For sure, may signal naman dito. Bakit ‘di niyo naisip magtawagan o mag-text?” sunod-sunod kong tanong. Hindi ko pa nalilibot ang islang ‘to pero mukhang hindi naman ito ganuon ka-remote. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit ‘di nila nagawa ang mga ito. Umiling si Peter. “Wala siyang cellphone noong napadpad siya rito.” Nalaglag ang panga ko. Tumayo ako bitbit ang beer ko at naupo sa tabi niya para mas marinig siya ng maayos. Nag-Indian sit ako para kumportable. Umusod naman siya para magkaroon ng sapat na espasyo sa pagitan namin bago nagpatuloy. “Sabi naman niya noon babalik din siya. Kaya naniwala ako at naghintay.” “So, ang ending, hindi siya bumalik. At kinasal pa sa iba,” pagtatapos ko sa kwento niya. Tipid siyang tumango. Tinapik ko naman siya sa braso dahil dito. “Eh bakit kasi hindi mo sinamahan? Sinundan? Masyado kang nagtiwala sa tadhana eh loko-loko rin ‘yon!” Nakailang tapik ako sa kanya kaya rito siya napatingin sa kamay ko. “Oops. Sorry. Na-carried away lang.” Ngumisi ako bago uminom ng beer at nagpatuloy. “Pero, ‘yun nga… hinintay mo lang talaga siya ng isang taon? Hindi mo man lang naisip gumawa ng paraan? ‘Di ka umalis sa islang ‘to?” Alam kong marami pa ‘kong dapat itanong para maintindihan ang kwento nina Elle at Peter pero alam kong ito ang pinakaimportanteng malaman. Ayon nga lang, akala ko ay nagiging magkaibigan na kami ng kidnapper ko pero biglang naging malamig ang ekspresyon ng mukha niya. Inubos niya ng isahan ang beer na hawak at pagkatapos ay niyupi niya ito gamit ang isang kamay tsaka binato sa lababo. “3 points!” biro ko dahil na-shoot niya ito. Pero mukhang wala siya sa mood makipagbiruan. “Kung tapos ka na, bumalik ka na sa kwarto mo,” seryosong saad niya, daig pa babae sa mabilis na pagbabago ng mood. Binukas-sara ko naman ang mga mata ko. Lalo na nang bahagya niya akong inusod para tumayo at umalis sa tabi niya. Napilitan tuloy akong gawin ito. Bumalik ako sa sahig at tahimik pinagmasdan nang mahiga siya ulit sa sofa at tumitig sa kisame, animo malalim ang iniisip. Pinagsisisihan kaya niya ang hindi pag-alis sa lugar na ito noong posible pa sana silang magkabalikan ni Elle? At dahil sa tanong ko, lalo pa siyang nagdamdam dahil dito? “Inom pa tayo?” tanong ko, nagbabakasakaling kakagat siya. Para naman hindi matapos ng ganito ang gabi namin. Nagiging maayos na nga ang samahan namin, pero mukhang babalik pa kami sa dati. Kaya lang pumikit si Peter. Tikom pa rin ang bibig. Mukhang hindi siya payag sa alok ko. “Sus. Para kang babae. May mens ka ba?” ‘Di ko napigilang magkomento bago tumayo. Pabalik na ‘ko sa kwarto katulad ng gusto niyang mangyari. “Dalhin mo rito lahat ng beer sa ref. Ubusin na natin,” utos ni Peter kaya napalingon ako kaagad sa kanya. Unti-unting umangat ang magkabilang dulo ng labi ko bago sinunod ang kanyang sinabi. *** Pagdilat ko, nasa kwarto na ‘ko. Parang binibiyak ang ulo ko sa sobrang sakit. Parang nag shutdown at ngayon ay nagre-restart pa lang ang utak ko. Ayon lang ay napabilis ito nang makaramdam ako ng paggalaw sa tabi ko. Nanlaki ang mga mata ko nang maalala kung nasaan ako. Hinigit ko rin ang hininga ko. Para akong nanigas ng ilang segundo bago unti-unting lumingon sa tabi ko. Napatakip ako ng bibig sabay ikot nang makita ko si Peter! Tuloy ay napasobra ako ng gulong at bumagsak sa sahig. Napapikit ako ng mariin sa sakit! Ang lakas ng kabog ng dibdib ko nang hawakan ko ang damit na suot ko. Nandito at kumpleto pa rin naman sila. Wala rin akong kakaibang nararamdaman sa katawan ko. Nakahinga ako ng maluwag kahit papaano dahil mukhang hindi naman sinamantala ni Peter ang kalasingan ko. Hindi talaga masayang ka-bonding ang alak dahil ganito ang epekto sa ‘kin! Sinubukan ko namang alalahanin ang mga nangyari kagabi. Mula sa pagpapayo sa kidnapper ko… napunta kami sa inuman. Wala naman na yata kaming pinag-usapang seryoso. Ayon lang ay pumintig ang ugat sa ulo ko nang maalala ang kung anu-anong pinaggagawa ko. Wala ngang ginawang masama si Peter. Pero ako naman itong naging baliw kagabi! Paano’y sobrang igsi raw ng attention span ko kapag lasing. At sa dami ng nainom namin kagabi, malamang ay mas naging halata ito. Nariyang umiyak ako dahil naalala ko ‘yong kwento nina Elle at Peter, hinawakan ko pa ang mukha ni Peter at pinisil-pisil. Pero natigilan ako dahil nakarinig ako ng tuko. Natawa ako at sinubukan itong gayahin. At pagkatapos ay nagkakanta ako na para bang nasa club. Nakwento ko kasing hindi pa ‘ko nakakapunta sa club o bar kahit sobrang tanda ko na! Sobrang random! Biglang bumangon si Peter sa kama kaya napapikit ako agad. Humiga rin ako ng diretso. Pinigilan ko ang paghinga habang dumoble naman ang bilis ng t***k ng puso ko. Gusto ko lang na lumabas na siya ng kwarto para makapag-isip ako ng maayos. Nang wala pa akong kahit anong narinig. Bahagya kong binuksan ang isang mata ko para masilip kung anong ginagawa ni Peter. Nakita kong nag-iinat siya. Iniikot-ikot niya ‘yong braso niya na para bang may masakit dito. At nang muntik na siyang mapatingin sa ‘kin ay napapikit akong muli ng mariin. Hindi malinaw sa alaala ko pero may nag-flash sa isip ko. Buhat-buhat ako ni Peter habang para akong bulateng todo sayaw pa rin. Mukhang siya ang nagdala sa ‘kin sa kwarto at nakatulog na rin siya rito. Narinig ko ang pagtayo ni Peter. Kaya umasa akong maiiwan na ‘kong mag-isa sa wakas. “Kita na ‘yung boxers mo.” Agad kong binaba ang suot kong t-shirt nang marinig ang komento niya. Nakalimutan kong nagpapanggap nga pala akong tulog kaya lalong lumukot ang noo ko. Sinubukan ko pa ring magpanggap na tulog sa kabila nito. Naisip kong baka mapanindigan ko pa— “May ahas!” Dito na ako napabangon! Napaakyat ako sa kama ng wala sa oras! “Saan?! Kuhanin mo!” nagsisisigaw pa ‘ko pero nakita kong kalmado lang sa harap ng pinto si Peter. Naiiling habang nakatgingin sa ‘kin. At hindi ko alam kung guni-guni ko lang ba pero pagtalikod niya, narinig ko ang mahina niyang pagtawa bago siya tuluyang lumabas ng kwarto. My heart did a little flip in my chest, just then. Bwisit na ahas ‘yan. Pinakaba ako. *** Dahil kailangang mahimasmasan ay naligo ako ng umaga. Nakita ko pa si Peter sa sala noong pumasok ako rito. Pero paglabas ko, nagtaka ako dahil wala na siya. Tiningnan ko naman kung ni-lock na ni Peter ‘yung kubo sa pagkakataong ito. At nalaman kong hindi talaga siya marunong makinig at bukas pa rin ito. Kasalanan niya kung makalabas ako. Kaya kahit bagong ligo, dahil ‘di ako masunurin, sinamantala ‘kong wala si Peter at lumabas ulit ako ng kubo ng nakapaa. Gusto ko lang naman makita ang dagat. Tumakbo ako papalapit dito at katulad ng dati, huminga ako ng malalim para makalanghap ng sariwang hangin. Nakatulong ito sa hangover ko kahit papaano. Pagkatapos ay naglakad din ako sa tabing dagat kung saan paminsan-minsang dumadampi sa mga paa ko ang alon. Ang saya lang sa pakiramdam dahil kahit alam kong nakidnap ako, parang sa lugar na ‘to pa ‘ko nakaramdam ng totoong pagiging malaya. Dahil noong nakaraan ay mabilis bumalik si Peter. Binigyan ko lang ng mga sampung minuto ang sarili ko at nagmadali na rin papasok sa kubo. Sakto lang ang oras na binigay ko dahil nagulat ako at halos kasunod ko lang pumasok ng kubo si Peter. Nasa gitna ako ng kubo pagpasok niya. Kaya nagpanggap akong galing sa kwarto. “Gutom na ‘ko! ‘Di pa ba tayo manananghalian?” bungad ko sa kanya habang nakasibangot at nakahawak sa tyan ko. “Lumabas ka na naman?” balik naman ni Peter. Nakakunot pa rin ang kanyang noo at parang laging bad trip sa buhay. Umiling naman ako agad. “Hindi ah. Kanina pa kaya ako rito.” Bumaba ang tingin niya sa sahig. At sinundan ko naman ito. Nanlaki ang mga mata ko bago ngumisi dahil may buhanging nagkalat dito. Huling-huli ang pagsisinungaling ko! “Ay naku. Hinangin siguro,” sabi ko pa sabay tago ng mga paa ko sa likod ng pader. Pero mas pinalala ko ang sitwasyon dahil imposible ang sinabi ko. Sinabayan ko kasi ang pagtingin ni Peter sa kubo, sarado lahat ng pwedeng pasukan ng buhangin. “Dapat kasi naglilinis ka rito,” sabi ko na lang sa kanya at dito ako nagmadaling kumuha ng walis. Nilinis ko na ang buhanging nadala ng mga paa ko. Tumikhim naman siya nang magpunta sa kusina. Para akong nabunutan ng tinik sa lalamunan dahil pinalagpas na niya ang paglabas ko. May ipinatong si Peter sa lamesa. At dahil naisip kong baka pagkain ito, nagmadali ako papalapit dito. Uminom naman ng tubig si Peter. “May dala kang pagkain?!” masayang bulalas ko sabay dampot ng plastic. Ayon lang ay nagulat ako sa una kong nakita. Inilabas ko pa ito at pareho naming pinagmasdan ni Peter. Umawang ang labi ko at nag-iwas siya ng tingin habang painom-inom lang ng tubig. “Don’t tell me, galing ka sa sideline?” pagtataas ko ng boses. Binalik ko sa supot ‘yong kulay pulang bra na bulaklakin ang disenyo! “Ano namang gagawin mo sa bra ngayon? Bagong modus ba ito? Wala ka bang matinong trabaho?” Kumunot naman ang noo niya, para bang siya pa ang may ganang magalit. "I didn't mean to kidnap you. I thought I made myself clear that I'm not someone who engages in illegal activities," paliwanag niya pero naningkit ang mga mata ko. Malakas na buntong-hininga tuloy ang pinakawalan niya bago inihilamos ang dalawang kamay sa mukha. Magpoprotesta pa sana ako nang magsalita pa siya. “Sabi mo kailangan mong magpalit ng suot. Iyan lang ang nakita ko sa palengke kaya pagtiisan mo.” “Binili mo ‘to para sa ‘kin?” Binukas-sara ko ang mga mata ko. Wala akong nakuhang sagot pero sinilip ko ang laman nung supot. May bra, mga panty, at conditioner dito. Katulad ng mga nireklamo ko sa kanya. Pagtingin ko kay Peter ay uminom siya ulit ng tubig. “Sabi na hindi mo ‘ko matitiis eh! Mukha ka lang matigas pero malambot ka rin pala!” Nabuga ni Peter ‘yung lamang tubig ng bibig niya. Mabuti at nakatapat siya sa lababo. Nakita kong biglang nagsalubong ang kilay niya at medyo namula rin ang mukha. “Pumasok ka na muna ulit sa kwarto,” pagsusungit niya pero natuwa naman ako at lumapit sa kanya. “Thank you!” sabi ko sabay yakap sa kanya ng mabilis. Tutulak pa niya ‘ko pero wala naman na siyang nagawa dahil tumakbo na rin ako papasok ng kwarto pagkatapos. Mukhang may puso naman si Peter kahit papaano. Marahil ito ang nagustuhan sa kanya ni Elle. But sadly, they didn’t work it out. And Peter needs to accept this too – maybe not now, but hopefully someday. Napailing na lang ako. Imbes na isipin pa ang kung anu-anong bagay tungkol sa ibang tao, ibinuhos ko sa lamesa lahat ng binili ni Peter para sa ‘kin. Napangiti ako dahil hindi ko alam kung sadyang ito lang ang available sa pinagbilhan niya o wala siyang taste. May mga bulaklak at hearts kasing disenyo. Tapos ay matitingkad pa ang kulay. Pero ayos na rin ito kaysa naman ulit-ulitin kong isuot ang mga damit ko. Nakasuot lang ako ngayon ng maluwag at mahabang t-shirt at boxers ni Peter. Tumalikod ako sa pinto at naghubad ng t-shirt para sukatin ‘yong bra. Inalis ko muna ang suot ko at kinakabit na ‘yong hook ng pulang bra sa likod nang bigla kong narinig ang pagbukas ng pinto! “Oh sh*t, sorry!” sabi ni Peter nang tumili ako, binato ko siya ng t-shirt niya. “Kumatok ka naman!” sigaw ko at sinarado niya agad ang pinto. Nakalimutan ko sandali na siya nga pala ang kidnapper dito at hindi mo dapat inuutusang kumatok ang kidnapper! *** Ako nang kusang lumabas ng kwarto noong hindi na nagtangkang bumalik si Peter dito. Kumukulo na rin kasi ang tyan ko kaya ayaw ko nang pairalin pa ang pride at hiya ko sa mga nangyari sa ‘min kagabi at kaninang umaga. Naabutan kong nagluluto sa kusina si Peter. Amoy pa lang, sobrang nakakatakam na. Pagdating dito’y tumabi ako sa kanya at nakisilip na para bang walang nangyari. Buttered shrimp pala ang niluluto niya! Isa ito sa mga cravings ko noong nakaraan! “Ang bango!” komento ko pa para kuhanin ang atensyon ni Peter. Napasulyap naman siya sandali sa ‘kin. Seryoso lang ang kanyang mukha at ngumisi naman ako. “Kasya at bagay pala ‘yung binili mo. Thanks,” casual kong saad dahil ayaw kong maging awkward kami sa isa’t isa. “Nakikita ko nga,” sabi naman niya na nagpangiti sa ‘kin. “Magpalit ka ng t-shirt,” dagdag pa niya sabay igting ng panga. Dito ako napaisip. Noong una ay hindi pa agad nag-sink in ang ibig niyang sabihin. Yumuko ako at tiningnan ang dibdib ko. Nanlaki ang mga mata ko at napatakip sa dibdib. Dahil pula at bulaklakin ang suot kong bra, kitang-kita ito sa puting t-shirt na suot ko! “Kumuha ka sa cabinet ko,” sabi pa ni Peter na para bang ‘di siya apektado sa mga kabaliwan ko. “Bakit kasi hindi mo pa ‘ko binilhan ng sarili kong t-shirt at shorts?” nagawa ko pang magreklamo. Naglakad ako papunta sa cabinet niya sa sala. “Parang dito mo na balak tumira ah,” komento niya at nagtaas naman ako ng kilay. “Ay bakit? Bawal ba? Ikaw ang nagdala sa ‘kin dito kaya magtiis ka,” sabi ko at nailing na naman siya. Nakita kong umangat ang isang dulo ng labi niya pero agad ding nawala. Sinunod ko na lang siya. Binuksan ko ang cabinet niya at nagkalkal dito. May nakita akong isang black shirt na mas maliit kumpara sa iba. May dalawang sunny side up egg na disenyo kaya natuwa ako. “Pwede ba ‘to?” tanong ko kay Peter sabay pakita sa kanya. “Sige lang,” sabi niya nang ‘di ako tinitingnan. Napakibit balikat na lang ako. Nagpunta ko sa kwarto at nagpalit. Nangiti ako dahil sakto ‘yong dalawang itlog sa dibdib. Ngayon ay ‘di na kita ‘yong bra ko. Pagbalik ko sa kusina, naabutan kong naghahain na si Peter sa lamesa. Masaya naman akong naupo. Ayon lang ay sumama ang timpla ng mukha niya nang makita ako. “Bakit? Hindi ba ‘ko pwedeng kumain?” kabadong tanong ko. Baka kasi tinakam lang niya talaga ako. “Hubarin mo ‘yan,” panibagong utos niya at napayakap ako kaagad sa katawan ko. “Ay teka. Akala ko naman lagpas na tayo sa hubaran stage na ‘yan. ‘Di ba ‘di na nga tayo natuloy sa pagiging porn stars?” natatawang biro ko pero mukhang seryoso siya. Bigla ba naman kasi siyang tumayo. “Hubarin mo ‘yan o ako ang gagawa,” mas malamig niyang saad sabay labas ng kubo. Medyo nag loading pa sa ‘kin ang dahilan ng reaksyon niya. Natagalan bago ko napagtantong may kinalaman pa rin kay Elle ang t-shirt na suot ko. Kaya pala kasyang-kasya ito sa ‘kin. Mukhang nasuot ko ang t-shirt ni Elle! Ginawa ko naman agad ang inutos ni Peter. Pagkahubad ng t-shirt ay binalik ko ito ng maayos sa cabinet niya. Pagkatapos ay sinundan ko si Peter sa labas. Nakita kong nakatayo si Peter at nakaharap sa dagat. Ang ganda-ganda ng tanawin pero nakayuko siya at nakatitig sa buhangin. Nakailang buntong-hininga rin siya. Kung si Wendy ang kasama niya ngayon, hahayaan ko siyang mag senti mag-isa. Rerespetuhin ko kung anong pinagdadaanan niya dahil ganuon ako nakilala sa ‘min. Pero alam kong hindi si Wendy ang kailangan ni Peter ngayon kung hindi si Bra. Kaya naman lumabas ako ng kubo at naglakad papunta sa kanya. Nang tumayo ako sa harapan niya, hindi siya nag-angat ng tingin sa ‘kin. Kaya naman napilitan akong mag-isip ng paraan para makuha ang atensyon niya. Hinubad ko ang bagong t-shirt niyang suot ko. At binagsak ito sa sahig. Napaangat naman siya ng tingin at nakita niyang literal na bra lang ang kaharap niya. “Hi, bro! Meet, Bra!” Tinawanan ko ang sobrang corny a joke na naisip ko. Mainit na nga dahil katanghaliang tapat, uminit pa ang pisngi ko. “What the f*ck.” Agad nanlaki ang mga mata ni Peter pagkakita sa ‘kin. Napatingin siya sa paligid, takot na may makakita sa kin. “What the hell are you doing?!” tanong niya. Nangiti ako dahil mukhang nakuha ko na ang atensyon niya. Sandali rin niyang nakalimutan kung ano mang iniisip niya ngayon lang. “Ina-appreciate ko lang ‘yung binili mo sa ‘kin. ‘Di mo pa kasi sinamahan ng t-shirt. Ayan tuloy, bra lang ang mairarampa ko sa islang ‘to,” panunukso ko. Hindi ako confident sa katawan ko pero dahil si Briar naman ang kaharap ni Peter, pakiramdam ko dapat maging confident ako. Isa pa, nasa beach kami. Normal lang siguro ang makitang naka-bra at panty. Tumakbo naman ako papunta sa dagat at dito narinig ang paghabol ni Peter sa ‘kin. "Briar, get back here!" utos niya na ‘di ko pinakinggan. Nagpahabol naman ako hanggang sa nabuhat na naman niya ‘kong parang sako ng bigas bago pa ako makapunta sa dagat. Tawang-tawa lang ako nang ibalik niya ‘ko sa loob ng kubo. Nang makatayo na kami sa harap ng isa’t isa, kapwa kaming naghahabol ng hininga. Nakita ko ang mabilis na pagbaba ng mga mata ni Peter sa dibdib ko bago siya nag-iwas ng tingin. Namumula ang kanyang tainga sa pagtakbo namin kanina. “Parang ngayon ka lang nakakita ng naka-bra sa beach,” komento ko pero lalo siyang sumibangot. Ilang minuto rin ang lumipas bago siya nakapagsalita. Nagsalubong lang ang kilay ko dahil parang siya lang ang nakarinig nito dahil bumulong siya. “Anong sabi mo?” tanong ko sabay lapit sa kanya. Pero umatras naman siya. Muntik pang matumba. “I said that f*cking bra looks tight on you.” He let out another curse. Nagpunta siya sa kanyang cabinet at dumampot ng panibagong t-shirt na binato niya sa ‘kin. “Give me your size. Papalitan ko ‘yung binili ko.” Mabilis namang uminit ang mukha ko. Nakaramdam na rin ako ng hiya na kanina ko pa pinipigilan. Agad akong nagsuot ng t-shirt at dito naunang naupo sa lamesa. ‘Di ko alam kung bakit ayaw bumagal ng kabog ng dibdib ko kahit ilang minuto na rin ang nakalipas noong tumakbo kami. “K-Kain na tayo,” sabi ko at nautal pa talaga. Akala ko hindi na naman niya ‘ko sasaluhan pero kumuha siya ng pagkain at naupo sa sofa. Doon siya kumain habang ako ang nasa lamesa. Kahit hindi kami magkaharap, sabay na kaming kumain ngayon na para sa ‘kin ay malaking improvement. Tahimik lang kaming kumakain nang siya itong unang bumasag ng katahimikan. “’Yung boyfriend mo. Bakit kayo naghiwalay?” mukhang hindi niya hahayaang ako lang ang may alam tungkol sa kanya. Parang may nakabara tuloy sa lalamunan ko paglunok ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD