Bakit nga ba kami naghiwalay ni Kyle?
Dahil nakidnap ako, si Peter ang kauna-unahang nagtanong nito. Ngunit alam kong oras na makabalik na ‘ko sa buhay ko bilang Wendy, uulanin ako ng kaparehong tanong. Unang-una nang magtatanong ang mga magulang namin ni Kyle, kasunod ang mga kamag-anak at kaibigan namin, at huli ang ilang kakilala.
Siguro si Elle lang talaga ang hindi magtataka sa paghihiwalay namin lalo na’t siya rin naman talaga ang nag-udyok sa ‘kin makipaghiwalay.
“Kung hindi mo gustong ikwento, ayos lang,” sabi ni Peter kaya bumalik ako sa kasalukuyan. Mukhang matagal akong natahimik kaya binawi na niya ang kanyang tanong. Bago pa ako makapagsalita, tumayo siya sabay lapit sa lababo. Nakita kong nagsimula na siyang maghugas ng mga pinaggamitan. Nagulat ako dahil mabilis siyang natapos kumain. “Kung tapos ka na, iwan mo na ‘yan sa lamesa. Bumalik ka na sa kwarto,” dagdag pa niya, malamig lang ang kanyang boses.
Baka iniisip ni Peter ngayon na ang unfair ko dahil siya nga nagkwento ng tungkol sa kanila ni Elle kahit pa lasing siya. Nagdadalawang-isip kasi akong ikwento sa kanya ang nangyari sa relasyon namin ni Kyle. Lalo pa’t sa islang ito, gusto kong kalimutang ako si Wendy. Ayaw kong magsabi sa kanya ng mga bagay tungkol sa buhay ko.
Imbes na pag-isipan pa ang tanong ni Peter, tinapos ko na lang ang pagkain. Sinunod ko ang sinabi niya at iniwan ito sa lamesa pagkatapos. Tumayo ako at tahimik na naglakad papasok sa kwarto nang marinig ko pa ang kanyang boses.
“Mas magandang pumunta sa tabing dagat kapag palubog na ang araw.”
Natigilan ako sa sinabi ni Peter. Bigla naman akong nag loading. Inisip ko kung bakit niya ito kailangang sabihin at kung ako ba ang kausap niya.
Lumingon ako sa kanya at nakita kong patapos na siya sa lababo. Wala naman siyang suot na earphones. Wala ring cellphone malapit sa kanya. Ibig sabihin ay wala siyang ibang kausap. Unless may nakikita siyang ‘di ko nakikita. Kinilabutan naman ako dahil dito.
Kung saan-saan na nakaabot ang imahinasyon ko nang harapin niya ako at dito siya muling nagsalita.
“Tatambay ako sa tabing dagat mamaya. Kung gusto mo sumama ka.” Unti-unting nagliwanag ang mundo ko dahil para bang binibigyan na niya ‘ko ng permiso lumabas ng kubo! Daig ko pa ang nanalo sa lotto sa sobrang saya! “Pero magbihis ka ng maayos. Lalo na kung gusto mong maligo,” paalala pa niya. Marahil dahil ito sa ginawa ko kaninang pagtakbo suot ang bra na masikip pala sa ‘kin.
Nag-init naman ang pisngi ko pero ‘di ko napigilan ang paglawak ng ngiti sa labi ko.
“Copy, Mr. Kidnapper,” pabiro kong tugon sabay takbo papasok ng kwarto, umaasang bibilis ang oras para makalabas na kami bago pa magbago ang isip ni Peter.
***
Sinuot ko ‘yong polong bulaklakin na nahanap ko sa cabinet ni Peter. Halos hanggang hita ko na ang haba nito kaya natatakpan ang suot kong boxers. Mas kumportable itong isuot kaya ito ang napili ko. Hinayaan ko namang nakabagsak ang buhok ko dahil nakagamit ako ng conditioner at sobrang lambot nito ngayon ‘di tulad noong mga nagdaang araw. Dahil nga lang sa pagpapagupit ko kaya hindi na ito ganuon kabagsak tulad noon.
Palakad-lakad lang ako sa kwarto, naghihintay sa oras, nang makarinig ako ng pagkatok sa pinto. Halos mapatalon ako sa saya nang buksan ito kaagad.
Nagkaharap kami ni Peter. Lalong nagsalubong ang kanyang kilay nang tingnan ako mula ulo hanggang paa. Ngunit imbes na magpakita ng kaba, umikot pa ‘ko sa harapan niya habang nakangiti.
“Approved?” paniniguro ko. Baka kasi may mali na naman sa itsura ko.
Imbes na sumagot ay tinalikuran lang ako ni Peter. Nagkibit-balikat ako dahil mukhang silence means yes. Masaya akong sumunod sa kanya palabas ng kubo. Napansin kong may binitbit siyang bayong na hindi ko alam kung anong laman pero mukha siyang mamamalengke. Naramdaman ko ang pagkulo ng tyan ko kaya sana may pagkain itong laman.
Hindi ko maitago ang excitement ko dahil ngayon ang unang beses na lalabas ako ng kubo nang hindi tumatakas. Ito na talaga ‘yung bakasyong habol ko sa pagkidnap sa ‘kin ni Peter. Ang lagay e siya lang ang makikinabang sa sitwasyon namin?
Nang tumapak na kami sa labas ng kubo, patalong-talon pa ako sa saya. Napalingon tuloy si Peter sa ‘kin. Malas lang dahil namali ako ng tapak at saktong natumba sa buhangin.
Pag-angat ko ng tingin ay ngumisi lang ako kay Peter. Akala ko tutulungan niya ‘kong tumayo. Pero umiling lang siya at nagtuloy-tuloy na sa paglalakad papuntang tabing-dagat.
Napairap naman ako sa kawalan. “Pogi na sana. Hindi naman gentleman,” bulong ko sa kawalan. Pinagpag ko ang buhangin sa siko, braso at mga kamay ko. Tatayo na sana ako nang may kamay na sumulpot sa harapan ko. Pag-angat ko ng tingin, nasilaw ako sa araw pero nakita ko si Peter, nakasibangot pa rin ang mukha.
“Ang bagal mo. Lulubog na ‘yung araw,” masungit niyang saad habang nakalahad sa harapan ko ang kamay niya.
Pinagdikit ko naman ang labi ko nang kuhanin ko ang kamay niya. Dito niya ako tinulungang tumayo at naglakad na kami papuntang tabing dagat. Katulad noong unang beses ko itong nakita, namangha pa rin ako sa ganda nito. Halos mapunit na ang labi ko sa pagngiti.
“Kailan mo balak bitawan ang kamay ko?” tanong ni Peter sa tabi ko. At pagtingin ko sa kamay ko, nanlaki ang mga mata ko nang mahigpit pa rin pala ang hawak ko sa kamay niya. Agad naman akong bumitaw. Dapat ay hihingi lang ako ng alalay kanina!
“Ay sorry. Ang feeling close ko masyado. Pero ‘di ka naman dehado,” natatawang biro ko pero mukhang hindi naman siya natuwa dahil walang nagbago sa seryosong ekspresyon ng kanyang mukha. Pinagpag ko naman ang buhangin sa tuhod at binti ko.
Nakarating na kami sa tabing-dagat ng walang aberya. At dito ako natuwa dahil hindi tulad noong umaga ay hindi na ganuon katirik ang araw ngayong hapon. Ang ganda rin ng langit – bukod sa kulay blue, makikita na rin ang kulay yellow at orange. Kung may camera lang ako ay kinuhanan ko na ito ng litrato.
Nilagpasan ko si Peter, masaya akong tumakbo palapit sa dagat hanggang sa matamaan ng tubig ang mga paa ko. Ngunit nang makita ko ang malaking alon na paparating ay agad akong bumalik sa dating pwesto. Ilang beses ko rin itong ginawa bago ako napagod at nagdesisyong lumapit kay Peter.
Nakaupo si Peter sa buhangin habang nakatanaw sa malayo. Lumapit sa ako sa pwesto niya at nakitang may telang nakalatag sa tabi niya. Nangiti ako dahil masyado naman nitong ginagalingan ang pagiging gentleman na kidnapper. Kaya naman para hindi masayang ang kanyang effort ay naupo ako rito.
“Thanks. Nag-abala ka pa,” sabi ko habang inaayos ang upo sa tela. Isinukbit ko rin ang ilang hibla ng buhok ko sa tainga.
Napalingon si Peter sa ‘kin nang magtama ang mga braso namin. Bahagya naman akong umusod dahil baka kailangan niya ng space. Ayon lang ay naningkit pa rin ang mga mata niya.
“Alis dyan,” sabi ni Peter na ikinabigla ko. Hindi ko pa sana siya maiintindihan nang makita kong may inilabas siyang Tupperware galing sa bayong na dala niya. Binuksan niya ito at nakakita ako ng dalawang sandwich. “Dinala ko ‘yung tela para patungan. Hindi upuan,” paglilinaw niya na nagpabilog sa bibig ko.
Dahan-dahan naman akong umusod. Pinagpag ko ‘yung telang inupuan ko at sinubukan itong ibalik sa dating ayos. “Sabi ko nga free trial lang ‘yung pagiging gentleman mo tapos expired na agad,” bulong ko.
Naupo na rin ako sa buhangin at dito ko binalik ang tingin sa dagat. Bukod sa alon ay wala akong naririnig na kahit anong ingay. Pumikit ako sandali at huminga ng malalim. Napangiti ako dahil sa sobrang payapa lang ng lahat dito sa islang ‘to. Mabuti na lang at sa lahat ng lugar na pwedeng pagdalhan sa ‘kin ay dito niya naisip.
“Sa ‘yo na ‘yang isa o itapon mo. Ikaw ang bahala,” maya-maya’y sambit ni Peter sa tabi ko. Nangiti naman ako sabay tingin sa tinapay na naiwan sa Tupperware. Nakita kong kinakain na niya ang kanya habang nakatanaw sa malayo. Napalunok ako dahil mukhang masarap ito. Kaya pala nakaamoy ako ng butter kanina. Mukhang naghanda pa siya ng pagkain.
“Sus. Ang trying hard masyadong magsungit. Pwede namang maging mabait paminsan-minsan,” pang-aasar ko. Kukuhanin ko na ‘yung tinapay na tinira niya sa ‘kin nang kuhanin niya bigla ‘yong Tupperware. “Sabi ko nga requirement sa mga kidnapper ang magsungit. Good job! Pagpatuloy mo lang ‘yan,” pagbawi ko sa sinabi ko sabay ngisi. Nakita kong lalong nadepina ang lukot sa noo niya pero binaba rin niya ‘yong Tupperware sa dating pwesto. Mabilis ko namang kinuha ‘yong tinapay dito at kinagatan bago pa mabawi sa ‘kin.
Gumawa pala siya ng ham & cheese sandwich. Hindi ko alam kung ano pang ibang ginamit niyang sauce pero sobrang sarap nito dahil may ketchup at mayonnaise.
“Mas masarap sana ‘to kung may juice o softdrinks—” umarte akong nasamid at umubo-ubo. Ayaw ko na kasing bumalik sa loob kaya baka magkusa si Peter.
Ayon lang ay hindi ko inasahan nang bigla niya ‘kong inabutan ng canned pineapple juice!
“Para ka namang si Doraemon! Ano pang laman ng bayong mo? Isang milyon?” natatawang komento ko sabay kuha ng pineapple juice. Nang uminom ako rito, sa gilid ng mga mata ko, napansin kong may ibang hawak si Peter. “Teka. Bakit ikaw beer?”
“Hanggang juice ka lang simula ngayon,” mariin niyang saad. Magpoprotesta sana ako nang maalala ko ang mga pinaggagagawa ko noong nalasing ako. Nakaramdam ako ng hiya kaya nanahimik at nag-iwas ng tingin.
Ilang minuto rin kaming natahimik pareho ni Peter, kapwa nakatanaw sa malayo at para bang malalim ang iniisip. At syempre, ako ang unang bumasag nito dahil hindi ko gustong isipin ang mga bagay na naiwan ko.
“Matagal ka na ba sa islang ‘to?” tanong ko. Siguro naman ay pwede na niya itong sagutin dahil hindi ko naman tinatanong kung nasaan kami.
“Mahigit limang taon,” simpleng tugon ni Peter.
Napalingon ako sa kanya. “Wow! Ang tagal na ah! Ilang taon ka na ba?” Sa itsura niya parang nasa twenties pa siya—
“Thirty-two.”
“Ay ang tanda mo na pala.” Kumunot ang noo niya sabay baling sa ‘kin. Pero ako naman ang nag-iwas ng tingin bago pa mapanlisikan. “Sa bagay, mukhang mas matanda nga ang tipo ng kaibigan ko. Mas gusto niya ng matured men.”
“Akala ko ba lalangoy ka? Gawin mo na hangga’t may pasensya pa ‘kong natitira,” sabi tuloy ni Peter. Mukhang nainis kasi sinabihan kong matanda. Pinigilan ko namang matawa dahil dito.
“Sandali lang. Curious pa ‘ko. Aside sa pagkidnap sa ‘kin, ano pang pinagkakaabalahan mo sa buhay? I mean, nakaka-inspire lang kasi ‘yung lifestyle mo. Patambay-tambay dito sa beach. Parang ‘di mo kailangang magtrabaho.” Kung anu-ano naman kasi talaga ang maiisip mo kapag matagal kang nakulong sa kwarto. At isa ito sa palaisipan sa ‘kin.
Anong trabaho ni Peter? Mukhang hindi naman siya mayaman para maging tambay na lang.
“Hindi kita hinayaang magpunta rito sa labas para usisain ang buhay ko,” pagsusungit pa ni Peter. Mukhang wala na talaga siyang balak makipag heart-to-heart talk sa ‘kin ngayong nasa wisyo na siya.
Kaya naman huminga ako ng malalim at nakuntento na lang sa katahimikan at kapayapaan ng paligid. Ilang sandali lang ay naisipan kong tumayo ulit. Lumapit ako sa dagat pero hanggang paa ko lang ang kaya kong basain.
Siguro ilang beses din akong nakipaglaro sa alon ng dagat hanggang sa napasinghap ako nang may bumuhat sa ‘kin. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang si Peter ang may karga sa ‘kin na pa-bridal style. Naglakad siya papalapit sa dagat.
“Anong gagawin mo?” tanong ko, ramdam ang takot. Tumindi pa ito nang makita kong nakalubog na ang katawan ni Peter hanggang dibdib. Kaya basa na ang bandang likuran ko.
“What you should have done a long time ago,” seryosong sagot niya.
Dito ko napagtantong akala niya gusto kong lumangoy sa dagat kaya nagpupumilit akong lumabas ng kubo! Akala niya hindi ko lang ito ginagawa ngayon kahit kaya ko!
“This is your chance and you’re wasting it,” sabi pa niya kaya napasigaw ako.
“Sandali! Hindi ako marunong lumangoy—!”
Tumama ang malakas na alon sa ‘min. Pumaibabaw ito kaya napapikit ako. Naramdaman kong napabitaw si Peter kaya lumubog ako sa tubig. Akala ko may matutungtungan pa ako sa ilalim pero wala! Mas matangkad nga pala si Peter kaysa sa ‘kin kaya nasa mas malalim kami!
Nagawa kong iahon ang ulo ko sandali pero may kasunod na alon pang tumulak sa ‘kin pabalik sa ilalim ng tubig. Nakainom ako ng maalat na tubig. Unti-unting nauubusan ng hininga.
Napadasal ako ng wala sa oras habang pilit kong ginagamit ang mga braso’t kamay pati paa at binti ko para makalangoy. Ayon lang ay hindi na nga ako sanay, masyado pa akong nagpa-panic. Naalala ko kung paano ako nalunod noon kaya lalo akong natakot.
Tatanggapin ko na sana ang kapalaran ko nang may humawak sa beywang ko. Nabigyan ako ng pag-asa nang maiahon ako nito sa tubig. Agad akong kumapit – pinulupot ko ang mga braso maging ang mga binti ko sa katawan nito. Nakapikit lang ako ng mariin, nanginginig sa takot, ubo ng ubo dahil sa nainom na tubig. Naramdaman ko na lang nang makaahon na kami.
Nang imulat ko ang mga mata ‘koy tiningnan ko ang taong yakap-yakap ko… si Peter. Nakahawak din siya sa beywang at pang-upo ko para bigyan ako ng suporta habang karga. Kahit masungit siya, niligtas pa rin niya ako.
“Bakit mo kasi ako dinala sa malalim?!” mangiyak-ngiyak kong reklamo sabay hampas sa likod niya.
“Kung hindi ka naman pala sanay lumangoy, bakit lapit ka pa ng lapit sa dagat?” Narinig kong tanong niya. Talagang ibabalik pa sa ‘kin ang sisi.
“Kasi maganda. Kahit panuorin ko lang o kahit mabasa lang ‘yung mga paa ko, masaya na ‘ko. Kuntento na ‘ko,” pag-amin ko at nahinto lang ako nang umubo pa ako dahil. Ang sakit sa ulo ng tubig na pumasok sa ilong at bibig ko.
Dahil nasa buhangin naman na kami, akala ko ibababa na ako ni Peter. Hindi ko pa kayang maglakad pero alam kong ayaw niyang hinahawakan o dinidikitan siya.
Pero imbes na ibaba ako katulad ng inasahan ko, nagtuloy-tuloy siya sa kubo habang karga ako. Humigpit pa ang pagkakahawak niya sa ‘kin, animo naniniguradong hindi ako babagsak. May kung anong umikot sa tyan ko dahil dito.
Dahil nakaharap sa dagat, natanaw ko ang unti-unting paglubog ng araw habang palayo kami rito. Sobrang ganda nito kaya uminit ang pakiramdam ko. Hindi ako sigurado kung dahil pa rin ba ‘to sa takot ko sa pagkalunod pero mabilis din ang kabog ng dibdib ko ngayon. Ngunit hindi tulad kanina ay kalmado na ‘ko.
Napapaisip nga lang ako kung bakit parang pagdating kay Peter, na kung tutuusin ay kidnapper ko, pakiramdam ko ligtas ako...
***
Pinagtimpla ako ni Peter ng mainit na tsokolate. Kaya naman pagkagaling sa banyo ay dumiretso ako sa sala at dito naupo para inumin ito. Si Peter naman ang sunod na gumamit ng banyo. Sinubukan kong bagalan ang pag-inom para hintayin siya pero natagalan talaga siya. Kaya naman ubos ko na ‘yung iniinom ko nang lumabas siya.
Hindi pa ulit kami nakakapag-usap pagkatapos ng muntik kong pagkalunod sa dagat dahil sa kanya. Pero wala namang nagbago sa pakikitungo niya sa ‘kin. Seryoso at masungit pa rin siya.
Tumayo na ako nang magpunta siya sa kusina. Lumapit ako sa lababo at dito balak hugasan ang pinag-inuman ko nang magsalita siya. “Iwan mo na ‘yan. Bumalik ka na sa kwarto,” utos niya na sinunod ko na lang ngayon ng walang pag protesta.
Nakailang hakbang na ‘ko palayo nang maalala ko ang tanong ni Peter na hindi ko nagawang sagutin noong tanghali. Pakiramdam ko ay kaya ko na itong sagutin ngayon.
“We broke up because we’ve outgrown each other.”
Nagkaroon ng nakakabinging katahimikan. Hindi ko alam kung narinig ba ni Peter ang sinabi ko kaya humarap ako sa pinanggalingan. Nakita kong naghuhugas pa rin siya sa lababo.
Bahala na kung may sabihin siya o wala. Ang mahalaga, tulad niya, naging tapat ako sa pagsagot sa tanong niya.
“Pakiramdam ko hindi na siya ‘yung lalaking minahal ko. Sobrang laki ng pinagbago niya – ‘yung ugali niya… ‘yung values niya… hindi ko rin alam kung anong nangyari. Kung saan ako nagkamali at nagbago ‘yung trato niya sa ‘kin.”
Ngayon ko naalala kung paano ako tratuhin ni Kyle. At tama si Elle, sa ginamit niyang term noon. Naga-gaslight nga ako nito. Ibig sabihin ay madali ako nitong mamanipula sa napakaraming bagay kaya imbes na tumaas ang kumpyansa ko sa sarili, halimbawa na lang pagdating sa career ko, pinanghihinaan pa ako ng loob.
“Basta magkaiba na rin kasi kami ng gusto ngayon pagdating sa maraming bagay.” Masakit isipin pero kailangan ko itong tanggapin.
Naalala ko kung paano pinag-usapan ni Kyle at ng mga katrabaho niya ang tungkol sa s*x life namin. Hanggang ngayon pakiramdam ko nabastos ako ng sobra. Nakadagdag pa rito ang tungkol sa career ko. Kung gaano kababa ang tingin niya sa ‘kin kumpara sa kanya at sa ibang tao. ‘Yung suporta na dapat sa kanya ko nakukuha, wala.
Balak ko sanang sabihin ang mga ito pero nahihirapan akong hanapin ang mga tamang salita.
“Nagbabago lahat ng tao. Kung nagbago siya, hindi ibig sabihin may mali na agad sa ‘yo,” biglang komento ni Peter na hindi ko inasahan. May kirot akong naramdaman sa puso ko. “Not everything is about you,” dagdag pa niya, pambawi na naman sa maganda sana niyang sinabi.
“So… ayun nga. Ako ang nakipaghiwalay sa kanya. It was actually a drunk call. Pero ngayong nakapag-isip-isip ako habang nakatanga sa kwarto maghapon, pakiramdam ko tama lang ang naging desisyon ko.” Nakakadismaya pa ring isipin na sa phone call kami naghiwalay ni Kyle – sa phone call natapos ang ilang taon naming relasyon. Pero parang long overdue na ang breakup na ito.
“Maswerte pa nga siya tinawagan mo siya. Hindi siya nakatanggap ng wedding invitation galing sa ‘yo pagkatapos ng isang taon,” balik ni Peter na mukhang humuhugot pa rin sa nangyari sa kanila ni Elle.
“Sus. Malamang hindi siya makakatanggap ng wedding invitation. Paano naman mangyayari ‘yun e nakidnap nga ako. Alangan namang tayo ang magpakasal. Hello?” tumawa ako sabay iling. Natapos naman na siya sa lababo at dito humarap sa ‘kin. Kung dati’y natatagalan ko ang mga tingin niya, hindi ko alam kung anong nagbago at parang naiilang ako rito.
“So… bakit nga ulit nandito pa ‘ko sa isla kahit kasal na si Elle?” tanong ko naman ngayong nasagot ko na ang tanong niya. Para kasing wala siyang plano.
“You're important to her. Without you, she won't find happiness in her new life."
“Ibig sabihin, dito lang ako? Hanggang sa hindi ka na bitter kay Elle?” paglilinaw ko nang bigla niyang ipinatong sa lamesa ang kanyang cellphone. Binukas-sara ko ang mga mata ko nang magsalita siya.
“Tawagan mo na ang mga magulang mo mo. Sabihin mong nasa bakasyon ka lang kasama ang kaibigan mo. Sabihin mong ayos ka lang at wala silang dapat ipag-alala. Kapag may iba kang sinabi sa kanila, dadalhin kita sa ibang lugar,” seryosong saad ni Peter kaya nanlamig ang buong katawan ko.
Napalunok ako at kabado nang kuhanin ang cellphone sa lamesa. Dito ko pinindot ang numero ng tatay ko at nilagay sa loudspeaker ang tawag. Malakas ang kabog ng dibdib ko habang pinakikinggan namin ang pag-ring nito. Pinatay ko nga lang ito bago pa masagot kaya kumunot ang noo ni Peter.
“Wala ka bang ballpen at papel? Sulat mo na lang ‘yung gusto mong ipasabi. Kinakabahan kasi ako. Baka magkamali pa ‘ko tapos magalit ka,” sabi ko sabay ngisi kay Peter. Lalo namang nagdilim ang tingin niya sa ‘kin.