Chapter 11

2900 Words
“Hello, Pa?” “A-Anak? Wendy, ikaw ba ‘yan?” Nangilid ang luha ko nang marinig ang boses ni papa sa kabilang linya, halos mabasag ang boses. Parang pinipiga tuloy ang puso ko. Akala ko hindi ako magiging emosyonal sa pagtawag ko sa kanya. Ngunit masyado kong na-overestimate ang sarili ko. Tinuro ni Peter ‘yong papel sa lamesa na nagpabalik sa ‘kin sa wisyo. Nakasulat dito kung ano lang ang dapat kong sabihin sa tatay ko. At mabuti na lang pala pinagawa ko ito dahil sa ngayon ay mistulang nablanko ang isip ko. Nakaupo ako sa lamesa. Nag-angat ako ng tingin kay Peter na nakatayo sa harapan ko at seryoso ang tingin sa ‘kin bago muling binuksan ang bibig. “Oo, Pa. Si Wendy ‘to—” “Ayos ka lang ba? Nasaan ka ba at hindi ka namin matawagan ng mama mo?” Nagtaas ng boses si papa. Halata ang labis na pag-aalala. Inasahan ko naman ito pero iba pa rin pala kapag narinig mo na mismo. Kahit hindi ko siya nakikita, base sa boses niya ay pinipigilan niyang umiyak. “Nakausap namin ang kaibigan mo. Ang sabi niya abala ka raw sa pag a-apply ng trabaho kaya hindi ka pa makatawag sa ‘min ng mama mo. Pero hindi kami naniniwala sa kanya kaya paluwas na kami ng Maynila bukas.” Lalong sumikip ang dibdib ko sa nalaman. Pagtingin ko kay Peter ay umigting naman ang panga niya nang mag-iwas ng tingin. Hindi ko alam kung anong intensyon ni Elle sa pagsisinungaling niya sa mga magulang ko. Pero mas gusto kong malaman kung anong ginagawa niyang aksyon ngayong nawawala ako. Sa intindi ko kasi sa mga sinabi ni Peter noon, natuloy ang kasal ni Elle at nagawa pa nilang magpunta sa honeymoon. Hinayaan na lang ba talaga niya ‘kong makidnap? “Totoo ang sinabi ni Elle, Pa. Pasensya na po talaga. Ngayon lang ako nakatawag kasi ang dami kong interviews na inasikaso,” pagdadahilan ko kahit na sa loob-loob ko, napakababaw na dahilan nito. Kung ako ang makakarinig ng paliwanag ko, hindi ako maniniwala. Pero kailangan ko kasing sakyan ang kwento ni Elle para ‘di sila mas lalong magduda. Tinuro naman ulit ni Peter ang papel bago ko pa ito makalimutan. Kaya agad ko itong isinunod. “Hindi na rin po pala ako nakapagpaalam sa inyo. Nagbakasyon kasi kami ni Elle ngayon. Biglaan lang. Pero ayos lang naman po ako, wala kayong dapat ipag-alala,” sabi ko na medyo iba sa nakasulat sa papel pero ‘yong punto ay nanduon naman. “Pinag-alala mo kami ng tatay mo, Wendy!” mangiyak-ngiyak na boses ni mama ang narinig ko. Mukhang naka-loud speaker ang phone ni papa. “Pinayagan ka namin magpunta ng Maynila dahil ang sabi mo ia-update mo kami. Anong nangyari sa ‘yo? Sinasabi ko na nga ba. Masamang impluwensya talaga ang Elle na ‘yan.” Ayaw kong masira si Elle sa mga magulang ko. Pero dahil sa sitwasyon ko ngayon, alam kong ito na nga ang nangyayari ngayon. “Umuwi ka na lang dito imbes na pinag-aalala mo kami ng papa mo!” sigaw pa ni mama. Ngunit agad siyang kinontra ng sunod na sinabi ni papa. “Kung nasa bakasyon ka, magpahinga ka, anak. Pagkatapos ay galingan mo sa trabaho.” “Ay naku, Tart! Kunsintidor ka talaga sa anak mo kahit kailan!” Nailing na lang ako dahil na-miss ko ang ganito nilang pagtatalo. May tumakas na luha sa gilid ng isang mata ko nang ngumiti ako. Agad ko itong pinunasan. “Wendy, mag a-update ka naman sa ‘min kung ano nang nangyayari sa ‘yo. E kanino bang numero ‘to?” mas mahinahong tanong ni mama. Alam ko namang napangungunahan lang siya ng emosyon pero mas angat ang pag-aalala niya sa ‘kin. Napatingin tuloy ako kay Peter na may mabilis na isinulat sa papel at pinakita sa ‘kin. “Ah sa isa pang kaibigan namin ni Elle… Kasama namin sa bakasyon!” nakakunot noong sagot ko. Alam ko na kasing malalabuan pa rin ang mga magulang ko rito kahit na dinagdagan ko pa ang sagot ko. “Anong pangalan?” si papa naman ito. Pinagdikit ko ang labi ko sabay tingin ulit kay Peter. Binukas-sara ko ang mga mata ko para humaba pa ang pasensya niya sa pagiging matanong ng mga magulang ko. “Ah… ano po… uhm Pet—” kumunot ang noo ni Peter. Napalunok naman ako. “Petra po. Petra ang pangalan niya.” “Petra? Ang baho ng pangalan. Mukhang ‘di ‘yan mahal ng magulang niya,” panlalait ni mama dahil pa rin sa sama ng loob sa ‘kin. “Ma naman!” reklamo ko tuloy. Pinagdikit ko agad ang labi ko, nagpipigil ng tawa dahil sa sobrang lukot ng noo ni Peter ngayon. “Oh sige. Ala e basta mag-iingat ka. Nasaan ka ba ga nyan ngayon?” tanong pa ni papa. At magkapareho lang kami ng tanong. Hindi ko alam kung saan sa Pilipinas matatagpuan ang isla kung nasaan ako. Mabilis naman si Peter at may isinulat ulit sa papel na pinabasa niya sa ‘kin. “Sinama lang nila ako sa beach e. Hindi ko lang sigurado kung saan ito banda. Sige po, tinatawag na nila ‘ko—” Naputol ako nang biglang inagaw ni Peter ang phone niya sa kamay ko. “I love you!” sigaw ko pa tuloy. Napatingin naman si Peter sa ‘kin, akala mo mangangain ng buhay. “I love you sa mama’t papa ko ah, hindi sa ‘yo. ‘Wag kang assuming,” sabi ko tuloy sa inis ko dahil hindi man lang niya ‘ko pinatapos sa pagsasalita. Napaka-istrikto naman kasi niya. Parang wala siyang pamilya. Dahil tapos naman na ang pinapagawa niya sa ‘kin, tumayo na ‘ko at naglakad pabalik sa kwarto. Ilang hakbang na lang ako nang maisipan ko pa siyang lingunin ulit. “Gaano katagal pa ba ‘ko rito?” Alam kong natanong ko na ‘to ng ilang ulit noon. Pero nagbakasakali lang akong mas makakakuha ako ng maayos na sagot ngayon. “Hanggang kailan ko gusto,” malamig at malalim ang boses ni Peter. Katulad ng dati, malabo pa rin ang sagot niya. Napabuntong-hininga naman ako. “Kung ganuon. Baka naman pwede pang maayos ang accommodation mo rito. Sobrang boring naman kasi sa kubo mo – wala man lang wifi, computer, o kahit laptop. Kung magtatagal ako rito, baka magulat ka nagbibilang na ‘ko ng buhok,” mapait kong saad na nagpasibangot sa kanya kaya agad akong ngumisi. “Syempre, ‘yun ay kung ayos lang naman sa ‘yo,” pahabol ko bago mabilis na tumakbo pabalik sa kwarto. Nakapag-goodnight pa ako sa kanya bago nahiga sa kama. Napatitig ako sa kisame ng ilang minuto. Hindi maalis sa isip ko ang naging pag-uusap namin ng mga magulang ko. Ako ang nasasaktan ngayon dahil alam kong nag-aalala sila ng sobra sa ‘kin. Sana sa pagtawag ko, ay nabawasan ito kahit papaano… *** Bagong umaga na naman. Kahit anong oras nang dinalaw ng antok kagabi, maaga akong gumising ngayon kaysa sa karaniwang oras ng gising ko. Palagay ko ay kakasikat lang din ng araw. Paglabas ko ng kwarto, inakala kong maaabutaan kong natutulog pa si Peter sa sala o ‘di kaya nagluluto sa kusina. Kaya naman nagtaka ako nang makitang walang tao sa sala at kusina, maging sa banyo. Mag-isa na naman pala ako sa kubo. Napakamot ako sa ulo. Saan na naman kaya nagsuot ang isang ‘yon? “Iniwan na naman niya ‘ko rito. Bahala siya,” nasabi ko na lang sa kawalan sabay buntong-hininga. Sandali akong napatitig sa kawalan bago nagdesisyong lumabas ng kubo. Dahil mag-isa lang ako, naisipan kong magpahangin sa labas. Para naman kahit hindi ko nakita ng maayos ang paglubog ng araw kahapon, makita ko man lang ang pagsikat nito ngayon. Huminga ako ng malalim pagbukas ng pinto ng kubo. Malamig at masarap na simoy ng hangin ang sumalubong sa ‘kin dahil sobrang sariwa. Lalo ko itong naamoy sa paglabas ko at paglapit sa tabing dagat. Dahil kakasikat lang ng araw tulad ng inaasahan ko, hindi pa ganuon kainit. Nagawa ko pang tumayo malapit sa tubig dagat, habang hinahangaan ang malalaking alon na naglalaro sa buhangin. Marahil ay ilang minuto rin ang lumipas nang matanaw kong parang may tao sa gitna ng dagat. Hindi pa ako sigurado noong una dahil parang tuldok lang ito sa isang papel. Kaya siningkit ko ang mga mata ko para mas maaninag ito ng mabuti. At tama nga ako! Noong nagkaroon ng mas mataas na alon, nakita kong tumayo ‘yong tao at magaling na binalanse ang sarili sa kanyang surfboard. Mukhang nagsu-surfing pala ito! Malayo pa lang ay humanga na ako rito. At mas lalo pa itong tumindi noong mapagtanto kong si Peter pala ito! Hinigit ko ang hininga ko nang makitang wala siyang suot na t-shirt. At kahit nakita ko na ito noon, nagandahan pa rin ako sa katawan niya! Kitang-kita ang mga kurbadang humahalintulad sa alon habang sumasayaw siya sa ibabaw ng kanyang surfboard. Malaya kong nakikita ang kanyang mga muscles na umaalon sa bawat galaw. Hindi ko alam kung bakit pero parang kinikilabutan ako sa bawat paghakbang niya. Ang sikat ng araw ay nagpapaganda sa kanyang balat. Sa tuwing lumulutang siya sa alon, parang slow motion ang lahat. Pakiramdam ko’y sa lagay na ‘to, pwede na siyang bumida sa mga pelikula—tinapik ko ang pisngi ko. Kung anu-ano kasing naiisip ko. Sa tagal naming magkarelasyon ni Kyle noon, ngayon lang ako napunta sa sitwasyon kung saan napatingin ako sa ibang lalaki. At kahit alam kong hindi naman ito masamang gawin ngayon dahil break na kami, pakiramdam ko parang ‘di pa rin dapat. Hindi ko alam kung nakita ba ni Peter na pinapanuod ko siya mula sa dalampasigan. Paano’y akala ko magtatagal pa siya nang umahon na siya pagkalipas ng ilang minuto. Pagdating niya sa mabuhanging parte ng isla ay sumalubong ako sa kanya habang pumapalakpak. Sandali lang siyang sumulyap sa ‘kin bago nagtuloy-tuloy sa pagbuhat ng kanyang surfboard at pagbalik sa kubo. Naglakad ako kasunod niya. Akala ko hindi niya ‘ko papansinin nang magsalita siya. “Gusto mong mag-surf?” tanong niya, animo nakalimutang muntik na akong malunod kahapon. “Paglangoy nga hindi ko kaya, surfing pa kaya?” Natatawang paalala ko sa kanya pero nanatiling walang emosyon ang kanyang mukha. “Pwede ka namang matuto,” simpleng balik niya. “Pwede nga. Takot naman,” bulong ko na mukhang narinig niya kaya tumigil siya sa paglalakad at biglang humarap sa ‘kin. Napaatras naman ako bago ako bumangga sa kanya. “Bakit ba takot kang lumangoy?” “Nalunod na ako noon ng ilang beses. May pagkakataon pang kasama ko si Kyle—ay Kyle ang pangalan ng ex ko. Kaya natakot na ‘kong lumangoy ulit.” Ginawa ko na lang mas simple ang kwento ko para hindi siya ma-bored. Hinintay ko ang reaksyon niya sa kwento ko pero nagpatuloy na siya sa paglalakad. At nang malapit na kaming pumasok sa kubo ay tsaka siya muling nagsalita. “Kailangan mong harapin ang takot mo para matuto kang lumangoy. Para ‘di mo na kailanganin pa ang tulong ng ibang tao.” Sa mga ganitong sagutan ni Peter, pakiramdam ko may lalim siyang tao. “Tingin mo ba kaya ko pang matuto? Ang sabi kasi ni Kyle, sasayangin ko lang daw ang panahon ko—” “You'll learn once you quit caring about what others think and just get it done,” pagputol niya sa ‘kin. Nakita ko ang lalim ng tingin niya habang nakatitig sa ‘kin, kasabay ng pagbagsak ng tubig galing sa ilang hibla ng buhok niya. “You broke up with him for a reason. Kung iisipin mo siya nang iisipin sa bawat desisyon mo sa buhay, hindi ka makakaalis kung nasaan ka ngayon.” Tama naman si Peter. Pakiramdam ko, mula noon hanggang ngayon, nakadepende ako kay Kyle sa bawat desisyon na ginagawa ko sa buhay. Kaya kapag magdedesisyon na ‘ko para sa sarili ko, hirap ako. Iniisip ko hindi ko kaya. Iniisip ko papalpak ako. Huminga ako ng malalim at pinaalala sa sariling hindi ako si Wendy sa islang ‘to. Face your fears, Bra. “Turuan mo ‘kong lumangoy tapos mag surfing,” paglalakas ko ng loob kahit na ramdam ko ang pag-ikot ng tyan ko maisip ko pa lang na lulubog ako sa tubig. “Sa tingin mo may oras ako sa ‘yo?” pagsusungit niya sabay pasok sa loob ng kubo. Agad naman akong humabol sa kanya. “Ikaw itong nagsabi sa ‘kin na harapin ko ‘yung takot ko e. Dapat panindigan mo ‘ko!” bulalas ko at bigla na naman siyang humarap. “Ay dede!” Bumangga ang mukha ko sa basa niyang dibdib! Napalunok ako sabay atras. Uminit ang buong mukha ko nang mag-angat ng tingin sa kanya. Nakakahiya naman kasi pero siya itong bigla-bigla na lang humaharap. Nagawa ko pa ring ngumisi sa kanya sa kabila ng pagdepina ng lukot sa noo niya. “Kung kailan lang ako may oras,” sabi ni Peter na ikinatuwa ‘ko. Sinong mag-aakalang nagbibigay pa ngayon ng libreng swimming lessons ang kidnapper? *** Hindi na kami nag-umagahan pa ni Peter at diretso tanghalian na. Paano’y nakatulog ulit ako pagbalik sa kwarto. At mukhang ganuon din siya. “Sigurado kang ayaw mong ako naman ang magluto?” tanong ko pa ulit kay Peter. Paano’y siya na naman itong kumikilos sa kusina. Samantalang ako sitting pretty lang sa sala niya. Saan ka pa makakahanap ng kidnapper na pagsisilbihan ka ng ganito? “Entertain yourself. Iyon ang maitutulong mo.” Agad ko namang pinagdikit ang labi ko dahil alam kong gusto lang niyang manahimik ako. Dito ako napatingin sa lamesita kung saan nakapatong ang cellphone ni Peter. Dahil walang mapagkaabalahan, naisip kong kuhanin ito at buksan. Hindi ko naman inasahan nang makita ko ang litrato nila ni Elle na lock screen pa rin ng cellphone niya. Kuha ito sa harap ng kubo kung nasaan kami ngayon. Ngiting-ngiti ang best friend ko habang nakaakbay sa kanya si Peter. Mukhang masaya naman sila noon. Ano kaya ang dahilan at mas pinili ni Elle magpakasal kay Axel? Dahil hindi ko naman mabubuksan ang phone ni Peter ng walang password, dumiretso na lang ako sa camera niya. Dito ko tiningnan ang sarili ko at nag-selfie – simpleng ngiti muna hanggang sa gumawa ako ng iba’t ibang posing. Pang-asar lang kay Peter. Magugulat siya dahil punong-puno ng mukha ko ang phone niya. Sinamahan ko pa nga ito ng litrato namin – siya ang nasa background ko. Tinuro ko siya kahit nakatalikod siya sa ‘kin. Pagkatapos ay nilagyan ko siya ng sungay gamit ang peace sign. Pagpindot ko ng capture button, tsaka ko lang nakitang napatingin na pala siya sa ‘kin. “What do you think you’re doing?” malamig niyang tanong. Mabilis ko namang binalik sa pinagkuhanan ang cellphone niya. “For memories lang,” simpleng sagot ko sabay tayo. Lumapit na ako sa kusina para ibahin ang usapan. Baka mapagalitan pa kasi ako. “Anong lakad mo ngayong hapon? Papasok ka ba sa trabaho?” pang-uusisa ko kahit alam kong hindi na nga niya nasagot ang tanong ko noon. “Bakit gusto mong malaman?” “Wala lang. Baka gusto mo lang ng kasama. Pinapaalala ko lang sa ‘yo na may housemate kang free and available.” “Pinayagan na nga kitang lumabas ng kubo na ‘to at magpunta sa tabing-dagat kahit kailan mo gusto, ngayon gusto mo pang sumama?” Tumawa ako ng mahina sa takot na pagbawalan na naman niya ‘ko. “Kung ayaw mo, e ‘di ‘wag. Madali naman akong kausap.” Naupo na ako sa hapagkainan. Nakahain naman na kasi ang pagkain namin. Tinola ang ulam namin ngayon at takam na takam ako kahit mainit ang panahon. Mauupo na rin sana si Peter para kumain nang makarinig kami ng katok sa pinto. Sabay kaming napatingin dito bago napunta ang tingin sa isa’t isa. Para bang kapwa namin tinatanong kung may inaasahan ba kaming bisita. Si Peter naman ang lumapit sa pinto. Binuksan niya ito at narinig ko ang boses ng bisita. “Pete! Nagdala kami ng kaunting pagkain at mga regalo para sa inyong mag-asawa!” Natandaan ko ang boses na narinig kaya tumayo ako at pumwesto sa bandang likuran ni Peter para makisilip sa siwang ng pinto. At tama nga ako ng kutob dahil nakita ko si Aling Dolores. ‘Yong kaisa-isang matandang nakakaalaam ng tungkol sa ‘kin—napalunok ako nang makita kong sa likuran niya ay may lagpas sampung kataong naghihintay sa ‘min. Tumingin si Peter sa ‘kin, malamig pa rin ang ekspresyon ng mukha. Nag peace sign naman ako habang nakangisi para hindi na niya ako pagsabihan pa sa kinahinatnan ng ginawa ko. Kung bakit kasi sa lahat ng pwedeng sabihin ay pagiging mag-asawa pa talaga ang nasabi ko. Bahagya naman akong tumingkayad. At lalong nalaglag ang panga ko nang sa labas ng kubo, nakita kong nagsimula na silang mag setup ng mga lamesa. Mukhang malakihang pagsasalo-salo pa yata ang mangyayari ngayong tanghali at hindi kami handa ni Peter.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD