Ang sabi ni Aling Dolores ay may dala lang silang “kaunting pagkain” ngayong tanghalian. Ngunit nalaglag ang panga namin ni Peter nang paglabas namin ng kubo ay mistulang nagkaroon ng fiesta!
May apat na square tables kasi silang na-setup, ang isang lamesa ay puno ng mga pagkain tulad ng seafood, inihaw, at mga kakanin! Samantalang kasya naman ang apat na tao sa bawat lamesang natira. Sakto lang sa bilang ng mga bisita namin. Parang nagkaroon tuloy talaga ng biglaang handaan. Masaya na sana ako sa nilutong tinola ni Peter pero dumoble pa ang saya ko ngayon dahil sobra-sobra ang pagkain.
“Hindi ko alam na marami pa palang tao sa islang ‘to bukod sa ‘tin,” manghang bulong ko.
“That’s the whole purpose of getting kidnapped,” sarkastikong balik ni Peter sa ‘kin. “There’s element of surprise and lack of information.” Nakatayo siya sa tabi ko at mukhang hindi masaya sa nangyayari.
“Well, this is the result of lack of planning on your part.” Nagkibit-balikat ako sabay tingin kay Peter. Ganuon din siya kaya tuloy nakita ko ang matalim niyang tingin sa ‘kin. Ngumisi naman ako nang magsalita. “Well, better luck next time!”
Akmang magsasalita pa si Peter nang mapalingon kami pareho kay Aling Dolores. “Ala e, maupo na kayo rito! Saluhan niyo kami!” Napansin niya sigurong nakatitig lang kami ni Peter sa mga nangyayari. At animo nababagalan sa ‘min, hinawakan pa niya kami sa braso at iginiya papunta sa isang lamesa. Bukod sa kanya, kasama namin dito ang isang lalaking halos kaedad na ni papa. Nakasuot ito ng sandong puti at may tattoo ng ahas sa buong braso kaya kinilabutan ako at napalunok.
Pipiliin ko sana ang silya malayo sa kanya pero inunahan akong maupo ni Peter dito. Pinanlakihan ko siya ng mga mata. Inginuso ko ‘yong pwesto kung saan ko siya pinapalipat. Pero nagkunwari siyang ‘di nakukuha ang ibig kong sabihin. Ginaya pa niya ang pagkibit-balikat ko sa kanya kanina. Napairap tuloy ako sa kawalan dahil hindi ko alam na ang petty niya.
“Cardo nga pala!” Napalingon ako roon sa lalaki at pilit na ngumiti kahit seryoso ang tingin niya. Napalunok ako bago naupo sa upuan katabi ng kanya. Sa totoo lang, mas natatakot ako sa tattoo niya. At malapit pa ang braso niya sa ‘kin kaya tuloy para akong naestatwa sa kinauupuan ko.
Pansin kong si Mang Cardo talaga ang naunang kumain sa lahat at nakakamay pa siya kaya hindi na kami nakapag-shake hands pa. Tumingin naman siya kay Peter at sa wakas, nakita ko ang pagngiti niya nang magsalita. “Ikaw naman, Pete! Hindi mo nasabi sa ‘ming kaganda ng asawa mo!”
Aba’t mukhang wala naman pala akong dapat ikatakot! Tumikhim ako. Nagpipigil ng ngiti nang tingnan si Peter sa tabi ko. Seryoso lang ang mukha niya pero nangalumbaba ako sa lamesa sabay tingin sa kanya, “Oo nga naman, Tart. Masyado ka namang masikreto,” nakangising saad ko sabay taas-baba ng mga mata. Sinigurado kong kita ang leeg ko, animo nang-aakit, para lang asarin siya.
“I don’t lie,” mapait na balik ni Peter kaya agad kong sinimangutan. Akala naman ni Mang Cardo, simpleng tuksuhan lang ng mag-asawa ang nangyayari kaya agad siyang tumawa ng malakas. Natalsikan pa ako ng kanin sa buhok na mukhang nakita rin ni Peter kaya napatakip siya bigla ng bibig sabay tingin sa ibang direksyon. Mistulang nagpipigil ng tawa.
“Masanay ka na dyan kay Pete! Walang katamis-tamis sa katawan. Buti nga pinatulan mo pa,” sabi ni Mang Cardo na agad kong tinanguan bilang pagsang-ayon. “Ano nga ulit ang pangalan mo neng?” tanong niya ng direkta sa ‘kin.
“Briar. But you can call me Bra,” pagkasagot ko’y lalo pang tumawa ng malakas si Cardo. Talsik na naman ang laway. Nakisali maging ang mga bisita namin sa ibang lamesa na mukhang nakikinig din pala sa pag-uusap namin.
Bigla namang dumating si Aling Dolores at dito tinapik sa likod si Mang Cardo. “Ano ka ba naman, Cardo? Baka natatakot na sa ‘yo ‘si Bra—teka nga, may iba ka pa bang palayaw, iha?” Pansin ko ang singsing na suot ni Aling Dolores, katulad ng kay Mang Cardo. Kaya mukhang mag-asawa sila.
At dahil sa gilid ng mga mata ko, inis na inis akong makita ang pagpipigil ng ngiti ni Peter, inusod ko ang upuan ko palapit sa kanya. Wala siyang nagawa nang idikit ko ang mukha ko sa suot niyang t-shirt at dito pasimpleng ipinunas ang laway ni Mang Cardo.
Nagkunwari akong naglalambing nang magsalita. “Pwede rin naman hong Briar na lang o ‘di kaya Tart – pero si Peter lang po kasi ang tumatawag nun sa ‘kin.”
Nakarinig ako ng iba’t ibang reaksyon sa mga taong nakapaligid sa ‘min – pero karamihan sa kanila ay kinilig. Pagtingin ko kay Peter ay para naman siyang nanigas sa pwesto niya. Halatang nainis sa mga sinabi ko lalo na sa pagpahid ko ng laway sa kanya.
“Oy! Sali naman kami dyan,” sabi nung isang bakla galing sa isang table. Umayos naman ako ng upo paglapit niya. Mukhang kaedad ko lang siya pero ibang klase ang confidence level niya dahil nakasuot ba naman ng maigsing-maigsing shorts at crop top. Para bang init na init pa rin siya sa lagay na ito – kulang na lang ay mag swimsuit siya! “Call me Reese,” pakilala niya sa sarili bago kumuha ng upuan at tumabi kay Peter.
“Briar,” sabi ko pa kahit nakapagpakilala na ‘ko. Sinundan naman siya ng dalawa pang tao na mukhang kaedaran lang din namin kaya napunta sa kanila ang atensyon ko.
“Yayamaning chix pala ang asawa mo, Pete!” bungad nung lalaki. Kayumanggi ang kulay ng kanyang balat. Matangkad at may itsura rin siya – papasang modelo sa Maynila. Nakasuot siya ng simpleng puting t-shirt at maong shorts. Lumapit siya sa ‘kin at nakipagkamay. “Lorenz nga pala,” Tinanggap ko naman ito sabay ngiti bago siya pumwesto sa tabi ko. Tumayo siya sa pagitan namin ni Mang Cardo kaya kahit papaano ay nakahinga ako.
Napatingin nga lang ako kay Peter dahil sa pagbuntong-hininga niya ng malakas. Tinaasan ko siya ng dalawang kilay para malaman kung anong problema niya. Pero as expected ay nag-iwas siya ng tingin. Para pa rin siyang palaisipang hirap na hirap akong maunawaan.
“Gaano katagal na kayo?” Napalingon ang lahat sa nagtanong. Dito ko nakita ‘yong babae na may pagkakahawig kay Lorenz. Kung tama ako ng hula, iisipin kong magkapatid sila. Maganda rin kasi siya at mukhang mahilig siya sa perlas dahil sa suot niyang hikaw, pulseras, at kwintas. Hindi ko nga lang inasahan ang pagiging straightforward niya. Imbes na magpakilala ay diretso pang-uusisa siya.
Biglang inilapit ni Lorenz ang mukha niya sa bandang tainga ko sabay bulong. “Si Lorraine ‘yan. Pagpasensyahan mo na. First love niya kasi si Pete.”
Napasinghap ako nang biglang hinila ni Peter ang upuan ko palapit sa kanya. Muntik na kasi akong matumba. Nag-aalangan akong ngumisi kay Lorenz. Ganuon din naman siya pero tinaas niya ang dalawang kamay sa ere na para bang gustong ipakitang inosente siya. Tuloy ay bumulong ako kay Peter.
“Ano namang trip mo ngayon? Akala ko ayaw mong nakadikit ako sa ‘yo?” Nakangisi ako pero nagsasalita ng sobrang hina.
“Baka nagbabalak ka na palang tumakas, hindi ko pa alam,” balik naman niya, dumikit pa ang hininga niya sa bandang leeg ko kaya kinilabutan ako.
Pagtingin ko naman kay Lorraine, lalong sumama ang timpla ng mukha niya. Akala yata niya ay harap-harapan kaming naglalandian ni Peter. Mukhang nagsasabi ng totoo si Lorenz dahil selos na selos ito ngayon.
“Ah ilang buwan pa lang kami—”
“Pero kasal na kayo? Nasaan ang singsing niyo?” pagputol ni Lorraine sa ‘kin na para bang hindi siya naniniwala sa relasyon namin ni Peter. Lahat tuloy ay napatingin sa mga kamay namin ni Pete.
Napalunok ako. Kinabahan pero mabuti at mabilis nakaisip ng palusot. “Ah kaka-swimming lang kasi namin. Inalis muna namin kasi delikado. Sayang naman kung maaanod lang sa dagat. Mahal pa naman ang bili ni Tart dun,” sabi ko sabay tawa ng mahina. Nahuli ko ang pag-irap ni Lorraine. Mukhang hindi pa man ay mayroon na akong makakaaway sa islang ‘to.
“Bakit pala ngayon lang namin nalaman ang tungkol sa ‘yo? Bigla ka na lang sumulpot dito sa isla,” sabi naman ni Reese. Pakiramdam ko mag best friends sila ni Lorraine – para kasing pinagtutulungan nila ako.
Naiinis naman ako kay Peter dahil kanina pa tikom ang bibig niya. Hindi man lang ako tulungan gayong siya ang nakakakilala sa mga ito.
“Ay naku! Pakainin niyo naman ang dalawa!” singit ni Aling Dolores kaya nakahinga ako ng maluwag. “Imbitado naman sila sa kaarawan ko kaya kilalanin niyo na lang siya roon. Tsaka ano ba kayo? Kung hindi man pinakilala si Briar sa ‘tin, desisyon na nila ‘yon ni Pete. Hindi naman natin kontrolado ang buhay ng dalawa,” dagdag pa niya. Mabuti na lang talaga at nandyan siya. Umalis na ang mga taong nakapalibot sa mesa namin.
At dahil kay Aling Dolores, nakakain na talaga kami ng matiwasay. Hindi maalis ang ngiti sa labi ko sa bawat pagsubo ko. Hindi ko alintana ang mga mapanghusgang tingin ng mga tao sa paligid ko – ito ang kainaman kapag walang nakakakilala sa ‘yo. Kung si Wendy pa rin ako sa mga oras na ‘to, malamang ay hindi ako makakain.
Panay lang ang kain ko at napapasayaw pa ako sa upuan sa tuwa dahil halos lahat ng mga paborito ko ay nandito – at sariwa pa!
“Ala e nakakatuwa naman pala ang asawa mo, Pete! Maganang kumain!” biglang komento ni Aling Dolores na nagpasamid sa ‘kin. Mabilis naman akong inabutan ni Peter ng baso ng tubig na tinanggap ko at ininom.
“Salamat!” sabi ko kay Peter nang mahimasmasan. Ngumisi naman ako kay Aling Dolores bilang balik sa kanyang komento sa ‘kin kanina. Medyo nahiya ako dahil alam kong ang ibig niyang sabihin talaga ay mas patay gutom ako kaysa kay Elle. Kaya naman dinahan-dahan ko muna ang kain.
Nasa isang lamesa kami ni Peter kasama sina Aling Dolores at Mang Cardo. Pagtayo ng dalawa para kumuha ng pagkain at makipag-usap sa ibang kasama nila, dito ko lang kinausap si Peter.
“Bakit mo ba kasi sinabing mag-asawa tayo?” masungit na bulong ni Peter sa tabi ko. Tumingin naman ako sa kanya at tinaasan siya ng isang kilay.
“Anong gusto mong sabihin ko? Kinidnap mo ‘ko?” paghamon ko.
Tumikhim naman siya, hindi nakapagkomento dahil nakuha niya ang ibig kong sabihin.
“Saan nga ulit kayo nagkakilala?” tanong ni Aling Dolores sa ‘min mula sa kabilang lamesa. Mayroong apat na matatanda rito na kulang na lang ay mag majong o ‘di kaya magbingo.
“Sa Maynila,” nagkasabay pa kaming dalawa ni Peter, animo nag-rehearse. Pero dahil dito’y mas nagmukhang totoo ang relasyon namin.
Lumapit naman si Lorenz sa lamesa namin maya-maya. Mukhang tapos na siyang kumain. “Sasama ka ba sa paghango namin ng mga bagong huling isda?”
Sasagot sana ako nang mauna na si Peter. “Hindi. Dito lang siya sa kubo.”
Pinagdikit ko naman ang bibig ko. Mukhang mai-stuck na naman ako sa kubo. Sabagay, mabuti na rin at may ganitong ganap ngayong tanghalian. At least ay may bago man lang na nangyari sa araw ko.
“Ay sayang. May magagandang damit pa namang darating sa palengke ngayong hapon.” Narinig ko si Reese sa kabilang lamesa.
“Sawa na ‘yan sa mga gamit galing Maynila,” sabi naman ni Lorraine, na halatang bitter talaga sa ‘kin.
Napanguso naman ako sabay tingin kay Peter. Alam naman niya kasing wala akong maayos na damit ngayon. Pero seryoso lang siya at mukhang walang balak magpaapekto sa pagpapa-cute ko.
***
Katulad ng gustong mangyari ni Peter, naiwan ako sa kubo pagdating ng hapon. Pinayagan naman na niya akong lumabas-labas kaya naman nag-isip ako ng paraan para malibang ako.
Gusto ko sanang manatili sa labas ng kubo kung saan tanaw ko ang dagat. Kaya lang lumulubog sa buhangin ang upuan. Tapos ayaw ko rin namang madampian ng buhangin ang suot ko, lalo na ang balat ko dahil mainit ito ngayon.
Kaya naman nakaisip ako ng mas magandang paraan. Nilabas ko ‘yong kumot sa kwarto na hindi ko naman ginagamit at sa tabi ng kubo ay naghanap ako ng puno na medyo magkalapit sa isa’t isa. Dito ay pinilit kong makagawa ng duyan. Tinali ko sa dalawang puno at magkabilang dulo ng kumot.
Nang masigurado kong maayos ang pagkakatali nito, dahan-dahan kong sinubukang mahiga sa duyan na ginawa ko. Medyo nag-alangan pa ako noong una dahil parang matatanggal ‘yong pagkakatali ko. Pero dahil hindi naman ako kabigatan ay hindi ito bumigay! ‘Wag nga lang akong gagalaw masyado.
Natuwa ako dahil nakagawa ako ng duyan at ngayon ay nakahiga ako rito. Huminga ako ng malalim, talagang ninamnam ko ang simoy ng hangin. Ngayon ay kahit mainit, mas kaya ko na dahil nasa labas ako ng kubo. Kapag hapon kasi ay parang impyerno sa loob ng kubo sa sobrang init.
Hindi ko namalayan ang oras pagdating ng hapon. Basta nakapikit lang ako habang nakahiga sa duyan. Ine-enjoy ko lang talaga ang pagkakataong ito na para bang nasa bakasyon talaga ako.
Kaya naman noong maramdaman kong parang may gumagapang sa bandang hita ko ay nanigas ako. Pinakiramdaman ko pa ito pero sa loob-loob ko’y may ideya na ako kung ano ito.
Napalunok ako. Nanlamig ang buong katawan ko. Bumilis maging ang paghinga ko. “Please. Hindi kita kinanti noon kaya ‘wag mo ‘kong gagawan ng masama,” pakiusap ko kahit alam kong malabong maunawaan ako ng isang ahas! Oo’t sigurado akong ahas ito!
Tuloy-tuloy pa rin ito sa paggapang. Para bang iniikutan niya ang bandang hita ko. At dahil wala akong choice. Napilitan akong magkikislot habang sumisigaw hanggang sa bumagsak ako sa buhangin dahil sa pagpa-panic ko.
Nakarinig naman ako ng pagtawa. Pagdilat ko at pag-angat ng tingin, kaharap ko sina Lorraine at Reese. Nakita kong may hawak na buhay na ahas si Reese.
“Laking Maynila pero takot sa ahas. Interesting,” sabi ni Reese nang nakangisi. Tumayo naman ako ng maayos. Pinagpag ko ang buhangin sa damit ko.
“Akala ko umalis na kayo?” balik ko. Hindi tulad kanina ay ‘di na ako nag-aksayang ngumiti. Pakiramdam ko kasi nabu-bully ako hindi pa man.
“Aayain ka sana namin sa palengke. Para naman hindi puro damit ni Pete ang sinusuot mo,” nakangusong sagot ni Lorraine. Napatingin naman ako sa suot ko at tama siya.
Gusto ko sanang punahin ang pangingialam niya gayong ang alam niya’y mag-asawa kami ni Peter. Pero ayaw kong maging kaaway ang sino man sa kanila. Hindi ko alam kung gaano katagal ako sa islang ito, but I just want to have as much fun as possible.
“Sige ba! Sama ako sa inyo,” nakangising pagpayag ko kahit na alam kong patay na naman ako nito kay Peter.