“Malayo pa ba tayo?” tanong ko kina Reese at Lorraine. Natatanaw ko naman na ‘yong mga bahay na sabi nila’y pupuntahan namin. Pero hinihingal na ‘ko sa pagod. Pakiramdam ko ilang oras na kaming naglalakad sa isla.
“Ang bilis mo namang mapagod. Akala ko ba ‘yung mga taga Maynila, physically active?” may panunuyang komento ni Reese sabay taas ng isang kilay kay Lorraine. Nahiya naman ako dahil hindi pa yata mabibilang sa daliri kung ilang beses na akong nakapag-exercise o nakatapak man lang sa gym buong buhay ko.
Tumawa ako bago dinepensahan ang sarili. “Hindi naman lahat! Tsaka ano ba kayo? Syempre nasa honeymoon stage pa kami ni Peter ngayon.”
“Ano naman ngayon?” pasinghal na tanong ni Lorraine; halos bulong lang pero narinig ko.
“Syempre. Gusto niya nasa kubo lang ako. Ang sabi pa nga ni Peter, subukan ko lang daw lumabas. Sisiguraduhin niyang hindi ako makakatayo!” pagdadahilan ko na medyo suggestive kaya nakita kong nanlaki ang mga mata ni Lorraine. Namula rin ang kanyang mukha. Humarang lang si Reese sa pagitan namin kaya naitago niya ito.
Silang magkaibigan naman ang nagsimula. Akala ba nila’y mananahimik lang ako?
Tumikhim si Reese bago nagsalita. “Ay naku. Masanay ka na sa layo. Nakahiwalay kasi talaga ang kubo ni Pete sa lahat. Survivor Philippines ang peg.”
“Bakit ba kasi siya nakahiwalay?” Hindi ko napigilan ang sarili mang-usisa lalo na’t mas kilala nila si Peter kaysa sa ‘kin. Huli na nang mapagtanto kong dapat alam ko na ang sagot sa tanong ko bilang asawa ni Pete. Hindi ‘yung sa kanila ko pa talaga ito tinatanong.
“Hindi rin kami sigurado. Basta nalaman na lang namin na may kubong pinatayo si Pete. Nagulat na lang kami noong nagpakilala siya sa lahat,” paliwanag ni Lorraine na mukhang nahimasmasan na kahit papaano. “Limang taon na rin ang lumipas…teka. Ikaw ang asawa niya. Hindi ba siya nagkwento sa ‘yo?” Naningkit ang mga mata niya sa ‘kin. Tumingin na rin maging si Reese.
Tumawa naman muna ako ng malakas para pagtakpan ang kaba ko. “Nabanggit naman niya pero gusto ko lang malaman kung anong nakwento niya sa inyo. Well, past is past naman so…”
“Paano ba kayo nagkakilala ni Pete sa Maynila?” tanong pa ni Lorraine. Inasahan ko naman nang uusisain nila ako tungkol sa relasyon namin. But I just accepted this consequence para makarating sa palengke.
Hindi ko kasi alam kung gaano katagal pa bago ko mapapayag si Peter na dalhin ako rito. Curious lang naman ako kung ano pang mayroon sa islang ‘to. Hindi naman siguro niya ‘ko gagawan ng masama bilang parusa gayong kailangan pa niya ‘ko. Tatanggapin ko na lang kung pagagalitan niya ‘ko.
“Sorry ah. Gusto ko mang ikwento sa inyo, pero baka mainis si Peter sa ‘kin. Ang usapan kasi namin, sabay namin ikukwento ang love story namin sa lahat!” I let out an awkward smile. Nagkatinginan naman sina Reese at Lorraine. Kabado ako dahil baka hindi bumenta sa kanila ang dahilan ko. Kaya tuloy may pahabol pa ‘ko. “Kilala niyo rin naman si Peter. Masyadong masikreto. ‘Di ba nga? Nasurpresa kayo dahil nandito na ‘ko?”
“Sabagay. May point. Masikreto talaga si Pete kahit noon pa,” pagsang-ayon ni Reese. Itinikom naman na ni Lorraine ang kanyang bibig kaya nakahinga ako kahit papaano. Mukhang dahil sa huli kong sinabi kaya hindi na nila ‘ko kinulit pa tungkol sa relasyon namin ni Peter.
Sa totoo lang, alam kong tanga para sa iba ang desisyon kong sumama sa kanilang dalawa. Lalo na’t bukod sa hindi ko naman sila lubos na kilala, ramdam kong pinagseselosan nila ako.
Pero sabi nga nila ‘di ba? Keep your friends close, and your enemies closer. Tsaka, ngayon pa ba talaga ‘ko matatakot? Kasama ko nga araw-araw ang lalaking nang kidnap sa ‘kin. Nakakatulog pa ako ng mahimbing at nakakakain ng maayos sa lagay na ‘to. Kaya dahil dito ay lumakas din talaga ang loob ko.
Hindi ako si Wendy. Si Briar ako sa islang ‘to.
Binilisan na namin ang paglalakad, hanggang sa wakas ay mas nagiging malinaw na rin sa ‘kin ‘yung lugar na dati’y natatanaw ko lang.
Nagulat ako dahil sa malayo, akala ko puro mga puno, halaman, at kubo lang ang nandito. Mayroon pa palang ibang makikita rito!
“Kahit hindi kalakihan kumpara sa ibang isla, kumpleto naman ang Cole’s Cove—”
“Sorry, ang alin?” pagputol ko kay Reese para linawin kung tama ba ang dinig ko.
“Cole’s Cove. Iyon ang pangalan ng islang ‘to,” medyo mataray na sagot ni Lorraine bago walang ganang nauna sa paglalakad.
Cole’s Cove pala ang pangalan ng islang ‘to. Gusto ko sanang malaman kung saan banda ito sa mapa ng Pilipinas pero baka magtaka na sila.
“Matagal na kayo rito?” tanong ko na lang kay Reese na napaisip pa bago sumagot.
“Oo. Parang dito na rin kami halos lumaki. Pero hindi pa ganito noon ang islang ‘to. Nabenta kasi ito kaya napalitan ang may-ari. Mabuti na nga lang dahil ngayon ay mas maayos na ito. Mas kumpleto na rin kumpara noon.”
Isa-isa niyang itinuro sa ‘kin lahat ng nadadaanan namin. Sa bandang kaliwa ay may mga inaalagaan pala silang hayop tulad ng mga manok, kambing, at isda. May taniman din sila rito para hindi na nila kailangan pang umalis ng isla palagi para lang makakuha ng pagkain.
Sa bandang kanan naman matatagpuan ang lighthouse observation deck, powerplant, at water treatment plant. Dito rin dinadala ‘yung mag basura nilang dapat ay nakaayos na for pickup dahil by schedule ito. Talagang may disiplina ang mga tao rito dahil nasusunod ito. Kita rin naman sa paligid, malinis at maayos ang lahat. Halatang ‘di napabayaan ang isla. Ang swerte lang ng may-ari.
Nagpatuloy pa kami sa paglalakad hanggang sa matanaw ko na ang kabilang dulo ng isla. Nandito na talaga ‘yung mga bahay kubong madalas kong makita. Ngunit nalaglag ang panga ko sa kaharap ko.
“Ito ‘yung bagong tayong chapel dito. Pwede rin daw gamitin sa mga events,” paliwanag ni Reese. Pinapagitnaan nito ang mga bahay.
Hindi naman ito kalakihan pero namangha ako kasi open space; backdrop pa ang dagat. Mukhang bagong gawa pa ito dahil ang ganda at ang ayos pa ng pintura – kulay brown ang bubong at puti ang lahat. Mukhang mas maganda pa ito kapag madilim na dahil sa mga lantern lights sa pathway papunta rito. Mayroon pang nakasabit at nakapalibot na ilaw sa loob nito.
“Clinic naman ‘yon,” sabi pa ni Reese sa pinto ‘di kalayuan sa chapel.
Paglakad namin sa loob ng chapel, sumilip ako sa likod nito at dito napagtantong nakaangat pa pala kami. Mayroon pa kasing hahakbangan pababa tapos may buhangin pa bago ‘yong mismong dagat hindi tulad dun sa kabilang dulo ng isla. Siguro’y beach front ito dahil may ilang cabanas at gazebo pa. May matatanaw ding mga bangka dito.
Malayo pa kami sa ibang isla kaya hindi ko mahulaan kung saan matatagpuan ang Cole’s Cove.
May humawak sa braso ko at pagtingin ko’y hinila na ako ni Reese papunta sa talagang pakay namin. Nagmamadali na rin kasi ang iba kaya mukhang dumating na ‘yong inaabangan nila.
Malapit sa mga kabahayan dito’y may naka-setup na mga lamesa kung saan may iba’t ibang gamit na mukhang galing Maynila ang ilan. Imbes na literal na palengke, parang nagkaroon ng tiangge sa isla. Excited ang lahat sa pagtingin dito, ganuon din sina Lorraine at Reese. Syempre ako rin. Nakitingin ako lalo na sa mga damit.
“Tuwing kailan ba may ganito?” tanong ko sa dalawa na katabi ko lang sa harap ng isang mesa. Nagkakasiksikan na.
“Isang beses lang sa isang buwan. Kaya ubusan talaga ‘to,” sagot ni Reese.
May nakuha akong magandang blouse, kaya lang ay hawak din ni Lorraine. Sinamaan niya agad ako ng tingin. “Wala ba kayong ganito sa Maynila?” pagtataray pa rin niya.
Kill them with kindness, Briar.
Binitawan ko na lang ‘yong blouse sabay ngisi kay Lorraine. “Sa ‘yo na pala. Mukhang maluwag ‘yan sa ‘kin. Baka sa ‘yo kasya,” sabi ko na mukhang kahit wala akong panget na intensyon ay minasama niya. Binato niya tuloy pabalik ang hawak at naghanap na lang siya ng iba. Imbes tuloy na mapunta sa ‘kin, nakuha pa ito ng iba.
Hapon na, kita namin ang paglubog ng araw. Bukod kina Reese at Lorraine, nakita namin sa tiangge si Aling Dolores pati na rin iba pang naging bisita namin noong tanghalian. Nagbatian lang kami sandali pero lahat ay nagpatuloy sa pagtingin.
May mga damit, makeup, pagkain, at kung anu-ano pa rito. Mas mura nga lang kumpara sa Maynila.
“Wala ka bang nagustuhan?” tanong ni Reese nang mapansing ako na lang sa ‘min ang wala pang hawak na kahit ano. Mukhang handa na rin silang magbayad.
Napakamot naman ako ng ulo. “Ah okay lang. Window shopping lang talaga ang ipinunta ko,” pagdadahilan ko kahit ang totoo’y wala lang talaga akong pera. May nakita naman ako sa kubo. Pero ayaw kong pakielaman ang hindi ko gamit.
“Sus. Ang sabihin mo, wala ka lang nagustuhan. Mabuti pa si Elle noon. Walang arte sa katawan,” pang-aasar ni Lorraine. Halatang bitter talaga siya sa ‘kin. Pero nagkamali nga lang siya ng pangalang nabanggit.
“Talaga? Walang arte si Elle?” Natawa ako. Nakita kong ikinabigla nilang kilala ko ito. “Hay naku. Kapag nakilala niyo pa siya, magbabago ang tingin niyo. Mas maarte pa kaya siya kaysa sa ‘kin.”
Nagsalubong ang kilay nila. Muntik pang mabitawan ni Lorraine ang mga dala-dala. “Kilala mo si Elle?”
“Oo naman. We’re best friends,” pag-amin ko na pinanlakihan nila ng mga mata.
“Best friend mo tapos pinatulan mo ‘yung ex niya?!” nagtaas ng boses si Reese. Halatang natuwa masyado sa tsismis. “Hindi na ba uso sa Maynila ang girl code?”
“Matagal naman nang naka-move on si Elle. We’re in good terms, so I don’t think there should be any problem,” sagot ko pero para bang bigla silang napahanga sa ‘kin.
Napailing na lang tuloy ako. Tumingin na lang din ako ng mga damit para malihis na ang topic namin. Ayon lang ay dito ako nakakita ng isang bulaklaking dress. Mahilig ako noon sa mga ganito pero nagbago lang dahil sa relasyon namin ni Kyle. Hangga’t maaari, ayaw niyang nagsusuot ako ng mga ganito. Pakiramdam niya kasi ay bastusin; nagtatawag ng atensyon ng lalaki.
“Bilhin mo na ‘yan.” Napalingon ako kay Reese. Hindi ko napansing kanina ko pa pala hawak ‘yong dress. Natulala na rin ako sa kawalan.
Ngumiti naman ako sabay iling. Ibinalik ko ang hawak sa mga pwede nilang pagpilian. “Ay hindi na. Hindi rin naman ‘yan bagay sa ‘kin,” sabi ko bago ako nakarinig ng pamilyar na boses ‘di kalayuan.
“Oo. Titingin ako.”
“Nagmadali ka dahil sa tiangge?”
“Hindi. Pagod lang ako.”
“Ay sus. Ang sabihin mo, bibilhan mo na naman ang asawa mo. Anong nangyari sa binili mo noong nakaraan? Hindi niya nagustuhan ‘no?”
Sina Peter at Lorenz ‘yong narinig kong nag-uusap! Hindi ako pwedeng magkamali!
Napalunok ako. Dahan-dahan akong napalingon sa direksyong pinanggalingan ng boses.
At mukhang wrong move dahil saktong nakatingin din si Peter sa direksyon ko kaya nagtagpo ang mga mata namin! Napatalikod ako kaagad. Nanlamig ang buong katawan ko. Kinuha ko ‘yong dress na hawak ko at ginamit ko pantakip ng mukha. Hindi ko man makita si Peter, paniguradong nakasibangot siya ngayon habang malamig na nakatitig sa ‘kin. Kabilin-bilinan niya’y ‘wag akong lalayo sa kubo. Hindi pa niya ako isinama pero dito niya ako inabutan!
“Pwede bang magsukat?” tanong ko sa tindera.
“Ay naku. Wala nang sukat-sukat,” pagsusungit nito. Kaya tuloy napilitan na akong gamitin ang huling alas ko.
“Ah sige po. Nakita mo ‘yung lalaking nakatayo roon? Asawa ko ‘yon. Siya ang magbabayad nito,” sabi ko sa tindera na naiirita man sa ‘kin ay tumingin pa rin sa direksyong tinuturo ko.
Nagpalinga-linga siya habang nakakunot-noo. “Saan? Maraming nakatayong lalaki!” Napabuntong-hininga ako. Ayaw ko na kasing lumingon dahil baka lalo niya akong mamukhaan!
“Basta matangkad, pogi, at maganda ang katawan niya. Kulot ‘yung buhok at medyo mahaba. Kilala niyo naman siguro si Peter e!” Wala pala ‘yong matandang ito sa kainan kaninang tanghalian. Mas madali sana kung sakali man.
Pagkasabi ko sa pangalan ni Peter, tiningnan ako nung tindera mula ulo hanggang paa. Tila nahusgahan ang buong pagkatao ko.
“Ay naku. Kung wala kang pambayad, ‘wag ka nang magsinungaling Miss. Imposibleng asawa ka ni Pete,” sabi nung tindera. Hihingi sana ako ng tulong kina Lorraine at Reese pero may sarili silang mundo sa kabilang lamesa.
Nagulat pa ako nang biglang dinumog ang pwesto ko. Nabangga ako sa magkabilang braso at naipit sa pagmamadali ng iba. Hindi ko pa rin binitawan ang dress na hawak ko. At dahil mukhang nawala na ako sa isip ng tindera, paatras ako ng paatras hanggang sa makalayo sa lamesa. Nangiti ako dahil naisip kong time na para tumakas. Si Peter na ang bahala sa utang ko.
Ayon lang ay patalikod pa lang ako sa tiangge nang may brasong biglang dumausdos sa beywang ko. "Ayan na pala si Pete!" sabi ng tindera na natigilan pagkakita sa ginawa ni Peter sa 'kin. Napirmi ako sa kinatatayuan ko, dahan-dahan ding bumaba ang braso ko. Niyakap ba naman niya 'ko galing sa likuran! Lilingunin ko sana ito nang maramdaman ko ang init ng hininga nito sa bandang leeg ko. Kilala ko na agad na si Peter ito!
Nakarinig ako ng ingay sa paligid– ang ilan ay kinilig, ang ilan ay hindi makapaniwala.
“Hindi ba’t sabi ko sa kubo ka lang?” malamig na tanong ni Peter sa ‘kin, at dahil sa pagdampi ng hininga niya sa leeg ko’y kinilabutan ako – nanayo ang buhok ko sa batok at braso. Nanghina ang mga tuhod ko. “When will you learn how to listen?” puno ng frustration niyang tanong. Mukhang nakahawak siya sa 'kin dahil baka tumakas ako. Gusto rin niyang makausap ako ng 'di naririnig ng iba.
At nang lumuwag ang hawak ni Peter sa ‘kin ay kinuha ko itong pagkakataon para harapin siya. Akala siguro niya'y tatakasan ko siya. Pero pinulupot ko lang ang mga braso ko sa leeg niya kaya para siyang biglang naestatwa.
"Kumusta 'yung paghango niyo ng isda?" Lalong sumama ang timpla ng mukha niya. "Ito naman. Hindi ka talaga sanay makipag small talk," komento ko kahit na sinusubukan ko lang takasan ang galit niya.
"Bakit nandito ka? Sinong nagdala sa 'yo rito?"
"Sina Lorraine at Reese. Ayaw mo 'kong isama e."
"You're not here to have a damn vacation."
"Oo nga. But YOLO, right?"
Nakarinig naman kami ng halu-halong komento galing sa mga tao sa paligid.
“Si Peter ba ‘yan?”
“Ay tamang-tama. May papagawa sana ako sa kanya.”
“Sinong kasama niya?”
At hindi ko na napigilan pang makapagkomento. “Hindi mo naman nasabing sikat ka pala rito. Ayos lang bang makita tayong ganito ng mga fans mo?”
“Umalis na tayo rito,” utos ni Peter. Para bang nagtatago rin siya sa mga tao kaya muntik na 'kong matawa.
“And what? Let them think that we’re just faking it? Nope!”
Umigting ang panga niya habang nakikipagtitigan sa 'kin; naghihintay ng sunod na dapat gawin. Pakiramdam ko naman panaginip lang ito. Panaginip lang lahat ng nangyayari sa ‘kin dito sa isla.
Kaya naman kung panaginip lang ito, bakit hindi ko gawing exciting ang experience ko?
“Kung ako kasi sila, hindi ako maniniwalang taken ka na,” bulong ko pabalik. Sandaling bumaba ang tingin niya bago napirmi sa mga mata ko. "Sige ka. Baka malaman nilang kinidnap mo 'ko." Inilapit ko ang mukha ko at sobrang hina itong binigkas.
“What are you suggesting?” seryosong tanong niya. Mukhang makikinig talaga sa 'kin.
Ngumisi ako. Hindi ko na pinagisipan pa ang sunod na ginawa kahit kabado.
“Something like this, Tart.” Pag-awang ng labi ni Peter ay inangkin ko ito. Nanlaki ang mga mata niya bago ako pumikit ng mariin. Sobrang liberating pala maging impulsive!