Chapter 14 (Part 1)

1667 Words
Sa tagal ng relasyon namin ni Kyle, kahit kailan ay hindi ko na-imagine na hahalik pa ‘ko ng ibang lalaki. Isa kasi ako sa mga babaeng nangarap na kung sino ang first, iyon na rin ang last. Kaya hindi ko rin talaga inasahan ang paghalik ko kay Peter lalo na’t bukod sa wala naman kaming relasyon, siya pa rin ang kidnapper ko! Ngayon lang ako gumawa ng ganitong bagay out of impulsiveness… dahil iniisip kong ako si Briar at hindi si Wendy. Kung ako kasi si Wendy, siguradong hindi ko ito kayang gawin. Kailangan dumaan pa kami sa maayos na proseso – mula panliligaw hanggang sa pagiging magkarelasyon. Kailangan ay tumagal muna kami ng ilang taon bago ako pumayag magpahalik. At kapag nahalikan na niya ‘ko, it will take more time for us to go to the next level. Parang may checklist na kailangan munang mapuno. Truth is, I was really tired of being Wendy. Napapagod ako sa mga requirement ko sa sarili sa kahit saang aspeto ng buhay. It’s like I have this whole system in place where every action that I do should mean something – and if not, there’s a consequence. Kaya nga na-stuck na lang ako sa paggawa ng mga bagay na nakasanayan. And that’s why honestly, I have a life where doing what I like makes me judge myself. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa pagpapalaki sa ‘kin. Pero ngayong nasa edad na ‘ko, mas hirap na akong alisin ang sistemang ito. Hirap na akong mapalaya si Wendy. Kaya masisisi ba ako ng iba kung gusto kong samantalahin ang pagiging si Briar? Ang pagkakataong maging ibang tao ngayong nandito ako sa isang isla na walang nakakilala sa ‘kin. Hinawakan ako ni Peter sa magkabilang braso at inilayo sa kanya. Nakita ko ang pagkabigla sa kanyang mga mata; para bang umuusok ang kanyang ilong dahil sa ginawa ko. Umawang ang labi niya at akmang magsasalita na sana, nang maalala niya kung nasaan kami. Pagtingin namin sa paligid, nakatingin na rin sa amin ang lahat imbes na magpatuloy sa pamimili. Kabilang na rito sina Reese at Lorraine na halatang lalong nabwisit sa ‘kin. Pilit kong inangat ang magkabilang dulo ng labi ko habang kaharap pa rin si Peter. “Mukhang gets naman na nilang taken ka. For sure, they wouldn’t ask you to do things for now. Kaya dikit ka lang dapat sa ‘kin,” pagkumbinsi ko sa kanya, kunwari’y cool lang kahit ang lakas ng kabog ng dibdib ko. “Uwi na tayo?” binukas-sara ko pa ang mga mata ko. Umigting ang panga ni Peter at para bang nagdilim din ang paningin. Kaya napalunok ako. Alam kong patay ako nito pagbalik namin sa kubo. Baka masermunan at masigawan ako. Kaya kailangan ko nang ihanda ang sarili. Ayon lang ay hindi ko inasahan ang sunod niyang ginawa. Hinila ako ni Peter palapit lalo sa kanya. Halos magtama ang mga katawan namin. Ramdam ko ang bigat ng kanyang paghinga. Hindi pa rin inaalis ang tingin sa mga mata, sinapo ng isang kamay niya ang mukha ko. Hinigit ko ang hininga ko. May kung anong gumapang sa likuran ko nang isukbit niya ang ilang hibla ng buhok ko sa tainga. “Bakit nagpunta ka rito ng hindi ako kasama… Tart?” tanong ni Peter sabay halik sa noo ko. Nalaglag ang panga ko. Bumagsak ang balikat ko. Bakit pagdating sa kanya’y biglang naging sexy ang endearment ng mga magulang ko, tapos pagdating sa ‘kin ay baduy? Kung kanina’y natahimik lang ang lahat dahil sa ginawa ko, sa simpleng paghalik ni Peter sa noo ko’y nakarinig kami ng pagtili sa paligid. Lalo pa itong lumakas nang akbayan niya ‘ko. “May gusto ka bang damit o pagkain? Pili ka lang. Lahat bibilhin natin,” sabi pa ni Peter bago tipid na ngumiti. Para bang naging ibang tao siya sa isang iglap lang. “Gusto mo ba ‘yang hawak mo? Kuhanin na natin ‘yan.” Kinuha niya ang hawak kong bulaklaking dress at ipinalit ang kanyang kamay. Dahil hawak niya ang kamay ko, wala akong nagawa kung hindi sumunod sa kanya pabalik sa tiangge. Pansin kong nakatingin pa rin sa ‘min ang mga tao habang binibigyan kami ng daan. Kaya nakangiti pa rin ako kay Peter nang magtanong. “Anong ginagawa mo ngayon?” “Making you regret what you’ve done.” Hinalikan niya ako sa pisngi, malapit sa leeg ko. Parang may kuryente itong hatid sa buong katawan ko lalo nang bumulong pa siya. “Inaya kitang umalis kanina. Pero ayaw mo. Ngayon magtiis ka.” Kahit gusto ko pa sanang makipagsagutan kay Peter ay hindi ko na nagawa pa. Parang bigla akong tinakasan ng kaluluwa ko. Natahimik ako nang makaharap namin ulit ‘yong masungit na tindera kanina. Ngayon ay halos mapunit ang labi nito sa pagngiti. “Ala e hindi ko alam na ikaw pala ang asawa ni Pete!” masayang bungad nito at napairap ako sa kawalan. “Sinabi ko naman e. Ayaw mo lang maniwala,” bulong ko. Tumikhim naman si Peter; hinigpitan ang hawak sa kamay ko. “Aling Dina, patingin naman ng mga bagong dating na damit niyo. ‘Yung bagay sa asawa ko ah.” Narinig ko ang mahina niyang halakhak. Nagulat ako nang magkagulo ang mga paruparo sa tyan ko! Umayos ka nga, Wendy Briar! At mukhang malakas talaga si Peter sa mga taga rito. Paano’y inilabas kaagad nung tindera ang ilang paninda niyang nakatago pa. At ang mga ito’y mas maganda sa binebenta niya kanina. Tuloy ay may iba na ring taga rito ang lumapit sa lamesa niya at tumingin. Bumalik na ang lahat sa pagbili ng kung anu-ano. Ngunit para bang kami lang ang tao sa tiangge, kumuha ng isang blouse si Peter at itinapat sa katawan ko. Para bang ipinipili niya ako ng damit na bagay sa ‘kin. “Seryoso ka ba rito?” nakangiwing tanong ko. Ako ngayon ang umaatras sa pakikitungo niya sa ‘kin. Mas sanay akong nagsusungit siya imbes na ganito. Parang ibang tao ang kaharap ko. “Oo naman. ‘Di ba ito ang gusto mo?” medyo sarkastikong balik niya. Para bang nagsawa na siya sa paulit-ulit na pagsaway sa ‘kin dahil hindi rin naman ako nakikinig. “Ito oh. Bagay sa ‘yo ‘to,” sabi niya tungkol sa hawak na blouse. Napabuntong-hininga naman ako. Ang bilis lang ng karma. Tuloy ay napaisip ako. Kung sinasakyan naman na ni Peter ang pagsisinungaling ko, e ‘di mas lalong dapat ay sabayan ko siya! Wendy, si Briar ka ngayon. ‘Wag kang magpapatalo! Kaya naman habang namimili si Peter para sa ‘kin. Kumuha ako ng isang t-shirt panlalaki at tinapat din ito sa kanya. “Naks! Bagay sa ‘yo ‘to, Tart! Bilhan mo rin naman ang sarili mo. ‘Wag ‘yong puro ako ang iniisip mo,” medyo naglalambing kong saad. “Don’t worry. I have plenty of clothes at home. I love taking care of you, Tart.” Aba’t may pa-Ingles Ingles pa siya ngayon! Tuloy ay parang biglang nagkaroon ng kumpitensya sa pagitan namin at nataboy ang ibang bumibili. Panay ang pili namin ng damit na tingin namin ay bagay sa isa’t isa hanggang sa halos naubos yata namin ang paninda sa lamesa kung nasaan kami! “Hindi mo kailangang bilhin lahat ng ‘to,” bulong ko kay Peter. Pero imbes na pansinin ako ay naglabas siya ng cash at nagbayad sa tindera. Kinuha niya ang mga binili namin kahit na kukuhanin ko sana ang isang plastic. At akala ko uuwi na kami sa kubo pagkatapos nito pero mukhang hindi pa siya kuntento. Pinuntahan pa namin ang ibang lamesa rito tulad ng mga panloob at alahas! Nakarating kami hanggang sa mga pagkain. Mayroon ditong mga tusok-tusok tulad ng fishball at kikiam. Mayroon ding nagtitinda ng balot at penoy, tamang-tama dahil palubog na ang araw. “Favorite mo ang balot ‘di ba?” sabi ni Peter; medyo mapang-asar ang tono. “Pagbilan naman. Ipili mo kami ng may malaking sisiw ah,” sabi niya sa tindero bago ako sumagot. Iniisip ba niyang hindi ako kumakain ng balot? Inabutan kami ng balot nung tindero. Si Peter pa mismo ang nagtanggal ng kaunting eggshell bago inabot sa ‘kin ang isa. Pinanuod niya ang mukha ko na para bang may inaabangan siyang mangyari. At saktong lumapit din sina Lorenz, Lorraine, at Reese sa ‘min. “Gago ka talaga, Pete. Kumakain ba ng balot ‘yang asawa mo?” tawang-tawang tanong ni Lorenz nang makita ang hawak ko. “Oo nga. ‘Diba si Elle noon sukang-suka?” bulong ni Lorraine kay Reese na malakas pa rin kaya rinig namin. Siniko tuloy siya ni Reese para tumahimik. Pansin kong sumeryoso agad ang mukha ni Peter pagkarinig sa pangalan ng best friend ko. Alam kong hindi pa siya nakaka-move on dito. Ang insensitive lang talaga ni Lorraine. Mukhang gagawin niya lahat para mapansin siya ni Peter. Kaya naman para makaalis na kami sa parteng ito ng isla, ginawa ko na ang hinihintay nilang lahat. Kinain ko ng buo ‘yong balot. Nakita ko ang pagkalaglag ng mga panga nila habang ngumunguya ako. Kumuha pa ako ng suka sa plastic cup at ininom itong parang tubig. Ilang minuto lang din siguro ang lumipas, naubos ko ang laman ng bibig ko at tsaka ako nagsalita. “Pwede na ba tayong umuwi ngayon, Tart?” tanong ko na para bang walang nangyari. Napapalakpak naman ng malakas si Lorenz. Para bang biglang lumaki ang paghanga nila sa 'kin. Kahit si Peter ay mukhang 'di makapaniwala. Napahawak siya sa bibig niya habang nakatitig pa rin sa 'kin. “Pucha. Kaya pala. Magaling kumain,” bulong ni Reese kay Lorraine kaya halos sakalin siya nito. At akala ko dito na talaga magtatapos ang gabi namin nang may biglang sumigaw "Nasusunog ang bahay nila Aling Dolores!" Napatakbo agad si Peter papunta sa direksyong pinanggalingan nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD