Chapter 14 (Part 2)

2711 Words
Ang lakas ng t***k ng puso ko habang tumatakbo kasunod ni Peter. Halos liparin niya ang distansya makarating lang agad sa bahay ni Aling Dolores pagkatapos malamang nasusunog ang bahay nito. Nakasunod sa ‘min sina Reese, Lorraine, at Lorenz na labis din ang pag-aalala para sa matanda. Hindi ganuon karami ang tao sa islang ito kaya hindi na nakapagtatakang ganito na lang ang concern nila sa isa’t isa. Pagdating sa harap ng bahay ni Aling Dolores, napasinghap ako nang maabutang nagkakagulo ang lahat. Dahil madilim, kitang-kita ang apoy ang isang bahagi ng kubo. Matindi ang usok galing dito habang nagtutulong-tulong ang lahat para maapula ito. May kanya-kanya silang hawak na timba at palanggana na pinupuno nila ng tubig at ibinubuhos dito. Tatanungin ko sana kung bakit hindi sila tumawag ng bumbero pero naalala kong nasa gitna kami ng kawalan. ‘Di kalayuan sa bahay, nakatayo si Aling Dolores katabi ni Mang Cardo at umiiyak. Pupuntahan sana namin siya nang mauna si Peter kaya natigilan kami. Bahagyang nanlaki ang mga mata ko. Nagulat ako dahil hindi ko inasahan nang yakapin siya nito. Hindi ko alam na ganito sila kalapit sa isa’t isa. “Parang nanay na ni Peter si Aling Dolores.” Napatingin ako sa tabi ko kung saan nakatayo si Lorenz. Marahil ay nabasa niya ang pagtatanong sa mga mata ko. Bilang kidnapper ko, akala ko kasi ay bato ang puso ni Peter. Pero dahil sa mga nangyari nitong mga nakakaraan, lalo na sa nakikita ko ngayon, dapat yatang magbago ang tingin ko sa kanya. Nakita kong may sinabi pa si Peter kay Aling Dolores bago siya umalis at nakisali sa iba para apulahin ang apoy. Kakausapin ko pa sana si Lorenz tungkol sa sinabi niya pero sumunod na rin siya rito. Kinuha ko naman itong pagkakataon para lumapit sa mag-asawa at ganuon din ang ginawa ng ibang mga kasama ko. Dito namin nalaman kung anong sanhi ng sunog. “Ala e nagluluto kasi ako kanina. May pinapalambot akong baboy para sa kaarawan ko. Lumabas lang ako sandali para magligpit at maglinis ng paligid. Hanggang sa nakatulog ako sa duyan at nawala sa isip kong may niluluto pala ‘ko!” mangiyak-ngiyak na paliwanag ni Aling Dolores, bakas ang takot sa kanyang mukha. “May naamoy akong nasusunog pero akala ko may nagsisiga lang. Pagdating ni Cardo, tsaka lang namin nalamang nasusunog na pala ang niluluto ko!” Nahirapan siguro silang agapan ang apoy dahil gawa sa pawid ang bahay nila. Marahil ay naging mabilis ang pagkalat nito. Tapos ay pareho pa silang may edad ni Mang Cardo. Paniguradong takot na takot sila. Habang kinakausap pa ng iba si Aling Dolores, pasikreto akong sumulyap sa mga kalalakihang tumutulong sa pagpatay ng apoy. At hindi ko inasahan nang mapirmi ang mga mata ko kay Peter! Paano ba naman ay parang bumagal bigla ang oras nang hubarin niya ang suot na t-shirt. Tumingin siya sandali sa direksyon ko at binato ito sa ‘kin. Mabuti at nasapo ko! Pero napalunok ako nang makita ang nakadepinang muscles sa kanyang dibdib. Kitang-kita ang hulma ng kanyang abs. Bigla naman akong pinagpawisan. Alam kong mainit na pero parang lalo itong tumindi. May umikot din sa tyan ko, marahil dahil sa balot na kinain ko ng isang subo! May tumikhim sa tabi ko. Kung hindi dahil dito ay hindi mapuputol ang pagtitig ko kay Peter. Tumingin naman ako kina Reese at Lorraine na mapanghusga pa rin ang tingin sa ‘kin bago humarap sa isa’t isa. “Grabe. Sayang kung masusunog ‘yung duyan. ‘Di ba madalas tambayan ni Peter ‘yon?” tanong ni Lorraine kaya napatingin ako sa duyang tinutukoy niya. Malapit lang ito sa parte ng kubo na nasusunog. Nakasabit ito sa puno at maganda ang lokasyon dahil kapag nakaupo rito, tanaw ang dagat. Sumagot naman sa kanya si Reese. “Ay oo! Madalas ko silang makita dyan ni Elle!” Bahagyang kumunot ang noo ko. Palagay ko ay naging malapit din ang kaibigan ko sa mga tao rito lalo na kina Aling Dolores. Sabagay ay nasa personalidad naman niya ito. “Hindi mo ba tutulungan ang asawa mo?” tanong pa ni Lorraine. Sa pagkakataong ito ay sa akin na nakadirekta. May mga babae rin kasing tumutulong ngayon. “Well, Elle won’t even hesitate to help,” may arteng gatong ni Reese. Alam ko namang posibleng totoo ang kanyang sinabi. Kahit kasi maarte sa maraming bagay, Elle loves adventure and that includes taking risks. Kaya nga lang… napaisip ako sa pagbanggit-banggit nila kay Elle. Kung kanina ay balot at duyan, ngayon naman sa pagtulong ako kinukumpara ng dalawa kay Elle. Pakiramdam ko nauunawaan ko na ang nangyayari rito. Gusto nila akong pagselosin. Gusto nilang manliit ang tingin ko sa sarili dahil kay Elle – dahil sa nakaraan ni Peter na kung tutuusin ay wala naman akong kinalaman. At naisip ko sanang kumprontahin sila tungkol dito. Pero parang mas masayang panuorin ang ekspresyon ng mukha nila kapag sinakyan ko sila. Pakiramdam ko ay mas maiinis ko sila sa ganitong paraan. “Alam niyo? May point kayo!” sabi ko kaya nagsalubong ang kilay nila. Huminga ako ng malalim. Iniwan ko muna ang mga gamit namin sa isang tabi bago naglakad palapit kay Peter. Nagkatinginan pa nga kami ni Lorenz na mukhang nagulat sa paglapit ko sa kanila. Umiling-iling pa siya pero hindi ko pinansin. Basta lumapit ako kay Peter kahit na nagsalubong pa ang kilay niya paghinto ko sa harapan niya. Naghahabol siya ng hininga tulad ng iba dahil sa pabalik-balik na pagbuhos ng tubig sa kubo. “Wala kang matutulong dito,” pagtaboy agad ni Peter sa ‘kin. Seryoso ang kanyang mukha katulad ng dati. “Makakaabala ka lang. Patapos na kami.” Tama naman siya. Pansin kong halos usok na lang ang makikita ngayon sa kubo. Kaya nga pumayag na rin akong lumapit. Hindi ko ito gagawin kung alam kong delikado pa ang sitwasyon. “Patulungin mo lang ako kahit isang beses tapos aalis din ako,” bulong ko. Sandaling bumaba ang tingin ko sa katawan niya bago ko binalik ang tingin sa mukha at ngumisi. Lalo nga lang nadepina ang lukot sa noo niya. “Dali na. Iniintay nila akong tumulong sa ‘yo e.” Nakita ko ang pagbaling niya ng tingin sa mga tao sa likuran ko para makumpirma ang tinutukoy ko. Muntik nang umikot ang mga mata ni Peter. Pumikit na lang siya bago siya bumuntong-hininga. Alam kong bumigay na siya sa puntong ito kaya hinintay ko ang ipapagawa niya. Nagpameywang si Peter, tapos ang isang kamay ay may tinurong timba ‘di kalayuan. Mabilis akong lumapit dito at nakitang may laman itong tubig. Binuhat ko naman ito papunta sa kanya ng walang kahirap-hirap dahil kalahati lang naman ang laman. “Ibubuhos ko ‘to sa kubo?” pagkumpirma ko; medyo nag-aalangan ako kung kaya ko ba itong mabuhos sa parteng nasusunog. Dahil abala sa pag-iisip, nagulat ako nang pagdala ng timba kay Peter, tumalikod siya sa ‘kin at lumuhod. Nakarinig ako ng ingay sa paligid dahil mukha siyang nagpo-propose – nakatalikod nga lang! “Dali. Sakay,” utos niya na nagpabalik sa ‘kin sa wisyo. Talagang all out kung all out itong umarte katulad lang kanina! At dahil baka magbago pa ang isip, nagmadali akong gawin ang inuutos niya. Sumakay ako sa likuran niya kaya lalong nag-ingay ang mga tao rito sa isla. “Mukhang ‘yan nga ‘yung asawa.” “Teka! Si Pete ba talaga ‘yan?” “Grabe. Siya lang ang pinayagan ni Pete lumapit kahit na i-stress na siya.” Ang init ng buong mukha ko dahil sa mga narinig. Binalik ko naman ang atensyon ko kay Peter na ngayon ay buhat na ang timbang dinala ko kanina sa kanya. Pagtayo niya, inabot niya ito sa ‘kin. Kinuha ko ito kahit medyo may kabigatan pala kapag sa mataas na ere binuhat. “Kaya mo?” tanong pa ni Peter. Nakita siguro niyang nanginginig ang mga braso ko nang hawakan ko ‘yong timba gamit ang dalawang kamay. Nakaalalay pa rin siya sa ilalim nito. Mabuti na lang at mahigpit ang pagkakapulupot ng mga binti ko sa baywang niya kaya hindi ako nahuhulog. “Buhos na natin!” sabi ko at dito naman siya naglakad palapit sa kubo. Umusod agad ang iba para bigyan kami ng sapat na espasyo. Noong una naisip kong umaarte si Peter kaya binuhat pa niya ‘ko ngayon. Pero noong nasa tuktok na ako, kita ko ang parte ng kubo na hindi pa nila tuluyang napapatay ang apoy. Mataas ito kaya hindi naaabot ng tubig nila. Kaya naman huminga ako ng malalim at naghandang ibuhos ang tubig na dala rito. May kabigatan nga lang ‘yong timba kaya hirap ako. “Sorry. Ang bigat ko,” sabi ko kay Peter dahil pakiramdam ko nahihirapan siyang buhatin ako. Akala ko ay tutuksuhin niya ako pero wala akong narinig pabalik. Mukhang hinihintay lang niyang matapos ako sa kalokohan ko. Kaya naman huminga ako ng malalim bago bumwelo sa pagsaboy ng tubig sa kubo. Medyo napatili nga lang ako dahil bukod sa kubo, may naibuhos din ako kay Peter! Basang-basa tuloy siya nang ibaba niya ako mula sa kanyang likod. Pinagdikit ko ang labi ko para pigilan ang pagtawa. Hinilamos ni Peter ang isang kamay sa mukha. Seryoso lang siya nang tingnan ako. Halatang dismayado sa nangyari pero ngumisi ako para hindi siya magalit. Bago pa siya makapagsalita ay inunahan ko na siya. “Sige! Goodluck dito, Tart. Salamat!” Nagpasalamat na ako at tumakbo palapit kina Reese at Lorraine – na halatang inis na inis sa ‘kin. Inutusan siguro nila ako dahil akala nila maiinis si Peter. Pero hindi nila alam na nagpapanggap lang kami. “Ano pang naaalala niyo tungkol kay Elle?” diretsong tanong ko sa dalawa kaya nagkatinginan sila. Halatang nagulat na ‘di na ‘ko nagpaligoy-ligoy pa. “Seryoso nga! Hindi ako si Elle pero para kasing nami-miss niyo siya. Shipper yata kayo ng dalawa.” Tumawa ako pero lalo lang silang naguluhan. At dahil hindi nila inasahan ang magiging reaksyon ko, wala silang naihandang balik sa ‘kin. Kinuha ko na lang itong pagkakataon makita pa ang paligid ng isla kahit na gabi na. Panigurado kasing hindi ako basta-basta makakabalik sa parteng ito lalo na kapag nakabalik na kami ni Peter sa kubo niya. “Well, sabihan niyo na lang ako. Open minded naman ako,” sabi ko pa bago sila talikuran. Bumaba ako sa hagdanan papunta sa beach kung saan may mga bangka. Wala nang ibang tao rito sa mga oras na ito. Pero nabibigyang liwanag naman kahit papaano dahil sa mga kubo ‘di kalayuan. Sinubukan kong tanawin kung may isla bang malapit sa Cole’s Cove. Ayon lang ay parang sa palagay ko, nasa gitna kami ng kawalan. Kung may isla man ay masyado itong malayo kung nasaan kami. Ilang oras kaya ang binyahe namin sa bangka noong dalhin ako ni Peter sa islang ‘to? Naupo ako sa buhangin at tahimik na nagmuni-muni ng ilang minuto. Naririnig ko ngayon ang malakas na alon ng dagat. Malakas ang liwanag galing sa buwan at may mga bituin din sa langit. May kinuha akong stick at nagsimulang magsulat ng linya sa buhangin. Dalawang patayo at dalawang pahiga – para makabuo ng three by three grid ng larong tic-tac-toe. Sunod akong nagsulat ng X sa gitna. At susundan ko sana ito ng bilog sa taas nang maunahan ako. Pag-angat ko ng tingin ay nakita ko si Peter. Naupo siya sa tabi ko at nakahinga ako dahil nakasuot na siya ng t-shirt ngayon. “If I win, you’ll do one thing for me,” sabi niya na tingin ko’y patungkol sa tic-tac-toe. “Sige ba. Competitive kaya ako—” Dati. Muntik ko nang maidagdag. “Napag-isipan mo na kung paano ka tatakas?” sarkastikong tanong niya. Nangiti naman ako bago nagsulat ng panibagong X sa kanan ng una kong nasulat. “Pinag-iisipan ko kung anong ulam natin mamaya,” pagtatapat ko na mukhang ayaw niyang paniwalaan. Pagtingin ko sa kanya, nakita kong nailing siya bago nag-drawing ng bilog sa kaliwa ng X ko. “Masaya ka na ba sa ginawa mo? Kumbinsido na ang lahat na mag-asawa tayo,” balita niya sa ‘kin kaya natawa ako ng mahina. Nagsulat ako ng X sa ilalim ng huling bilog na nilagay niya para sana makabuo ng diagonal row. Kaya lang na-block ako ng panibagong bilog na nilagay niya. “Talaga ba? Ang bilis naman nilang maniwala. Wala pa nga tayo sa exciting part,” pagbibiro ko kaya tuloy kumunot ang noo niya. Tumawa ako ng mas malakas at agad iniba ang usapan. “Lahat ba ng mga nakilala ko kanina, ka-close mo?” Naglagay ako ng X sa pinakadulong kanan. Kabilang diagonal row ang bubuuin ko sana. “Kaibigan ko si Lorenz. Kapatid niya si Lorraine, at kaibigan nito si Reese,” simpleng tugon ni Peter. “Magkapatid pala sila. Pero sobrang magkaiba ang ugali,” pabulong kong komento. Mukhang wala namang something sa kanila ni Lorraine sa paraan kung paano niya ito ipakilala. Marahil ay may one-sided crush si Lorraine sa kaibigan ng kuya niya. “Bakit mo natanong?” “Wala! Na-curious lang ako. Kumusta pala sa taas? Okay na sina Aling Dolores?” “Wala ng apoy. Tinutulungan na rin siya ng iba.” Kung makapagsalita si Peter, parang wala siyang pake. Kahit na kanina, pulang-pula ang mukha niya sa kagustuhang maapula agad ang apoy. Bakit kaya pilit niyang tinatago ang emosyon niya? “Mabuti naman. Kawawa si Aling Dolores. ‘Diba malapit nang birthday niya.” “Kaawaan mo muna ang sarili mo. You just lost a game with me,” sabi niya bigla bago tumayo. Pagtingin ko sa buhangin ay bumilog ang bibig ko. Hindi ko namalayang nakabuo na pala siya ng horizontal row! “Teka! Ang daya!” sabi ko pero naglakad na siya papalayo. Wala tuloy akong choice kung hindi sumunod na rin sa kanya. “Ano bang ipapagawa mo sa ‘kin?” kabadong tanong ko nang makahabol sa kanya. “Pag-iisipan ko pa,” sagot niya pero parang lalo lang akong kinabahan. May ideyang pumasok sa isip ko kaya napayakap ako sa katawan. Baka rated SPG pala ang gusto niyang hingin sa ‘kin! “I would ask for something that benefits me, not you,” paglilinaw niya. Para bang sinasabing wala siyang mapapala sa katawan ko! “Hoy! Choosy ka pa?” Inirapan ko siya at dito kami tahimik na naglakad pabalik sa kubo. Dinig pa rin namin ang hampas ng alon; ramdam ang malamig na gabi. "Magpapagawa sana ako ng duyan kung ako ang nanalo," mahinang bulong ko na alam kong 'di niya narinig. Niyakap ko ang sarili ko dahil manipis lang ang suot ko. Dito ko napansing hawak niya pala ‘yong mga pinamili namin. Napangiti ako nang maalala kung paano kami nag panic buying kanina. “Salamat sa mga binili mo para sa ‘kin,” sabi ko at tumikhim naman siya. “Binili ko lang ‘to para mapaniwala sila,” balik naman niya kaya napairap na naman ako. Wala talaga siyang katamis-tamis sa katawan. Malapit na kami sa kubo niya nang maalala ko ang nalaman ko kanina. “Cole’s Cove,” pagkasabi ko nito’y nahinto si Peter sa paglalakad. Nakatanaw siya sa malayo habang magkasalubong ang kilay. Alam kong hindi ko na kailangan pang ipaalam sa kanyang may ideya ako sa pangalan ng isla. Pero may gusto akong malaman tungkol sa kanya. “Why did you choose to live in this island? Nasaan ang pamilya mo at bakit mag-isa ka rito?” Wala nga lang akong sagot na nakuha nang dumausdos bigla ang braso niya sa baywang ko. Hinigit niya ako palapit sa kanya. Napahawak ang isang kamay ko sa dibdib niya. Muntik ko na siyang maitulak nang makarinig ako ng boses ‘di kalayuan. “Pete! Kanina pa namin kayo hinihintay ni Cardo!” Napalingon ako sa kanina pa niya tinitingnan at nakita sina Aling Dolores at Mang Cardo. Pansin kong may dala silang unan pareho. “Baka pwede kaming makitulog dito sa inyo kahit ngayong gabi lang,” dagdag pa niya na nagpalaglag ng panga ko. Dito kami nagkatinginan ni Peter.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD