“Ala e nakakahiya sa inyo. Ayos lang naman sa ‘min matulog sa sala,” nakakunot-noong saad ni Aling Dolores. Makikita ang pag-aalala sa kanyang mukha.
“Oo nga Pete! Kayo dapat ang nasa kwarto e. Kayo ang bagong kasal,” sabi naman ni Mang Cardo na may halong panunukso.
Napatingin naman ako kay Peter na nakatayo sa tabi ko ngayon. Nasa sala kami ng kubo niya at kakatapos lang maghapunan. Ang gustong mangyari ni Peter, sa kwarto sila matulog at sa sala naman kami. Sumang-ayon ako rito dahil alam kong doon sila mas magiging kumportable.
“‘Wag niyo na kaming isipin at magpahinga na kayo. Ayos lang kami rito,” pagkumbinsi ni Peter sa kanila sabay akbay sa ‘kin. Hinigit ko ang hininga ko dahil dito. Hindi ko kasi ito inasahan. Pero agad din akong ngumisi nang tingnan ako ng mag-asawa.
Inihilig ko pa ang ulo ko sa balikat ni Peter at inihawak ang isang kamay sa kanyang beywang para mas maging kapani-paniwala ang arte namin.
“Oo nga po. Ang daming nangyari ngayong araw. Kailangan niyong mag-recharge,” tulong ko para matapos na ang diskursyong ito at maging normal na kami ni Peter sa isa’t isa.
Yes, it was a fun and thrilling experience when we had to act in public. Pero hindi ko naman inakalang hanggang dito ba naman sa kubo ay kailangan naming ituloy ang pagpapanggap.
Nagkatinginan sina Aling Dolores at Mang Cardo sandali, tila iniisip kung bibigay na ba sa gusto naming mangyari. At ilang sandali lang, muling bumalik ang tingin ni Aling Dolores sa ‘min sabay buntong-hininga. “O siya sige. Pasensya na talaga. Alam kong nasa honeymoon pa kayong dalawa pero kayo ang naisip naming lapitan. Puno at maliit na rin kasi ang tirahan ng iba rito sa isla,” paliwanag niya.
Naunawaan ko naman ito dahil nakita ko rin kung gaano kaliit ang mga kubo nila. Ayaw ko na ring mamroblema pa sila pagkatapos ng nangyaring sunog sa kanilang kubo. Alam kong kailangan muna itong maayos kahit na hindi natupok ng apoy ang buong bahay.
At mabuti na lang pagkatapos ng ilang minutong pag-uusap ay pumasok na rin ang dalawa sa kwarto. Mabilis bumitaw si Peter sa ‘kin at ganuon din naman ang ginawa ko. Pansin kong nag-iwas siya ng tingin at napatitig sa kisame.
Ngunit imbes na pairalin ko ang hiya at maging awkward kami sa isa’t isa, ako na ang unang nagsalita. “Sus. Kung makalayo parang hindi siya ang unang nang-akbay,” parinig ko sa kanya.
Tumikhim naman siya bago ako balikan. “It's your fault we had to pretend to be a couple. This wasn't my initial intention,” malamig niyang saad; ‘ni hindi man lang ako tingnan. Mukhang nagsusungit na naman siya kaya napailing na lang ako.
“Well, you should have told everyone that I lied. May pagkakataon ka na kanina pero hindi mo ginawa. Sinakyan mo ang trip ko,” humalukpkip ako. At nang tingnan niya ko’y tinaasan ko siya ng isang kilay kahit kabado. “Kaya ngayon, wala kang choice kung hindi panindigang mag-asawa tayo… kung ayaw mong malaman nilang kinid—”
Napasinghap ako sa paghawak niya sa braso ko at paghila palapit sa kanya. Nanlaki ang mga mata ko dahil niyakap niya ako bigla!
Magpo-protesta sana ako nang makarinig ako ng pagkilos malapit sa kwarto. “Ay naku, pasensya na. Ito ang problema ng matatanda.” Boses ito ni Aling Dolores. Narinig ko pa ang mahina niyang pagtawa na para bang kinikilig sa inabutang eksena.
“Talagang kailangan may pagyakap?” biro ko kahit parang sobrang ramdam ko ngayon ang lakas ng kalabog ng puso ko.
“‘Wag ka munang maingay. Hintayin nating makapasok si Aling Dolores sa kwarto,” bulong niya at ito nga ang ginawa namin.
Ilang minuto rin kaming magkayakap ni Peter. Sinubukan kong walang ibang isipin hanggang sa marinig ko ang pagsarado ng pinto. Bumitaw naman din siya kaagad kaya nalaman kong nakapasok na si Aling Dolores sa kwarto.
“Tama ka. Mas mabuti pang magpanggap tayo kapag may ibang tao. Pero kapag tayo lang, ‘wag mong kalimutan kung bakit ka nandito sa islang ‘to.” Blanko ang ekspresyon ng mukha ni Peter habang nakatingin sa ‘kin ng diretso nang sabihin ito. Talagang hindi siya apektado sa sitwasyon namin; ‘di tulad ko na sa simpleng kilos at salita niya ay apektado na ako.
Wendy, ikaw si Briar sa islang ‘to. Kung may isang tao man na dapat maging eksperto sa pagpapanggap, ikaw na ‘yon!
“Fine. Pagalingan na lang sa pagpapanggap, Tart!” sabi ko kay Pete bago ngumisi. Kung kaya niya, mas kaya kong umarte – ito ang pilit kong itatatak sa isip ko.
Nakatitig nga lang si Peter sa mukha ko kaya ako naman itong tumingin sa ibang direksyon. Dumapo ang mga mata ko sa sofa kung saan nakapatong ang unan at kumot na kinuha ni Peter sa kwarto.
Para bang may dumaang anghel, natahimik kami pareho. Iniisip ko kung paano ang magiging setup namin dito sa sala ngayong gabi. Hindi naman kasi kalakihan ang sofa. May lamesa rito na pwedeng alisin pero maliit lang ang espasyong magagawa. Parang masikip para sa dalawang taong nagpapanggap lang na mag-asawa.
“Sa sofa ka—”
“Doon sa sofa—”
Nagkasabay kami ni Peter kaya natawa ako. Ngayon pa talaga kami biglang nagkahiyaan.
“Sa sofa ka. Sa sahig ako. Matulog na tayo para maagang magising bukas,” mabilis na utos ni Peter.
Napaisip naman ako sa sinabi niya. “Bakit? Ano bang gagawin natin bukas? Papayagan mo pa rin ba ‘kong lumabas?”
Akala ko pagkatapos ng ginawa kong pagsaway sa kanya ngayong araw, hindi na niya ako hahayaan pang lumabas ulit ng kubo. Kabado nga ako dahil hinihintay kong pagalitan niya ako o ‘di kaya parusahan. Pero wala pa naman siyang ginagawa. Marahil ay magandang bagay na rin talaga ang pagpunta nila Aling Dolores dito sa kubo.
“Hindi ba’t sabi mo gusto mong matutong lumangoy? Kung ayaw mo, ‘di bale—”
Naghikab ako ng malakas at nag-inat. “Matutulog na ‘ko! Grabe ‘yung antok ko,” sabi ko pa bago magbago ang isip niya. Mukhang nakumbinsi ko na kasi siyang turuan akong lumangoy. Nagmadali naman ako papuntang sofa at dito ko pinatong sa lamesa ‘yong unan at kumot. Mayroon naman kasing throw pillow sa sofa na pwede kong magamit kaya hindi ko na ito kailangan.
Ilang sandali lang, dahil hindi mapakali ay napatingin ako sa lamesa at naisip itulak ito para magka-space si Peter. Pero agad siyang lumapit sa ‘kin at naunang gawin ‘to. “Ako nang bahala rito. Intindihin mo ang sarili mo,” pagsusungit pa rin niya sabay kuha ng throw pillow sa sofa at bato ng mas malambot na unan sa ‘kin na buti’y nasapo ko. Minsan hindi ko na rin makuha ang timpla niya.
Gusto ko na lang talagang isipin ngayon na mabuti siyang tao – sadyang masungit at weirdo lang.
Sinunod ko naman ang gusto niya. Nahiga na ako sa sofa at hinayaan siyang mag-ayos ng pwesto niya sa sahig. Pumikit ako at pinakiramdaman ang pagkilos niya. Ilang minuto pa ang lumipas, nahiga na rin siya.
Naghintay ako ng ilang sandali bago dumilat. Dito’y lihim akong sumulyap kay Peter para malaman kung ayos lang ba ang pwesto niya. Nakita kong nakatakip ang braso niya sa ibabaw ng mga mata niya. Kaya naman nagtaka ako kung bakit hindi niya pinatay ang ilaw sa sala.
“Patayin ko ba ‘yung ilaw?” tanong ko para makasiguradong hindi lang niya ito nakalimutan.
“Just leave it on. Baka matapakan mo pa ‘ko,” sagot naman ni Peter. Kung tutuusin ay pabor ito sa ‘kin. Hindi ko alam kung pansin ba niyang hindi ako nagpapatay ng ilaw sa kwarto. Hirap kasi akong makatulog kapag patay ang ilaw, lalo na rito sa kubo niyang posibleng pasukan ng ahas. At ngayong magkasama pa kami, mas kumportable ako sa ganitong setup.
Natahimik na kami. Pumikit ako at sinubukang matulog. Pero dahil gising na gising pa talaga ang diwa ko ay nahirapan ako. Kaya nagsimula ulit akong makipag-usap kay Peter.
“Sorry sa pag-alis ko ng kubo. Naipit ka pa tuloy sa sitwasyon ko.” Malakas na buntong-hininga ang pinakawalan ko. “Na-curious lang talaga ‘ko. Gusto kong makita ‘yung isla.”
Naghintay ako sa sasabihin ni Peter kahit na alam kong posibleng tulog na siya o ‘di kaya, wala siyang interes pansinin ako. Kaya naman nang balak ko na sanang magbilang ulit ng tupa para makatulog, napadilat ako sa tanong ni Peter.
“Anong tingin mo sa islang ‘to?”
Umangat ang isang dulo ng labi ko nang sabihin ang unang salitang pumasok sa isip ko. “Escape.” Humiga ako ng maayos at tumitig sa kisame nang magpatuloy. “Sa sobrang ganda at payapa ng islang ‘to, pakiramdam ko nakalaya ako.”
“Niloloko mo ba ‘ko? Nandito ka nga dahil nakidnap ka,” sabi ni Peter. Akala yata niya ay sarkastiko ang sagot ko kaya natawa ako ng mahina.
“Seryoso nga. Simple lang ang buhay dito pero paniguradong masayang bumuo ng pamilya. Mabagal din ang oras kaya bawat sandali pwede mong namnamin. Hindi tulad sa Maynila. Ang bilis ng lahat. Nakaka-pressure—” Natigilan ako sandali nang maalala bigla si Elle. Nagkaroon ako ng ideya tungkol sa naging experience niya sa Cole’s Cove. “Kaya pala bumalik si Elle sa Maynila—ay sorry!”
Tumagilid ako at napatingin kay Peter. Tinakpan ko rin ang bibig ko gamit ang isang kamay. Hindi ko intensyong banggitin si Elle dahil alam kong hindi pa siya nakaka-move on. Pero kaibigan ko kasi si Elle at kung tutuusin, bukambibig ko siya kahit sino pa ang kasama ko.
Nakatakip pa rin ang braso ni Peter sa ibabaw ng mga mata niya kaya hindi ko masabi kung anong emosyon niya ngayon. Narinig ko na lang nang magsalita siya. “She left because no matter how great this place is, it will never be good enough.”
Parang ako tuloy ang nalungkot sa sinabi ni Peter. Pakiramdam ko double meaning pa ito. Iniisip ba niyang hindi siya sapat kay Elle kaya ito umalis?
“Elle probably left for personal reasons. I mean… she has a great life in the city; and she has a promising future,” paliwanag ko. Hindi ko alam kung may ideya ba siyang mayaman ang babaeng sinubukan niyang patirahin sa islang ‘to. “Curious lang ako, hindi ka ba niya inayang tumira sa Maynila?” Hindi ko tuloy napigilang magtanong kahit masyado nang personal ang usapan.
“She did. Many times. But I don’t want to leave this place,” pagtatapat ni Peter at nauunawaan ko rin siya. Mahirap nga talagang iwan ang islang ito.
“Malay mo hindi lang talaga kayo ang forever. Sabi nga nila, maswerte na raw ‘yung mga taong nabibigyan ng pagkakataong makasama o makilala ang isa’t isa – kahit ilang taon, ilang buwan, o isang araw man ‘yan. Akalain mo naman kasi, sa dami ng tao sa mundo, pinagbigyan ng pagkakataong magtagpo ang landas niyo.” Ito ang iniisip ko ngayon sa sitwasyon namin ni Kyle.
I know we were both really lucky to have those years together, even if they had to end. And now, we've got to start fresh, on our own separate journeys, without each other.
Hinintay kong magbigay ng komento si Peter. Kahit na sungitan pa niya ako. Kaya lang tahimik lang siya. Mukhang hindi niya narinig ang sentimyento ko dahil nakatulog na siya. Sayang naman at minsan na nga lang ako makaisip ng pangmalakasang linyahan.
Matutulog na sana ako nang makarinig ako ng paggalaw sa kwarto. Napatingin ako sa pinto at nang pansin kong pabukas ito, bigla akong napaisip sa sleeping arrangement namin!
Gumulong tuloy ako papunta kay Peter at hindi inasahang babagsak sa ibabaw niya! Napasinghap ako, samantalang siya ay napaungol. Kapwa kami nasaktan sa ginawa ko. Inalis niya tuloy ang brasong nakatakip sa mata at nakakunot noong tumingin sa ‘kin.
“What the f—” Tinakpan ko ang bibig niya at pinanlakihan siya ng mga mata para makuha niyang may ibang tao.
Parang si Mang Cardo ang lumabas ng kwarto pero bumalik siya agad sa loob nang marinig kami ni Peter. Uminit ang buong mukha ko dahil mukhang iba ang dating ng naabutan niya!
Pabangon na sana ako nang sa pagmamadali ko’y namali ako ng tukod ng braso at kamay kaya napabalik ako sa ibabaw ng dibdib ni Peter. Halos magdikit ang labi namin kung hindi niya ako agad inusod sa tabi niya!
“Ilang beses ba silang lalabas ng kwarto…” Napatanong na lang ako sa sa sarili. Nagmadaling tumayo si Peter at nagpunta sa kusina. Dito’y nakita kong uminom siya ng tubig. Sumunod din naman ako sa kanya kaya pinaliwanag ko ang nangyari. “Sorry. Baka makita kasi nilang ‘di tayo magkatabi.”
At dahil hindi naman pwedeng ganito kami buong gabi, may magandang ideya akong naisip. “What if… magtanan tayo?” tanong ko at dito nasamid si Peter.