Huli na nga ‘ko sa interview, palpak pa ang mga sagot ko. Kinuha ko na sanang senyales ang mga kamalasang naranasan ko para hindi tumuloy – nagkamali ako ng nasakyang kotse at nabasa pa ng biglang pagbuhos ng ulan.
Alam ko sa sarili kong nagmukha akong tanga sa harap ng lalaking Chinese interviewer na nakausap ko. Nalaman kong ito pa pala mismo ang head ng digital media kung saan ko gustong matanggap. Kaya lalo akong nawalan ng pag-asang makakapasok pa sa Stellar Communications.
“Hindi ko ma-gets ‘yung tanong kahit sanay naman akong mag Ingles. Iba rin kasi ‘yung accent ng kausap ko eh,” kwento ko pa kay Elle. Nabanggit ko sa chat namin ang tungkol sa interview ko ngayong araw at nanghingi siya ng update. Kaya ito at tinawagan ko na siya.
Nandito ako sa lobby ng Stellar Communications, naupo sa isa sa mga benches pagkatapos ng interview. Malakas pa rin kasi ang buhos ng ulan. Dito ko naisipang magpatila habang naghihintay sa breaktime ni Kyle. Aayain ko kasi siyang kumain bago ako umuwi sa probinsya. Lalambingin ko na rin para mawala ang tampo niya.
“Paanong accent ba?” Natatawang tanong ni Elle sa kabilang linya.
Tumikhim ako bago sinubukang gayahin ‘yong isa sa mga tanong ng interviewer. “So, were you able to come acwoss one of our ads befowe or did you just wesearch us befowe this intewview?" Natawa kami pareho ni Elle. Tinakpan ko nga lang ang bibig ko nang mapansing may nakaupo pala sa isa pang bench ‘di kalayuan sa ‘kin.
“Kuhang-kuha mo naman pala eh!” Narinig ko pa ang paghalakhak ni Elle. “Bakit ka ba kinakabahan? For sure you did great!”
Napabuntong-hininga ako. “Nasagot ko naman ‘yung ilang tanong. Kahit medyo paikot-ikot. Pero hindi ko alam ‘yung sagot sa karamihan ng tanong niya. Kaya tuloy may time na puro ‘sorry’ na lang ang nasabi ko,” dagdag ko pa. Sinapo ko ang isang kamay sa noo sabay iling. Hiyang-hiya talaga ‘ko.
“Baka naman kasi iniisip mo lang na hindi okay ‘yung interview mo. Kilala pa naman kita. You’ve always been too hard on yourself.”
“Syempre alam ko kung anong nangyari nung interview. Sure ako. One hundred percent. It was a complete disaster. Kung ako ‘yung kausap ko, hindi ko iha-hire ang sarili ko.”
“Oh my God, Wendy! Grabe ka naman!”
“Totoo nga! Sana pala nakinig na lang ako kay Kyle. Tama siya. Hindi ko kayang makipagsabayan dito sa Maynila.”
“Ugh, Wendy. Masyado ka kasing nakikinig dyan sa boyfriend mo. You’re the smartest person I know. Alam mo kung ano ang kulang sa ‘yo? Tiwala sa sarili.” Alam kong sinusubukan lang ni Elle paluwagin ang loob ko. Pero mas lalo lang akong naiinis sa sarili.
“Siguro nung college mukhang matalino ako. Graduate with latin honor eh. Pero ngayong nasa totoong mundo na tayo, napatunayan kong hindi naman pala importante ‘yung mga ganyang awards. Kahit ano pang Laude ang makuha mo, diskarte pa rin ang labanan,” marahas na hangin ang pinakawalan ko. “Tingnan mo nga. Halos lahat ng mga kaklase nating nangongopya at petiks lang noon, nakapag-ibang bansa na – may magagandang buhay. Eh ako? Wala. Ilang taon na ‘kong nagtatrabaho pero mukhang kailangan ko na naman magsimula.”
Wala akong intensyong maglabas ng hinanakit ko sa kahit na sino pero pakiramdam ko kasi sasabog na ‘ko kapag hindi ko ito nailabas. At si Elle naman ang kausap ko. She is the most understanding and open-minded person I have ever known.
“Wait. Is this really Wendy Briar Ortega? My sister from college?” tanong niya bigla.
Napairap ako sa kawalan bago sumagot. “Malamang. Hindi naman ako pwedeng maging ibang tao.”
“Well, ‘yung kaibigan ko kasing ‘yon… palaban. Walang inuurungan pagdating sa grades. Kahit nga professor namin, muntik na niyang suntukin noong binigyan siya ng letter grade na D!”
Natawa ako dahil naalala pa pala niya ang ilan sa mga kabaliwan ko noong college. Ngayon ko tuloy napagtantong malaki talaga ang pinagbago ko sa Wendy noon.
“My point is, bakit hindi mo ibalik ‘yung dating ikaw? Kung gaano ka kaagresibo noon, ganuon din ang gawin mo ngayon. You want something? Go for it! Do whatever it takes to get it. Forget about your what ifs. ‘Wag kang makinig kay Kyle dahil hindi pa huli ang lahat.”
Hinigit ko ang hininga ko. Nakaramdam ako ng excitement. Parang nagkakaroon ako ng pag-asa dahil sa mga sinasabi ni Elle ngayon. Iba rin kasi talaga siyang makapagpataas ng self-confidence kahit noong mga estudyante pa lang kami.
“Naiintindihan ko naman ang mga sinabi mo. Pero the fact that I got laid off? Tingin mo may kumpanya pang magkakainteres na i-hire ako?” Hindi ko napigilang itanong ang isa sa mga inaalala ko.
“It’s just one bad interview! Marami pang kasunod ‘yan. Ipinasa ko na ‘yung resume mo sa HR namin so, expect a call after my wedding.” Nabuhayan ako ng loob dahil kay Elle.
“Thank you so much… alam kong busy ka ngayon pero kinumusta mo pa ‘ko. Don’t worry, pagdating na pagdating ko dyan, babawi ako sa ‘yo,” sabi ko naman sa kaibigan. Narinig kong kailangan na niyang magsukat ulit ng gown kaya naman kinailangan na rin naming tapusin ang tawag.
Huminga ako ng malalim pagkatapos bago yumuko. Napatitig ako sa suot kong singsing. Promise ring namin ito ni Kyle na ilang beses ko pa lang nahubad sa loob ng pitong taon. Kaya nga may marka na ito sa mismong daliri ko. At dahil dito, napatingin ako sa oras. Mukhang labasan na nila ngayon.
Tumingin ako sandali sa glass wall at nakitang umuulan pa rin. Pero dahil mas mahina naman na ito kumpara kanina ay tumayo na ‘ko. Nagkasabay pa kami nung lalaking nasa kabilang bench. Pero nauna na ‘kong maglakad palabas ng building dahil lumapit pa siya sa front desk.
Maganda pa naman sanang magtrabaho sa Stellar Communications. Na-imagine ko na sana kung paano ang magiging setup namin ni Kyle sakaling matanggap ako rito. Kapag na-miss ko siya habang nasa trabaho, isang tawid lang ay mapupuntahan ko na siya.
Paglabas ng building, tumingala ako at nakitang sobrang dilim ng langit. Mukhang lalakas pa ulit ang buhos ng ulan. Malas talaga dahil hindi ako nakapagdala ng payong.
Napansin kong may mga empleyado nang nagsisilabasan sa building kung saan nagtatrabaho si Kyle, katapat ng building kung saan ako nakatayo ngayon. Kaya naman paghinto ng mga sasakyan, tumawid na rin ako sa pedestrian lane katulad ng iba kahit walang payong.
May mga kasabayan akong maglakad. Isa na rito ‘yong lalaking nasa bench kanina. Napansin ko agad siya dahil bukod sa malaki na nga ang payong na dala niya, nakasuot pa siya ng black hoody at cap. Tagong-tago ang mukha, parang allergic sa tao.
Mas napansin ko siya dahil nababasa ako ng payong niya. Nasa ibabaw ko na kasi halos ‘yong kaunting bahagi nito. Dahilan kung bakit sa ‘kin bumabagsak ‘yong tubig ulan na tumatama rito. Ibig sabihin, bukod sa direkta na nga akong nababasa ng ulan, nababasa pa ‘ko lalo dahil sa payong niya.
Umurong ako palayo pero umurong pa siya ulit dahil may sumingit sa tabi niya. Marami rin kasing nagmamadaling tumawid. Tumatakbo pa ang ilan para hindi mabasa ng ulan. Pero may napanuod kasi ako na kapag daw tumakbo ka sa ulan, mas mababasa ka. Kaya tamang lakad lang ang ginagawa ko.
Halos magkapareho lang kami ng lakad ng lalaking katabi ko. Tuloy ay nakipayong na ‘ko ng pasimple imbes na magmukha na namang basang-sisiw. Nagtama ang mga braso namin sa pagdikit ko sa kanya pero kunwari’y walang nangyari. Tuloy-tuloy lang ako sa paglalakad kahit na nakasilong na ‘ko sa payong niya. Hindi naman niya ‘ko tinaboy kaya tingin ko’y ayos lang sa kanya.
Malapit na ‘ko sa building na pupuntahan ko, sa dulo ng pedestrian lane, nang makita kong lumabas si Kyle kasama ang mga katrabaho niya. Tinaas ko na ang kamay ko para kumaway nang magsalita siya sa mga kasama.
“Ang lakas din kasi ng trip niyo eh! Talagang naisip niyo pang isingit sa wallet ko?” Natatawang tanong ni Kyle. Binaba ko na ang kamay ko, patuloy pa rin sa paglakad pero nakayuko na para hindi nila makita habang nakikinig ako. “Muntik pa ‘kong mawalan ng girlfriend dahil sa kalokohan niyo!”
“Kawawa ka naman kasi. Hindi mo pa nararanasan makabili ng condom!” pang-aasar ng katrabaho niya kaya pumait ang panlasa ko. Ang lakas naman kasi ng boses nito.
Ngayon ay nakumpirma kong katuwaan lang pala talaga nila sa trabaho ‘yong balot ng condom. Maybe I should have trusted Kyle – or not.
“Malapit ko nang makumbinsi ‘yon. Unti-unti lang.” Si Kyle ba talaga ang narinig ko?
Natigilan ako sa paglalakad. Nawala ang payong sa ibabaw ng ulo ko. Akala ko ambon na lang ang babagsak sa ‘kin nang bigla na namang bumuhos ang ulan katulad ng inasahan ko.
“Bakit kasi hindi mo pa pakasalan? Para unlimited na.”
“Hindi pa ‘ko sigurado.”
Parang may sumaksak sa dibdib ko. Napatalikod ako kaagad nang marinig ang sagot ni Kyle. Kahit basang-basa na ng ulan, nagsimula akong maglakad pabalik sa pinanggalingan bago pa ulit umandar ang mga sasakyan.
Hindi ko alam kung ano ‘yong mas masakit. Ang magloko ‘yong long-time boyfriend mo o ang marinig na hindi pa siya sigurado sa ‘yo.
Nagbago na ang isip ko. Hindi ko pala gustong makita si Kyle ngayon. At mas lalong hindi ko siya gustong makausap. Patuloy pa rin ang pagbagsak ng ulan sa ‘kin pero hindi ko alam kung ulan pa ba talaga o luha ang dumadausdos sa pisngi ko. Ramdam ko ang panlalamig ng buong katawan ko.
Ilang sandali lang, nagtaka ako nang tumigil ang pagbagsak ng ulan sa ‘kin. Nalaman ko ang dahilan nang may mainit na kamay na kumuha sa kamay ko, inihawak ito sa handle ng payong. Nang sundan ko ng tingin ‘yong nagbigay, nakita ko ‘yong lalaking kasabay kong tumawid kanina. Tumakbo na siya papalayo pagkatapos ibigay sa ‘kin ang payong niya. Naantig naman ang puso ko dahil siya pa ngayon ang nabasa ng ulan.
“Wendy?” Hinigit ko ang hininga ko nang marinig ang boses ni Kyle.
Kunwari’y walang narinig ay nagtuloy-tuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa makabalik sa Stellar. Buong akala ko’y nakatakas na ‘ko nang may humawak sa braso ko. Paglingon ko’y si Kyle ito, hinabol niya talaga ‘ko.
“Ikaw nga! Anong ginagawa mo rito?” tanong niya, pansin kong sinusubukang basahin ang mukha ko. Iniisip niya siguro kung narinig ko ang pinag-uusapan nila kanina ng mga katrabaho niya.
Gusto ko man siyang kumprontahin sa mga narinig, wala akong lakas ng loob gawin ito. Wala rin kami sa tamang oras at lugar. Natatakot akong kapag pinag-usapan namin ito ngayon, baka dito kami matapos. Baka masayang ‘yong pitong taon namin ng ganun na lang. Kaya gusto ko munang maging kalmado. Gusto kong pag-isipan ng mabuti ang lahat bago namin pag-usapan.
“Wendy? Okay ka lang?” tanong pa ni Kyle. Natulala yata ako ng matagal.
Sinarado ko muna ang payong na dala. Huminga ako ng malalim bago nagsalita. “Ah oo. May interview kasi ako sa Stellar kanina. Hindi ko na nasabi kasi hindi ka nag-seen ng chat ko,” sagot ko na may kaunting kurot sa hindi niya pagpansin sa ‘kin simula pa kahapon.
Nakita ko naman ang pagkabigla sa mukha niya. Akala ko dahil sa chat ko pero iba pala ang nasa isip niya.
“Stellar… as in Stellar Communications?” Gulat na gulat si Kyle. Para bang ‘di siya makapaniwalang posible itong mangyari. Natawa siya bago muling nagsalita. “Kumusta? Tanggap ka ba?”
Sasabihin ko sana sa kanya ang nangyari kanina nang maunahan pa niya ‘ko. “Sa itsura mo ngayon, mukhang hindi,” sampal sa mukhang saad niya. Alam kong gusto niyang magbiro pero wrong timing.
“Bakit tingin mo hindi ko makukuha ‘yung trabaho?” balik ko sa kanya.
“Babe… come on, it’s Stellar!” Nagsalubong ang kilay ko. “And you’re… you.”
Nagtiim-bagang ako. Nangigilid ang luha ko. Gusto kong sabihing mali siya pero alam kong totoo naman na hindi ko nakuha ang trabahong gusto kong pasukan.
Aaminin ko na sanang tama siya nang mag-vibrate ang phone ko. Pagtingin ko’y text message ito galing sa HR ng Stellar. Nagulat ako nang makita ang nakasulat dito.
“It’s okay, babe. Mahirap talagang makapasok sa Stellar. Ako nga hanggang interview lang din ang inabot noon. There are plenty of other opportunities that would fit your experience,” sabi pa ni Kyle. Tila pinangunahan pa niya ang Stellar.
Kaya naman taas-noo akong tumingin sa kanya. Sinabi ko ang magandang balita. “Well, I think I might need to consider this opportunity for now just like how they’re considering me for the position. Pinagpapasa kasi ako ngayon ng job interview assignment.”
Nakita ko ang pagkalaglag ng panga ni Kyle. Nagulat siya dahil masusundan pa ang interview sa ‘kin ‘di tulad ng naranasan niya. Masaya na ‘kong malaman niyang capable din naman ako.
“C-Congrats!” nag-aalangan niyang saad. Halatang may inggit sa mga mata.
At takot mang sumakay sa regular taxi, napilitan ako nang may huminto sa harapan ko. Gusto ko nang makaalis agad kaya wala na ‘kong oras mag-book ng SwiftRide.
“Una na ‘ko. Enjoy kayo ng mga katrabaho mo. Ingat ka na lang, baka mapagtripan ka na naman,” sabi ko na medyo parinig na rin bago sumakay ng taxi.
***
Imbes na isipin ang mga sinabi ni Kyle, mas pinili kong ibuhos ang buong atensyon sa pa-assignment ng Stellar sa ‘kin. Kaya nga pag-uwi ko sa bahay, pagod man sa byahe, ay tinapos ko ito kaagad. Ginandahan at inayos ko talaga ito dahil ayaw kong masayang ang second chance na binigay sa ‘kin ng kumpanya.
At katulad ng nakagawian, pagdating ng gabi ay sabay kaming kumain ng mga magulang ko. Kasalukuyan akong naghuhugas ng mga pinagkainan namin sa likod bahay pagkatapos. Dito’y tanaw kong nanunuod silang dalawa sa sala.
Marami pa ‘kong hindi nasasabi sa mama’t papa ko. Nariyan ang tungkol sa pagkawala ng trabaho ko, totoong lagay ng relasyon namin ni Kyle, at bagong oportunidad na nag-aabang sa ‘kin sa Maynila.
Pero sa ngayon, mas importanteng masabi ko sa kanila ang tungkol sa pagpunta ko sa kasal ni Elle. Kaya naman naisipan kong magbalat at maghiwa ng mansanas. Dinala ko ito pagpunta ko sa sala at inabot sa kanila.
“Salamat, ‘nak,” sabi ni papa sabay kagat sa isang hiwa ng apple na binigay ko.
“Tart, uminom ka na ba ng gamot?” tanong ni mama kay papa at tumango naman ito kaagad.
Kumuha rin ako ng isang hiwa ng apple bago naupo sa rocking chair na gawa sa bamboo. Nanunuod silang dalawa ng Koreanovela na sinusubaybayan nila araw-araw. Ayaw kong makaabala kaya naghintay muna akong matapos sila. Nilabas ko ang phone ko at ginawang abala ang sarili.
“May gusto ka bang sabihin sa ‘min ng mama mo, ‘nak?” tanong ni papa. Mukhang nakahalata siya kaagad dahil hindi naman ako madalas tumambay sa sala ng ganitong oras.
Kinalabit nga lang ni mama si papa dahil sa malaking rebelasyon sa pinapanuod nila. Nabulgar na kasi kung sino ang tunay na mga magulang ng bida.
Hinintay ko na lang muna silang matapos manuod hanggang sa magpakita sa screen ang abangan para bukas. Dito nila ako hinarap at binigyang pansin nang matapos.
“Magpapaalam lang po sana ako. Kilala niyo si Elle ‘di ba? Kaklase ko nung college. Ikakasal na kasi siya ngayong Linggo. Kinuha niya ‘kong maid of honor,” mabilis kong sinabi.
Nakita kong lumiwanag ang mukha ng dalawa. Para bang ako ang ikakasal sa tuwa nila. “Aba, walang problema! Umattend ka lang ng mga ganyang kasal para magkaideya ka sa kasal niyo ni Kyle,” sabi ni mama kaya may kirot na naman akong naramdaman sa dibdib ko. Paano ko sasabihin sa kanilang after all these years, hindi pa sigurado si Kyle sa ‘kin? At pakiramdam ko ganuon din ako…
“Ano ka ba naman, tart. Hayaan mong mag-enjoy ang anak natin. Pati anak mo binibigyan mo pa ng assignment,” sabi ni papa na nagpatawa na tuloy sa ‘kin. Pareho kasi silang teacher kaya tuloy nadadala nila sa bahay ang gawi nila.
“Teka, Elle ba kamo?” paniniguro ni mama. Kumunot ang kanyang noo. “Siya ba ‘yong kasama mo palagi noon na palaging maigsi ang palda?”
Natawa ako dahil sa lahat ng pwedeng matandaan ay ito pa talaga ang tumatak sa kanya pagkalipas ng ilang taon. Sobrang kikay kasi ni Elle noon.
“Opo, ma. Pero maayos na siyang manamit ngayon,” sagot ko.
“Sige. Mag-iingat ka na lang, anak, ha? Ang sabi sa balita, maraming nakawan at kidnapan sa Maynila,” sabi ni papa na halatang nag-aalala para sa ‘kin.
Mabuti na lang at mukhang good mood ang mga magulang ko kaya hindi na nagtagal pa ang pag-uusap namin tungkol sa lakad ko. Inubos na namin ‘yong mansanas at hinugasan ko ang plato para makapagpahinga na rin.
Akala ko pumasok na silang dalawa sa kwarto nang magulat ako dahil naabutan ko pa sa sala si papa. Mukhang hinihintay ako. Sa kanila ni mama, nakakapagtaka man pero sa kanya ako mas malapit. Mas istrikto kasi si mama kaya medyo takot ako rito.
“Kumusta ka ba, anak?” tanong ni papa. Hindi ko inasahang tatanungin niya ‘ko ng ganito kaya tuloy dahil mababaw lang ang luha ko ay agad itong namuo sa mga mata ko.
“Eh may nangyari po sa trabaho ko,” halos pabulong kong saad. Naupo ako sa tabi niya, sinusubukang hanapin ang tamang salita.
Kahit only child lang ako, hindi ako sanay magsabi sa kanila ni mama kapag may problema ako. Hirap din talaga ako dahil alam kong kapag nagkamali ako, wala akong ibang aasahan kung hindi ang sarili ko. Wala akong kapatid na pwedeng takbuhan. Walang pwedeng sumalo sa pamilya namin.
“Kung ano man ang nangyari sa trabaho mo, hindi mo kailangang sabihin sa ‘kin kung hindi ka pa handa. Pero ang gusto ko lang malaman mo, ‘wag kang mag-alala masyado sa ‘min ng nanay mo. Gawin mo kung anong magpapasaya sa ‘yo. Sa trabaho man ‘yan o sa pag-ibig.”
Nang mabanggit ni papa ang pag-ibig, pakiramdam ko nakakatunog na rin siyang may problema ako sa relasyon namin ni Kyle. Mukhang malakas talaga ang pakiramdam mo kapag magulang ka.
Kaya naman naglakas-loob na ‘kong magsabi kay papa. “Gusto ko pong tumira at magtrabaho sa Maynila,” pag-amin ko at saktong lumabas ng kwarto si mama.