Chapter 4

3547 Words
“Kumpleto na ba lahat ng gamit mo, ‘nak?” marahil ay pangatlong beses na itong natanong ni papa. Tinulungan na nga nila akong mag empake pero nag-aalala pa rin silang baka may nakalimutan ako. “Sigurado ka bang tutulungan ka ni Elle? Baka naman salita lang niya ‘yon,” sabi pa ni mama sabay abot ng mga pabaon niyang pagkain. “Ayan at ibigay mo ‘yan pagdating mo sa kanila. Kapag nagkaproblema eh umuwi ka na lang dito.” Noong nalaman nilang gusto kong magtrabaho at tumira sa Maynila, nakakita ako ng pangamba sa mukha nila. Pero pinakinggan muna nila kung anong pinanggagalingan ko pati na rin ang plano ko. I told them that I was laid off and that it has always been my dream to find another opportunity in the city. Naintindihan naman ng mga magulang ko ang sitwasyon ko, lalo na si papa. Hindi sila tumutol katulad ng inasahan ko. Sila pa ang nagsabing makakabuti nga siguro kung magkakaroon ako ng bagong karanasan dahil halos buong buhay ko ay nakatali na ‘ko sa kanila. Syempre ay nag-aalala sila dahil ngayon lang ako malalayo. Pero dahil nasa edad naman na raw ako kaya susuportahan nila ang desisyon ko. Tinanong nga lang ni mama kung anong opinyon ni Kyle sa mga plano ko. Alam kasi nilang malaking impluwensya ito sa buhay ko. Pero imbes na sabihin sa kanila ang problema naming dalawa, nagsinungaling ako sa bagay na ito. Sinabi kong suportado ni Kyle ang desisyon ko kahit ni pagbasa ng mga chat niya ay hindi ko nagawa. Dahil naging abala ako sa pa-assignment ng Stellar, ilang oras ang lumipas bago ko nabuksan ang chat ni Kyle. Dahil dito, binura niya lahat ng mga messages niya at ngayon ay kailangan ko pang manghula kung anu-ano ang mga ito. Kaya nga wala pang alam si Kyle sa plano ko. Pero alam ko namang iisipin niyang nagpapadalos-dalos ako ng desisyon – na hindi ko kakayanin. At hindi ako handang makarinig ng kahit anong negatibong bagay galing sa kanya. Especially because we haven't really had a proper conversation since our unexpected meetup in front of his office. Mabuti na nga lang at nandyan si Elle. Sinabi ko sa kanya ang plano ko at natuwa naman siya para sa ‘kin. Handa siyang tulungan ako. Pinasabay na nga niya ang mga gamit ko pagluwas ko sa Maynila isang araw bago ang kasal niya. May bakanteng kwarto naman daw sila para sa ‘kin. Pwedeng dito muna ‘ko tumira habang nasa hiring process pa ang job application ko. Naghihintay na sa labas ng bahay ang tricycle na maghahatid sa ‘kin sa sakayan ng bus. Kaya naman humarap ako kina mama’t papa bago nagsalita. “Kumpleto na po lahat ng gamit ko. Kakain po ako ng masustansyang pagkain sa tamang oras. At iinumin ko rin ang vitamins ko,” inulit ko ang mga bilin nila. “Wala po kayong dapat ipag-alala. Matagal naman na po kaming magkakilala ni Elle. Para ko na ring kapatid ‘yon. Tsaka sa umpisa lang ako titira sa kanila. Maghahanap din ako ng pwedeng lipatan. Maga-update naman po ako sa inyo kaya wala po kayong dapat ipag-alala.” Nagkatinginan sina mama’t papa na para bang maiiyak. Tuloy ay nagaya na rin ako sa kanila. Niyakap naming tatlo ang isa’t isa bago nila ako sinamahan sa tricycle at pinanuod na umalis. Alam kong masyadong mabilis ang mga pangyayari. Kinakabahan ako pero mas lamang ang excitement dahil alam kong magkakaroon na rin ako sa wakas ng mga bagong karanasan. Nangako ako sa sarili kong pagdating ko ng Maynila, babaguhin ko talaga ang sarili ko. Hindi na ‘ko ‘yong Wendy na boring at palaging nakahindi sa mga bagay. Hindi na ‘ko ‘yong Wendy na takot magkamali at mapahiya kaya hindi sumusubok ng kahit anong bago. Sisiguraduhin kong mage-enjoy ako sa bagong kabanata ng buhay ko. Sa totoo lang ay hindi naman talaga pagpunta sa Maynila ang gusto kong mangyari sa buhay ko. Gusto ko lang ng bago, ng excitement, ng pagkakataong maging ibang tao. *** Nalaglag ang panga ko pagtingala sa mala-mansyong bahay ng kaibigan ko. Nakakalula ang taas nito, may mga carvings sa pader at malalaking glass windows. Worth it naman pala ang halos isang libong nagastos ko sa SwiftRide makarating lang dito ng hindi naliligaw. Napalunok ako nang pagbuksan ako ng pinto ng guard nila, animo inaasahin nito ang pagdating ko. Kukuhanin sana nito ang mga gamit ko pero tumanggi na ‘ko. Nakakahiya naman kung pagbubuhatin ko pa ito. Kaya ko namang dalhin ang backpack ko, isang maliit na maleta, at paperbag na pinahabol ni mama. Pagpasok ko sa malaking gate, bumungad sa ‘kin ang bakuran nilang may malawak na hardin na puno ng mga bulaklak. Aba’t may sarili pa silang fountain dito na sa parke ko lang karaniwang nakikita. Ngayon lang ako nakapunta sa family house ni Elle dahil noong nasa kolehiyo kami, nakatira siya sa condominium na walking distance lang sa unibersidad namin. Alam ko namang mayaman sila. Pero ngayon ko lang ito nakita ng personal dahil kapag kasama ko si Elle, parang normal na tao lang siya. “Bestie!” Napunta ang atensyon ko kay Elle na nagmamadaling sumalubong sa ‘kin. “Welcome to our humble abode—wait, bakit ikaw ang may bitbit ng mga ‘yan?” Agad niyang kinuha ang maleta at backpack ko sabay abot sa katulong nilang nakasunod lang sa kanya. “Ay nakakahiya naman. Mabigat ‘yan,” sabi ko pero parang hindi ito narinig ni Elle at umabresyete agad sa ‘kin. “Thank you,” pahabol ko pa tuloy sa katulong nila. Sumunod naman ako sa kaibigan ko nang maglakad kami papasok sa mansyon nila. Halos puti at itim lang ang makikita rito. Lalo akong namangha dahil sa mataas na ceiling nila na may chandelier pa. May mga paintings din sa pader at vases na mukhang hindi biro ang halaga. Pakiramdam ko pumasok ako sa isang museum na walang pwedeng hawakan. “Ano ba ‘yang dala mo?” tanong pa ni Elle. Dito ko lang naalala ang hawak kong paperbag. “Ah pinabibigay pala ni mama. Nandyan lahat ng paborito mo,” sabi ko sabay abot ng pinabaong pagkain ni mama. Nangiti naman siya sabay kuha rito. “Thank you! Pahanda natin mamaya,” sabi niya at binigay din niya ito sa katulong nila. Napangiwi ako dahil sa hiya. Sa amin kasi ay hindi naman uso ang katulong. Agad naman akong inilibot ni Elle sa mansyon nila. Nakita ko ang malawak nilang salas na may malambot at malaking sofa, puting carpet na nakakatakot tapakan dahil baka madumihan, at makapal na mga kurtina na madaling makapandaya kung umaga o gabi na. “Parang nakakatakot naman maupo dyan,” komento ko na nagpatawa kay Elle. “Don’t worry. Pinapalitan naman ‘yan kapag nadumihan.” Tumango ako bago napagtanto ang ibig niyang sabihin. Ganuon sila kayaman na hindi uso ang maglinis?! Nakarating din kami sa tinawag niyang dining area na iba pa sa kusina. Sa bahay kasi ay iisang lugar na ito, ilang hakbang lang ay lababo na. Pero sa kanila ay ibang pinto pa ito. Hindi ako makapaniwala sa haba ng lamesa nila gayong ilan lang naman silang nakatira sa bahay na ‘to. Hindi pa rito natapos ang tour namin, umakyat pa kami sa hagdanan nila. Tatlong palapag ito pero sa ikalawang palapag lang kami naglibot dahil sa ikatlong palapag daw ay opisina at kwarto na ng kanyang mga magulang. May second floor sila at dito matatagpuan ang library, study room, at hindi mabilang na kwarto. Dinala naman ako ni Elle sa magiging kwarto ko na katabi lang ng kanya. Inilagay na ng katulog niya ang mga gamit ko rito. Awtomatiko akong napatakip ng bibig dahil guest room lang nila ito pero parang doble ang laki sa kwarto ko. Para akong titira sa isang hotel room. “Are you okay with your room? I’m sorry, ipapaayos ko pa sana ‘yung interior design nito but we didn’t have enough time,” sabi ni Elle at agad akong umiling. “Ano ka ba? Sobrang okay na okay ‘to. Ang ganda kaya!” sabi ko naman dahil ito ang totoo. Hindi ko inasahang magbubuhay prinsesa ako rito. Tumawa naman siya dahil sa reaksyon ko. Mukhang natuwa dahil wala na kaming kailangan pang ayusin sa pagdating ko. “I’m actually on my way out. Tamang-tama ang dating mo kasi naghahanap ako ng kasama,” sabi niya at dito ko binukas-sara ang mga mata ko. “Saan ka ba pupunta?” tanong ko at lumawak naman ang ngiti sa kanyang labi sabay taas-baba ng kilay. Napalunok ako at medyo kinabahan sa ibig sabihin nito. *** Elle and I have always been different and perhaps that’s the reason why we click together. Extrovert si Elle, may pagka-introvert ako. Mahilig siyang mag makeup at magsuot ng iba’t ibang damit, kuntento na ‘ko sa pagiging simple. Hilig niyang pumarty at uminom ng alak, mas gusto kong umuwi sa bahay at manuod ng movie o series. We have always had opposite definitions for what’s fun and boring. Ngayong tumanda na kami ay mas lalo kong nakita ang pagkakaiba namin. Pero mukhang mas masaya siya sa buhay base sa mga posts niya sa social media. Kaya nga minsan na rin akong napatanong sa sarili. What if I loosen up, change myself, and become more like Elle? At naisip kong simulan ang pagbabago ko ngayon din mismo. Sumama ako kay Elle sa mall, kung saan una kaming dumiretso sa salon. Lumabas siya dahil gusto niyang i-pamper ang sarili bago ang araw ng kasal. “Bagay ba talaga?” pang ilang beses kong tanong kay Elle. Nagpagupit at nagpakulay kasi kami ng buhok. At dahil hindi ko alam kung anong gusto ko, si Elle ang nag-suggest na itulad ko na lang sa kanya ang hairstyle ko. “Oo nga, bestie! Magkasing-ganda kaya tayo,” sabi pa ni Elle at natawa tuloy ‘yong nag-aayos ng buhok namin dahil sa self-confidence niya. Sana ay magkaroon din ako nito. “Ngayon ka lang nagpaayos ng buhok ‘di ba? Hindi ka lang sanay. Pero bagay sa ‘yo.” Bumuntong-hininga naman ako sabay tingin sa repleksyon ko sa salamin. Mahaba at natural ang kulay itim na buhok ko, bagsak lang ito at halos abot baywang. Kahit kailan ay hindi ko pa ito pinagalaw dahil ayaw ni Kyle ng kulot at may kulay. Kaya ngayon ay kinakabahan ako dahil pinagawa ko kung anong ayaw niya. May pagka-wavy na ang buhok ko dahil sa gupit at kinulayan din ito ng light brown na may highlights. Nakakapanibago talaga ang itsura ko. Hindi ko alam kung dapat ba ‘kong magandahan. Naka-makeup pa ‘ko ngayon kahit madalas sabihin ni Kyle na hindi ito bagay sa ‘kin. Mas gusto niya kasi kapag simple lang ako. Napailing ako. Puro si Kyle na lang kasi ang iniisip ko kahit may sama ako ng loob sa kanya. “Alam mo? Tama ka. Maganda talaga ‘ko. Kambal tayo eh,” biro ko kay Elle na nagpatawa sa kanya. “Yes! I love that!” pagkunsinti naman niya sa ‘kin. Nakakatuwa lang dahil kahit matagal kaming hindi nagkita at nagkasama, walang nagbago sa pakikitungo niya sa ‘kin. Bukod sa pagpapaayos ng buhok ay nagpunta rin kami ni Elle sa spa, pagkatapos ay nagpa-manicure at pedicure pa kami kung saan iisang design pa rin ang pinili namin. Talagang pinandingan namin ang pagiging kambal. “Saan mo ba nakilala ‘yung fiancé mo?” tanong ko naman kay Elle habang naglilibot-libot kami sa mga boutique para bumili ng mga bagong damit. Tipid na ngumiti si Elle bago sumagot. “I met him while traveling, and although it wasn't love at first sight, we became friends. Unexpectedly, I fell for him when he decided to live with me in Manila, and that's when our genuine connection began.” Napangiti na rin tuloy ako noong makita kong mukhang mahal talaga niya ang mapapangasawa niya. Ngayon ko lang nakita ang ganitong facial expression niya. She looked so at peace and deeply in love. “Ikaw ba? Wala pa kayong balak magpakasal ni Kyle?” tanong naman niya pabalik. Pumait agad ang panlasa ko at mukhang nakita niya ang pagbabago ng mood ko. “Mukhang kailangan nating iinom ‘yan mamaya ah,” sabi niya na nagpatawa sa ‘kin. Kung makapagsalita kasi siya’y parang hindi siya ikakasal kinabukasan. May damit na kumuha ng atensyon niya kaya naman pumasok kami sa boutique na ito. Sinamahan ko siyang tumingin ng mga bagong damit. Samantalang napatitig naman ako sa buong katawan ko sa harap ng full-length mirror. Nakasuot lang ako ng t-shirt na maluwag at jeans ngayon. Naka-rubber shoes din ako. Pero lahat ng ito ay hindi dahil ito ang gusto ko, si Kyle talaga ang nagsasabi na mas gusto niyang ganito ang ayos ko. kaya sa loob ng seven years, hindi ako nagbago. Nilapit ko pa ang mukha ko sa salamin. Kung may gusto man akong feature ng mukha ko, iyon ay ang mga mata kong namana ko sa tatay kong Turkish. Parang makikita mo raw kasi ang dagat sa mga mata ko dahil kulay asul. Sa totoo lang, hindi ko magawang maging confident sa sariling mukha o katawan kahit sinasabi ng iba na maganda at may kurba naman daw ang katawan ko. “Buy new clothes too! For sure, puro t-shirt lang ang dala mo,” sabi ni Elle sabay abot sa ‘kin ng dress na nagustuhan niya. “May iba pang kulay ‘yan, bilhin natin pareho para matchy tayo!” Nangiti naman ako dahil kahit siya itong ikakasal, ako pa rin ang naisip niya. *** “My God, seven years na pala kayo? I don't understand people who do this. If he has no plans of marrying you, he should let you go,” inis na untag ni Elle. Uminom siya ng direkta sa labi ng wine bottle na hawak. “Dapat kasuhan na ‘yan eh. He's just keeping somebody else's wife hostage!” Mukhang nakainom na si Elle, at kahit ako medyo inaatok na rin dahil nakigaya ako sa pag-inom kahit ‘di naman ako sanay. Nandito kami ngayon sa kwarto niya. Pag-uwi namin sa mansyon nila ay dito kami dumiretso. Pinagkwento niya ko tungkol sa nangyari sa ‘mi ni Kyle. Nagbukas pa siya ng wine, tig-isang bote kami. Celebration na rin daw ito para sa kasal niya. “To be fair. Kahit naman ako napapaisip kung sigurado na ba talaga ‘ko sa kanya,” pag-amin ko. “I mean, I want him to be my first and last. That has always been my dream. Pero parang may kulang. Parang may mali.” “It's normal to feel unsure about your relationship, but you need to discuss it with your partner, not with some dumb coworkers. He shouldn't treat your s*x life like a game too!” Bumuntong-hininga si Elle, inis na inis pa rin kay Kyle dahil sa narinig ko. “And as for your dream, I've told you many times not to box yourself in. Sometimes unexpected sh*ts happen in life, and you have to learn to adapt. If you always think life should happen in a certain way, you'll never be happy." Naalala ko tuloy ang pagkawala ng trabaho ko. Hindi ko talaga ito inasahan. Parang sa isang iglap lang ay nagbago ang buhay ko. Inihilamos ko naman ang dalawang kamay ko sa mukha. Itinaas ko na lang ang hawak na wine bottle sa ere. “Let’s just celebrate. To your last night of being single!” sabi ko at inulit din niya ito. “To your first day of being single!” natawa ako dahil inunahan na niya ang paghihiwalay namin ni Kyle. Pinaningkitan naman niya ‘ko ng tingin dahil dito. “Don’t tell me hindi ka pa makikipaghiwalay? Kung hindi kayo sigurado pareho sa isa’t isa, iwanan mo na,” sabi pa ni Elle. “Pero seven years ‘yun, Elle.” “‘Yun na nga eh. Sinayang mo na ang seven years mo sa kanya. Gusto mo pa bang dagdagan?” Kinuha niya bigla ang phone ko kaya nanlaki ang mga mata ko. Sinubukan ko itong agawin pero may pinindot siya rito. Napasinghap ako at napatakip ng bibig nang marinig ang pag-ring ng cellphone ko. “Hello?” boses ni Kyle ang narinig ko kaya halos lumuwa ang mga mata ko. Ni-loud speaker talaga ito ni Elle para sa ‘min. “Mukhang masyado kang busy ah. Bakit tumawag ka pa?” Nagtiim-bagang ako sa naging bungad niya sa ‘kin. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa alak pero inagaw ko kay Elle ang cellphone ko at ako mismo ang sumagot kay Kyle. “Sa Maynila na ‘ko titira at magtatrabaho,” balita ko sa kanya. “Ang ganda,” sabi ko kay Elle sabay turo sa gown niyang nakasabit sa kwarto. Napailing naman ako nang mapansing nawawala ang focus ko sa kausap dahil sa kalasingan. “Dahil ba ‘to sa application mo sa Stellar? Hindi ka pa nga sigurado kung matatanggap ka. You’re being impulsive, Wendy. Hindi mo kakayanin—” “Mali ka, Kyle. Kakayanin ko,” pagputol ko sa kanya. Napatingin ako kay Elle na todo suporta sa mga sinasabi ko. Kumuha pa siya ng papel at marker para tulungan ako sa dapat kong sabihin. “Isa pa, hindi lang naman Stellar ang pwede kong pasukan. Marami pang iba dyan.” “Nakausap mo lang si Elle, nagbago ka na. Ano bang nangyayari sa ‘yo?” Medyo kinakabahan na ‘ko sa seryosong tono ni Kyle. Pero nakita kong nainis si Elle kaya agad siyang nagsulat sa papel at pinabasa ito sa ‘kin. “Hindi si Elle… ang problema! Ikaw. Let’s break up—” Pinagdikit ko ang labi ko dahil hindi ko inasahan ‘yong sinabi ko kay Kyle. “What? Dahil pa rin ba ‘to sa condom? Sinabi ko na sa ‘yo ang totoo. Paranoid ka lang, babe.” Nakita ko si Elle na umiiling. Pinagkrus niya ang mga braso niya at binasa ko ang muling sinulat niya sa papel. “No. It’s because you’re an as*hole gaslighter who I never ever want to sleep with!” Napatakip ako ng bibig. Natawa sa pinasabi ni Elle. “Are you drunk?” tanong ni Kyle. Kilala niya talaga ako kaya mabilis niyang nabasa kung anong sitwasyon ko. “Wendy, nasaan ka?” “Hindi na mahalaga kung nasaan ako. Basta I’m breaking up with you and—I’m wearing a gown,” sabi ko sabay baba ng tawag. Nag-thumbs up si Elle sa ‘kin kaya lalong lumakas ang loob ko. Hinubad ko ang singsing na suot ko at binato sa kwarto ni Elle. Tumama nga lang ito sa gown niya at ‘di ko na alam kung saan napunta. Pabagsak kaming nahiga sa carpet niya. Natatawa pa ‘ko noong una pero nang maramdaman kong hindi ko na suot ang singsing na suot ko for the past seven years, parang malaking parte ko ang nawala. Bigla na lang akong umiyak at humagulgol ng malakas. “So… you want to try it on?” Para akong baliw dahil nang marinig ko ang tanong ni Elle ay tumigil ako sa pag-iyak at agad na tumango. *** Masakit ang ulo ko pagdilat ko. Pakiramdam ko lumulutang ako sa gitna ng dagat. Wala naman akong makita pagdilat ko. Sobrang dilim. Akala ko nananaginip pa ‘ko kaya sinubukan kong ibukas-sara ang mga mata ko. Kaya lang ay madilim pa rin. Natakot ako dahil baka nabulag na ‘ko. Sinubukan kong hawakan ang mga mata ko pero hindi ko magalaw ang mga kamay ko. Napagtanto kong nakatali ito sa likuran ko. Pati mga paa ‘ko hindi ko maigalaw. ‘Yung bibig ko may tape yata kaya hindi ako makapagsalita. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Pinakiramdaman ko kung nasaan ako. Sinubukan kong alalahanin ang nangyari kagabi. Ang alam ko… umiinom kami ni Elle… tinawagan namin si Kyle… tapos nagsukat kami ng gown. Huminto ‘yong naririnig kong tunog ng makina. Maya-maya’y may mga brasong bumuhat sa ‘kin kaya nagmistula akong sako. Parang masusuka tuloy ako dahil sa alak na nainom ko. Hindi ko alam kung saan ako dinadala nito pero hindi rin ako makapag-protesta. ‘Wag lang sana nitong ibenta ang body parts ko o ‘di kaya kakainin. Ilang sandali lang ay narinig ko ang malalim na boses ng lalaki. “Ang sabi mo sa ‘kin, babalik ka. Pero hindi mo ginawa. Ang lakas ng loob niyong padalhan ako ng imbitasyon? Tingin mo ba hindi ko magagawang tuparin ang pangako ko noon?” Ang gwapo naman ng boses nito. Papasang radio DJ. Ilang sandali lang, inalis na rin niya sa wakas ‘yong nakasuklob sa ulo ko. Nasilaw ako sa liwanag kaya kinailangan pang mag-adjust ng mga mata ko. “Akin ka lang—what the f*ck?! Who are you?!” tanong sa ‘kin ng pinakagwapong kidnapper na nakita ko. Sasagutin ko sana siya pagtanggal niya ng tape sa bibig ko, pero imbes na makapag-hello ako ng maayos ay naregaluhan ko siya ng mainit na suka.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD