Always leave an impression to be remembered.
Maraming paraan para gawin ito. Ngunit alam kong hindi kasama ang pagsuka sa lalaking ngayon mo lang nakilala.
“Sorry!” sigaw ko pagkatapos masukahan ang lalaking kaharap ko. Napapikit ako ng mariin pagkakita sa kanyang long sleeve polo na dati’y kulay puti pero ngayon cream na!
Idinilat ko ang isang mata ko at nakita ang nakalaglag niyang panga. Nagpapabalik-balik ang tingin niya sa ‘kin at sa damit niya. “Uhm, nasuka ako, if hindi pa halata,” sabi ko bago itinawa ang hiya. Nakadilat na ang mga mata ko kaya kitang-kita ko ang pagpukol niya ng matalim na tingin sa ‘kin.
“Gusto sana kitang tulungan pero nakatali ‘yung kamay ko. Kaya sorry na lang ulit,” paalala ko sa kanya bago pinuno ng hangin ang bibig ko. Hindi pa rin kasi siya kumikilos sa harapan ko kaya baka akala niya may magagawa ako.
Nakaupo ako sa buhangin, nakatali ang mga kamay sa likod, ganuon din ang mga paa ko. Para akong sirena sa harapan niya.
Sinubukan kong tingnan ang paligid – mataas ang sikat ng araw, may mga puno, buhangin, at dagat! Mukhang dinala niya ‘ko sa isang isla!
Alam kong dapat akong matakot ngayon dahil kasama ko ang isang estranghero sa isla na pwede kong maging libingan. Pero matagal na rin kasi mula noong huli akong nakapag-beach kaya tuloy nahaluan ng excitement ang pakiramdam ko.
Nawala ako sa iniisip ko nang maghubad ng polo sa harapan ko ‘yong lalaki. “Ay jusko po,” bulong ko sa sarili sabay pikit. Kung may mga kamay lang akong magagamit ay baka tinakpan ko na ang mga mata ko.
"Why the hell are you wearing that gown?"
Napadilat ako sa tanong niya. Sasagot sana ako kaya lang napalunok ako nang makita ‘yung abs niya. Ito na yata talaga ‘yung totoong six-pack abs na sinasabi nila. Paano’y palaging pinagyayabang ni Kyle ang kanya kahit hindi ko naman ito makita at makapa.
Humakbang pa papalapit sa ‘kin ‘yong lalaki kaya lalong nag-init ang mukha ko. Ang tagal ko na yatang nakatitig sa baba kaya nag-angat ako ng tingin.
Hinigit ko naman ang hininga ko nang makita ko siya sa ilalim ng sikat ng araw. Nangungusap ang mga mata niyang tila pinaghalong kulay brown at green. Medyo may kahabaan ang buhok niyang kulot, ang ilang piraso ay nakalaglag sa harap ng mukha. Malamang kung ibang lalaki ang may hairstyle tulad ng kanya, magmumukhang madungis. Sa kanya lang yata bumagay ito dahil nagmukha siyang modelo. Makapal ang kanyang kilay, matangos ang ilong, at malinis ang pagkakabawas ng bigote at balbas.
“Narinig mo ba ang tanong ko?” Nang magsalita siya ay tsaka ako bumalik sa wisyo. Masyadong halatang wala akong tinitingnang lalaki noon kaya ganito na lang ang pagkamangha ko sa itsura niya. “Bakit suot mo ang gown na ‘yan?”
Tumikhim ako bago nagsalita. “Pinasukat lang sa ‘kin ng kaibigan ko— wait nga. Kung gown naman pala ang habol mo, sana ‘di mo na ‘ko sinama.” Masyado kasi siyang concerned sa gown at ‘di siya mapakali rito. “Lasing naman ako. ‘Di ko malalaman kung hinubaran mo ‘ko,” dagdag ko pa.
Lalong lumukot ang mukha ng lalaking kaharap ko. Mukhang napasobra yata ako sa freedom of speech. Inihilamos niya ang dalawang kamay sa mukha na para bang nainis sa sinabi ko. Nag-iwas naman ako ng tingin kasi parang nagiging makasalanan ako sa pagdaan ng bawat segundo.
Alam kong dapat matakot ako sa sitwasyon ko. Pero pakiramdam ko kasi magandang pagkakataon din ito para bumuo ng ibang Wendy—syempre kung hindi ako mapapatay.
Basta habang nandito ako sa islang ‘to, pwede akong maging ibang tao. Hindi ko kailangang sundin kung sino ‘yong Wendy na kilala ng lahat sa loob ng ilang taon. In short, hindi ko kailangang maging seryoso at boring sa lahat ng oras.
Ilang sandali lang, narinig kong nagmumura ‘yung lalaki. Galit na galit siya sa ‘di malamang dahilan. Mukhang matagal-tagal pa siyang ganito.
Ayos lang sana pero nangangalay na kasi ako sa pwesto ko. Ang init pa ng buhangin. Malapit naman kami sa isang kubo kaya hindi ko alam kung bakit kami nasa labas ngayon. Kaya tuloy ‘di ko na napigilang magsalita.
“Kuya, sorry ulit ah. Mukhang matagal ka pa dyan. Baka pwedeng tanggalin mo na ‘tong mga tali ko. Hindi naman ako tatakas. Promise! Sisilong lang ako dun sa kubo,” inginuso ko ‘yong direksyong gusto kong puntahan. “Mukhang malamig kasi dun. Tsaka makikiinom na rin ako ng tubig.”
Sinubukan ko namang maging magalang, at pagtingin niya sa ‘kin ay ngumisi pa ‘ko. Kaya lang ay para siyang asong mananakmal nang lapitan ako ulit.
Bahagya siyang yumuko para maging magkalebel kami. Gamit ang isang kamay ay agresibo niyang hinawakan ang baba ko at inangat.
“Aray naman! Mapanakit lang?” komento ko, animo hindi kabado sa lalim ng tingin niya sa mga mata ko. Mukhang determinado siyang takutin ako.
“Alam mo ba ang ginawa mo?” tanong niya at umiling ako kaagad. Pinirmi naman niya ‘ko kaya napapikit ako sa sakit. Dito niya ‘ko binitawan pero hindi naalis ang seryosong tingin sa mukha ko. “Hindi dapat ikaw ang nandito ngayon.”
“Oh, eh bakit parang kasalanan ko? Ako bang kumidnap sa ‘kin?” pilosopong balik ko at nang parang umusok pa ang ilong niya ay pinagdikit ko agad ang labi ko.
Totoo naman kasi ang sinabi ko. Siya itong nagkamali tapos ngayon ibabalik niya sa ‘kin ang sisi.
Tumayo naman siya at humakbang palayo sa ‘kin. Pagkatapos ay nakita kong nilabas niya ang cellphone niya. Mukhang may tinawagan siya dahil tinapat niya ito sa tainga niya at nagsimulang magsalita. Masyado nga lang itong mahina para marinig ko.
Tumingin naman ako ulit sa paligid. Wala akong makitang ibang kubo bukod doon sa malapit sa ‘min. Wala ring ibang tao bukod sa ‘ming dalawa. May nakita akong bangka pero palayo na sa isla. Mukhang ito pa yata ang naghatid sa ‘min dito.
Ilang sandali pa’y may natanaw akong naglalakad sa tabing dagat. Nabuhayan ako ng loob at naisipang tawagin ito.
“Tulong!” sigaw ko. Ayaw kasi akong dalhin sa kubo ng kidnapper ko kaya naisipan kong humanap ng ibang gagawa nito para sa ‘kin.
Napalingon tuloy sa ‘kin ‘yong lalaki. Nagmadali siyang maglakad palapit sa ‘kin bago pa ‘ko makita ng ibang tao.
Sa wakas ay binuhat niya ‘ko. Ayon lang ay katulad kanina, parang sako pa rin ang karga niya sa ‘kin. Tuloy ay umikot na naman ang tyan ko!
“Kung ayaw mong masukahan ng round two, suggestion lang. Palitan mo ang buhat sa ‘kin o ‘di kaya paglakarin mo na lang ako,” sabi ko sa kanya at mukhang madali naman siyang kausap. Binuhat niya ‘ko na parang bride kaya nakahinga ako ng maluwag. Kulang na lang ay ipulupot ko ang mga braso ko sa leeg niya sa takot na mahulog.
Dinala niya ‘ko sa loob ng kubo. Tuloy-tuloy ang paglalakad niya kaya hindi ko nagawang ilibot ang mga mata ko ng maayos. Nakita ko lang na may sala siya at lababo. Parang sa bahay lang namin sa probinsya. Mas malaki rin ito kumpara sa inasahan ko nang makita ko kanina mula sa labas. May nakita akong dalawang pinto, pinasok namin ang isa at dito’y binato niya ‘ko sa kama.
Magsasalita pa lang ako nang lumabas na siya kaagad. Sinarado pa talaga niya ang pinto. Akala yata niya makakalabas ako ng nakatali.
Bumuntong-hininga naman ako nang maiwang mag-isa. Mga ilang beses. Gusto kong makainom ng tubig dahil tuyong-tuyo na ang bibig ko.
Hirap na nga akong makakilos dahil sa mga tali, nakadagdag pa ang suot kong gown. Kung bakit ba naman kasi sinuot ko ang gown ni Elle—
Nanlaki ang mga mata ko. Kung suot ko ang gown ni Elle… anong suot ni Elle sa kasal niya?!
Mukhang hindi pa yata matutuloy ang kasal dahil sa ‘kin!
“Kuya! Sir! Mr. Suka! Mr. Abs! Hoy!” Ilang minuto akong nagsisisigaw. Kung anu-ano ang itinawag ko sa kanya hanggang sa bumukas ulit ang pinto ng kwarto kung nasaan ako. Masama pa rin ang timpla ng mukha niya pero may t-shirt na siyang suot ngayon. Basa rin ang buhok niya dahil nakita kong tumutulo pa ang tubig galing dito. Mukhang nakapag-quick shower siya.
“Ay sana all fresh!” komento ko na lalong nagpasibangot sa kanya.
Hihingi pa lang sana ako sa kanya ng tubig pero may dala na siya. Mukhang may puso naman pala kahit papaano ang kidnapper na ‘to.
Natuwa naman ako kaya lang hindi ito malamig. “May yelo ba kayo?” tanong ko kaya tuloy iiwanan sana niya ‘ko ulit. “Ito naman hindi mabiro! Pwede na ‘yan! Pangmumog man lang.”
Lumapit siya sa ‘kin at tinapat ‘yong baso sa labi ko. Kaya lang ay medyo malayo. “Closer please,” sabi ko at mabuti ginawa naman niya. Hindi siya nakatingin sa ‘kin habag umiinom ako. Tuloy ay napasobra at nasamid ako.
Nang mahimasmasan ako ay tsaka lang ako nakapagsalita. “Thanks! Nasaan ba tayo ngayon?”
“Sa tingin mo sasagutin ko ‘yan? Kinidnap nga kita,” mariin niyang saad.
“Oo nga. Gets ko na ‘yun. Hindi naman ako aalis. Gusto ko lang malaman kung nasaan tayo. Baka pwede kong ipa-ship ‘tong gown ng best friend ko. Kaya ba ‘yun within the day?” Tingin ko kagabi ako na-kidnap. Ibig sabihin ngayong araw ang kasal.
“Best friend?” Kumunot ang noo niya. Wala yata siyang kaibigan kaya ganito na lang ang reaksyon niya.
“Oo. Best friend, bestie, matalik na kaibigan, kumare,” sunod-sunod kong sinabi bago bumuntong-hininga. “Kasal niya ngayon. Hindi ko alam kung aabot pa ‘to kapag pinadala ko. Kawawa naman ‘yung kaibigan ko. Baka hubo’t hubad ikasal wala pa ngang honeymoon.”
“Talagang ‘yan pa ang inalala mo? Baka nakakalimutan mo, nakidnap ka.”
Napairap ako sa kawalan. Paulit-ulit kasi siya. “Obvious pa? Ngalay na nga ‘ko sa pagkakatali ko eh,” reklamo ko dahil totoo naman. Masakit ang katawan ko nito pagkatapos.
Dito siya biglang lumapit sa ‘kin. Lumakas ang kabog ng dibdib ko kasi malaki ang pangangatawan niya kumpara sa ‘kin. Tapos ay matangkad pa siya. Kung 5'7" ang height ko, malamang 6-footer siya. ‘Di hamak na mas matangkad kay Kyle.
Pero hindi naman ako ‘yung Wendy na duwag at takot palagi. Kaya nag-angat ako ng tingin sa kanya. Hindi ko pinakita ang takot ko.
Dito niya pinatong ang kamay niya sa ulo ko. Akala ko kung anong gagawin niya nang iyuko niya ‘ko hanggang sa maabot niya ang tali sa likuran ko. Masakit pero tiniis ko hanggang sa makalaya na ang mga kamay ko.
“Thank you—!”
Napasinghap ako nang ihiga niya ‘ko sa kama. Pumaibabaw siya sa ‘kin. Pakiramdam ko tinakasan ako ng kaluluwa ko. “You’re not supposed to be here, but I can still use you for a few days. So, you’re not going anywhere,” malamig at malalim ang boses niya. Nanayo ang buhok ko sa braso at batok.
‘Yung takot na kanina ko pa binabalewala ay biglang bumuhos. Halu-halong emosyon ang naramdaman ko habang nakatitig siya sa ‘kin.
“Mga ilang araw ba?” halos pabulong kong tanong. Mabigat ang paghinga ko.
"You're not leaving until I say so.” Nag tooth brush pa yata siya. Ang bango ng hininga.
“Dito ba sa isla? I mean, dito ako titira sa kubo?”
"You're trapped here.”
“May kuryente at tubig ba rito?” Kumunot ang noo niya. “For sure walang WIFI dito. Pero signal ba? Ay syempre wala akong cellphone. Aanhin ko ang signal.” Inisa-isa ko sa isip ko ang mga kailangan ko sa isla.
“What the f*ck are you talking about?”
“Syempre, ang sabi mo, dito lang ako. Sana naman maayos ‘yung accommodation dito,” pagkasabi ko nito’y kusa siyang umalis sa ibabaw ko. Mukhang lalong nabwisit sa ‘kin.
Tsaka lang ako nakahinga ng maayos paglayo niya. Pinilit kong maupo. Tinanggal ko na rin ang tali sa mga paa ko habang nagsasalita. “Eh dun sa bahay ng kaibigan ko kung saan ako dapat titira, may sarili akong kwarto, doble pa nito ‘yung laki. Tapos may magandang sala, kusina—may mga katulong pa!”
Tinalikuran na niya ‘ko. Mukhang ayaw nang marinig ang himutok ko. Pero bago siya umalis ay may pahabol pa ‘ko.
“Teka lang, pwede bang magpalit ng damit? Baka madumihan ko pa ‘to lalo. Sasamahan mo pa ‘ko ipa-ship ‘to.”
“Hindi kita sasamahan kahit saan. Dito ka lang sa kwartong ‘to.”
“Paano kapag magsi-CR?”
“Dito ka lang sa kubo.”
“Okay. Madali naman akong kausap. Nadala mo ba ‘yung maleta ko? Gusto kong maligo. Ang lagkit ko na.”
Lumabas siya ng kwarto nang hindi ako sinasagot. Kaya tuloy sinigaw ko ulit ang iba’t ibang tawag ko sa kanya. Pagbalik niya’y may binato siya sa ‘kin – twalya, itim na t-shirt, at boxer shorts.
Boxer shorts!
Nalaglag ang panga ko. “Wala ka bang panty dito?” Hindi niya ‘ko sinagot kaya tuloy sumigaw pa ‘ko. “Kung nagsabi ka ng maayos bago mo ‘ko kinidnap, eh ‘di sana nakapag-empake pa ‘ko!”
Naubo pa ‘ko sa pagsigaw ko. Huli na nang mapagtanto kong wala na pala ‘kong tali. Bakit pa ‘ko sumigaw eh pwede ko nang sundan ang lalaking ‘to.
Tumayo ako dala ang mga binigay niya sa ‘kin. Pupunta sana ako sa banyo kaya sinubukan kong buksan ang pinto.
Nagulat naman ako dahil hindi pala ito naka-lock sa labas katulad ng iniisip ko. Pagbukas ko ng pinto ay wala pa ‘kong naabutang tao. Mukhang iniwan ako ng kidnapper ko sa kubo niya.
Napailing na lang ako. Mukhang first time niyang mang kidnap. Wala man lang siyang tauhan na pwedeng magbantay sa ‘kin. Paano na lang kung tumakas ako?
Dahil hindi na talaga ako kumportable sa gown na suot ko, ipinagpaliban ko na muna ang house tour at binuksan ko ‘yong pintong nakita ko katabi ng kwarto. Tama nga akong CR ito.
Wala namang ibang tao kaya sa labas ko na ng banyo hinubad ang gown na suot ko para hindi mabasa at marumihan. Pagkatapos ay nagmadali ako papasok ng banyo bago pa maabutang nakahubad.
Oo’t tinanggap ko na ang kapalaran ko. Magsusuot ako ng boxer shorts. Basta naligo muna ako para namang guminhawa ang pakiramdam ko kahit papaano. May hangover pa rin kasi ako dahil sa dami ng nainom namin ni Elle. Pakiramdam ko hinuhukay ang tyan ko. Masakit din ang ulo ko.
Habang naliligo, inisip ko naman kung ano bang nangyari noong gabing nakidnap ako. Masaya pa kaming nagkukwentuhan ni Elle noon. Tinawagan namin si Kyle at nakipag-break ako.
Napatakip ako ng bibig. I just realized that I ended my 7-year relationship through a drunk phone call! Ano na lang ang sasabihin ko sa mga magulang ko kapag nalaman nila ang nangyari? Napailing ako. Paniguradong nag-aalala ngayon ang mga magulang ko dahil nakidnap ako. Natuloy kaya ang kasal ni Elle?
Kung anu-anong tanong ang pumasok sa isip ko. Mga tanong na hindi ko naman mabigyan ng sagot. Kaya tuloy parang binibiyak ang ulo ko.
Binilisan ko na tuloy ang pagligo bago pa ‘ko mahimatay ng nakahubad.
Paglabas ko ng banyo, nagtaka ako nang mawala ‘yong gown na hinubad ko. Napangiti naman ako nang maisip na baka inayos ito nung kidnapper ko. Siguro naawa siya at ipapa-ship na talaga namin ito.
Babalik na sana ako sa kwartong pinanggalingan ko nang pagsinghot ko’y natigilan ako. Parang amoy nasusunog. Parang may nagsisiga?
Sinundan ko ang pinanggagalingan ng naaamoy ko hanggang sa makalabas ako ng kubo.
Nalaglag ang panga ko nang makitang nagliliyab ang gown ni Elle!