Hindi ko alam kung anong nangyari sa akin, basta nagising na lang ako kinabukasan ng nasa kama na ako. "Mabuti naman at gising ka na, pinag-alala mo ako kagabi. Mabuti na lang at naroroon si Clover, sa mga bisig ka niya nawalan ng malay." "B-bakit po ako nawalan ng malay?" Namamaos na tanong ko saka tinanggap ang baso ng tubig na kaniyang inabot sa akin. "Siguro'y hindi kinaya ng kalooban mo ang iyong nasaksihan, ang sabi rin sa akin ni Clover ay iyak ka raw ng iyak ng matagpuan ka niya." "May iba pa po bang nakaalam ng nangyari?" Tanong ko matapos ilapag ang baso sa side table. "Wala, pinakiusapan ko si Clover na ilihim na lang ang nangyari. Walang kamalay-malay ang ibang nasa labas." Napayuko ako at pinaglaruan ang sariling daliri. Kung gano'n ay makakahinga pa rin ako ng maluwag.

