Prologue: The Night It Broke
Malamig ang ulan, pero mas malamig ‘yung pakiramdam ng maloko.
Basang-basa ako. Hindi lang sa ulan—kundi sa katotohanang ako lang pala ang seryoso. Ako lang pala ang nagplano. Ako lang pala ang naniwala sa “habambuhay.”
Sa harap ko, sa likod ng bintanang basang-basa ng ambon, nando’n siya. Si Vincent. Nakangiti, masaya, tila walang kasalanan. Kasama ang isang babaeng hindi ako. Hawak niya ang kamay nito, at pinunasan pa ang labi ng tissue. Gano’n siya ka-sweet. Gano’n siya ka-ayos… habang ako, nakatayo sa labas, tinutulungan ng langit na umiyak.
“Perfect timing,” bulong ko. “Thank you, universe.”
Hindi ko na alam kung ilang minuto akong nakatitig. O kung bakit hindi ko siya nilapitan. Siguro kasi alam ko na ang sagot kahit wala pang tanong. Siguro kasi kapag binigkas niya ang totoo, mas masakit pa.
At siguro, kasi ang pinakaayaw ko… ay hindi ‘yung nawala siya. Kundi ‘yung niloko niya ako habang hinahayaan kong mahalin siya ng buo.
Bumalik ako sa kalsada. Wala na akong pakialam kung madulas man ako sa lakas ng ulan, o kung may sasakyan mang sumagasa sa akin. Hindi ko na rin ramdam kung nanginginig ako sa ginaw o sa galit.
Hanggang sa may humintong sasakyan sa harap ko. Mabagal. Maingat.
Bumukas ang pinto. Isang pamilyar na silhouette ang lumitaw. Hindi siya nagsalita. Hindi rin ako.
Pero sa mga mata niya… ramdam ko ang awa, ang pag-aalala.