Hindi ako sanay sa ganitong katahimikan.
Kahit sa loob ng sarili kong isip, parang ang ingay. Sobrang ingay. Paulit-ulit ‘yung tanong na ayaw kong sagutin: “Bakit hindi si Vincent ang naiisip ko?”
Sa tuwing naiisip ko ‘yung gabing kasama ko si Liam — ‘yung malamig na gabi pero mainit ‘yung pakiramdam ng hindi ko kailangang magsalita — parang mas lalong nagiging magulo ang lahat.
Hindi ba’t siya ‘yung tipong walang pake? Tahimik. Laging seryoso. Laging parang busy. Pero bakit siya ang unang dumating nung wasak na wasak ako?
“Girl, seriously,” bungad ni Mira habang abalang nag-aayos ng mga giveaways. “Naglalakad ka na parang naka-daydream. Tapos tulala ka sa tulips. May mali.”
“Ano na naman?” balik kong tanong habang nagpapanggap na hindi apektado. "Eh, ano kung nakatingin ako dito sa tulips? Iniisip ko lang naman na paborito ko 'to. Ito dapat ang gamitin ko sa kasal, right?"
“Tulips ba talaga? As in white tulips? Hala, parang hindi naman. Ikakasal ka ba o mai-in love ka sa background character?”
“Background character?” Napataas ako ng kilay.
"Oo, si Vincent 'di ba ang bida at si Liam na tahimik ang second lead. Alam mo naman sa mga K-drama. Sa last five episodes sumisingit ang second lead."
Napailing ako. “Ang dami mong alam.”
“Pero aminin mo. Medyo kinikilig ka.”
“HINDI.”
“Pero hindi mo rin dini-deny.”
I hate that she’s not entirely wrong.
Later that day, habang nasa catering meeting ako, tinawagan ako ng planner. Kulang daw ang ribbons sa souvenir box. Mira was supposed to pick it up, pero may emergency sa bahay nila. Kaya ako na lang ang pinapunta sa supplier. Wala akong gana, pero wala ring choice.
Pagdating ko sa maliit na shop, inabot na ng hapon. Konti na lang ang tao. Tahimik. Sobrang tahimik.
“Miss Jennifer?” tawag ng staff habang inaabot sa’kin ang kahon ng ribbons.
“Yup. Ako po.”
Kinuha ko na ang box at nagpasalamat. Akma na akong lalabas nang may bumulaga sa likod ng glass door.
Si Liam.
Literal na natigilan ako. Parang may invisible wall na biglang humarang sa daan ko. Nakatayo lang siya roon, hawak ang phone, parang may tinext. Naka-formal na naman. Dark gray long-sleeves, sleeves rolled up. Relaxed pero may authority. Hindi siya kausap ng staff. Hindi rin siya mukhang dumaan lang.
Nagkatinginan kami. Wala siyang sinabi.
Ako? Napatayo lang ro’n. Parang tanga.
Maya-maya, siya na ang unang lumapit.
“Do you need help with that?” tinutukoy niya ang box na hawak ko. Hindi siya nakangiti, pero hindi rin malamig. Steady lang.
“Ah, no. I mean… okay lang. Magaan lang naman ‘to.”
Tumango siya. Hindi pa rin umaalis.
“Saglit lang ako rito. May kakausapin lang. Akala ko ikaw ‘yung staff.”
“Talaga?” Napa-smile ako kahit ‘di ko sadya. “Mukha ba akong staff?”
“Hindi naman.” May konting ngiti sa sulok ng labi niya. Parang hindi sanay, pero sincere.
Tahimik kami ulit.
“Kumusta na pala si Vincent?” tanong niya bigla.
Napakagat ako sa labi ko. Hindi ko alam ang isasagot. Gusto kong magpakatatag, pero ang sakit pa rin kahit ayoko nang aminin.
“Okay naman,” sabi ko. “Busy. As always.”
Tumango lang siya. Pero ramdam kong may gusto pa siyang itanong. O baka ako lang ‘to, feelingera.
“Jennifer.”
Napatingin ako sa kanya. Hindi pa rin siya tumitingin nang diretso. Parang may kinukumbinse sa sarili bago magsalita.
“Kung kailangan mo ng tulong... kahit hindi ko alam kung paano... you can ask.”
Muntik na akong hindi makahinga.
Wala akong masabi. Wala akong alam kung anong sasabihin. Kasi hindi ‘yon 'yung klase ng alok na pangkaraniwan lang. ‘Yung tono ng boses niya… tahimik pero totoo.
“Thanks,” bulong ko.
Tumango lang siya, tapos tumalikod na. Iyon na ‘yon. Simple. Walang drama. Walang music. Walang malalalim na tingin.
Pero bakit parang ‘yon na ang pinaka-maingay na katahimikan na narinig ko sa buong buhay ko?