May 27, 2020
Plane going to Puerto Prinsesa
1:00 AM
Isang oras na ang nakalilipas simula nang mag-take off ang eroplano na sinasakyan nina Claire at Ryan. Naka-Dim ang ilaw sa loob nito. Tanging mga maliliit na ilaw lamang ang mga nakasindi upang bigyan ng pagkakataon ang mga pasahero na ma-enjoy ang view sa ibaba. Malinaw na matatanaw mula sa maliit na bintana ang kalupaang bahagi ng Palawan. Pinatingkad ito ng ilang mga street lights na mistulang maliliit na bituin na nahulog sa ibaba. Magiliw na tiningnan ito ng ilang pasaherong naka pwesto sa tabi ng mga bintana, habang ang ilan naman ay ginamit ang pagkakataong iyon para makapagpahinga at makatulog.
Samantala, tahimik lang na sinusulyap-sulyapan ni Ryan ang ubod nang among mukha ni Claire habang mahimbing sa pagkakatulog nito. Kung gaano na katagal ang airplane na nakalutang sa ere ay ganoon na rin katagal ang itinulog ni Claire. Hiluhin kasi siya sa biyahe kaya naman pinilit niyang makatulog agad nang mahanap nilang dalawa ang designated seats nila kanina.
Banayad lamang ang takbo ng eroplano at sobrang lamig kaya naman halos mahulog na si Claire sa kanyang kinauupuan sa sarap ng kanyang tulog. Mabiti na lamang at hindi nalimutan ni Claire na mag-seatbelt bago pa siya tuluyang makatulog.
Sa isang kurap ay naramdaman ni Ryan na bumigat ang kanyang kanang balikat. Nang kanya itong lingunin ay nasorpresa siya sa kanyang napagmasdan. Si Claire ay walang kamalay-malay na nai-hilig ang kanyang ulo sa balikat ni Ryan.
Napangiti si Ryan habang pinagmamasdan ang kanyang best friend sa pagkakasandal nito sa kanya. Tinitigan niyang mabuti ang mukha nito. Sa tagal-tagal nilang magkasama ni Claire, ngayon lang yata niya nakita ang mukha ni Claire nang ganoon kalapit. Sinimulan niya ang pagtitig mula sa noo nito, pababa ng kanyang mga mata. Napansin niya na natural pala ang pagkaka-curl ng pilik-mata nito.
Ipinagpatuloy niya ang pagsipat sa mga detalye ng mukha ni Claire hanggang sa mapako naman ang kanyang atensyon sa pisngi nito. Ito ay mamula-mula na tila nilagyan ng blush-on. Ngunit kilala niya si Claire na hindi talaga mahilig mag-make up. Naglalagay lamang ito kapag talagang kailangan, kapag may mga mahahahalagang okasyon siyang pupuntahan at kapag sila ay nagsu-shoot ng kanilang Travel Vlogs.
Sunod naman niyang pinagmasdan ang mga labi nito. Makapal ang mga labi niya at natural ang pagkapula, anupa’t hindi na niya kailangan pang gumamit ng lipstick.
Sa ‘di maipaliwanag na dahilan ay bigla na lang naramdaman ni Ryan ang pagbilis ng t***k ng kanyang puso habang nakatuon lang ang kanyang dalawang mata sa dalaga.
“Ganito ka pala kaganda, Claire.” Bulong ni Ryan sa dalagang katabi niya na sa mga sandaling iyon ay sobrang himbing pa rin sa pagkakatulog.
“Ladies and gentlemen, we are now entering a zone of turbulence. Please be seated and keep your seat belts fastened. Thank you.” Pagbibigay-babala ng piloto ng sinasakyan nina Claire at Ryan na eroplano.
Agad namang naramdaman ng lahat ng mga pasahero ang dahan-dahang pag-ugoy ng eroplano na animo’y dumaan sa malubak na kalsada sa lupa.
Napansin ni Ryan na unti-unting nahuhulog ang ulo ni Claire mula sa pagkakasandal nito sa kanyang balikat. Ngunit kataka-takang kahit sige lang sa pag-ugoy ang sinasakyan nilang eroplano ay hindi nito magawang sirain ang tulog ng dalaga, kahit na nga halos malaglag na ito sa kinauupuan.
Hindi na matiis ni Ryan ang kanyang nakikita.
“Pambihira ‘tong babaeng ‘to. Tulog-mantika kung matulog. Walang pinipiling lugar, kahit pa airplane. Basta tinamaan ng antok, matutulog at matutulog talaga.” Wika ni Ryan sa kanyang sarili kasabay ng kanyang malalim na paghinga.
Agad na idinipa ni Ryan ang kanyang kanang bisig at saka paakbay na inilapit si Claire sa kanya. Inihilig niya ang ulo ng dalaga sa pagitan ng kanyang leeg at balikat para magsilbing unan nito. Hindi niya inialis ang pagkakaakbay kay Claire upang mapanatili lang niya ang dalaga malapit sa kanya. Ginawa niya ito nang walang pag-aatubili upang maiwasan ang pagkaka-untog ng ulo ni Claire sa anumang bahagi ng eroplano habang hindi pa tumitigil ang pag-ugoy ng kanilang sasakyan.
Ilang minuto rin ang itinagal ng pag-ugoy ng eroplano dulot ng pagdaan nito sa turbulence.
“Flight attendants, prepare for landing please. Cabin crew, please take your seats for landing.” Malumanay na announcement ng piloto ng eroplano.
Ilang saglit pa ay pinagliwanag ng piloto ang buong eroplano. Binuksan ang mga ilaw sa aisle, hudyat ng paghahanda para sa nalalapit nilang paglapag sa lupa.
Ipinasya ni Ryan na putulin na ang masarap na tulog ni Claire. Tinapik-tapik niya ang kanang balikat nito gamit ang kanyang kanang kamay na nakaakbay pa rin sa kanya.
“Bes? Bes?” Pag-gising nito kay Claire.
‘Di rin nagtagal ay unti-unting nagising ang tulog-mantikang si Claire. Humalinghing pa ito nang kaunti habang iminumulat nang bahagya ang kanyang mga mata.
“We’re landing.” Bulong sa kanya ni Ryan.
“Are we?” Tanong ni Claire habang kinukusot ang kanyang mga mata. Halos hindi nito lubusang maimulat ang mga mata dahil sa liwanag ng paligid.
“Yep.” Mabilis na tugon ni Ryan.
Agad na iniayos ni Claire ang kanyang pag-upo habang unti-unti nilang nararamdaman ang pagbaba ng kanilang sinasakyang eroplano. Pasimpleng sinusulyapan ni Claire si Ryan. Tila ngayon lang nag-sink in sa kanya na buong biyahe pala siyang tulog. At hindi lang ‘yun. Nakatulog pa pala siya sa balikat ng best friend niyang si Ryan.
Nakaramdam siya nang kaunting hiya at naramdaman niyang uminit ang kanyang magkabilang pisngi.
“Oh, my! Nakatulog ako sa balikat niya. Ano kayang ginagawa niya habang nakasandal ako sa kanya? Tinititigan niya kaya ako habang natutulog ako? Shocks. Hindi ko mabasa kung anong nasa isip niya.” Bulong ni Claire sa kanyang sarili habang palihim na pinagmamasdan ang mukha ni Ryan. Si Ryan naman ay bahagyang nakangiti at deretso lang ang tingin habang hinihintay niyang maramdaman ang paglapag ng gulong ng eroplano sa runway ng airport.
Lumakas ang pintig ng puso ni Claire. Ngunit ginawa niya ang lahat para hindi mahalata ni Ryan ang namumuong tensyon sa kanya.
Hindi na rin nagtagal ay tuluyan na ngang nakapag-Landing ang eroplano.
“Ladies and gentlemen, we have just been cleared to land at Puerto Prinsesa International Airport. Please make sure one last time your seat belt is securely fastened. Thank you...” muling pag-a-announce ng piloto. Nanatiling nakaupo ang lahat ng pasahero habang hinihintay na huminto ang eroplano sa dropping point ng airport at tuluyan silang pababain ng mga Cabin Crews.
Napalingon si Ryan kay Claire na sa mga oras na iyon ay nakapikit. Bahagyang nakakunot ang kanyang noo na parang may malalim na iniisip.
“Hindi ka pa rin talaga nagbabago.” Patuyang sabi ni Ryan.
Biglang napamulat si Claire at nakita niya si Ryan na nakangiti sa kanya.
“W-What do you mean?” Tanong niya.
“Takot ka pa rin sa kahit na anong rides at heights!” Mabilis na tugon ni Ryan.
Buong akala ni Ryan ay iyon lang talaga ang dahilan kung bakit nakita niyang nakapikit si Claire habang nagla-landing ang eroplano. Ang hindi niya alam ay may mas malalim pang bagay ang gumugulo sa isipan ni Claire. Ngunit, kinuha na rin ni Claire ang pagkakataong iyon para maitago niya ang dilemma na kanyang nilalabanan sa kanyang loob.
“H-Hoy! Anong hindi nagbago? FYI lang, hindi na ako takot sa heights! At kaya ko nang tumagal sa biyahe nang hindi...” Hindi natapos ni Claire ang kanyang sinasabi. Dinugtungan na ito ni Ryan na tila alam niya kung ano ang tinutukoy ng dalaga.
“Nang hindi sumusuka?” Natatawang sambit ni Ryan.
“Oo! Hindi na ako sumusuka, ‘no.” Mabilis na tugon ni Claire. Inirapan niya ang tumatawang si Ryan. Bigla na naman niyang naramdaman ang bahagyang pag-init ng kanyang mga pisngi. Iniwas niya pa lalo ang kanyang paningin sa binata. Nailang siya lalo habang tila may naalala siyang pangyayari sa nakaraan.
“Hay, naku. Hanggang ngayon hindi ko pa rin makalimutan ang moment na ‘yun.” Patuloy na pang-aasar ni Ryan habang umiiling-iling pa.
“Naku, kung ano man ‘yang nasa isip mo, ‘wag mo na ituloy i-kuwento. Sasamain ka talaga sa akin!” Pabirong pagbabanta ni Claire. Nag-gagalit-galitan siya sa pag-aakalang mapapatigil niya sa pang-aasar ang matalik niyang kaibigan. Ayaw na niya kasing maalala pa ang kahihiyang inabot niya sa harapan ni Ryan ilang taon na ang nakalilipas. ‘Pag ‘di niya napigilan si Ryan sa pang-aasar nito, sigurado siyang hahantong ang kanilang usapan sa pagbabalik ni Ryan ng nakakahiyang pangyayaring iyon.
***