September 12, 2008
Enchanted Kingdom
11:45 AM
Dalawang oras na mahigit ang nakalilipas mula nang makapasok na nang tuluyan sina Ryan at Claire sa loob ng Enchanted Kingdom. Manghang-mangha sila, hindi lang sa dami ng mga rides na puwede nilang masubukan, kundi pati na rin sa landscape ng buong paligid. Kasama ng ilan pa nilang mga kaklase, sinubukan nila ang ilang mga rides katulad ng Jungle Log Jam, Rio Grande Rapids, At Bump Car. Katatapos lang din nilang sakyan ang Anchor’s Away, kung saan halos mahimatay si Claire sa sobrang kaba at takot habang paulit-ulit silang animo’y ibinabalibag sa hangin.
“Ano, Claire, okay ka lang ba? Kaya pa ba? Tara isa pa!” Pang-aasar ni Ryan kay Claire pagkababang pagkababa nila.
“Naku, tumigil ka nga d’yan! Halos humiwalay na nga ‘yung kaluluwa ko sa katawan ko!” Mabilis na tugon niya habang nakayukong nakakapit sa magkabilang tuhod. Si Ryan naman ay tawa lang ng tawa dahil sa napansing pamumutla ni Claire.
“Ang sarap kaya! Para tayong lumilipad!” Ani Ryan. Ano, tara isa pa!” Patuloy na pangungulit ni Ryan.
“Mag-isa ka!” Nakataas ang kilay na sambit ni Claire habang unti-unting ibinabangon ang kanyang katawan sa pagkakayuko.
“Joke lang. Ikaw naman ‘di ka na mabiro. Alam ko naman halos mahimatay ka na sa ride na ‘yan. Pero, warm-up pa lang ‘yan! Mamaya sa pinaka-extreme na rides tayo sasakay!” Aniya.
“Saan naman ‘yun?” Nagtatakang tanong ni Claire.
“Saan pa nga ba? ‘Eh ‘di doon, oh!” Bulalas ni Ryan habang itinuturo sa bandang itaas ang Space Shuttle na ilang metro ang layo sa kinaroroonan nila ngunit tanaw na tanaw pa rin nila at rinig na rinig ang hiyawan ng mga taong nakasakay roon. Saktong pagkaturo ni Ryan ay biglang dumaan ang tren sa inverted na riles nito.
“What? Seryoso ka d’yan, Bes? Sasakyan talaga natin ‘yan? Naku, ikaw na lang! Feeling ko hindi ko hindi ko na yata kakayanin pa ang ride na ‘yun! Dito pa nga lang sa barkong umuuga, parang bumabaligtad na ang sikmura ko. Doon pa kaya sa ride na literal kang ibabaligtad? Naku! Iba na lang isama mo dyan!” Mariing pagtanggi ni Claire.
“Ano ka ba, bes! Safe naman d’yan for sure! ‘Tsaka, minsan talaga kailangan nating maka-experience ng mala-life and death situation. Para may thrill!” Patuloy na panghihimok ni Ryan sa kaibigan. “Huwag ka mag-alala. May kasama naman tayo sa pagsakay. Isasama natin ‘yung iba ko pang mga kabarkada. Para hindi ka mahiyang sumigaw kapag hindi mo na kaya ang kabog ng dibdib mo.” Ani Ryan.
Nang marinig ito ni Claire ay bahagya na naman siyang natigilan. Hindi pa rin niya lubos na ma-figure-out kung ano ang magiging reaksyon sa kanya ng mga kabarkada ni Ryan. At lalong hindi rin niya maisip kung bakit tila yata masyado siyang conscious sa kung ano ang maaaring isipin nila sa kanya.
Maya-maya ay biglang naramdaman ni Ryan na nag-vibrate ang kanyang cellphone na nasa kanyang bulsa. Agad niya itong inilabas. Tumatawag pala si James. Bahagya siyang lumayo kay Claire at saka sinagot ang tawag.
***
Ryan: Hello, bro! What’s up?
James: Heto, kasama na namin ni Nick si Iya. ‘Asan ka na ba?
Ryan: Kakababa lang namin sa Anchor’s Away. Magla-lunch na ba tayo?
James: Oo bro. Almost twelve na kaya. Nandito kami ngayon sa may Foodcourt malapit sa Space Shuttle.
Ryan: Ah, gano’n ba? Sige. Punta na rin kami dyan ng kaibigan ko. Hintayin niyo na kami. Sabay-sabay na tayong mag-lunch.
James: Sige bro. Excited na kaming tatlo makilala ‘yang chiks mo.
Ryan: Sira ka talaga. She’s not my Girlfriend, okay?
James: Yet. Doon din naman pupunta ‘yan kalaunan.
Ryan: Whatever, bro. Basta ha? Give her a warm welcome sa barkada.
James: Sure bro. No problem.
Ryan: Alright!
James: Sige na bro. O-order na kami dito ng food.
Ryan: Idamay niyo na kaming dalawa sa order niyo. Bayaran ko nalang pagdating dyan.
James: Okay bro. Bilisan niyo. Bye na.
Ryan: Bye!
***
Pagkababa ng tawag, agad na lumakad si Ryan palapit kay Claire na sa mga sandaling iyon ay napaupo muna sa isang gilid.
“Bes, let’s go?” Ani Ryan.
“Saan naman tayo pupunta? Huwag mong sabihing pipilitin mo na naman akong sumakay d’yan sa nambabalibag na barko na ‘yan?” Sagot niya. Nakataas ang isang kilay nito na nakatingin kay Ryan.
“Don’t worry. Hindi na mhna kita pasasakayin d’yan. Mamaya na tayo ulit magra-rides, okay? For now, kain muna tayo.” Masiglang wika ni Ryan.
Biglang umaliwalas ang mukha ni Claire pagkarinig nito. Tinignan niya ang kanyang relo at mabilis na tumayo.
“Alas-Dose na pala nang tanghali. Kaya pala kumakalam na ang sikmura ko! Ikaw naman ‘di mo naman sa akin sinabi agad na kakain na pala tayo! Nasungitan pa tuloy kita.” Wika ni Claire habang bahagyang napangiti.
“E ikaw lang naman, e. Hindi mo ‘ko pinatapos sa sasabihin ko.” Tugon niya.
“Alright. Saan pala ang kainan dito?” Pang-uusisa ni Claire habang hinihimas-himas na ang kanyang tiyan.
“May Foodcourt malapit sa may Space Shuttle.” Mabilis na tugon ni Ryan.
“Ano pa’ng hinihintay natin? Let’s go!” Sambit ni Claire.
Agad nga silang naglakad palapit ng Foodcourt. Mga dalawang minuto lang ang nakalipas ay tanaw na nila sa ‘di kalayuan ang sunod-sunod na mga food stalls. Ilang metro pa ang layo nila ngunit unti-unti na nilang naaamoy ang sari-saring mga pagkain na mabibili doon.
“Nakakagutom naman dito!” Sambit ni Claire habang nakapikit pang nilalanghap ang kaaya-ayang amoy ng mga pagkain na dinadala ng hangin.
Hindi nag-react si Ryan sa ipinakitang pananabik ni Claire. Bagkus ay kinuha na niya ang pagkakataong iyon para ipaalam kay Claire ang nalalapit na pagpapakilala niya sa kanya ng iba pa niyang mga kabarkada.
“Hindi na talaga ako makapaghintay na ma-meet mo sila!” Aniya.
Dahan-dahang nagbago ang awra ng mukha ni Claire.
“W-What do you mean?” Tanong niya. Tumigil siya sa paglalakad at napatingin lang kay Ryan.
Agad namang tumigil din si Ryan sa paglakad at humarap kay Claire.
“This is it, Claire. Makikilala mo na ‘yung mga kaibigan ko na malaki rin ang naging bahagi ng buhay ko, tulad mo.” Ani Ryan.
“S-Sigurado ka bang okay lang sa kanilang kasama mo ako? At saka, hindi ko kasi alam kung magugustuhan ba nila akong kaibiganin din.” Sambit ng nagugulumihanang si Claire.
“Ano ka ba? Bakit mo ba iniisip ‘yung mga bagay na ‘yan? Kung naging ka-close kita, malamang, magiging ka-close ka rin nila. Sigurado ako tatanggapin ka nila nang buong buo sa barkada. Just be yourself, okay?” Aniya.
***
“N-Nick? J-James? Kayo ba ‘yan?” Bulalas ni Claire. Nanlaki ang kanyang mga mata dahil sa labis na pagkagulat.
“Yeah. Wala na ngang iba!” Mabilis na sagot ni Nick. Nakangiti pa rin ito at halos hindi ialis ang mga mata sa gulat na gulat na si Claire.
“Unbelievable!” Ito na lang ang nasambit ni Claire sa pagkabigla. “Who would’ve thought na kaibigan niyo pala itong si Ryan?” Dugtong niya.
“Teka, teka, teka.” Sabat ni Ryan. “So, magkakilala kayo? Tanong niya.
“Oo, bro!” Siya yung kinuwento namin sa inyo 2 years ago. Siya ‘yung batang nakilala namin noong Grade 5 pa lang kami ni Nick sa may playground.” Pagkukuwento ni James.
“Wait, kwinento niyong dalawa ‘yung pangyayaring ‘yon? Grabe kayo sa’kin!” Sambit ni Claire. Bahagyang namula ang kanyang dalawang pisngi dahil sa hiyang nararamdaman niya. Wala namang paglagyan ang tawa nina James at Nick. Hindi pa rin sila makapaniwala na ang ipapakilalang best friend ni Ryan ay matagal na rin pala nilang nakilala ilang taon na ang nakararaan.
Biglang hinarap ni Ryan si Claire. Nakangiti siya habang unti-unting inilalagay ang kanyang braso sa balikat ni Claire.
“So... ‘yung babaeng pinagtanggol nila James at Nick noon sa mga batang lalaking nambu-bully sa playground, ikaw ‘yun? Ikaw talaga ‘yun?” Muling pagkukumpirma ni Ryan sa kaibigan.
Labis-labis ang hiyang nararamdaman ni Claire nang mga sandaling iyon. Halos hindi niya matitigan nang deretso sa mata ang matalik niyang kaibigan.
“Ah...eh...” Hindi malaman ni Claire kung paano ba niya sasagutin ang tanong sa kanya ni Ryan.
“Naku, huwag mo na kasing itanggi, Claire! Ikaw nga ‘yon! Ikaw ‘yung babaeng pagkatapos naming iligtas sa pambu-bully ng mga pasaway na batang ‘yun ‘e agad ding tumakbo! Ni hindi man lang nagawang magpasalamat sa kabutihang loob na ipinamalas namin sa kanya.” Patuloy na panunuya ni Nick.
“Tinatanong lang naman namin kung anong pangalan mo. Hindi ka naman namin aanuhin, pero imbes na sagutin ang tanong namin, bigla ka nalang kumaripas ng takbo! Mabuti na lang at nahulog mo ang School ID mo. Kaya nalaman namin ang buong pangalan mo.” Dagdag na kuwento ni James.
“Para hindi ka namin makalimutan, binigyan ka namin ng bansag. ‘Shy Girl’ ang tawag namin sa ‘yo kasi sa sobrang hiya mo, kahit simpleng pasasalamat sa amin, ‘di mo nagawa.” Patuloy na panunuya ni Nick.
Dahil sa kanyang mga narinig, mas lalong kumabog ang dibdib ni Claire. Ngunit hindi na niya kaya pang hindi magsalita ngayon. Kaya nahihiya man ay hindi na rin napigilan pa ni Claire ang kanyang sarili na hindi sagutin ang nang-aasar sa kanyang sina Nick at James. Huminga siya nang malalim at saka nagsimulang magpaliwanag.
“Oo na. Ako nga ‘yung babaeng ‘yon. At huwag kayong mag-alala dahil maski ako ay nainis sa sarili ko ‘nun. Hay naku. Ayaw ko na ngang maalala ‘yun, e! Sobrang nakakahiya ng ugali ko back then! I’m so sorry!” Nakayukong sambit ki Claire. Hindi niya alam kung ano ang kahihinatnan ng napaka-awkward na sandaling iyon. Basta ang inisip na lang niya ay kung ano ang tamang gawin.
Nagkatinginan sina Nick at James. Nawala ang pagka-sarcastic na awra ng kanilang mukha at tila nababasa nila ang isip ng bawat isa.
Agad na inihakbang ni Nick ang kanyang mga paa palapit sa kinauupuan ni Claire at bahagyang yumuko upang magpantay ang kanilang mga ulo. Magiliw niyang tinitigan si Claire na sa mga sandaling iyon ay wala pa ring lakas ng loob na sila’y tingnan nang deretso.
“Well, I guess... destiny has brought us all here together. Pinag-krus muli ang ating mga landas. Let’s be friends, officially.” Masiglang sambit nito.
Nagulat si Claire sa kanyang narinig. Ang buong akala niya’y totoong galit sina Nick sa kanya dahil sa hindi magandang nangyari sa pagitan nila noong una nilang pagtatagpo.
Dahan-dahan niyang iniangat ang kanyang nakayukong ulo at agad na namasdan ang nakangiting si Nick. Naka unat ang mga braso nito sa harapan at akmang makikipag-kamay sa kanya.
Hindi agad nagawang iabot ni Claire ang kanyang kamay. Sa halip ay sinubukan niyang iiwas ang kanyang paningin sa lalaking nasa harapan niya. Agad siyang sumulyap sa paligid. Lumingon siya sa kaliwa at sa kanan sa pag-asang kahit paano ay maiibsan ang kabog ng dibdib na kanyang nararamdaman at unti-unting makaipon ng lakas ng loob para muling kausapin si Nick. Ngunit, pinalibutan na pala siya ng buong barkada. Magkakaakbay na nakapalibot sina Ryan, Iya at James. Kitang-kita sa mukha nilang tatlo ang saya na kanilang nararamdaman dulot na rin ng nakaka-amaze na coincidence na nangyari sa kanila.
“Don’t leave me hanging here.” Pabirong sambit ni Nick na sa mga sandaling iyon ay naghihintay pa rin na kamayan siya ni Claire.
Tila pansamantalang tumigil ang oras kay Claire at nagawa pa niyang kausapin ang kanyang sarili. Sa kanyang pakikipag-usap sa sarili ay unti-unti na rin niyang napagtatanto ang katotohanan sa kung anong klaseng kaibigan mayroon ang kanyang best friend na si Ryan.
“T-Totoo ba ‘tong nakikita ko? Ganito talaga ako ka-welcome sa kanila? Ngayon naiintintindihan ko na kung bakit ganoon nalang kung pahalagahan ni Ryan ang mga kaibigan niyang ito. Para na nga talaga silang isang pamilya. S-Sino ako para maging hesitant sa kanila? I want to be one of them.” Aniya sa kanyang sarili.
Sa wakas tinapos na ni Claire ang matagal na paghihintay ni Nick. Kinamayan niya ito at magiliw na nginitian.
“Alright. Let’s be friends from now on.” Sambit ni Claire.
“Welcome to the family, Shy Girl, este, Claire.” Tuwang-tuwang pagbati ni James sa kanya.
“H-Hindi ba kayo galit sa akin? Dahil hindi man lang ako nakapagpasalamat sa ginawa niyong pagtatanggol sa akin noong binu-bully ako ng mga batang lalaking ‘yun noon?” Pagtatanong ni Claire.
Nagkatinginang muli sina James at Nick nang marinig ang tanong ni Claire.
“Ano ka ba, Claire. We’re not the type of people na mabilis magalit sa mga bagay-bagay. At saka, wala ka namang ginawa sa amin para magalit kami sa ‘yo. ‘Yun nga lang, wala ka nga lang ding ginawa noon para matuwa kamo sa ‘yo.” Pabirong sambit ni James. Tumingin siya kay Nick at muli na naman silang naghagikgikan.
“A-Ah, gano’n ba? ‘E kasi...” ani Claire.
Hindi na natapos ni Claire ang gusto niyang sabihin nang biglang umentra sa usapan si Iya.
“Claire. Masanay ka na sa amin, alright? Lalo na d’yan sa dalawang ‘yan. Mahilig talaga mang-trip ‘yang mga ‘yan. Basta, kapag from now on, kasama ka na sa circle of friends namin. Kaya alisin mo na ‘yang nararamdaman mong hiya. Okay?” Aniya sabay kindat kay Claire.
“Itong dalawa naman kasi, akala mo naman talagang big deal ‘yung nangyari few years ago.” Sabat ni Ryan habang nakikisabay din sa tawanan ng dalawa niyang kaibigan.
“Aba! Big deal ‘yun, no? Du’n kaya namin napatunayan na mga superheroes kami! Na hindi kami natatakot humarap sa mga sisiga-siga d’yan sa daan, para lang maipagtanggol ang mga naaapi!” Sambit ni James habang nag-aaktong lilipad na parang si Superman. Nasa ganoon siyang posisyon nang bahagya siyang itulak ni Nick, dahilan para mawalan ito ng balanse at unti-unting masubsob sa mesa ng umbrella, anupa’t muntik pa niyang madaganan ang mga pagkaing in-order nila. Hindi mapigilan ng lahat ang malakas na paghalakhak sa mga nasaksihan.
“Tigil mo na nga ‘yang kalokohan mo, James!” Sambit ni Iya.
“Mabuti pa nga’t kumain na tayo at talagang nagugutom na ako!” Ani Nick.
Dali-dali silang umupo nang paikot sa umbrella at agad na ring sinimulan ang pagkain. Habang kumakain ay hindi sila magkandamayaw sa pagku-kuwento ng mga naranasan at naramdaman nila habang sumasakay sa iba’t ibang klaseng rides sa lugar na iyon.
Samantala, napansin si Ryan na tahimik lang na nakikinig si Claire sa mga kuwento nila. Pinagmasdan niya ang mukha nito. Hindi niya maitago ang galak sa puso nang masilayan niya ang bahagyang pagngiti ng kanyang matalik na kaibigan habang kumakain at nakikisama sa barkada niya.
“Bes, ano, ayos ba?” Bulong ni Ryan.
“O-Oo naman, Bes! Napaka-welcoming ng kabarkada mo. Thank you sa pagpapakilala mo sa akin sa kanila.” Pabulong na sagot niya.
“Sabi ko naman sa ‘yo, ‘e. Hindi ka mahihirapan na maging close ‘tong mga ‘to.” Ani Ryan. Pabulong pa rin ang pagbigkas niya upang hindi marinig nang mga kasama nila. “Again, welcome to the family!” Dugtong niya habang bahagyang inakbayan ang dalaga.
***