Wala na ngang nagawa pa si Claire kundi unti-unting pahupain ang kabang kanyang nararamdaman dala ng planong pagpapakilala sa kanya ni Ryan sa iba pa nitong mga kabarkada. Kahit naman kasi tumanggi siya ay hindi naman na niya mapipigilan ang mga pangyayaring tila itinakda na ng pagkakataon.
“Bakit ba kasi ako kinakabahan nang ganito? Ipapakilala lang naman niya ako sa mga kaibigan niya. Dahil ba sa sinabi niya na itinuring na niyang pamilya ang mga ‘yun? Pero kahit na. Kung gayon nga, ‘e ano naman sa akin? Kaibigan ko lang naman si Ryan at wala naman akong naiisip na ibang rason kung bakit kailangan kong makaramdam nang ganito. Hay, ewan.” Sambit ni Claire sa kanyang sarili. Pinagsikapan niya na hindi ipahalata kay Ryan ang malalim nitong iniisip kaya hindi siya nagpakita ng kahit na anong emosyon sa kanyang mukha. Bagkus ay sinabayan lang niya ang paglalakad nito papasok ng Foodcourt.
Samantala, nakahanap na ng puwesto si Iya kung saan sila maaaring magsalu-salo sa pananghalian. Sinigurado niya na may mauupuan silang apat na magkakaibigan, kasama ang espesyal ipapakilala ni Ryan na si Claire. Si James at Nick naman ay nagpaiwan sa food stall para pagtulungang bitbitin ang mga in-order nilang pagkain.
Ilang saglit pa ay natanaw na ni Iya si Ryan sa ‘di kalayuan. Agad din niyang napansin ang babaeng kadikit ng kaibigan habang naglalakad papasok ng Foodcourt. Kinawayan niya ang dalawa upang hindi na sila mahirapan pang hanapin ang puwesto na kinaroroonan niya.
“Ryan! Right here!” Pasigaw na sambit niya.
Nilinga-linga ni Ryan ang paligid at pilit na hinahanap kung saan nanggaling ang boses ng tumawag sa kanya. Sa ‘di kalayuan sa bandang kaliwa ay natanaw niya nga si Iya na patuloy lang sa pagkaway sa kanila. Agad silang nagkangitian nang magtama ang kanilang mga paningin.
“There you are!” Bulalas ni Ryan.
Sumulyap si Ryan kay Claire at bahagyang tumango. Si Claire naman ay walang reaksyon na ipinakita kahit na alam niya ang gustong ipahiwatig ng binata. Tila wala nang magagawa si Claire kundi ihanda na lang ang kanyang sarili sa mga mangyayari.
Walang pasabing hinawakan ni Ryan ang kanyang kanang kamay, anupa’t sa isang kisap-mata ay nakita na lang niya na magkadaupampalad na sila ng kaibigan. Unti-unti siyang hinatak nito paabante. Wala na nga siyang nagawa kundi bilisan ang paglakad para makahabol sa lakad ni Ryan na nasa kanyang unahan at nang hindi siya tuluyang madapa.
Matapos ang ilang segundo, sa wakas ay narating na rin nila ang puwesto kung nasaan si Iya.
“Hi, Ryan!” Pagbati ni Iya. Tumayo siya upang yumakap at bumeso sa kaibigan. “Ang tagal niyo naman, akala ko naligaw na kayo dito.” Dugtong niya.
“Sus, na-miss mo naman ako agad. Kahit naman gaano kalaki ‘tong amusement park na ‘to, imposible naman kaming maligaw dito, ‘no.” Nakangiting sambit ni Ryan.
Bahagyang natawa si Iya. Si Claire naman ay nakamasid lang kung paano mag-usap ang dalawa at wari’y nagulat sa ipinakitang closeness ng dalawa.
“Super close nila. Sigurado ako na marami na silang pinagdaanan para maging ganito ka-close.” Wika ni Claire sa kanyang sarili. Hindi niya mawari kung ano ba ang nararapat maramdaman sa mga sandaling iyon. “Magugustuhan kaya niya ako bilang kaibigan ni Ryan? Parang sobrang clingy niya kay Ryan.” Dugtong niya. Tila hindi maubusan si Claire ng mga agam-agam sa kanyang loob.
“Ahm, by the way, this is Claire. Best friend ko sa classroom. Claire, this is Iya. Isa sa mga matalik kong kaibigan.” Pagpapakilala ni Ryan.
“Oh! Hi ate Claire! Nice to finally meet you po!” Pagbati ni Iya. Akma nitong lumapit kay Claire para bumeso. Si Claire naman, medyo naiilang man ay pinayagan na rin niya na gawin iyon ni Iya. Ayaw naman din niya na ipahiya ang kaibigan ni Ryan sa harapan niya mismo.
“Tara upo tayo!” Pag-aaya ni Iya habang hatak-hatak ang kanang kamay ni Claire.
Sabay-sabay naman silang nagsi-upo sa pabilog na upuan ng umbrella.
“Ryan always talks about you po. Kapag magkakasama kami, lagi ka niyang nababanggit sa barkada. Kaya lumaki ang curiosity naming tatlo kung sino ba ‘yung tinutukoy ni Ryan na naging matalik niyang kaibigan sa classroom niya. And we’re very thankful na nandito ka na ngayon sa harap namin!” Kinikilig na sambit ni Iya.
“Ah, gano’n ba? Naku, nakakahiya naman.” Ani Claire. Bahagya siyang napangiti dahil sa mga narinig niya mula kay Iya.
“Opo!” Masiglang tugon nito. “Sa katunayan nga po ‘eh matagal na naming kinukulit ‘tong si Ryan kung kailan ka niya sa amin ipapakilala.” Aniya.
“W-Wait. If you don’t mind, ilang taon ka na ba? A-Ang galang mo naman ‘ata masyado, Iya? Okay lang naman siguro kung wag ka na mag ‘po sa akin.” Sambit ni Claire.
“A-Ah, okay lang po ba? Pasensya na po kayo sa akin. Nasanay po kasi ako na kapag hindi ko pa masyadong close ‘yung isang tao, kahit tingin ko magkasing-edad lang kami o ‘di naman kaya ay ‘di magkalayo ang edad, ‘eh gumagamit po talaga ako ng ‘po at opo. By the way I’m 13 years old po. Second Year High School po.” Ani Iya.
“Oh? ‘E halos magkasing-edad nga lang tayo. 14 pa lang ako. Naku, tanggalin mo na ‘yang po at opo mo sa akin, okay? Nakakailang, ‘eh.” Mabilis na sagot ni Claire.
“S-Sige po. Kung ‘yun po ang gusto niyo. Pero, sa isang kondisyon...” ani Iya.
“Sige, ano ‘yun? Let’s see kung magagawa ko ‘yan.” Masiglang wika ni Claire. Hindi namamalayan ni Claire na unti-unti na pa lang sumisilay ang ngiti sa kanyang mga labi at unti-unti ay nagiging magaan ang pakikipag-usap niya kay Iya.
“From now on, close friend na tayo!” Walang pag-aatubiling sambit ni Iya.
“I-Is that it? A-Alright! Your wish is my command! Let’s be friends from now on!” Nakangiting tugon ni Claire. Ginantihan naman ito ng matamis ding ngiti ni Iya kasabay ng pakikipag-apir nito sa kanyang bagong kaibigan.
“Hay nako, Ryan. Bakit ngayon mo lang sa amin ipinakilala ‘tong si Claire. Sabi ko na nga ba at magki-click kami.” Wika ni Iya habang bahagyang kinalabit ang balikat ni Ryan.
“W-Well, mabuti naman at nagkapalagayan na kayo ng loob ni Claire, kahit na wala pang limang minuto kayong magkakilala.” Natatawang sambit niya. “Ang hirap naman kasi, ‘no. Magkakaiba tayo ng schedule ng klase sa school. Mahirap humanap ng tiyempo. At saka, naniniwala kasi ako sa perfect timing. Katulad ngayon, ‘di ba? Hindi natin pinilit, pero kusa na lang pinagkaloob ng tadhana ang pagkakataong ito para magkakila-kilanlan kayo. Isn’t amazing?” Dugtong pa niya.
“Teka, nasaan nga pala ‘yung dalawa niyo pang kaibigan? Bakit ikaw lang ‘yung nariritong naghihintay sa amin?” Nagtatakang tanong ni Claire.
“Nandu’n pa sila sa may isang food stall dito. Hinihintay lang ‘yung in-order naming pagkain para sa ‘ting lahat!” Mabilis na tugon sa kanya ni Iya.
“Naku, baka natabunan na ‘yung dalawang ‘yun ng mga pagkain. Sa’n ba banda kayo um-order, Iya? Sabihin mo nga sa akin at nang matulungan ko na sila sa pagdala ng mga pagkain.” Ani Ryan.
“No need na, bro.” Sambit ng isang lalaki sa kanilang likuran. Sabay-sabay silang nagsipaglingunan at doon nga’y nakita nilang nakatayo ang dalawa pa nilang kaibigan—sina Nick at James.
“Uy, bro! And’yan na pala kayo!” Masayang pagbati ni Ryan sa dalawa. Agad siyang tumayo upang tulungan ang dalawa sa bitbit nilang tig-isang tray na punong-puno ng mga pagkain at drinks.
Samantala, si Claire naman ay nanatili lang sa kanyang kinauupuan habang pinagmamasdan ang mukha ng dalawang bagong dating.
“Parang pamilyar ‘yung mukha ng dalawang ‘to sa akin. Nagkita na ba kami before? Nagkakilala na ba kami? Kung nagkakilala na nga kami, saan at sa papaanong paraan?” Wika ni Claire sa kanyang sarili habang malagkit na tinititigan ang dalawa.
“By the way, guys, I would like you to meet my classroom best friend, Claire.” Masiglang pagpapakilala ni Ryan. Inakbayan niya si Claire at medyo pinisil-pisil nang bahagya ang balikat.
“H-Hi! It’s...nice to see you two.” Pagbati ni Claire. Mababakas sa kanyang boses ang bahagyang pagkakaroon ng tensyon sa kanya.
Hindi agad nakasagot sina Nick at James nang mapagmasdan ang mukha ni Claire. Bagkus ay bahagya silang natigilan at nagkatinginan lang sa isa’t isa.
“Claire....Claire Mendoza, right?” Tanong ni Nick. Bahagyang napakunot ang noo nito na tila may kung anong iniisip.
“Y-Yes, definitely. Pa’no mo nalaman?” Tanong ng nagtatakang si Claire.
Hindi na naman agad nakasagot ang dalawa. Sa halip ay muli na naman silang nagkatinginan at pinipigilan ang kanilang pagtawa. Labis naman itong ipinagtaka nina Ryan, Claire at Iya.
“Guys, is something wrong? Ba’t ngisi kayo ng ngisi d’yan? Come on spill it out!” Tanong ni Ryan. Hindi na nito napigilan ang magtanong. Halos lamunin na ang tatlo ng curiosity dahil sa ikinikilos ng dalawa nilang kaibigan.
Hindi na nga napigilan ni Nick ang kanyang pagtawa. Tumawa siya habang kaakbay si James.
“Claire Mendoza. So we meet again.” Ani Nick.
“Magkakilala na ba tayo?” Nagtatakang tanong ni Claire. Pero sa loob-loob niya’y alam niya na may pinaghuhugutan ang dalawang kaibigan ni Ryan kung bakit ganoon na lang ang reaksyon nila sa kanilang pagkikita.
“Claire, don’t you remember us? Kami kasi never ka naming makakalimutan.” Sabat ni James habang unti-unti na ring pinapakawalan ang pagtawa.
“Huh?” Bulalas ni Claire.
“We know you. You are Claire Mendoza... the Shy Girl.” Wika ni Nick habang nginingitian nang matamis ang takang-takang si Claire.
***