Chapter 5 - Saved By Him

1570 Words
LAKAD-TAKBO ang ginawa ni Hershelle pagkababa niya ng traysikel. Late siyang nagising kaya late na rin siyang nakapasok. Ilang minuto na lang at magbi-bell. Ni hindi na nga na siya nag-almusal. Basta pagkabangon niya ay diretso siya sa banyo saka nagbihis pagkatapos. Ni hindi na siya inayusan ng Mommy niya. Lumabas siya ng bahay na hindi pa nagsusuklay. Kaya ang kulot-kulot niyang buhok ay lalong naging buhaghag. Nang makasakay na siya sa traysikel ay saka pa lang siya nagsuklay. Pagdating nila sa gate ay humahangos siyang tumakbo papasok. Pagliko niya sa hallway ay eksakto namang may nakabanggaan siya. Muntik na siyang mitumba. Mabuti na lang at nahawakan siya sa baywang ng nakabangga niya. Nanlaki ang mga mata niya nang makilala kung sino ang estudyanteng nakabanggaan niya. “Ikaw na naman! Bitiwan mo ako!” Nagpupumiglas siya. Binitiwan naman siya ng lalaki nang masigurong maayos na siyang nakatayo. “Miss, sorry. Nagmamadali rin kasi ako,” nakangiting wika nito. Tinaasan lang niya ito ng kilay. “Tabi! Late na ako!” galit niyang sabi. Ngunit hindi gumalaw ang lalaki. Nakatitig lang ito sa kanya habang may matamis na ngiti sa labi nito. Sa inis ay itinulak na lang ito ni Hershelle. Nagulat ang lalaki kay muntik na itong matumba. Sinamantala naman iyon ng dalagita. Tumakbo siya patungo sa kuwarto nila. Humihingal siyang umupo sa tabi ni Rosaline. Eksakto namang nakaupo na siya nang mag-bell. “Oh! Anong nangyari sa iyo? Bakit ka hinihingal?” usisa ni Rosaline. “Tumakbo ako mula sa gate kasi late na ako,” katuwiran niya. Magsasalita pa sana si Rosaline ngunit napigil ito nang biglang pumasok ang kanilang teacher. Nang dumating ang oras ng recess ay inaya ni Rosaline si Hershelle sa CR. “Akala ko ba magbabanyo tayo?” usisa ni Hershelle nang nasa CR na sila. Imbes kasi na pumasok sila sa cubicle ay dumiretso naman sila sa harap ng malaking salamin. “Hindi tayo magbabanyo. Aayusin lang natin iyang buhok mo,” ani Rosaline. Kinuha nito ang backpack niya at inilabas ang kanyang suklay. “Wala ka bang dalang ribbon o pantali man lang ng buhok mo?” Umiling si Hershelle. “Nasa bahay namin kasi si Mommy ang nag-aayos ng buhok ko.” Napangiwi si Rosaline. “Kung gano’n, panyo na lang ang ilabas mo.” Inilabas ni Hershelle ang kanyang panyo at inabot kay Rosaline. Paglabas nila ng CR ay nakapusod na ang buhok ni Hershelle. Hindi man kasing ganda ng pag-aayos ng Mommy niya, nagpapasalamat na rin siya dahil hindi na buhaghag ang buhok niya. Papasok na sina Hershelle at Rosaline sa kuwarto nang biglang humarang sa pintuan si Lyla at ang dalawa nitong kasama. Nagkatinginan ang magkaibigan. “Paraanin mo kami,” ani Hershelle. “Paano kung ayaw ko? Anong gagawin mo?” hamon ni Lyla. Pinaikot ni Hershelle ang mga mata. “Ano naman ang karapatan mong pigilan kaming pumasok?” naiinis niyang tanong. Humalukipkip si Lyla at mataray siyang tinitigan. “Eh, sa ayaw ko nga kayong pumasok. May magagawa ka ba?” nakangising tanong nito. Napaismid si Hershelle. Binalingan niya si Rosaline saka walang imik itong hinila palayo ng kanilang kuwarto. “Saan tayo pupunta? Hindi ba tayo papasok sa loob ng kuwarto? Malapit nang matapos ang recess,” paalala ni Rosaline. Nagbuga ng hangin si Hershelle. “Nakita mo naman siguro na nakaharang si Lyla sa pintuan at ayaw niya tayong papasukin.” “Paano na tayo ngayon? Kapag nag-bell at nandito pa tayo sa labas, baka dalhin tayo sa guidance office,” nag-aalalang wika ni Rosaline. Napatingin si Hershelle sa paligid. Bigla siyang nabuhayan ng loob nang makita na parating na ang Science teacher nila. “Alam ko na. Sabayan na lang natin sa pagpasok si Miss Reasonda. Tara salubungin natin siya,” yakag niya kay Rosaline. Napilitan namang sumunod sa kanya ang kaibigan. “Good morning, Ma’am!” magkasabay na bati nina Hershelle at Rosaline. “Good morning! Are you, my students?” tanong ng guro. “Yes, Ma’am,” mabilis na tugon ni Hershelle. “Good. Carry this one and put it in the table,” utos nito saka ibinigay sa kanila ang dala nitong tote bag. Nauunang naglalakad si Miss Reasonda samantalang nasa likod naman nito sina Hershelle at Rosaline. “Sabi ko sa iyo, makakapasok din tayo, eh,” pabulong na wika ni Hershelle. Napangiti lang ang kaibigan niya. Nang malapit na sila sa kanilang kuwarto ay napansin ni Hershelle na bigla na lang umalis sa may pintuan ng grupo nila. Nakangiting nagkatinginan sina Hershelle at Rosaline.   “TARA NA, kain na tayo,” yakag ni Rosaline paglabas nila ni Hershelle. Katatapos lang ng kanilang last period ng oras na iyon. “Nagmamadali ka yata? Gutom ka na ba?” usisa ni Hershelle. “Medyo. Sino ba naman kasi ang hindi magugutom kapag mahihirap na subject ang magkakasunod nating klase?” reklamo nito. Napangisi si Hershelle. “Okay lang iyon. Tama lang na ang mga mahirap na subject ay pang-umaga. Nakakaantok na kasi kapag hapon,” katuwiran niya. Napanguso si Rosaline. “Okay lang sa iyo kasi matalino ka naman. Pero para sa average student na tulad ko, mahihirapan sa ganoong arrangement. Nakakasakit kaya ng ulo.” Nginitian ito ni Hershelle. “Hindi bale, kapag nakakain ka na mawawala iyang sakit ng ulo mo.” “Kaya tara na sa canteen para maniwala ako sa iyo.” Hinila na siya ni Rosaline. Pagdating nila sa canteen ay nagsisimula nang mapuno ng estudyante sa loob. Hahakbang na sana sila papunta sa loob nang biglang pumuwesto sa may pintuan si Lyla kasunod ng dalawa nitong kaibigan. Napangiwi si Hershelle. Mukhang haharangin na naman sila ng pesteng babae. “Hershelle, sa labas na lang tayo kumain. Nagugutom na talaga ako,” ungot ni Rosaline. “Sige na nga.” Nakasimangot na hinila ni Hershelle si Rosaline. Nakailang hakbang na sila mula sa canteen nang biglang magsalita si Rosaline. “Naks! Masasalubong pa pala natin sina Edmark. Magpipiyesta na naman ang bruhang si Lyla,” inis nitong sabi. “Nasaan ang Edmark na sinasabi mo?” tanong ni Hershelle nang lingunin ang kaibigan. “Hayan sila, makakasalubong na natin,” inginuso ni Rosaline ang mga estudyanteng naglalakad at masasalubong nila. Napahinto sa paghakbang si Hershelle. “Alin ba diyan iyong tinutukoy mo?” Nalilito siya sa dami ng mga estudyanteng makakasalubong nila.  “Nakikita mo ba iyong nakasalamin na estudyante? Si Edrian iyan. Iyong katabi niya ay si Edmark. Magkambal iyan. Kasama pa pala nila iyong Antigua brothers,” nagpapalatak na sabi ni Rosaline. Tinitigang mabuti ni Hershelle ang mga estudyanteng naglalakad. Nahagip ng tingin niya ang estudyanteng nakasalamin. Nang mapatingin siya sa katabi nito ay eksakto namang nahuli niyang tumingin din ito sa kanya. Napangiti ito ng malapad at mabilis na humiwalay sa mga kasama nito. Napansin niyang nagmamadaling naglakad patungo sa kanila ang lalaking iyon. “Hi, Miss Beautiful! May hinihintay ka ba?” matamis ang ngiting tanong nito nang makalapit sa kanila. Naramdaman ni Hershelle na kinalabit siya ni Rosaline. “Siya si Edmark,” pabulong nitong sabi. Napilitan si Hershelle na ngitian ang lalaki. “Ah, kakain sana kami sa canteen. Kaya lang…ayaw kaming papasukin ng girlfriend mo. Nakaharang siya sa pintuan.” “Girlfriend?” Halos magsalubong ang kilay na wika ng lalaki. “Huh? May girlfriend ka na pala, Edmark. Bakit hindi mo sinasabi?” ani ng lalaking lumapit sa kanila. Kasunod nito ang apat pang kalalakihan kasama na roon ang lalaking nakasalamin. Bahagyang napaatras si Hershelle. Pakiramdam niya ay masu-suffocate siya sa presensiya ng mga nagtatangkarang kalalakihan. Hindi naman siya maliit dahil five feet, two inches na siya sa edad na thirteen. Pero malayong matangkad sa kanya ang mga lalaking ito. “Paano kang nagka-girlfriend nang hindi ko nalalaman?” sabad naman ng lalaking nakasalamin. “Hindi ko rin alam na may girlfriend na pala ako. Sino ba iyon, Miss Beautiful?” tanong nito nang muling mapatingin kay Hershelle. “Nandoon siya sa canteen. Mukhang hinihintay ka niya,” pagsisinungaling ni Hershelle. “Si Lyla ba iyong tinutukoy mo?” pabulong na tanong ni Rosaline. Pinandilatan naman ni Hershelle ang kaibigan niya. “Tara sa canteen. Kakausapin ko nga ang babaeng iyon. Samahan mo ako, Miss Beautiful,” anang lalaki at nauna na ito sa kanila. Napilitang sumunod sina Hershelle at Rosaline. Ganoon din ang ginawa ng mga kasama nitong lalaki. Pagdating nila sa may pintuan ng canteen ay naroon pa rin si Lyla. Ang lapad ng ngiti nito habang nakatitig sa unahan nila. Napangisi naman si Hershelle. Huminto sa paglalakad ang lalaki at tumabi sa kanya. “Nasa loob ba iyong tinutukoy mong babae?” tanong nito. “Hindi. Hayan siya sa may pintuan,” tugon naman ni Hershelle. “Hi, Edmark!” Nakangiting lumapit sa kanila si Lyla. Sumimangot naman si Edmark. “Excuse me, Miss. Sorry, ha? Pero hindi kita type. Si Miss Beautiful ang gusto ko.” Nakangiting nilingon siya nito saka bigla na lang inakbayan. Wala nang nagawa si Hershelle kung hindi pagbigyan ang lalaki lalo na nang makita niyang parang maiiyak na si Lyla. Padabog itong nag-martsa papasok ng canteen. “Puwede bang pakialis na iyang kamay mo. Tutal ay wala na si Lyla,” utos ni Hershelle. Napangiti si Edmark. “Okay, pero sasama ka sa akin sa loob,” sabi  nito sabay hila sa kamay niya. Hindi na nagawang magprotesta ni Hershelle dahil ipinagtulakan na rin siya ni Rosaline.   
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD