KAPAPASOK pa lang ni Hershelle sa gate ay sinalubong na siya ni Edmark. Napataas ang kilay niya nang makita ito.
“Hi, Hershelle! Good morning!” masayang bati nito sa kanya.
Kinabahan si Hershelle. Ngunit hindi siya nagpahalata. Napilitan siyang ngumiti. “Hello!”
“Saan ang kuwarto ninyo? Ihatid na kita,” wika ni Edmark habang sinasabayan siyang maglakad.
“Hindi na kailangan. Malapit lang naman ang kuwarto namin.” Ayaw niyang may makakita sa kanilang magkasama lalo na si Lyla dahil siguradong magagalit na naman ito. Pagti-trip-an na naman siya nito tulad ng ginawa nito kahapon. Noong uwian na ay hinarang siya ng grupo ni Lyla. Mabuti na lang at may nakapansin na security guard sa kanila. Sinita sila nito kaya hindi naituloy nina Lyla ang balak nilang masama sa kanya.
“Ihahatid pa rin kita para masigurong safe kang makakapasok sa loob ng kuwarto ninyo,” pagpupumilit ni Edmark.
Napahinto sa paglalakad si Hershelle saka hinarap si Edmark. “Bakit mo naman gagawin iyon?” Dahil magkaharap sila, noon lang napansin ng dalagita na hanggang balikat lang pala siya ng binatilyo.
“Nabalitaan ko kasi na pinagti-trip-an ka raw ni Lyla Mauricio. Ayoko nang maulit iyong nangyari sa iyo kahapon.”
Napakunot ng kanyang noo si Hershelle. “Ano ba iyong nangyari na tinutukoy mo?” Wala siyang ideya sa pinagsasabi ni Edmark.
“Nabalitaan ko na muntik ka nang gawan ng masama ng kaklase mong iyon. Mabuti na lang at nakita kayo ng guard kaya hindi niya itinuloy iyong pinapalano niyang hindi maganda sa iyo. Hindi porke’t anak siya ng may-ari ng eskuwelahan ay puwede niyang gawin iyon.”
Hindi nakaimik si Hershelle. Mabait naman pala si Edmark kahit mukha itong mayabang. “Okay lang ako. Salamat sa pag-aalala,” nakangiting sabi niya.
“Ayan, ngumiti ka lagi para lalo ka pang gumanda.” Matamis ang ngiti ni Edmark habang nililingon siya.
“Sino naman nagsabi sa iyo na maganda ako?” Binobola lang yata siya ng lalaking ito. Ang mommy lang naman niya ang naniniwalang maganda siya. Kung siya ang tatanungin ay hindi naman siya kagandahan. Mas marami pang magaganda sa eskuwelahan nila. Isa na roon si Lyla.
“Ako. Ako ang nagsabi. Araw-araw ka naman sigurong humaharap sa salamin. Hindi ba sinabi ng salamin kung gaano ka kaganda?”
Napakamot ng kanyang ulo si Hershelle. “Ngayon ko lang nalaman na nagsasalita pala ang salamin,” napapailing niyang sabi.
“Oo naman. Iyong salamin ang nagsasabi kung maganda ka, guwapo o hindi maayos ang itsura mo,” katuwiran nito.
Bahagyang natawa si Hershelle sa sinabi nito. “Oo na. Naniniwala na akong guwapo ka. Kaya hindi mo na ako kailangang bolahin pa.”
Napaismid si Edmark. “Matagal ko nang alam na guwapo ako. Mas guwapo pa ako kay Edrian.”
Lalong napailing si Hershelle sa sinabi ni Edmark. “Ang lakas naman yata ng hangin, ah. Baka tangayin naman ako. Papasok na nga lang ako sa loob bago pa ako ilipad sa malayo.”
“Ito na ba ang kuwarto ninyo?”
Tumango lang si Hershelle. “Salamat sa paghatid. Bye!” paalam niya rito bago siya pumasok sa loob.
“Bye, Hershelle. See you later!”
Nang makarating si Hershelle sa kanyang upuan ay nilingon niya ang pintuan. Naroon pa rin si Edmark. Kumaway pa ito sa kanya bago umalis.
“Hershelle, huwag kang masyadong obvious. Masama na naman ang tingin sa iyo ni Lyla,” pabulong na sabi ni Rosaline na nasa tabi niya.
Sinubukang lingunin ni Hershelle ang kinauupuan nina Lyla. Nanlilisik ang mga mata nitong nakatitig sa kanya. Kulang na lang ay maglabas ng apoy ang mga mata nito. Kaya umiwas na siya ng tingin.
“Asarin mo pa siya para lalo ka niyang i-bully,” ani Rosaline.
“Wala naman akong balak na makipag-away sa kanya. Saka hindi ko naman pinilit si Edmark na lumapit sa akin. Siya naman ang kusang lumalapit, eh,” depensa ni Hershelle.
“Alam naman nating pareho na iyon ang totoo. Pero mag-ingat ka pa rin dahil masamang kaaway si Lyla. Hindi mo pa nararanasang saktan ka niya ng pisikal. Kapag nangyari iyon, isusumpa mong hindi mo siya nakilala,” babala ni Rosaline.
Nakagat ni Hershelle ang ibabang labi. “Grabe naman iyang sinasabi mo. Gano’n ba talaga si Lyla? Naranasan mo na bang saktan ka niya?”curious niyang tanong.
Umiling si Rosaline. “Hindi pa. Pero marami na siyang ginawan ng ganyan dito sa classroom. Kaya nangingilag ang lahat sa kanya.”
Sumimangot si Hershelle. “Kaya naman pala ang tahimik ng classroom kasi takot pala kayo sa kanya.”
“Huh? Ikaw ba hindi natatakot sa kanya?”
Nilingon muna ni Hershelle si Lyla. Inirapan lang siya nito. “Hindi. Ayokong matakot sa kanya. Baka lalo niya akong i-bully kapag ipinakita kong takot ako sa kanya.”
Hindi na umimik si Rosaline. Ngunit napansin niyang para itong kinakabahan sa sagot niya.
PAGLABAS nina Hershelle sa classroom ay hindi niya inaasahan ang estudyanteng makikita nila habang papunta sila ni Rosaline sa canteen.
“Hershelle, si Edmark papunta yata sa atin?” ani Rosaline habang nakatingin sa mga estudyante makakasalubong nila.
“Hayaan mo lang siya,” kunwari’y balewalang sabi niya. Pero ang totoo ay kinakabahan siya. Ang lakas ng pintig ng kanyang puso. Animo’y gusto nitong tumalon palabas ng katawan niya.
Umiwas siya ng tingin habang patuloy silang naglalakad ni Rosaline.
“Hi, girls!”
Napilitang tumingin si Hershelle nang marinig ang pamilyar na boses. Siniko rin siya ni Rosaline kaya napilitan siyang huminto sa paglalakad.
Napansin niyang nakangiti si Edmark habang nakatitig nang diretso sa kanya. May kasama itong lalaki ngunit hindi ang kakambal nito. Hindi niya maalala ang pangalan ng kasama nito dahil isa ito sa kilalang Antigua brothers.
“Pupunta kayo ng canteen?” malapad ang ngiting tanong ni Edmark.
“Oo doon kami magla-lunch ni Hershelle.” Inunahan na siya ni Rosaline sa pagsagot.
“Gano’n ba? Sige, sumabay na kayo sa amin. Ililibre ko kayo,” masayang saad ni Edmark.
“Hindi na kailangan. May dala naman akong baon, eh,” tanggi ni Hershelle.
Nagbuga ng hangin si Edmark. “Kung gano’n, ililibre na lang kita ng inumin. Halika na.”
“Sige, tara na, Hershelle,” yakag ni Rosaline.
Bago pa makatanggi si Hershelle ay nauna nang naglakad si Rosaline at sinabayan naman ito ng kasama ni Edmark.
Nang hindi siya kumilos ay hinawakan ni Edmark ang kamay niya at hinila siya nito.
Nang hilain ni Hershelle ang kamay ay lalo namang hinigpitan ni Edmark ang pagkakahawak sa kanya.
“Puwede bang bitiwan mo iyang kamay ko?” nakataas ang kilay na sabi ni Hershelle.
“Sige, kung ayaw mo ng holding hands, okay lang.” Binitiwan ni Edmark ang kamay niyang hawak nito. “Ganito na lang ang gagawin ko,” anito saka bigla siyang inakbayan.
Pinanlakihan ng mata ni Hershelle si Edmark. “Ano ka ba? Bitiwan mo nga ako,” protesta niya.
Sumimangot si Edmark ngunit inalis din nito ang kamay sa balikat niya. “Ayaw mo ng holding hands. Ayaw mo ring akbayan kita. Anong gusto mo? Buhatin na lang kita. Puwede rin naman. Tutal mukha ka namang magaan,” seryosong sabi nito.
Pakiwari ni Hershelle ay uminit ang buong mukha niya sa sinabi ni Edmark. Nang-iinis ba ang lalaking ito? Kung maka-damoves, akala mo naman ay girlfriend siya nito. Nakakainis lang!
“Wala. Wala akong gusto,” mataray niyang sabi.
“Sige, kung ayaw mong pumili, ako na lang ang pipili para sa atin.” Akmang itataas nito ang kamay nang umatras si Hershelle nang dalawang hakbang.
Napailing si Edmark. Lumapit ito sa kanya at tumayo sa mismong harapan niya. Hindi pa ito nakuntento. Inilapit pa nito nang husto ang sarili sa kanya. Halos wala ng distansiya sa pagitan nila. Hangin na lang yata ang maaaring dumaan.
“Bubuhatin na lang kita para mas mabilis,” ani Edmark.
Ngunit bago ito makakilos ay biglang hinawakan ni Hershelle ang kamay nito. “Holding hands na lang,” nahihiyang wika niya.
Ngumiti nang malapad si Edmark. “Okay,” sambit nito.
Ngunit nagulat siya nang bigla nitong hilain ang kamay. Nabitiwan niya tuloy ito. Akala niya’y hindi na magdadaop ang mga palad nila. Pero hinawakan nito ang kamay niya.
“Let me the one to hold you. Tutal naman, mas maliit ang palad mo kaysa sa akin, Miss Beautiful.”
Napayuko si Hershelle nang mapansin na pinagtitinginan sila ng ibang estudyante. Iniisip yata nilang hindi sila bagay ni Edmark. Pero nang mapatingin siya sa binatilyo ay pangiti-ngiti ito habang naglalakad sila.
Hindi rin niya maiwasang mapangiti rin ng lihim. Ang init ng kamay nito kaya pakiwari niya ay makukuryente rin siya.
Ganito ba ang pakiramdam kapag ka-holding hands mo ang iyong boyfriend? Pero ang bilin ng mommy niya ay bawal pa siyang makipagligawan dahil bata pa siya. Kaya i-enjoy na lang muna niya siguro na ka-holding hands si Edmark kahit hindi niya ito boyfriend. At least magkakaroon siya ng ideya kung ano ang i-expect kapag nagkaroon na siya ng totoong boyfriend.
Ang sarap pala sa pakiramdam na may humahawak sa kamay mo tulad ng nararamdaman niya ngayon. Sana kapag nagka-boyfriend na siya, gusto niyang ganito rin ang kanyang maramdaman. Iyong pakiramdam na hindi ka nag-iisa at may karamay ka sa lahat ng oras. Iyong hindi ka iiwan o tatakasan, hindi katulad nang ginawa ng kanyang daddy sa kanila ng mommy niya. Iniwan na lang sila sa ere. Sana hindi maging gano’n ang lovelife niya balang araw.