“BALAK kong bumiyahe ng bandang alas-tres ng madaling-araw.”
“Napakaaga mo naman. Magbabagsak ka ba ng gulay na kagaya ko?”
“Kung napaaga nga lang ako ng akyat ng Baguio, didiretso na ako sa Sagada kanina. Kaso papahapon na nang makarating ako.”
“Urgent?”
Tumango siya. “Alam mo naman kung bakit di ba?”
Sumakay na ito sa scooter. “Kaya mong hawakan ang cake? O ako na?”
Umangkas siya sa likod nito. There was nothing new. Noon pa man ang gawain na nila iyong mag-angkasan sa motor habang naglilibot. Pero hindi niya alam kung bakit tila naninibago siya.
Siguro dahil matagal na ang huli. O dahil kay d**k. Naipilig niya ang ulo at tila nagtaka pang sa wari ay ngayon lang sumagi sa isip niya ang kasintahan.
“Dito na lang sa may paanan ko yang cake. Kasya naman dito,” untag nito sa kanya.
“Dito na lang. Baka mahulog ka pa.” Inayos nito sa paanan ang cake at pinaandar na ang scooter. “Humawak kang mabuti, ha.”
“Oo naman. Dati ko na itong ginagawa.”
“Ang tagal na ng huli. Hindi ko na nga matandaan kung kelan iyon.”
Naumid siya. Tahimik na lang siyang nakaangkas dito. She could move closer to him subalit hindi niya alam kung saan nanggagaling ang nararamdaman niyang pagkaasiwa. Something must be wrong somewhere.
Si d**k siguro ang dahilan.
Nang umarangkada ang scooter ay wala siyang pagpipilian kundi humigpit ang hawak sa balikat nito. Paakyat ang kalsada at kung hindi siya mahuhulog ay malamang na pareho pa silang madisgrasya.
“Yumakap ka sa bewang ko,” malakas na sabi nito. “Matarik itong daan.”
Tumalima siya. Tinawid niya ang maliit na distansyang natitira sa pagitan nila. Ipinikit niya ang mga mata. Dumadampi sa mukha niya ang malamig na hangin subalit mas ramdam niya ang init na pumupuno sa kanyang mga pisngi.
Hindi niya nakikita ang daang tinatahak nila. Ang alam lang niya ay ang papabilis na takbo ng motor. Sa isang pagkabig ni Brian ay napatili siya.
“Dahan-dahan, Bri!”
He just laughed. Tila nanunudyo pa ito na binilisan ang pagtakbo.
Lalong dumiin ang pagkakapikit ng kanyang mga mata. Naramdaman niyang paliko-liko sila. At halos hindi nagbabawas si Brian ng bilis sa pagtakbo. Isinandal niya ang mukha sa likod nito. Humigpit pa ang yakap niya sa bewang ng binata.
He slowed down. Subalit bahagya pa lamang siyang nakakahinga ay naramdaman niya ang tila pagbulusok nila sa daang pababa. Parang mapupugto ang kanyang hininga. Nasaan na sila? Bakit para silang mahuhulog sa bangin? Pero wala siyang lakas ng loob na idilat ang mga mata.
“Brian! Stop! Stop!” she panicked habang halos sakalin na niya ang bewang nito sa higpit ng yakap niya.
“Sinabi mo, eh” tila amused na sabi nito at inihinto nga ang scooter.
Naramdaman niya ang paglingon nito sa kanya. Iniangat naman niya ang mukha. Sa wari ay kapwa sila nagulat sa iilang pulgadang distansya ng kanilang mga mukha.
Their eyes met. Their stare locked to each other for a while that seemed eternity. Tila walang mahalaga sa mga sandaling iyon maliban sa mensaheng tinatawid ng kanilang mga mata. Saka tila nag-uunahang nagbawi ng tingin.
“Nandito na tayo,” sabi ni Brian. “Saglit lang, bubuksan ko ang gate.”
Yumuko siya. Nang iwan ni Brian ang motor ay kinuha niya ang mga kahon ng cake. “Maglalakad na lang ako papasok.”
“Malayo pa ang bahay,” lingon nito sa kanya.
“I can walk.” Tinalikuran na niya ito.
NAKATITIG si Vera Mae sa bukas na ref. Ipapasok niya doon ang mga kahon ng cakes subalit wala naman talaga doon ang isip niya. Kumakabog pa ang dibdib niya. Hindi niya tiyak kung dahil sa naging andar ng motor o dahil sa pagkakalapit nila ng binata.
“Lagot ka kay Tatay pag nakita niyang matagal kang magbukas ng ref,” biro nito na pumasok sa kusina. “Ako na ang bahala dito. Magpahinga ka na.”
Seconds later, maayos na nitong nailagak sa ref ang mga cake at naisara iyon subalit hindi pa rin siya tumitinag.
“Mimi,” untag nito sa kanya.
She just looked at him. Her insides were doing a somersault. Nang matanto niyang wala naman siyang sasabihin pumihit na siya papalayo. Subalit mabuway ang naging hakbang niya.
“Mimi!” maagap na naabot siya ni Brian. “Anong nangyayari sa iyo?” Tinitigan siya nito. “Namumutla ka.”
Umiling-iling siya. Umiwas siya ng titig dito. And she almost scolded herself when a tear rolled down her cheek.
“Mimi,” he said softly. “What’s the matter?”
Umiling siya uli. “Wala. Hindi ko alam. Aakyat na ako.” Kumawala siya dito.
Subalit mas maagap ang binata at kinabig pa siya nito. He was closer than before. Hindi na siya magtataka kung maririnig nito ang bawat kabog ng dibdib niya sa sobrang lapit nito.
“May problema ka, Vera Mae,” he said in a-matter-of-fact tone. “Ano iyon? Sabihin mo sa akin.”
“Wala nga. Hindi ko nga alam.”
“Ano nga?” pilit nito.
She sighed. “Natakot lang siguro ako sa motor. Ninerbyos ako.”
Mataman siya nitong pinagmasdan na tila binabasa sa mukha niya kung totoo ang sinabi niya.
“Ganoon lang, nagkaganyan ka na?”
“Bakit, masarap ba iyong pakiramdam na para kang mahuhulog sa bangin?” singhal niya at tinabig ito. “Huwag mo na nga akong kulitin. Diyan ka na. Aakyat na ako.”
MASAKIT ang ulo ni Vera Mae nang bumangon siya. Kakaunti pa lamang ang tulog niya nang gisingin siya ng tunog ng alarm clock. Napilitan siyang bumangon. Walang dahilan para hindi pa siya kumilos. Mas maaga siyang makakarating sa Sagada ay mas mainam. Nagpoprotesta ang bawat himaymay ng katawan niya habang naliligo. Puyat at giniginaw pero wala siyang pagpipilian. Hindi rin naman siya sanay na lumalakad nang hindi pa naliligo.
“Magandang umaga sa iyo, Mimi,” bati sa kanya ni Tata Fidel. “Nakagayak ka na pala.”
“Oho. Kailangan hong maaga akong makabyahe.”
“Kasasalin ko lang ng bagong kulong tubig sa thermos. May 3-in-1 din na kape at mug sa basket. Yung mga pagkain na dadalhin mo pati yung mga cake na inuwi ninyo ni Brian kagabi nandoon na sa sasakyan. Si Brian na ang nag-ayos.”
“Gising na rin ho si Brian?”
“Halos magkasabay kaming bumangon. Gusto mo bang mag-almusal? Nakapagluto na rin ako.”
“Napakaaga pa ho para mag-almusal, Tata. Magkakape na lang ho ako.” Hindi na niya hinintay na ipagtimpla pa siya ng matanda.
“Maiwan na muna kita diyan. May gagawin lang ako sa labas.”
Tumango lang siya at bitbit ang kape na tumayo na rin. Nagtungo siya sa garahe. Nakataas ang hood ng sasakyan niya nang makita niya iyon. Hindi na siya nagulat nang makitang nakayuko sa bukas na sasakyan si Brian. Subalit ang tunay na nakagulat sa kanya ay ang makita itong nakahubad pang-itaas.
Napanganga siya. His denim jeans was hanging low in his hips. Flat na flat ang tiyan nito. His muscles were toned and defined. Napalunok siya at tila nakadama ng alinsangan. Hindi niya matandaang nag-ukol siya nang masusing pagpansin sa katawan nito. At kung babalikan niya kung paano ilang ulit na binanggit ni Brian nang nagdaang gabi na guwapo ito pabiro man iyon o hindi ngayon lamang niya aaminin sa sarili na tama nga ito. Oo nga at guwapo ito pero hindi lang iyon. He was also attractive.
“Gising ka na pala.”
Muntik nang lumigwak ang kapeng hawak niya sa biglang paglingon sa kanya ng binata. “Of course” mabilis na tugon niya. “Maaga nga akong aalis, hindi ba? Ano bang kinukutkot mo diyan? Nakakondisyon iyan wala kang dapat ipag-alala.”
“Mainam na iyong sigurado.” Ibinaba na nito ang hood ng sasakyan.
“Bakit ka nakahubad? Hindi ka ba nilalamig?”
“Sanay na ako na ganito. Kumain ka na ba? Kumain ka na muna habang naliligo ako.”
“Hindi ako sanay kumain nang ganito kaaga. Uubusin ko lang itong kape at aalis na ako.”
“Tayo, Mimi. Tayong dalawa ang aalis. Hintayin mo ako. Maliligo lang ako nang mabilis.”
“Anong ibig mong sabihin tayo? Lakad ko ito. Sasama ka?”
“Mas tamang sabihing ihahatid kita.”
“Bakit?”
“Anong bakit? Basta ihahatid kita. Huwag ka nang magtanong pa at maliligo na ako para makaalis na tayo. Okay?” Lumampas na ito sa kanya nang bumalik pa. “Ang ganda mo pag bagong gising.” Pinisil pa nito nang bahagya ang baba niya.
“ANO NAMAN ang nakain mo para ihatid ako? Ang layo ng Sagada dito sa Baguio.” Kalalabas lang nila ng gate ng mansyon. Kung magiging maayos ang byahe nila bandang alas-dies na sila darating sa Sagada. Ang sinasabi ni Brian na mabilis na paggayak nito ay kabaligtaran pala. Para pala itong dalaga sa tagal na gumayak. “Kung hindi ka nagpilit na ihatid ako kanina pa sana ako nakaalis. Nasa Halsema Highway na sana ako ng ganitong oras.”
“Tama lang na alis natin ang ganitong oras. Madilim pa sa zigzag kung inaagahan natin. Tamang-tama lang ang ganito na papasok tayo sa zigzag road ay papaliwanag naman. Sana lang hindi masyadong makapal ang fog para mas maging maayos ang biyahe.”
“Paano ang negosyo mo kung ihahatid mo ako?”
“Huwag mo nang isipin iyon. Ako na ang bahala doon.”
“Eh, bakit mo nga ba ako ihahatid?”
“Alam mo dapat magpasalamat ka na lang dahil ihahatid ka. Ang dami mo pang tanong.”
“Alam mo kung thirty minutes lang ang travel time ng pagpunta sa Sagada galing dito sa Baguio, hindi na ako magtatanong. Eh ang layo ng byahe. Isa hanggang dalawang araw ng buhay mo uubusin mo sa paghahatid lang? Sasakyan ko pa ito, meaning to say magba-bus ka pabalik?”
“Huwag mo nang problemahin iyan, okay?”
“Nakakapagtaka lang kasi. Unless of course, gusto mo lang sumabay sa akin para makita mo si Yumi. I really have a strong feeling na may alam ka tungkol sa kanya.”
Nasamid ito. “Yumi?! Alam mo, nakakahalata na ako sa iyo, ha. Kagabi ka pa. Parang nagseselos ka kay Yumi.”
“Of course not.”
“Aba, dapat lang. Hindi naman kita girlfriend para magselos ka kay Yumi or kahit na kanino pang babae.”
“Ang kapal mo, Bri!” nabiglang sagot niya.
Tumawa ito. “Aber, gusto mo ba akong maging boyfriend? Puwede naman, since wala pa akong official na girlfriend.”
“Baliw ka. Nangarap ka naman na gusto kitang maging boyfriend?”
“Bakit, hindi ba puwede?”
“Hindi!” matigas na sagot niya.
“Aray ko naman, Mimi. Kung makahindi ka, para namang wala na akong kapag-a-pag-asa.”
“May boyfriend na ako,” defensive na sagot niya.
“Talaga? Wow, sino iyang nagkamali sa iyo? Matibay ba ang helmet na pinasuot mo?”
“Excuse me, may isang taon na kami.”
“Ayun naman pala eh. Bakit hindi ka niya inihatid? Ang haba-haba ng biyahe. Alam ba niyang nagbibiyahe ka ng ganito katagal? Kung ako ang boyfriend mo, hindi-hindi ako papayag na aalis kang mag-isa. Bukod sa mahabang biyahe, iyong mag-isa ka lang at nagmamaneho pa. Paano kung magkaaberya sa daan? Babae ka pa naman.”
“Mabuti na lang at hindi pala ikaw ang boyfriend ko. Nagger.”
“Asan nga iyong sinasabi mong boyfriend? Bakit hindi ka niya sinamahan ngayon?”
“Alright, sinadya kong hindi ipaalam sa kanya ang tungkol dito. At dahil itatanong mo sa akin kung bakit, sasabihin ko na agad. Ayoko munang ipaalam sa kanya. Alam mo naman it’s complicated.”
“Kung halos isang taon na pala kayo don’t tell me hindi mo pa nasasabi sa kanya ang tungkol sa “it’s complicated” na iyan?”
“Mahirap mag-explain.”
“Ang hirap paniwalaan.”
“Talaga. Family secret ito.”
“Open-secret naman iyang tungkol kina Lolo Alfonso at Tito Alfie na siyang tatay mo. Two or three sentences lang masasabi mo na sa boyfriend mo ang tungkol diyan kung gusto mo talagang ipaalam sa kanya.”
“Alam mo, Mr. Brian Tiongson, hindi lang naman iya ang issue sa buhay ko. Saka sasabihin ko din naman kay d**k ang tungkol diyan. Hindi nga lang ngayon.”
“Alam ko na kung bakit. Hindi pa kumpleto ang tiwala mo sa lalaking iyon.”
“Napakagaling mong magsalita.”
“Ikaw na ang maysabi, di ba? Halos isang taon na kayo. Kung malalim na ang relasyon mo, hindi na mahirap sa iyong sabihin ang mga bagay na tungkol sa iyo at sa pamilya mo.”
“Ano naman ang alam mo sa relasyon ko sa kanya?”
“Wala. Wala akong masyadong alam. Opinyon ko lang ito.”
“Salamat sa opinyon mo.”
Namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Ibinaling niya ang tingin sa labas. Nasa kalagitnaan na sila ng La Trinidad subalit kalat na kalat pa rin ang dilim. Base sa bilis ng biyahe nila, malamang na maging sa pagpasok nila sa Halsema Highway ay hindi pa rin ganap ang sikat ng araw. Sa isang banda ay tama rin si Brian na nagpatanghali sila ng biyahe. Masyado pang madilim para bumiyahe sila kung nasunod ang oras na gusto niya.
“Vera Mae,” untag nito sa kanya.
Nilingon niya ito.
“Sorry kung na-offend kita sa sinabi ko. I didn’t mean that.”
“Sabi mo nga, opinyon mo iyon. At hindi ko hawak ang opinyon mo.”
Inabot nito ang kamay niya at bahagya nitong pinisil. “Sorry na” sinserong sabi nito.
Tumango lang siya.
“Mabuti pa, matulog ka na muna dahil obvious namang hindi ka pa nakakatulog nang maayos.”
Dahil tila naubusan na siya ng enerhiya para makipag-usap pa dito, tahimik lang din na ini-adjust niya ang sandalan para mas maging kumportable ang upo niya sakaling maidlip nga siya.
“Gisingin mo ako sa kalagitnaan. Relyebo tayo sa pagmamaneho,” aniya.
“Sige na, matulog ka na muna,” pilit nito.