Huminto sa paglalakad si Esperanza, saglit na napatda sa kinatatayuan. Ipinilig niya ang ulo. Tama ba ang nakikita niya? Si Lucas nga ba ang nasa hapag-kainan at kausap ng kuya niya? Pinaglalaruan lang ba siya ng kaniyang mga mata dahil laman ng isip niya ang binata? Puyat siya nitong nagdaang gabi. Paulit-ulit na bumalik sa isip niya ang mainit na halikan nila ni Lucas at ang naputol na usapan nila sa hardin. "Samahan mo muna kaming mag-almusal, Esperanza, bago ka lumabas," alok ni Javier. Tumayo si Lucas, yumukod nang bahagya bago sinabing, "Magandang umaga." Iniiwas niya ang mukha at sinadyang huwag batiin ito. "Mamaya na, Kuya. Mahirap mangabayo kapag puno ang tiyan." "Pareho pala tayo. Ayaw ko ring mangabayo kapag busog pa. Kaya nga nagkape lang muna ako." Sumabat pa rin si Lucas

