Hindi niya malinaw na naririnig ang pag-uusap mula sa kubol sa tabi ng kubo sa loob habang nagbibihis siya ng malinis na damit na inihanda ni Mara para sa kanilang dalawa ni Odeo. Hininaan ng manglalakbay na si Sylvia ang pagsasalita upang walang ibang makarinig sa pakikipag-usap nito kina Drust at Mara. Nasa likuran niya lang si Odeo na nagbibihis din ng damit na para rito. Pinili niyang huwag itong pansinin dahil hindi niya rin naman alam kung ano ang sasabihin sa binatang prinsipe. Maging si Odeo ay ginusto ring huwag siyang kausapin. Marahil mas mainam nga iyon nang hindi sila magkainitan na dalawa. Mabuti pang hindi na talaga ito sumama sa kanila ng makamandag na ahas sa pagpunta nila sa mga manglalakbay. Nang matapos nga niyang maisuot ang itim na pang-itaas na mahaba ang manggas n

