Puno ng ingay ang lansangan dahil sa mga taong nagkatipon dito. Papunta't paparito ang pinaghalong residente at mga manglalakbay habang sumisigaw ang mga nagtitinda sa mga kubol ng mga ito. Sa dami ng mga tao'y lalong uminit ang hangin kahit na malayo pa ang katanghalian. Umiiwas si Greyson sa mga taong kaniyang nakakasalubong. Hindi niya malaman kung alin ang kaniyang uunahin nang mga sandaling iyon dahil sa tuwang kaniyang nararamdaman. Iyon ang unang pagkakataon na pinayagan siya ni Mara na magtungo sa bayan mula nang kunin siya nito. Hinayaan siya ng babae bilang regalo sa kaniyang ikalabinglimang kaarawan na nangyari dalawang linggo ang nakakaraan. Huminto siya sa paglalakad sa harapan ng kubol ng nagtitinda ng mga makukulay na bato. Ginagamit ang mga iyon para mapalakas ang enerhiy

