Malamig ang paligid sa loob ng kakahuyan na pinagdalhan sa kanila ng gurong si Gregory para sa kanilang klase. Naglalaro sa hangin ang manipis na hamog. Ang mga puno roon ay nagtatayugan na nababalot ang paanan ng mga berdeng lumot. Umalingawngaw ang huni ng mga ibon na sinasabayan ng pag-irit ng mga kulisap. Iniupo niya ang kaniyang sarili sa malaking ugat ng puno pagkarating niya sa bakanteng lupa. Naroon na rin ang iba pang mga mag-aaral na nakagrupo lahat maliban sa kanilang dalawa ni Odeo. Ilang dipa ang layo ng lalaki sa kaniya na nakatayo lamang nang tuwid. Pinagmamasdan ng lahat si Gregory sa paghahanda nito para sa kung ano ang ituturo nito para sa araw na iyon. Iilan lamang ang nakapasok sa mga mag-aaral mula sa kanilang klase dahil nagpapagaling pa. Kasali sa mga naging maayo

