Biyernes.
Pasado alas singko nang ihinto ni Felix sa harap ng bahay ang karwahe ni Mang Arturo. Sa awang ng kawayan naaninag niya si Mikael na nakatayo, suot ang parehong damit magmula ng mapadpad dito. Bagamat mababaw, talaga namang kapag nakakakita siya ng nakaputi’y rumirehistro sa kanya ang imahe ng anghel ng San Juan.
Mas lalo lang umigting ang kanyang hinala nang lumabas si Mikael na may maalong buhok, tumatalbog habang nakikipaghabulan kay Nimpa.
“Oh `di ba, sabi ko sa`yo e. Malalaglag ang panga ni Felix!” Si Victoria sa bintana, nakapangalumbaba’t saksi ang ekspresyon ng binata.
Si Victoria kasi ang nag-ayos ng buhok ni Mikael at maging sina Aling Corazon at Mang Cardino’y nagustuhan ang ginawa ng anak. Binigay na ni Mikael ang huling pag-aamo sa aso’t sumampa sa karwahe. Kumaway ang pamilya’t humiling ng maayos na paglalakbay.
Kulay kahel na ang langit nang baybayin nila ang Kalye Kamanggahan at sa `di matukoy na kadahilanan, hindi makuhang umumik ni Felix. Nagpawis ang palad niya, ang dibdib kumaba. Akala niya marami pa siyang oras para ipunin ang lakas ng loob mapuri lang ang lalaki nang ipahinto sa kanya ang karwahe. Hindi pa sila nakakaliko sa merkado.
“Malayo pa `to sa pamilihan,” ani Felix. “Sumakay ka uli.”
“Nag-aantay ang Tinyente sa bungad.” Pinagpag ni Mikael ang pwetan. “Inaasahan niya akong pupunta mag-isa. Hindi ka niya puwede makita.”
“Kung gano’n, hihintayin na lang kita rito.” Iginiya ni Felix ang kalabaw sa direksyon ng pamosong puno sa kaliwa. Habang tinatali ang kalabaw, lumapit si Mikael.
“Felix, `di ko tiyak kailan matatapos ang piging. Baka magutom ka rito o mabagot.”
“Ipupuslit mo naman ako ng handa e, tama?” Nagtaas-baba ang kanyang kilay. “Saka huwag ka mag-alala. `Di ako mababagot.” Nilabas niya ang pangpait at ang ‘obra maestro’ na siyang nagbigay kay Mikael ng nosyong pinaghandaan niya ang pagsama.
“O siya, maiwan na muna kita. Susubukan kong makalabas nang maaga.” Tumalikod na si Mikael.
“Ah eh, sandali.” Inabot ni Felix ang batok. “Gusto ko lang sabihin, ang ganda ng ayos mo. Mag-enjoy ka sana.”
Ngiting pilit ang tugon ng isa. Dumating si Mikael sa bungad ng palengke saksi ang kawalan ng tao, maliban sa Tinyenteng nakasandal sa tindahan ni Aling Liway. Asul ang kanyang uniporme, taliwas sa kayumangging kadalasan niyang suot. May mga sagisag dito na nakakabit, patunay sa taas ng kanyang ranggo.
Umayos ng tindig ang Tinyente sandaling masilayan ang paglapit ni Mikael. Ngunit `di katulad ni Felix, binati niya agad ang hitsura’t ayos ni Mikael. Nagpasalamat si Mikael at pagkaraa’y magkatabi ng pinasok ang looban. Ito ang pinakamabilis na ruta papunta sa lugar ng pagdarausan.
May mangilan-ngilan pang tao na nagbababa ng trapal na sandaling makita ang Tinyente’y dali-daling nagbigay-galang. Tulad ng Kamanggahan isang diretsong daan lang ang pangunahing kalsada sa looban bagamat maraming makikitid na eskinita.
Nakalabas sila sa looban at ngayo’y patawid sa kalyeng okupado ng mga karwaheng hila ng kabayo’t humihinto sa tapat ng magarbong bahay – dalawang palapag at pinaliligiran ng lenteng animo’y yaring Capiz.
Nasa tapat ang hagdan pataas, two-door type ang pinto na maya’t-maya ang bukas. Tumawid sila ng Tinyente at nang sila’y umakyat tila ba Met Gala ang napuntahan niya na may temang Spanish Era.
Makukulay at maaalsa ang kasuotan ng mga ginang, makakapal ang kolorete’t matataas ang buhok. Kaya niyang matukoy sino ang totoong Espanyola at sino ang huwad sa kutis na lang. Pamaypay ang aksesorya nila, baton at tabako naman sa mga kalalakihan.
Pumasok sila na laglag ang panga. Hindi alam ni Mikael kung saan malulula – sa lawak ba ng bulwagan, sa dami ng tao o pareho? Pero bagamat maganda sa mata ang larawan ng kasiyahan, hindi ito kalugud-lugod sa kanyang ilong. Bigyan mo siya ng amoy ng manukan, huwag lang ang pinaghalong pabango, alak at usok ng tabako. Kung `di lang talaga bukas ang mga bintana nasulasok na ito.
Pagpapakilala, kamustahan na may kasamang pagbubuhat ng sariling upuan – ito ang pattern na nakuha niya sa kanyang pakikipag-kamay. Ganito rin minsan ang eksena tuwing may dadayuhing pagdaraos ang Colatura kaya hindi na sa kanya bago. Nabuo tuloy sa isip ng mga naroon ang impresyong elitista ang kaharap na noong ipaumanhin niya ang sarili agad rin nila itong pinakawalan. Dahil siguro sa tuwing sila’y magpapayabangan, ni katiting na inggit sa lalaki’y hindi nila nakitaan.
Sinipat ni Mikael ang Tinyente. Nasa grupo siya ng mga ginoo, okupado sa pag-uusap. Kinuha niya ang pagkakataong sumibat upang tuklasin mag-isa ang pasilyo sa kaliwa. Dito’y natagpuan niya ang miniature na modelo ng paaralang sinasabi ng Tinyente; silyado ito sa babasaging kaha at kasalukuyang pinalilibutan ng mga ginoong may baso ng alak sa mga kamay samantalang nakikipag-usap sa lenggwahe ng mga arkitekto.
Bukod sa modelong paaralan para rin siyang nag-field trip sa museo nang tingalain niya ang magagarang paintings sa dingding. Naisip tuloy niya baka nandito rin sa pagtitipon ang mga pintor tulad nina Da Vinci, Raphael at Michelangelo.
Kailan lang naantala sa kani-kanilang mundo ang mga ginoo nang may humintong kasambahay sa pintua’t pinatunog ang kalembang. “Handa na ho ang hapunan.”
Sinalubong ng Tinyente ang paglabas ng mga tao makalapit lang kay Mikael. Kulay kamatis na ang pisngi ng ginoo at ang lakad niya’y nagpapaalala kay Mikael noong unang sakay niya sa barko. Ginawan niya ng pabor ang tinyente’t kusa ng lumapit. “Tinyente, pulang-pula na ho kayo.”
“Hindi pa ako lasing,” sabi niya sabay akbay. “Kasi kung lasing na ako’y hinalikan na kita.”
Ngumiti nang alanganin si Mikael. “Kung gano’n, tubig na lang ho pala ang inumin ninyo nang maiwasan ho natin `yan.”
Tumawa ng malakas ang Tinyente samantalang inaalalayan palabas ng kwarto. Sinundan nila ang mga pumapasok sa isang pasilyo. Dito’y sumalubong sa kanila ang tatlong mahahabang lamesang may malalaking kandilang nakatirik sa gintong kandelabra. Ang lamesa na lang sa kaliwa ang hindi pa napupuno kaya dito sila dumiretso. Tinola ang kanilang pangunahing putahe, tulad doon sa pagtitipon sa isang kabanata ng Noli Me Tangere.Isa i to sa mga naaalala niyang pangyayari magpahanggang ngayon.
Bagamat natatakam, ang sinandok lang ni Mikael sa seramikong plato ay dalawang tinapay na nilahiran niya ng mantikilya. Sinigurado niya munang walang nakatingin bago magpuslit ng dalawang mansanas para kay Felix. Pinayagan niya ang sariling uminom ng red wine, sa kondisyong hindi siya sosobra sa kalahatin baso. Pero sana pala hinintay niyang tanungin siya ng Tinyente kung umiinom siya. Tuloy, pinuno ng Tinyente ang baso niya.
Sa kalagitnaan ng kainan, isang grupo ng mga musikero ang pumuwesto sa mababang entablado, bitbit ang mga instrumentong gitara, cello at byolin. Nakuha nito ang atensyon ni Mikael kaya sa halip na ituloy ang pagkain, ipihit niya ang katawan paharap sa kanila’t naupo nang tuwid. Miss niya ng tumugtog at waring narinig, sumilip sa bag ang kanyang itim na plawta.
“Iho, tumutugtog ka rin ba?” tanong ng ginang sa kanyang likuran, nakaturo sa nakalabas na plawta.
Ihiniga ni Mikael ang plawta’t binalikan ang ginang. "Paminsan-minsan lang ho.”
“Minsan lang din magdaos ng ganitong pagtitipon. Baka puwede mo kaming alayan pagkatapos ng tatlo?”
Isa iyong pakiusap pero ang kumalat na balita - may isang binata raw na "gustong" magtanghal. Wala na tuloy nagawa si Mikael kung `di pagbigyan ang kanilang hiling. Kinalahati niya ang laman ng baso nang lumakas ang loob hanggang makita niya na lang ang sariling nakatayo sa munting entablado’t sila’y tinugtugan.
Maingay subalit tahimik, maliwanag subalit madilim. Ganito ilarawan ni Felix ang gabi sa likod ng karwahe samantalang nagpapait ng iskulto. Nakasandig siya sa gilid, may nilalarong dayami sa bibig nang malipad ang diwa. Inisip niya kung kailan ipapakita ni Engracio ang tunay na anyo, dahil sa likod ng pagtanggi ng huli buo pa rin ang paniniwala niyang isa siyang anghel. Hindi na siya makapaghintay sa pagtunog ng kampana. Gusto niyang ipakita nang harapan ang kamukha nitong anghel nang malaman niya na rin sa wakas na nagsasabi siya ng totoo.
Huminto si Felix sa paglililok nang mayamaya’y may mahagip na tunog bagamat mahina. May narinig siyang masayang tugtugan kanina pero ngayon, plawta lang ang tumutugtog. Kaagad niyang inipit sa salawal ang pangpait, ang obra tinabi sa isang gilid. Tinakbo niya ang merkado nang kumpirmahin kung kay Mikael ang piyesa. Sa pagmamadali, nakatisod pa siya ng bote sa looban pero sa halip na hayaan, pinulot niya pa ito’t itinabi sa daan.
Sa pabilis nang pabilis ang kabog sa dibdib ni Felix sa bawat hakbang. Pero nawala ito kasabay ng pagkawala ng tugtog hindi pa man nakatatawid ng kalsada. Pinalitan ito ng masigabong palakpakan na siyang nagpabagal sa kanyang paglalakad.
Nagdalawang-isip si Felix kung babalik ba siya o hintayin na lang sa looban si Mikael. Pero kung gusto niyang matuwa sa kanya ang ‘nobyo’ siya’y babalik, na kanya na sanang gagawin kung hindi lang niya nahagip ang paglabas ni Mikael.
Gusto niya itong gulatin kaya nagkubli si Felix sa likod ng tindahan. Pero lingid sa kanyang kaalaman, huminto siya sa pagtawid nang sundan siya ng pasuray-suray na Tinyente.
“Maraming salamat po sa imbitasyon, Tinyente. Nasiyahan po ako.” sambit ni Mikael sa tapat ng langong Tinyente. Pero kung tutuusin, maliban sa pagtugtog, itong paglabas niya sa pagtitipon ang isa sa nagpasaya sa kanya dahil makakauwi na siya. Sana.
“Pinasaya mo rin ang mga tao, Engracio. Pero ngayon...” Dinapo ng Tinyente ang daliri sa kanyang baba. “Ako naman pasayahin mo.”
“Pero kailangan ko na hong umuwi.” Pangatal umatras si Mikael.
“Pa’no ka uuwi? Dis oras na ng gabi. Sa bahay ka na magpalipas. Pasiyahin mo `ko.” Hinila siya ng Tinyente sa dulo ng bahay.
“Uuwi na ako!” Hinablot ni Mikael ang braso.
“Nang wala akong napapala?”
Agad sinunggaban ng Tinyente ang leeg ni Mikael kaya nasuntok niya ito.
Dinampi ng Tinyente ang kamay sa pisngi, nagtagis at sapilitang hinila sa gilid ang takot na takot na lalaki. Nilampaso niya ito sa lupa, bagay na kinagasgas ng kanyang tuhod at palad. Dumaing si Mikael subalit walang nakarinig sa lakas ng kasiyahan sa taas.
Gumapang si Mikael para makatakas pero nahuli siya ng tinyente sa binti’t siya’y dinaganan. “Tinyente, maghunusdili ho kayo!” Hinarang ni Mikael ang mga kamay sa katapat.
Hinagis ng Tinyente ang armas sa gilid saka nagtanggal ng butones. At ngayo’y sinturon.
“Tinyente, lalaki ho ako!” sigaw ni Mikael, umasang sa pagdeklara nito siya’y hihinto.
“Wala akong paki!”
Isang kamay nitong pinosasan ang kamay ni Mikael sa lupa’t pinintahang muli ang leeg, tenga at dibdib ng lalaki. Ang isang kamay ng Tinyente’y may dinudukot sa pangbabang uniporme.
“Saklolo!” Gumapang ang mga luha ni Mikael kasabay ng paggapang ng kamay ng Tinyente sa kanyang salawal na pilit binaba ng huli.
Alam niya ang gagawin ng Tinyente, alam niya ang nais at ni minsan hindi niya pinangarap magalaw ano pa ng isang manyak na sundalo.
Nagdilim ang paningin ni Felix nang masaksihan ang panghahalay. Pinulot niya ang armas ng Tinyente’t itinarak sa likod ng pareho ang nakausli nitong bayoneta bago pa man magalaw si Mikael. Napasandig sa dibdib ni Mikael ang Tinyente na siya rin binuhat ni Felix at hinagis sa tabi.
Tinayo niya si Mikael na patuloy pa rin ang panginginig at walang tulak kabigin. Ngayon lang kasi ito nakasaksi at nasangkot sa dalawang magkasunod na krimen. Hindi siya makagalaw, kahit na `yon mismo ang gustong mangyari ni Felix nang sabihin niyang, “Umalis na tayo.”
Sa unang pagkakataon, nawala ang saya sa pananalita ni Felix na nakagawian ni Mikael marinig. Hindi siya nakakibo. Hanggang sa mapadungaw sa bintana ang kaninang ginang at humiyaw nang makitang bulagta ang Tinyente.
“Diyos ko! Tulong! Saklolo! Pinatay ang Tinyente!”
Ilang mga ulo ang dumungaw sa bintana’t umusyuso. “Balak rin atang bihagin ang binata! Diyos ko, madali kayo’t hulihin ang tulisan!”
Animo’y rumagasang toro sa pagmamadaling lumabas ang mga kasundaluhan. Samantala, pinaalis naman ng isang sundalo sa bintana ang mga ususero pero bago pa man niya makalabit ang baril, kagyat binuhat ni Felix ang lalaki’t mabilis itong itinakbo.
Nakalabas ang mga lalaki.
“Sa merkado!” Turo ng ginang at iba pa. “Doon tumakbo ang indiyo!”
Pinaghaharang ni Felix sa daan ang makitang trapal, bariles at lamesa, subalit napabagal man ang kanilang pagkilos hindi ang pamamaril. Tumigil sila sa pagtakbo’t nagtago sa likod ng drum. Mabuti na lang madilim ang parteng looban.
Sumilip si Fellix. Apat katao ang palapit sa lugar nila at panigurado kung tumakbo sila’y tiyak niyang ito na ang kanilang kamatayan. O marahil ang kamatayan lang niya gayong sa isip nila’y dinukot niya ang kasama.
Mayamaya nahagip niya ang bote ng serbesang kanyang natumba at waring may umilaw na bumbilya, agad niya `tong kinuha. Nilukot naman ni Mikael ang damit ng isa, waring sinasabing imposibleng labanan niya ang mga sundalo gamit lang ang bote.
Muling pinakita ni Felix ang kompiyansadong ngiti nang ipaalam sa kanya na alam niya ang ginagawa. Niluwagan ni Mikael ang kapit sa damit ng kasama at hinayaang gawin ang plano.
Tiyenempuhan ni Felix na wala sa direksyon nila ang kanilang atensyon sabay bato ng bote sa kanang eskinita. Gumawa ito ng tunog katulad ng matisod niya ang bote kani-kanina.
“Dito! Andito ang rebelde!”
Pumasok ang mga ito sa nasabing eskinita at sa hudyat ni Felix, tumakbo sila palabas, tuloy-tuloy, walang lingunan hanggang sa makarating sila sa puno ng mangga. Kinalas ni Felix ang pagkakatali ng kalabaw at dagli itong pinahayo.
Walang nagsalita sa buong durasyon ng biyahe bagamat maya’t- maya ang sulyap ni Felix sa lalaking nakayuko’t yakap ang mga tuhod sa karwahe. Gusto niyang aluin si Mikael, kahit anong pampalubag ng loob, subalit natakot siya sa maari nitong sabihin. Natakot siya sa ideyang takot na ang ‘anghel’ sa kanya.
Kung noong mga nakaraang araw si Mikael ang humihiling na sila’y makabalik sa kasalukuyan, ngayon siya naman ang taimtim na humiling, kahit para na lang sa kasama. Hindi niya natansyang magiging ganito kakumplikado ang paglalakbay nila sa nakaraan.