“Wala bang ibang paraan para mabuksan ang portal?” Hapo, paroo’t parito, ang mga palad nanginginig – ganito ang salubong ni Mikael pagkapasok na pagkapasok sa kwarter.
Sinantabi ni Felix ang nilililok saka tumabi umupo nang tuwid. “Wala e. Ano bang nangyari?”
Isinampay ni Mikael ang balangot sa uluhan ng kama’t nahiga. “Basta. Kailangan na natin makabalik.”
“May napatay ka bang butiki?” Lumipat si Felix sa kama, humagikgik. “ Ano kinababalisa mo?”
Bumuntong hininga si Mikael. “Inimbitahan ako ng Tinyente sa isang piging.”
“Puwedeng sumama?”
Nagka-linya ang noo ng ‘anghel’. “Pati ba naman ikaw masaya?”
“Kasiyahan ang pupuntahan mo, mahal, hindi lamay.” “Oo, pero nasabi ko ba sa`yong ini-insist niya `kong pumunta ro’n bilang ka-date?”
Nawala ang mapaglarong ngisi ni Felix. “May pumuporma sa`yo? Ba’t ngayon mo lang `to sinabi?”
Bagamat nahagip ni Mikael ang selos sa kanyang tono, inikutan niya lang ito ng mata. “Hindi kasi ako tulad mo na sa unang pagkikita pa lang “alam” na kung ang tao’y isang anghel o demonyo. Kaya papa’no ko malalamang pinopormahan niya `ko?”
“Wala naman sana akong pagtutol kung imbitahan ka. Gayunman, tingin ko kailangan kong makilala muna `yang Tinyente Elgario,” ani Felix. “Pinaalam mo bang may nobyo ka?”
“Hindi!” Napabangon si Mikael. “Ba’t ko gagawin `yon?”
“Ewan ko.” Nagkibit-balikat siya. “Baka siguro tantanan ka kapag nalaman niya.”
‘Bakit hindi ko naisip `yon?’ Napakurap si Mikael. Puwede niya rin pasinungalingan na babae ang kasintahan niya, pero ang tanong paniniwalaan kaya siya? Hindi naman puwedeng kinabukasan komprontahin niya ang Tinyente’t sabihin, ‘Ah, Tinyente, nakalimutan ko. May nobya nga pala ako na maaaring magselos kaya hindi na po ako makadadalo.’ At ano namang maisasagot niya kung sakaling tanungin siya ng Tinyente ng, ‘Papaano mo nakalimutang may nobya ka?’
Napabalik si Mikael sa paghiga, kamot ang kilay na siyang kinuha ni Felix na hudyat para umahon ng kama’t bumalik sa kawayang silya.
“Kailan ba ang piging?” “Sa Biyernes.” “Biyernes pa pala.” “Hoy, anong ‘Biyernes pa pala’? Malapit na `yon, ano?”
Tinuloy ni Felix ang pglililok. “Puwede ka namang tumanggi e.”
At `yon ang akala nila, ang akala ni Mikael noong una.
Dahil kadalasang nauunang matapos sa agahan, si Mikael rin ang nauuna sa tatlong bumaba’t sumasalubong kay Mang Arturo. Pero sa araw na `to, tiniyak ni Felix na mauungusan niya ang isa. Binilisan ni Mikael ang pagkain at dali-daling bumaba para lang masaksihang naikarga na ang mga produkto samantalang ang magaling na lalaki naroon sa usual niyang puwesto, nakaupo.
“Ba’t ka nandiyan?” Si Mikael.
“Ako muna sasama kay Victoria.” “Bakit?” “Hindi pa `ko nakakapunta sa merkado. At ikaw, hindi ka pa naiiwan dito. Kaya magpapalit tayo. Huwag ka mag-alala. Wala pa namang pinasisibak na kahoy si Mang Cardino.”
Bumaba si Victoria’t nagpahila kay Felix nang madaling makasampa sa karwahe.
“Victoria, si Felix isasama mo ngayon?” Laglag ang panga ni Mikael.
“Kinausap niya `ko kagabi tungkol rito. Kayo ba, hindi?”
Mabagal na tumangan si Mikael sa nakakamot-batok na lalaki. “Hindi.”
“Hayaan mo na. Gusto rin naman makita ni Rosa si Felix, hindi ba?”
Napabuntong-hininga si Mikael. ‘Kung sa bagay.’ Saka wala rin siya sa ‘mood’ pumunta roon. Ayaw niyang paalalahanan siya ng Tinyente tungkol sa piging na wala siyang balak daluhan.
Mayamaya, bumaba na si Mang Arturo’t hinanda na ang kalabaw sa paglalakbay. Tulad ng nakagawian, nagpaalam si Victoria sa mga magulang at gano’n rin si Felix kay Mikael na tulad rin ng nakagawian ay hindi siya sinuklian, bagkus ay pumasok sa kwarter nang walang anumang binatid.
“Alam mong ayaw niyang tinatawag mo siyang ‘mahal’ sa maraming tao.” ani Victoria.
Tumawa si Felix. “Nahihiya ba siya?”
“Sobra. Para kayong aso’t pusa.” ani Victoria, napakurap sa paghabol ni Mikael sa karwahe. “Tiyo, pahinto ho saglit!”
Bumaling sa kaliwa si Felix at inalo ang hingal na ‘kasintahan’, ang mga braso’y nakapatong sa tarangkahan ng karwahe. Sinuotan siya ni Mikael ng balangot, sa lupa ang tingin nang banggiting, “Mainit kasi pag-uwi.”
“Mahal, pinakilig mo `ko.” Si Felix, nakahilig. “Isa namang halik diyan, oh.”
“Halikan mo sarili mo!” Binaba niya ang sumbrero nang matakpan mukha ng isa’t tumakbo pabalik sa bahay.
“Tapos na silang mang-inggit, Tiyo. Tumuloy na tayo.”
Napuno ang daan ng halakhakan, pero nawala rin kalaunan nang ipagtapat ni Felix kay Victoria na sumama siya upang kilatisinisa ang Tinyenteng sinabi ni Mikael. At para `di bigyan ang Tinyente ng paghihinalaan, bumaba si Felix sa karwahe at nauna na sa merkado, kungwari’y patingin-tingin sa paninda subalit inaantay lang ang pagpapakita ng Kastila.
“O Victoria, iba na naman ang kasama mo?” bati ni Aling Liway nang ipagpapasok ni Felix ang kahon at bandeha sa kanyang tindahan.
“Huwag niyo hong ipagkalat na marami akong lalaki!” biro niya sa tindera bago siya ipakilala. “Si Felix ho pala. Kasin –”
“Katrabaho. Katrabaho ho ni Engracio.”
Kumunot ang noo ni Victoria, kuminis lang nang mang-usisa ang tindera.
“O e asan pala? Bakit hindi sumama?”
“Masama ho ang pakiramdam,” sagot ni Felix.
“Ah, marahil natakot iyon sa Tinyente.”
Hininto ni Felix ang pagsasalansan. “Ano hong ginawa ng Tinyente?”
“Hindi, ibig ko bang sabihin, marahil natakot siya sa presensya ng Tinyente,” ani Aling Liway. “Siya kasi nakapulot ng balangot ni Engracio no’ng nalipad ito. Nagkausap sila noon din. Tingin ko, inimbitahan siya ng Tinyente sa piging samantalang ako na matagal niya ng pinagbibilhan ng gatas hindi man lang maimbita!”
Nangisi si Victoria. “Aling Liway, nagseselos ka ba?”
“Kaunti.”
Sinubukan ni Felix makitawa hanggang sa hilain siya ng dalaga malayo sa pandinig ng tindera’t sinabing, “Hintayin mo rito ang Tinyente. Lalabas na rin iyon mula sa looban mayamaya.”
Umupo si Felix sa bangketa samantalang nakatingin sa pagtawid ni Victoria sa kabila papunta kay Rosa. Nilbre siya nito ng gatas nang hindi mahalata na si Tinyente ang kanyang sadya. `Di nagtagal, may yabag ng mabibigat na sapatos sa kanyang likuran.
“Ilang gatas, Tinyente?”
Lumingon si Felix. Kahel ang buhok nito, mestizo, at may bigoteng kakurba ng kampana. Sa harap niya’y isang paslit na nakatingala sa Kastila.
“Napansin mo ba ang binata?” “May sakit raw ho.” “Bueno, dalawang gatas na lang sa halip na tatlo.”
Napatingin si Felix sa hawak na inumin. ‘Hindi kaya `yong gatas na inabot sa`kin noon ni Mikael ay galing sa Tinyente?’ Posible. Lumingon si Felix. Tungga na ng bata ang sariling gatas. Inabutan pa ng Tinyente ng barya’t pinatungo sa tindahan ng tinapay, bagay na hindi niya inaasahan. Walang Tinyente na gagawa ng bagay na ito kung hindi siya mabuting tao.
Inubos na ni Felix ang kanya’t kaswal na binalik ang bote sa tapat ng tindahan. Pumunta siya sa lugar nila Victoria at noon di’y ipinakilala kay Rosa. Nakutuban na ni Felix na hindi lang sila basta magkaibigan, kahit ito ang kanilang pakilala. At nakakatawa dahil hindi nila makutubang huwad lamang ang relasyon nila ni Mikael kahit ito ang kanilang pakilala.
“Sabi ko na nga ba eksaherasyon lang ni Engracio nang ilarawang isa ka raw tikbalang na kapre na maligno.” Si Rosa matapos makipagkamay.
“Sinabi niya `yon?” tanong ni Felix, kunwari’y nasaktan. “Loko talaga `yon, ha! Hayaan niyo, makakatikim siya sa`kin.”
“Ng patibong?” “Ano’ng patibong?”
“Ah, wala kami lang nakakaalam ni Engracio.” Si Victoria, iwas-tingin, nakangisi.
Hanggang sa pag-uwi inusig siya ni Felix na sabihin kung ano ang ‘patibong’ pero imbis na isiwalat nilihis ni Victoria ang usapin tungkol sa pagtatakip niyang magnobyo sila ni Mikael.
“Kinahihiya mo ba si Engracio bilang nobyo?”
“Hindi!” biglang sagot ni Felix. Pero sa totoong buhay, kung tanungin siya ng ganito, ano ang isasagot niya? Pareho lang ba?
“O kung hindi, bakit katrabaho pakilala mo sa kanya kanina?” “Baka kasi maging komplikado. Tignan mo, kung `yon ang pakilala ko sa tindera e `di binalita niya agad `to sa Tinyente. Saka tingin ko, hindi pa handa ang mga tao dito tumanggap ng ganitong klaseng relasyon.”
“May punto ka.” Tumango si Victoria. “Ang mahalaga, tanggap niyo ang isa’t-isa.”
Nagpasalamat kay Mang Rene ang dalawa nang maibaba sa bahay, pero siya namang salubong ng ginang bitbit ang balitang umalis si Mikael.
“Baka na kay Tiyo lang,” ani Victoria samantalang haplos sa likod ang ina.
“Kinumpirma na kanina ng tatay mo `yan, Victoria. Hindi siya pumaroon.”
“Wala ho siyang sinabi kung saan pupunta?” tanong ni Felix. Sa `di maipaliwanag na dahilan, panatag ang kanyang kalooban.
“Ang totoo, kung `di ako bumaba hindi ko malalamang aalis siya,” sabi ng ginang. “Aalukin ko pa naman sana siya nitong nilagang kamote nang bigla na lang natakbo pagkabagting ng kampana.”
‘Inakala niya marahil bubukas ang portal.’ sa isip ni Felix bago balikan ang ginang. “Para ho kay Engracio `yan, tama? Maaari ko bang makuha nang mapauwi ko na.” Ipinasalin ni Felix ang kamote sa balangot.
“Ginawa mo talagang kuting ang iyong nobyo, ano?” Si Victoria.
“Kakailanganin ko rin ng tubig sa sisidlan. Panigurado uhaw na `yong kuting `yon katatakbo.” “Hintayin mo’t magsasalin ako. Pero bilisan mo pagkuha sa kuting mo baka may ibang makakupkop.”
Nagpaalam na si Felix at tumuloy sa direksyon ng simbahan. Tulad ng inaasahan naroon nga ang kanyang ‘kuting’, nakaupo sa unahan ng saradong pinto, lugmok ang ulo sa mga bisig.
Naglakad si Felix palapit at tahimik na tumabi. “Kamote?”
Nag-angat ng ulo si Mikael, tinignan ang alok bago ang nang-alok. “Bakit hindi ako binalik ng pinto sa kasalukuyan? Tumunog naman ang kampana, ha?”
Nilapag ni Felix ang balangot sa pagitan ng mga hita’t nagbalat ng kanya. “Inaasahan ko ng gagawin mo ang bagay na `yan.”
“Ano’ng ibig mong sabihin?” “`Yan din kasi ang una kong ginawa nang bago ko pa lang matuklasan ang portal. Pero base sa karanasan, sa alas dose talaga ng hatinggabi ito nagbubukas.”
“Bakit hindi na lang alas dose ng tanghali?”
“Siguro kasi alam ng portal na kasarapan iyon nang pagtulog; walang makakakita ng pangyayari.” Kumagat si Felix ng kamote. “Kanina ba walang mga tao?”
“Meron. May binyag.” Kumuha si Mikael ng kamote na siyang kinagitla ng isa ano pa’t nakalatag lang ang balangot sa ibabaw ng kanya. “Nakakahiya man pero pumasok pa rin ako’t binuksan iyang pinto.”
Sinubukan ni Felix isantabi ang nangyari. “Nakita ko ang Tinyente na sinasabi mo.”
“Hinanap ako sa`yo?” “Hindi. Hindi ko pinakilalang magnobyo tayo.” “`Yan ang isa sa tama mong nagawa magmula ng dumating tayo rito.” “Salamat. Pero siguro pagbigyan mona rin ang sariling mag-enjoy sa piging.”
“Ha? Ibig sabihin hahayaan mo `kong pumunta roon kasama siya?” Naudlot si Mikael sa pagbabalat.
“Kadalasan hindi nag-aaksaya ng panahon sa mga batang gusgusin ang mga sundalong matataas ang ranggo pero ang Tinyenteng sinasabi mo, gatas lang ang kinukulit sa kanya ng bata, binilhan pa ng tinapay. Kung `yon ang pagbabasehan natin, ayos lang sa`kin paunlakan ang kanyang imbitasyon.” Bumaling siya kay Mikael. “Hihiramin ko kalabaw ni Mang Arturo nang mahatid-sundo kita sa Biyernes. Minsan mo lang mararanasan kung pa’no magsalu-salo sa panahong ito. Ikaw pa lang kung papayagan mo ang sarili.”
Hibang man kung ituring ni Mikael si Felix, mas malaki pa rin ang porsyento na siya’y nagtitiwala sa lalaki kaysa hindi. “Sige, dadalo na `ko.” Kumagat si Mikael sa kamote hanggang sa mabilaukan nang may binanggit si Felix.
“Kapre na tikbalang na maligno pala ang pagkakalarawan mo sa`kin kay Rosa.”
Napakabig si Mikael sa dibdib; pinagbuksan siya ni Felix ng inumin at nagpaliwanag pagkaraang makainom. “Ibig kong sabihin no’n matangkad. `Yon lang `yon.”
“Sinabihan mo pa `kong ‘pilyo’.” “Bakit totoo naman, ha?” “Ah, totoo? Sige, pagbibigyan kita. Tumakbo ka na dahil oras na mahabol kita patitikimin kita ng patibong.”
Lumagok si Mikael. “A-alam mo kung ano’ng ibig sabihin no’n?”
Nagsinungaling si Felix. “Oo at hindi ako magdadalawang-isip patikimin ka ng aking –”
Bago pa niya maituloy, kumaripas na si Mikael ng takbo.