Chapter 8

1894 Words
Nanaginip si Mikael tungkol sa pagtatanghal nila sa Festival of Talents. Nasa ikalawang yugto na ng pagtatanghal at hinhintay niyang tumahimik ang madla para makapagsimula. Pero hindi pa man hinihipan ang instrumento, nasipat niya sa taas ng audience si Felix. Itinulak niya raw `di umano ang pinto hanggang sa sumilay na naman ang nakabubulag na liwanag. Napabukas si Mikael ng mata sa pag-aakalang ibabalik na naman siya nito sa nakaraan. Pero nagising siya sa katotohanang hindi pa nga pala sila nakauuwi at sa kanyang ibaba siya kinalabit ni Felix nang magising. Agad niyang hinablot ang una’t pinalo ito sa lalaki. “Bakit kailangan manghawak ng puwet, ha? Bakit?” “Aw! Sorry! `Kala ko balikat.” “Balikat? Nasa baba ba ang balikat?” Nanghampas muli si Mikael bago umupo’t paos na dinagdag, “Bakit ba ang aaga niyo magising?” “Bakit ang tagal mo matulog? `Yon ang tanong.” Inimbitahan ni Felix ang sarili sa kama na agad rin lumangitngit. “Sabi ko naman sa`yo `di ba, ako na maghihintay sa pagtunog ng kampana.” Hinablot ni Mikael ang kumot, aktong tutupiin nang akuin ito ni Felix. Hindi ito binigay ni Mikael at may kutob si Felix kaya niluwagan niya ang kapit. “Nag-aalala ka ba na baka `pag tumunog ang kampana, hindi kita isasama?” Ang totoo, mas inalala niya `yong ideyang marinig `to ni Felix subalit hindi niya ipapaalam nang magtagal pa sila lalo. Pero sa halip na sagutin, nagsuot si Mikel ng tsinelas na abaka saka pahikab lumabas ng kwarter. Nakatalikod at nakatingkayad si Mang Cardino, na una niyang beses masaksihang bumaba nang mas maaga. Sa kaliwa niya nakatayo si Victoria. “Magandang umaga, Mang Cardino, Vic –” Naudlot ang kanyang pagbati nang lingunin siya ng dalagang may dugo sa noo, pormang krus. Itinabi ni Mang Cardino ang puting inahin sa lupa, nangingisay. “Uy, Victoria, maligayang kaarawan!” Napalundag si MIkael sa pagsulpot ni Felix sa likuran, naningkit ang mata sa pag-attempt niyang makita ang koneksyon ng pagpatay sa manok at paglagay ng dugo nito sa noo ng may kaarawan. Noong itanong niya `to, sinagot siya ng dalaga. “Pampaswerte ito at pangontra sa usog ayon sa matatanda. Dahil nga raw kaarawan ng isang tao, hindi maiiwasan siya’y batiin, hindi lang ng mga kakilala pati na rin ng mga `di niya nakikita.” Tumango nang mabagal si Mikael sa bagong natuklasan bago sumunod sa dalaga sa kamalig para maggatas. Mula sa mataas na bintana, pumasok ang aroma ng nilutong pancit ni Aling Corazon, waring sil’y hinihila’t pinapapaspas sa kanilang gawain. Tulad dati, tumulong si Felix sa pagsasalin ng gatas sa bote nang matapos sa toka. Paakyat na sila sa taas nang batiin sila ni Mang Arturo sa daan. Itinabi niya ang kalabaw, sa damuhan at pagkaraa’y kinuha sa likod ang nakabalot sa telang regalo para kay Victoria. Tinanggap ito ng dalaga, yumakap at nagpasalamat. Pumanhik ang lahat at nagsalu-salo sa handang pansit, puto at bukayo. May dalawa pang putaheng pinangako si Aling Corazon na matitikman nila sa tanghalian. Nang matapos sa almusal, bumaba si Mikael at hinanda ang susuoting pangkubli pagpunta sa palengke. Sa araw na `to’y pinili niyang suotin ang may mahabang manggas na kamisa na kakulay ng gabi, pantalon na sa sobrang luwag niyayapos ang kanyang mga binti tuwing hahangin. Kinompleto niya ang porma sa pagsuot ng balangot, siniguradong walang hibla ng buhok ang lalabas nang `di siya mahanap ng Tinyente o mabigyan muli ng gatas. Dalawang taon na ang nakakaraan nang madestino sa San Juan ang Tinyente Elgario. Sa pagkakakilala ni Victoria, hindi naman siya ganoon kalupit kung ikukumpara sa kanyang pinalitan – ang huli kasi’y basta na lang huhugot ng bayoneta kung siya ay sinuway. Sa dalawang taon na `yon wala pa naman siyang napapaslang dahil nadala rin ng takot ang mga tao. Matiwasay ang pakikisama niya sa mga tindera. Minsan lang nagiging abusado. Hindi pa siya nakikita ni Mikael buhat no’ng utusan niya ang bata. Marami rin kasi itong mga papeles na binabasa’t pinipirmahan sa opisina na hindi niya puwedeng ipagpaliban o paspasan para lang masilayan ang lalaking higit dalawampu ang bata kaysa sa kanya na sa `di niya maipaliwanag na kadahilan ay nakapagpabighani sa kanya. Tulad noong una, umalis na rin agad si Mang Arturo nang maibaba ang mga bandeha at kahon sa bangketa. Diretso kwentahan na sina Victoria’t Aling Liway samantalang si Mikael, buhat sa loob ang mga paninda. Pagkatapos makuha ang bayad, agad tinawid ni Victoria ang kalsada papunta kay Rosa, sabay bilin kay Mikael na sumunod na lang. May dala siyang pansit para sa dalaga. Inalok ni Aling Liway si Mikael ng isang bote ng gatas, libre niya para sa pagbubuhat. Inalis niya ang balangot at pinaypay sa sarili samantalang lumalagok. Naglakad siya sa hilera ng mga tindahan, patawid nang sa hindi inaasahan, umihip ang hangin. Tinangay patalikod ang kanyang balangot. Hinabol niya ito pero kaagad rin nahinto nang ang pamilyar na unipormeng pambaba ang kanyang nakita. Unti-unti niyang inangat ang paningin; napalunok siya. “Magandang araw, Engracio.” Matamis ang ngiting iginawad ng Tinyente pero hindi ito nagawang suklian ni Mikael sa kaparehong sidhi. “M-magandang umaga rin ho, Tinyente.” ‘Pa’no niya nalaman ang pangalan ko gayong ngayon pa lang naman kami nagkaharap?’ tanong niya sa sarili. Inusisa ng Tinyente ang balangot, ang mga kilay nag-angat, waring na-impress sa kalidad. “Gumagamit ka ba nito nang `di kita makita?” Napalagok si Mikael. “Ha? H-hindi po, Tinyente. Nagkakamali -” Napapikit si Mikael sa pag-aakalang pagbubuhatan siya ng kamay; napabukas rin nang malamang isinuot lang pala muli sa kanya ang sumbrero. Lapat ang daliri sa baba, itinungo ng Tinyente ang mukha ng binata sa kanya. “Mas kabigha-bighani ka `pag walang sumbrero.” “S-salamat.” Binigyan niya ito ng ngiting maalinlangan. “Mauna na ho ako.” “Balita ko taga-Inglatera ka, tama ba?” Hininto ni Mikael ang pangatlong hakbang upang magsinungaling. “Doon ho ako ipinanganak.” “Kilala ang mga taga-Inglatera bilang laman ng salu-salo.” Rinig ni Mikael ang yabag ng sapatos ng tinyente papalapit sa kanya. Huminto ito sa tapat niya, ang mga kamay sa likod. “May mangyayaring pagtitipon isang linggo mula ngayon. Hindi mo naman siguro tatanggihan ang personal na imbitasyon ko sa’yo, tama?” Ngumisi si Mikael. “May mga tiga-Inglatera rin ho na hindi gusto ng mga salu-salo. Halimbawa ho, ako.” “Pero tatanggihan mo ba talaga ang grasya?” ani Tinyente. “Hindi naman ito pagtitipon na walang kabuluhan. Ang piging ay selebrasyon sa nalalapit na pagbubukas ng bagong iskwelahan. Karamihan sa mga dadalo’y mayayaman, mataas ang ranggo sa lipunan.” “Kaya nga ho mas lalong hindi niyo dapat ako iimbita,” sabi ni Mikael. “Wala ho ako sa dalawa.” “Pero ika’y tiga-Inglatera, tama? At kahit hindi, mapagkakamalan pa rin kitang maharlika. Hindi ka tulad nila. Kumbaga, mas angat ka sa kanila. Ayoko na magbanggit pa ng mga kapintasan pero alam mo na kung ano’ng ibig kong sabihin. Mas makabubuti sa `yo kung pauunlakan mo ang aking imbitasyon.” Hinimas ni Tinyente ang mahabang baril. Napalunok si Mikael. “May isang linggo pa ako para maghanap ng disenteng kasuotan.” “Suotin mo ang sinuot mo noong una. `Yong puti. Mukha iyong disente.” “Susubukan ko hong hanapin.” “Mainam!” Binigyan ng Tinyente si Mikael ng daan. “Bueno, ipasusundo na lang kita. Magkapitbahay lang ba kayo ng dalaga?” Lumingon si Mikael sa direksyon nila Victoria na nakatingin rin sa kanila. Masamang ideya ang malaman ng Tinyente ang kanilang tinutuluyan. “H-hindi ho. Ako ho’y pakanan, siya pakaliwa. Malapit lang ako sa merkado. Hindi ko na ho kailangan ng susundo.” “Kung gano’n, hihintayin na lang kita rito sa Sabado, alas sais ng hapon,” ani Tinyente. “Sisipot ka naman, tama?” “Paano ho kung may nangyari sa araw na `yon at hindi ako makasipot?” Natawa ang Tinyente na animo’y nakarinig ng biro. “Kung ako sa`yo, pipilitin ko.” “Pero bakit niyo ho pinagpipilitan na sumama ako?” “Mas nakaka-angat ng estado kapag may kasama kang dadalo na mas bata kaysa sa`yo.” “Pero lalaki ho ako.” “May mga babae sa bansa namin na madalas pagkamalang lalaki, gaano man kahaba ang kanilang mga buhok. Ikaw ang kabaliktaran.” Inabot uli ng Tinyente ang kanyang baba. “Napakaganda mo para sa isang lalaki.” Hinablot ni Mikael ang sarili, umatras. Ang pagngisi ng Tinyente ang huling imaheng kanyang nasaksihan bago tunguin ang lugar nila Rosa. “Engracio, kumusta? Ano pinag-usapan niyo?” Hawak siya ni Victoria sa braso. Sa normal na okasyon, hindi niya ikukuwento ang tungkol sa pagsasabi ng tinyente ng ‘napakaganda’. “May pagsasalu-salo raw sa Sabado. Inimbitahan ako.” “O e bakit pang-Biyernes Santo `yang mukha mo?” Lumiyad si Victoria. “Isang karangalan `yon, Engracio. Makakasalamuha mo ang mga mayayaman sa bayan, ang mga arkitekto’t makakapangyarihan.” “Ganyan ba ka-prestihiyoso ang tingin niyo sa salu-salo?” tanong ni Mikael. Sa dami na kasi ng mga salu-salong kanyang napuntahan, tila ba hindi na ito iba sa kanya. “Nakasaksi na ako noon ng kanilang pagtitipon– napakarangya.” Si Rosa. “Marahil sa Inglatera laman ka ng mga salu-salo kaya hindi na `to bago sa`yo.” “Pero ang pilitin ka bilang opisyal na kasama sa pagdiriwang, `yon ang bago sa`kin,” ani Mikael. “Wala ba siyang nobya o asawa?” “Hindi ko alam.” Umiling si Rosa at maging si Victoria. “Kadalasan sa mga kasundaluhan, nasa Espanya ang mga asawa. Sa edad niya, tingin ko meron na at posibleng meron na rin siyang anak.” Inisip na lang ni Mikael na marahil nangungulila ang tinyente sa kanyang anak kaya siya gustong makasama. Iniwan na lang niya sa ganoong pananaw ang kaso’t bumalik kay Victoria. “Ang ganda ng pulseras mo, ha.” Inangat niya ang kamay ni Victoria; pinagdikit-dikit ito na kabibe. “Regalo sa`kin ni Rosa.” Tumangan si Victoria sa dalaga’t ngumiti nang matamis. “Teka, ang regalo mo nga pala?” “Ha? Hindi pa ba regalo `yong pagpapalampas ko sa pang-bwibwisit niyo sa`kin ni Felix?” “Kung sa bagay!” Nagtawanan ang tatlo subalit si Victoria ang unang natigil nang magtanong si Rosa, “Ano bang hitsura ni Felix?” “Rosa?” “Hindi naman sa aagawin ko siya o ano.” “Hindi rin naman siya kaagaw-agaw, ano!” sambit ni Mikael. “Isa siyang kapre na tikbalang na maligno. Sa unang tingin aakalain mo isa siyang santo, `yong tipong `di gagawa ng katarantaduhan, pero huwag ka! Saksakan pala ng pilyo. Maniwala ka, hindi mo siya gugustuhing makilala.” “Nakalimutan mo atang banggiting may boses siya at patibong na kaaya-aya.” “Victoria!” Nangisi ang dalaga nang magkulay kamatis ang pisngi ng binata. “Ang totoo, Rosa, may hitsura si Felix. At `yong pagkapilyong binabanggit ni Engracio, sa kanya lang `yon – paraan niya ng paglalambing, pero sa ibang tao – napakamatulungin niya, masipag, at maaasahan.” “Tingin ko, nakakatuwa silang magnobyo.” Si Rosa. Napabuntong-hininga si Mikael dahil ang balak niyang pagsira sa reputasyon ng lalaki, kinatuwa pa pala ng kasama. Kalaunan, lumabas na rin mula sa looban si Mang Rene. Mag-iisang linggo na siya sa panahong ito pero hindi pa niya nasusuyod ang kabuuan ng merkado. Kung tutuusin, maaari naman. Siya lang naglilimita sa sarili sa takot na iwanan siya ni Victoria o may mangyaring kakaiba dahilan para `di siya makauwi. Ngayong naisip niya `to at kung magkataon man na hindi pa rin magbukas ang portal bago ang piging, kailangan niyang kuntsabahin si Felix na ihatid siya rito sa merkado. Nakakahiya naman kasi kung iisurbuhin niya si Mang Arturo para lang magpahatid. At least kung kay Felix, papaboran pa iyon nila Victoria dahil tungkulin niya naman ito bilang “nobyo” niya. Pero lahat ng `to’y maaagapan kung magbubukas na ang portal. ‘Kailangan ng magbukas ng portal.’
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD