Kinaumagahan sa kainan, naikwento ni Mikael ang tungkol sa paglililok ni Felix ng kung ‘anu-anong bagay’ na sa tingin ni Mikael ay nakita na ni Mang Cardino subalit sa halip na sitahin ay ibinigay pa ang suporta. Hindi rin naman tumutol si Victoria at Aling Corazon na inasahan niyang mao-offend ngunit hindi. Nabatid ni Aling Corazon na marahil sumalob kay Felix ang kabagutan kaya niya nagawa iyon.
“Hayaan mo, Felix, mamaya ‘pag nauwi sina Victoria, pupunta tayong ilog,” sambit ng ginang,para bang nakasisiguro na pagkatapos magpunta roo’y hindi na itutuloy ni Felix ang iskultura.
Wala namang pagtutol si Felix sa suhestyon. Katunayan, parang si Mikael pa nga ang ginawan ng pabor ni Aling Corazon. “May ilog ho dito? `Yong malinis? `Yong p`wedeng liguan?”
Natuon sa kanya ang mata ng mga kasama. Kung ang kinamangha niya’y pagkakaroon ng ilog na malinis, ang kinamangha naman ni Victoria’y pagkakaroon ng ilog na marumi. “May ilog bang hindi malinis?”
“M-meron. Sa Inglatera,” sabi ni Mikael, pero ang halimbawa talaga na nasa kanyang isip ay ang ilog Pasig. “Dumumi ang ilog roon dulot ng pagtatapon ng basura.”
“Nakarurumi ba ng ilog ang mga dahon?” tanong ni Aling Corazon.
‘Oo nga pala,’ naalala ni Mikael. ‘Sa panahon na `to hindi pa naitatayo ang mga pabrika.’ “Higit pa ho sa dahon ang mga itinatapon doon.”
“Ah, kaya pala ganyan ang reaksyon mo,” sambit ng ginang sabay salin ng inumin sa asawa.
Dumating si Mang Arturo kalaunan at nagtulong ang tatlo sa pagbuhat ng mga produkto. Nang aalis na, kinawayan ni Felix ang ‘sinisinta’ subalit tulad noong una, hindi siya ginantihan. Napailing si Aling Corazon at humawak sa kanyang balikat. “Ang ilap ng nobyo mo. Kahit simpleng kaway hindi ka mapagbigyan.”
“Kaya nga ho. Napakamahiyain.”
Itinuloy ni Felix ang pagsisibak sa mga naiwang kahoy at pagkaraa’y tumulong sa ginang sa paggawa ng kanilang babaunin - mga binalot na kanin sa dahon ng saging. Natigilan si Aling Corazon nang may maalala.
“Felix, napansin mo bang bumalik na si Arturo?” “Kanina ho? Hindi.”
“Dumaan na siya kanina pa,” ani Mang Cardino, gumagawa rin ng ‘puso’ sa paboritong rattan na silya sa bintana.
“Nakalimutan kong ipaalam ang karwahe. Gagamitin natin `yon pagpunta sa ilog,” ani ginang.
“Sige ho, pupuntahan ko na lang si Mang Arturo.” Tumayo si Felix at naghugas ng kamay.
“Yayain mo na rin `ka mo,” sabi ni Mang Cardino. “Nang malibang naman.”
Matapos ipaalam ang direksyon, bumaba si Felix at humayo. `Di katagalan, nasilip niya sa bintana si Mang Arturo na gumagawa ng balangot. Madali siyang napansin nang huli at pinatuloy sa barung-barong.
“O Felix, naparito ka?” Inimbitahan niyang maupo ang binatang nagtataas-baba ang balikat. Sumalok siya ng tubig.
“Kayo ho pala ang gumawa ng balangot na suot ng dalawa?” “Kumuha ka ng isa.” “Huwag na ho. Mukhang pangbenta niya ata ang mga `to e.”
Bumalik si Mang Arturo sa lamesa dala ang baso ng tubig kay Felix. Nang makainom, pinaaalam ang sadya. “Magpupunta ho kaming ilog mamaya `pag nadating na sina Victoria.”
Natanto ng ginoo ang ibig niyang sabihin. “O sige, maari niyong hiramin ang kalabaw.”
“Iniimbitahan po kayo ni Mang Cardino,” sabi ni Felix. “Nang malibang naman raw ho kayo.”
“Ang sasabihin ko pa naman sana ay kung marunong ka magpalakad ng kalabaw. Pero kung inimbita naman pala ako –” “Nakasakay na po ako sa kabayo pero hindi pa sa kalabaw. Parehas lang ho ba?” “Hindi ko masabi. Hindi pa naman ako nakasasakay sa una.”
Pareho silang natawa.
Tinapos lang muna ni Mang Arturo ang huling balangot saka sila lumabas para ituro kay Felix ang pagsakay, pagpapalakad at pagpapahinto. Sa kalagitnaan nito’y napatanong si Mang Arturo, “Papa’no niyo nagawa?”
Bumaling si Felix, ang noo’y kumunot. “Ano hong ibig niyong sabihin?”
“Kayo ni Engracio,” sabi niya. “Papaano niyo naipaglaban ang pagmamahalan sa inyong mga magulang? Sa mga tao?”
Lumagok si Felix, napakurap. Seryoso ang ginoo, may tono ng pagkamangha at kaunting inggit. Bagamat mahilig gumawa ng kwento si Felix, `di niya inaasahang iku-kuwento niya ang totoo.
“Siguro ho, simulan natin sa katotohanang wala na akong mga magulang.”
Nanlumo ang ginoo. “Ikinalulungkot ko `yang marinig.”
Ngumiting pilit si Felix. “At dahil wala na ho akong mga magulang, hindi ko ho prinoblema kung ikahihiya ba nila ang mga desisyon ko sa buhay. Saka lumaki ho akong palaboy at sa lansangan - ke butas-butas ang kasuotan mo o marangya, may masasabi pa rin ang iba. Madalas hindi iyon kaaya-aya at masyado akong abala sa paghahanap ng makakain para patulan o damdamin ang mga nasasabi sa`kin.”
“Nakahahanga.” Si Mang Arturo, tulalang bahagya. “Wala kang pakialam sa sasabihin ng iba.”
“Makapal na ho kasi mukha ko simula pa lang.” Tinawanan ni Felix ang sarili.
“At papaano mo nakumbinsi si Engracio na sumama sa`yo?”
“Maliban ho siguro sa kagwapuhan ko’t kakisigan, tingin ko’y dahil mahal niya rin ako. Kasi tignan niyo naman ho, sinuway niya ang utos ng magulang, makasama lang ako.” ‘Mahahataw ako ni Mikael oras na marinig niya `to!’
“Hindi ka ba nakaramdam ng hiya o takot sa kanyang mga magulang? Hindi mo ba sinisisi ang sarili na iniwanan sila ni Engracio para sa`yo?”
“Bakit ho ako magsisisi, matatakot o mahihiya? Ako ho ba ang nagdamot?” tanong niya. “Handa nga ho akong ibahagi si Engracio sa kanila, eh. Sila lang itong ayaw ibahagi si Engracio sa`kin.”
“Pero paano kung may batayan ang kanilang pagtutol? Tulad ng hindi kayo puwede dahil pareho kayong lalaki at taliwas iyon sa nakagisnan?”
“Hindi ho masama ang kanilang mga payo,” ani Felix. “Ang masama ay kung gagawin nilang batas ang parehong payo at ikagagalit kung hindi sila nasunod. Kaya nga ho hindi ko gusto ang kasabihang ‘papunta ka pa lang, pabalik na ako’. Huwag nilang asahan na maaapakan ko ang parehong tae ng kalabaw na naapakan nila sa ikalawang kanto. At huwag rin nilang isipin na papunta ako para sadyaing maapakan iyon. Bakit sila bang mga nakabalik sinadya ang pagkakaapak? Tingin ko hindi.”
Tumango si Mang Arturo na animo’y wala ng maitanong, nangisi kaunti sa gamit niya ng paghahalintulad. Pagkaraa’y tinulungan siya ni Felix maikabit ang karwahe saka tumuloy kina Mang Cardino. Si Felix ang pinagmaneho. Nasalubong nila si Mang Rene na nangangahulugang nakabalik na ang nobyo at ang babae.
Dumiretso siyang kwarter at naabutan si Mikael na naglalagay ng labahin sa isa sa mga kahon ng gatas. “Kumusta?”
“Saan ka galing?” “Sinundo ko si Mang Arturo.” “Lagay mo diyan marumi mo, maglalaba rin daw tayo sa ilog.”
Sinunod ni Felix si Mikael at pagkaraan sila’y lumabas, tumulong sa pagkakarga sa karwahe ng mga pagkain, inumin at gamit panglaba. Tinahak nila ang Kalye Kamanggahan hanggang sa pakaliwain ni Mang Arturo ang kalabaw sa daang bibihira lang baybayin ng mga sasakyan sa sobra nitong kitid kumpara sa Kamanggahan. Bagamat nagtatawanan, rinig ni Mikael ang kaluskos ng tubig sa bato, ang tilamsik ng tubig sa pagtalon ng mga bata, at ang palu-palo ng mga labada.
Ilang sandali pa ay narating na nila ang lugar. Kanya-kanya silang bitbit ng kagamitan patawid sa malinaw at mababaw na parte palapit sa sentro kung saan nakadungaw ang mga tao. Kumuha sila ng pwesto sa hanay ng mga nauna, malayo sa basa, saka nilatagan ni Aling Corazon ng banig.
Mayamaya, kinuha ng ginang ang palu-palo at tinuruan si Mikael sa paraan nila ng paglalaba. Nang matuto’y bumalik ang ginang kina Mang Cardino’t Arturo samantalang pinagmasdan ang tatlo.
“Nakakatuwa sila, hindi ba?” Si Aling Corazon.
“Sana magtagal pa sila.” Tinungga ni Mang Cardino ang sabaw ng buko sa baso. “Ngayon ko lang nakitang ganyan kasaya si Victoria.”
Naka-pameywang noon si Mikael kay Victoria. Nakikipagtalo. “Hindi ko gagawin.”
“Engracio, magnobyo na kayo. Tignan mo ang ina, siya ang naglaba ng damit ni ama.”
“Ang sinasabi mo ba, ako ang babae sa aming dalawa?” “Hindi ba?” “Walang babae sa`min, ano! Kaya nga kami kanya-kanya.”
“E sino pala sa inyo `yong...” Binulong ito ni Victoria kay Felix. Sinagot ito ng huli nang may pagpapalabas pa ng biceps.
“Siyempre ako!”
Pinasasambit ni Mikael nang pilit tungkol saan ang bulungan, pero dahil kapwa nila pinagtatakpan ang isa’t-isa walang ibang nagawa si Mikael kung `di habulin sila ng palu-palo. Pagkaraan nilang maglaba’y dumako sila sa pinaglalanguyan ng mga bata. Lagpas na kina Victoria’t Mikael ang lalim sa gitna subalit kay Felix hanggang dibdib lang. Malinaw ang tubig, malamig datapwat ang araw ay tirik.
Sa unang tingin animo’y ang mga bata ang kasama ni Mikael at hindi ang dalawa sa sobra nitong tuwa kalalangoy. Unang beses niya kasing makaligo sa ganitong anyong tubig. Hindi nga sana siya aahon para kumain kung `di lang tinakot ni Felix. “Kakainin ko puso mo!”
Napatingin ang mga bata samantalang si Mikael nagitla lalo pa nang itaas ni Felix ang mga kamay na animo’y mananakmal. Kanya-kanyang ahon at tilian ang mga bata. Gano’n rin sana si Mikael kung `di lang pinaliwanag ni Victoria na binalot na kanin lamang ang ibig sabihin niya ng ‘puso’.
“Bwisit ka talaga! Hm! Bwisit!” Nilublob niyang pilit si Felix subalit dahil matangkad bigo niya itong magawa. Bilang ganti, binuhat siya ni Felix hanggang sa makarating sa kanilang pwesto.
Sinundan sila ng lingon ng mga kasama at nang itaas ni Aling Corazon ang gawang ‘puso’ saka napabulaanan ang sumbong ng mg batang aswang ang matangkad na binata. Pinuri ni Mikael ang sarap ng luto ni Aling Corazon hanggang sa pagkatuwaan na naman siya ng mga kasama.
“Bakit `yong sabaw ng buko na sinalok ko sa`yo hindi mo pinuri?” Si Mang Cardino, aktong nasaktan.
“E hindi naman ho dahil sa inyo kung bakit `yan sumarap e. Dahil `yan mismo sa puno.”
Dagli namang hinaplos ni Victoria ang likod ng ginoo. “Engracio, sinugatan mo ang damdamin ng aking ama. Maaatim mo bang baunin niya `to hanggang sa pag-idlip niya mamaya?”
“Hay naku, sige na nga! Masarap rin ho ang sabaw ng buko niyo.”
At sila’y nagtawanan. Pagkaraan ng ilang minuto, bumalik sila sa pagligo. Unti-unti na ring nagsisi-alisan ang mga naunang dumating. Noong nasa tapat na sila ng kalabaw para umuwi saka lang napagtanto ng tatlo na wala silang dalang pampalit. Nakabalik sila sa bahay na tuyo ang ulo subalit basa ang katawan.
Pagkasampay nila ng mga labada, inunahan ni Felix ang mga kasama sa palikuran nang makapagbanlaw. Agad siyang hinabol ng dalawa.
“Hoy, Felix, huwag mong gagalawin ang tubig sa isang bariles, sinasabi ko sa`yo. Pangligo ko `yan.” Pameywang nagbanta si Victoria.
“Gano’n ba? Naku, mukhang magsasalo tayo sa tubig, mahal. Kaunti na lang ang laman ng bariles e.”
“Pagdamutan mo na `yan. Iigib na lang ako sa balon.”
“Engracio, kadalasang tuyo ang balon sa tanghali,” sambit ni Victori. “Sa hapon pa iyan dadatnan ng laman.”
Dahil hindi naniwala, sinilip ni Mikael ang balon. Bumalik siya sa palikuran at kinatok ang tabing. Narinig niya ang pagbubuhos ni Felix na waring nag-aaksaya. “Hoy, Felix! Magtira ka para sa`kin!”
“`Lika rito nang magawa natin `yang gusto mo.”
Nagkulay makopa ang pisngi ni Mikael lalo na nang magtakip si Victoria ng bibig at mangisi.
“Sige na, Engracio. Pumasok ka na. Magpapakalayo-layo muna ako. Huwag niyong gagalawin ang tubig ko, ha?”
“Victoria, baka p`wede naman tayong maghati sa tubig mo.” “Hindi. Kayo ang maghati.” “Ang damot mo!”
Tinawanan lang siya ni Victoria.
Bumalik si Mikael sa lalaki. “Hoy, papasok na `ko. Huwag kang magtatanggal ng pambaba, ha.”
“Ito ba?” Hinagis niya pataas ang pambaba na kung hindi niya hinarang ang kamay ay sa mukha ni Mikael ito babanda.
Sa inis, winarak ito ni Mikael.
“Sige, lakihan mo pa,” sambit ni Felix sa loob. “Nang maging presko ang pagtulog ko.”