Chapter 6

2130 Words
Ikatlong gabi ng kanilang pamamalagi ay nagawa ng kandungin ni Mikael ang alagang si Nimpa. Haplos niya ito nang masuyo samantalang dinudulutan ng malamyos na pagkanta ni Felix, dahilan upangt pikit-matang gumuhit ang ngiti sa mukha ng aso. Sinamahan niya sina Felix at Mikael sa paghihintay ng tunog ng kampana. “Mababagot ka pala kahihintay sa pesteng kalembang na `yan!” sambit ni Mikael nang ibaba na si Nimpa sa kanyang tulugan. Lumagpas na ang alas dose. Bale, tatlong diretsong gabi na itong hindi natunog. “Kaya nga sinama kita dito e. Para `di ako mabagot.” Si Felix, kumuha ng komportableng pwesto sa upuan para matulog nang panlisikan siya ni Mikael. “Alam mo ba kung ano’ng balak ko `pag nakabalik tayo?” “Ano?” “Ipapa-blotter kita. Kakasuhan kita ng kidnapping at s****l assault.” “s****l assault? Wala pa naman akong ginagawa sa`yo, ha?” Napabangon si Felix. “‘Pa’? Ah, so may balak ka?” Bumalik ng higa si Felix kungwari walang narinig; si Mikael nahiga na rin, pero patalikod nang `di na madagdagan ang dahilan ng kanyang bangungot. Umusli ang nguso ni Mikael. ‘Napaka-makasariling lalaki.’ Mukha ba siyang nababagot sa buhay kaya dinala siya sa nakaraan? Malapit na silang tumugtog. At alam niyang makatutugtog pa rin naman ang Colatura kahit wala siya. Pero `yon nga ang kinatatakot niya – na sa oras na makauwi sila, wala na siyang puwang sa Orchestra dahil lang sa kakaibang ideya ni Felix ng kasiyahan. At sinong makaaalam ano’ng puwedeng mangyari sa kanyang ina? Ilang linggo, buwan ang lumipas bago niya matanggap ang pagkawala ng asawa, ano pa kaya ang pagkawala ng kanyang anak na nangakong uuwi ng San Juan ‘nang makabawi’? Naisip tuloy niya, ‘Wala ba siyang magulang na nababahala sa tuwing bubuksan ang portal at tatawid sa nagdaan? Siguro. Kasi kung meron, wala sila ngayon dito. Kinabukasan, Linggo - ito lang ang araw na hindi nagbababa sina Victoria ng mga produkto. At tulad ng karamihang magulang, pinagalitan sila Mikael kung bakit sila nagtanan nang wala man lang mga kagamitan. Oo nga’t may bag siyang dala, pero hindi na sila nang-usisa sa laman. Kumbinsido naman silang wala ritong esensyal tulad ng mga damit. Si Mang Cardino na nga mismo ang nahiya noong makita niya sa katawan ni Mikael ang pinahiram na kamisa. Bukod kasi sa kupas na ay lumang-luma. Kung isusuot naman niya palagi ang puting damit, mabilis itong kukupas. Kaya matapos silang mag-agahan, pinapunta niya si Mikael sa kapatid na `di hamak ay may mas magagandang kalidad ng damit na babagay sa binatang `di umano’y tiga-Inglatera. Pinasama ni Mang Cardino si Victoria, at si Victoria pinasama si Nimpa. Ginamit ni Mikael ang damit pangtakip ng ilong nang masaksihan ang paglalakad ni Victoria na animo’y kinakahit ang daan na siyang nagpaangat ng alikabok. Maging si Nimpa’y umalis sa tabi niya at lumipat kay Mikael. Lumagpas sila sa kanto kung nasaan ang Sanctuario saka pumihit sa kanan - sa direksyon ng bahay ni Mang Arturo. Ang akala ni Mikael tulad lang din ng bahay nila Victoria ang kanyang madadatnan pero tulad sa pag-aakala na kotseng kuba ang karwaheng de hila, namali rin siya. Katunayan, mas malaki pa ang kamalig ng mga baka kaysa sa kanyang barung-barong. Sa likod nito’y palayan na inaararo ng kalabaw, ang karwahe’y nasa bungad, tapat ng duyan sa pagitan ng bayabas. Nakayuko si Mang Arturo, may hawak na tabak, naggagapas ng damo. Nang dilaan siya ni Nimpa saka lang niya nalamang siya’y may mga bisita. Tumayo siya’t nagtanggal ng balangot palapit sa dalawa. Agad pinaabot ni Victoria ang pakay sa paraang mapapailing ang tiyo. “Ano’ng naisipan niyo’t umalis kayo nang wala man lang salawal?” “Hindi ko nga alam sa dalawang `to, tiyo.” Iniling ni Victoria ang ulo. “Masyadong mapupusok.” Inanyayahan sila sa loob ang dalawa at inalok ng kamoteng kahoy bago ikalso ang dos pordos sa bintana ng pumasok ang hangin at liwanag. Bukod sa agahan, may mga hanay rin ng balangot sa lamesa, ang mga straw nakasalansang sa ibaba. “Gumagawa ho pala kayo ng sombrero?” Umusisa si Mikael ng isa. “Siya ang pinakamagaling sa larangang iyan.” Lumapit si Victoria, sumawsaw ng kamote sa muskovado. Kinain niya ito palabas, inubos bago umakyat sa bayabas. “Luma ba talaga ang kailangan mo, Engracio?” tanong ni Mang Arturo na nasa tapat ng higaan, nakatingkayad nang mahila ang parihabang bayong – ang maleta sa panahon nila. “Kahit ano, ho.” ani Mikael, iniwan ang pwesto’t dumako sa ginoo. Isa-isang nilabas ni Mang Arturo ang mga damit at pinagpapatong sa higaan. “Ibibigay ko `to, hindi ipahihiram.” “Naku, Mang Arturo!” Nagtaas si Mikael ng isa. “Bagong-bago pa ang mga `to, ah. Nakakahiya naman!” “Wala naman akong ibang pupuntahan e. Saka tama na sa`kin ang lilimang damit.” Umupo si Mikael sa higaan at masuring pinagmasdan ang ginoo. “Mang Arturo, ayos lang sa`kin kung hindi niyo sagutin, pero bakit hindi na po kayo nag-asawa?” Nagitla si Mang Arturo sa katanungan, subalit madali rin bumalik sa ginagawa. “Kontento na `ko mag-isa.” “Pero ni minsan ho ba hindi kayo nag-asam na may makasama?” Ibinalik ni Mang Arturo ang maleta sa ilalim, sinamahan si Mikael sa kama’t nanariwa. “Nag-asam. Pero ang inasam kong makasama ay mayroon ng asawa. At pareho kaming lalaki.” Hindi nga nagbibiro si Victoria. “Ipagpaumanhin niyo sana `to, pero gusto ko lang malaman kung `yong lalaki ba na nakasalubong natin sa daan... siya ho ba `yon?” Kumurap si Mang Arturo. “Papa’no mo nalaman?” “Nilingon niya ho kasi kayo nang lagpasan niya tayo.” Sumilay ang ngiti sa labi ng ginoo, ang pisngi bumilog, namula. “Oo, siya nga. Noong kabataan niya, mas magandang lalaki siya.” “Mukha nga ho,” ani Mikael. “At kayo rin. Kayo ni Mang Cardino. Pero alam niya ho ba?” “Kambal kami, Engracio. Alam niya bago pa sila magkakilala ni Corazon. Ang tungkol lang kay Victoria ang hindi pa nalalaman ni Cardino.” Mukha lang palang nakakatakot si Mang Cardino pero napakamaunawain pala niyang kapatid. “Natanggap ho kayo ng kambal mo. Sigurado naman ho, matatanggap rin niya kung ano si Victoria.” Tumayo si Mang Arturo, sumilip sa bintana’t sinaway si Victoria na bumaba na. Bumalik siya kay Mikael, dala ang isang balangot at isinuot ito sa kanya. “Iba ang pagmamahal ng ama sa kapatid. Pero sana nga magdilang-anghel ka.” “Ibibigay niyo rin ho ba `to sa`kin?” Hawak ni Mikael ang sumbrero’t ngumiti nang tanguan siya ni Mang Arturo. “Hay, salamat! Maitatago ko na rin ang buhok ko sa mga tao.” “Bakit mo itatago? Bagay naman sa`yo.” “Ayoko ho kasing pagtinginan ng mga tao.” “Hindi kita maintindihan.” Pailing niyang nilagay sa braso ni Mikael ang mga damit. “Nagawa niyong magtanan pero mas kinatatakot mo ang pagtinginan ng mga tao dahil lang sa buhok mo?” Napaisip si Mikael. Oo nga, ano? Dahil siguro alam nila ni Felix na hindi totoo ang kanilang relasyon saka wala pang nakakakita sa kanila na magkasama bukod sa Pamilya Policarpio. At kung may makakita man, panigurado’y iisipin muna nilang magkaibigan sila o `di kaya magkapatid. Pumasok si Victoria, karga ang mga hinog na bunga ng bayabas, ang alaga nakabuntot. Kinuha ng tiyo mula sa palayok ang balot ng bihon saka ito inabot kay Victoria. “Idagdag mo `yan sa handa mo. Malapit na kaarawan mo, tama?” “Mas tanda mo pa ang kaarawan ko kaysa sa`kin!” Yumakap si Victoria. “Salamat, tiyo.” Sinuotan niya rin ang pamangkin ng balangot bago sila umalis. Sa daan, nasambit ni Mikael ang nalaman. “`Yong lalaki pa lang nasalubong natin –” “Oo.”Pinutol siya ni Victoria, nakangiti. “Isang beses sa isang linggo bumibisita siya kay tiyo, dala ang mga materyales sa paggawa ng balangot. Balidong dahilan para pagtakpan ang tunay na pakay.” “Ano’ng pakay?” “Ano bang ginagawa ng dalawang tao sa kama maliban sa matulog?” Nalaglag ang panga ni Mikael. “Victoria, ang malisyosa mo!” “Mas kapani-paniwala ba ngayong nalaman mong sila’y patagong nagmamahalan at sasabihin kong dumadalaw lang ang ginoo para ibagsak ang mga materyales at wala ng iba?” “O siya, sige, maaari ngang posible `yan.” Bumuntong-hininga si Mikael. Kani-kanina lang inisip niya kung gaano kaya kalungkot si Mang Arturo na matulog ng mag-isa sa kanyang higaan. Hindi naman pala. Pero ito ba? Ito ba ang ibig niyang sabihin na kinakokontento niya – ang makapiling ang taong mahal mo isang beses isang linggo, ang magmahahal nang patago? Marahil. Ano’ng malay niya? E hindi naman tulad ng pyesa ang relasyon na kaya mong aralin bago ka makapasok sa, lalo na sa kapwa lalaki. Pero yaman din lamang at napag-usapan, sa palagay ni Victoria tama lang na tanungin siya ng, “Kayo ni Felix, ilang beses nag-iisang dibdib?” Kailangan niyang i-commend si Victoria (kahit sa isip lang) sa pagbigkas ng isang aktibidad na ganoon kaselan. Bagamat nagpapanggap lang, kailangan haluan niya ito ng katotohanan. “Hindi ko masasagot `yan, Victoria. Bago pa lang kaming magkasintahan at tingin ko, hindi pa `ko handa sa ganyang mga bagay, lalo pa’t nakikitira lang kami sa inyo. Hindi lang naman sa pagtatalik maipapahayag ang pagmamahal, tama?” “Tama. Sapat na `yong hihimigan ka ng nobyo mo para makatulog sa gabi.” Nahinto si Mikael. “Ibig sabihin, dinig siya sa taas? Kung gusto mo, sasabihan ko siyang huwag na `yong gawin nang –” “Engracio, masarap sa tenga ang kanyang pag-awit. Hindi ako nagrereklamo. At hindi mo kailangang alalahaning maririnig namin iyon dahil nakasara palagi ang aming kwarto. Natiyempuhan ko lang `yon nang lumabas ako para uminom,” ani Victoria. “Pero kung may isa akong inirereklamo iyon ay kung bakit hindi kayo magkatabing natutulog?” “Sa kanya naman nagmula ang suhestyon e.” Nahawa na si Mikael sa pagsisinungaling ni Felix. “Normal lang sa magkasintahan ang magtabi sa pagtulog, ano.” Nailing si Victoria. “Ewan ko ha, pero kung gano’n kagwapo ang nobyo ko, maginoo saka malaki ang patibong sisirain ko ang tulugan niya nang wala na siyang ibang dahilan kung `di ang tumabi sa`kin.” “Wala ka namang balak sirain ang tulugan niya, meron ba?” “Hindi ko maipapangako.” “Baduday!” Dumiretso sa taas si Victoria samantalang si Mikael at Nimpa sa kwarter, dala ang mga bigay na damit. Nakaupo si Felix sa kama, nakatalikod, nalingon lang nang pumasok ang ‘anghel’. “Felix, sa`yo `tong mga damit sa upuan, ha?” “Salamat, mahal.” Sandaling tumigil si Mikael. “Kailangan ba talaga ‘mahal’, itawag mo?” “Parang natanong mo na `yan.” “Tama ka. Natanong ko na nga.” “E `di natatandaan mo ang sagot ko?” Tumingin si Mikael sa taas at inalala: ‘`Yon naman talaga ang nararamdaman ko e.’ Sa halip na palakihin pa ito, humiga na lang si Mikael sa kama’t nagtanong ng panibago. “Felix, kontento ka na ba kung isang beses sa isang linggo lang kayo magkikita ng `yong kasintahan?” Bahagyang nalingon si Felix. “Mas gusto ko `yon kaysa hindi ko siya makita.” “Pero pa’no kung `yong kasintahan mo ay may sarili ng pamilya? Mainam bang ipagpatuloy niyo ang pagkikita?” Alam ni Mikael na nahinto si Felix sa katanungan; hindi niya na kasi marinig ang tunog ng waring pagkutkot nito sa kahoy. “Hindi mainam ang magtaksil sa asawa,” sagot niya. “Pero pa’no kung mahal niyo rin talaga ang isa’t-isa? Hindi ba’t hindi naman imposible? Oo, meron `yong mga nagtataksil dahil sa tawag ng laman. Pero paano `yong mga totoo talagang nagmamahal nang higit sa isa? Matatawag mo ba talaga iyong pagtataksil?” “Nanghingi ka lang ng damit, pagbalik kung anu-ano ng pinagtatanong mo? Pinagtataksilan mo siguro ako, ano?” “Baliw! Kunwari lang.” “Ah, kunwari lang ba? `Kala ko –” “Ano nga kasi sagot mo?” “Para sa`kin, lahat ng klaseng pagtatago ay pagtataksil - hindi lang sa ibang tao, kung `di sa sarili. Ang desisyon kung kailan mo gustong huwag ng magtago – nasa sa`yo. Walang ibang opsyon kung `di ang umibig nang palihim, kung takot silang sumugal.” Kumurap si Mikael. Kaya siguro kontento na sila Mang Arturo sa isang beses isang linggong pagkikita kahit patago. Natatakot silang sumugal – na matanggap, maintindihan, makilala ang isang klase ng pag-iibigan. Bumangon si Mikael. “Base ba `yan sa totoong karanasan?” “Hindi a. Nagtanong ka, sumagot ako.” Pinagpatuloy ni Felix ang ginagawa. “Teka, ano ba `yang pinagkakaabalahan mo?” Dumungaw si Mikael. “Naglililok ako.” “Patingin.” “Huwag na.” “Kasasabi mo lang: Lahat ng klaseng pagtatago ay pagtataksil. Pinagtataksilan mo `ko.” Napabuntong-hininga si Felix nang madale, humarap kay Mikael at pinasilip ang obrang in-progress. “Nakita ko kasi koleksyon ng iskulutura ni Mang Cardino. Pinahiram niya `kong pait kaya ito gumagawa rin ako.” “`Yan? `Yan mismo ang koleksyong nakita mo kay Mang Cardino?” “Hindi, mga kalabaw ang kanya.” “E bakit sa`yo –” “Bakit hindi ba puwedeng gawing modelo ang sariling ari?” aniya. “Hindi pa ito tapos. Wala pa `yong mga ugat-ugat.” “Ugh! Sana pala `di na `ko nagtanong.” Humiga si Mikael at sinaklob ang unan sa mukha. “Huwag ka ng magtampo!” “Hindi ako nagtatampo. Nagsisisi ako.” “Ilililok ko rin ang sa`yo pag tapos ko rito.” “Ang akin?” “Kung ipapakita mo.” Pinaghahampas siya ni Mikael ng unan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD