Diretso ang pagbaybay ng kalabaw ni Mang Arturo. Natatamnan ng saging ang kaliwa’t kanan ng daan na sa sobrang mabato’y kinakailangan nilang alalayan ang mga bandeha’t kahon. Sa likod ng sagingan nakalatag ang palayan; sa kanan nakatirik ang bahay ng karamihan.
Uso sa kanila ang magsiga ng tuyong dahon tuwing umaga at sa sampung bahay na nalagpasan nila, siyam na beses siyang pinakilala ni Victoria sa mga nagwawalis na ale; siyam na beses niyang inobliga ang sarili bumati ng ‘Magandang umaga!’ – katagang madalang niyang banggitin kahit sa sariling ina.
Pero ang masaksihan silang magbatian sa kabila ng layo-layong kabahayan ay isang kamulatan kung gaano na ka- impersonal ang mga modernong Pilipino. Nakakahiya na nawala ang ganoong klaseng kaugalian; kung `di lang siguro nakatatakot sa kasalukuyang panahon. Pero paano ka hindi magiging impersonal kung kahit sa katapatan ng araw maari kang nakawan sa daan?
Sa tingin naman ni Mikael ay walang taong gagawa noon dito sa Kalye Kamanggahan, ang pangalan ng daan base sa poste. Kung ang palatandaan ng Sanctuario ay ang akasya, ang punggok na puno ng mangga sa kaliwa ang sa Kalye.
Mula rito, pinaliko ni Mang Arturo ang kalabaw sa kanan; may ginoo rin na sakay ng kalabaw, mga naka-rolyong banig ang nasa karwahe. Nakasuot siya ng balangot tulad ng kay Mang Arturo, at no’ng magkasalubong kapwa nila ito tinanggal bilang pagbati.
Ngumiti si Victoria tulad ng ngiting ginawad niya noon sa kanila ni Felix. Nilingon ni Mikael ang ginoo na nahuli niya rin nakalingon kay Mang Arturo. Sa isip ni Mikael ay may nabuong konklusyon. Nahawa na siya sa pagkamalisyosa ni Victoria.
Kalaunan, gumuhit na rin sa paningin ni Mikael ang larawan ng merkado at ang alingawngaw sa ere ng mga tindera’t mamimili. Para nga lang itong tipikal na palengke – may nakapuwesto sa bangketa, magkakahilera. At kung hindi katsa ay banig ang gamit nilang pangsapin. Ang mga panindang tulad ng kamatis, sibuyas, kamalansi, naka-kumpol na. Hindi uso ang paggamit ng plastic, at responsibilidad ng mamimili ang pagdadala ng bayong.
Sa halos araw-araw na paggawi ng magtiyo sa merkado, hindi na dapat nagsisilingunan ang mga tao sa tuwing sila’y daraan. Pero ito mismo ang nangyari nang ipihit ni Mang Arturo ang kalabaw sa bungad ng pamilihan.
Kinalabit ni Mikael ang dalaga’t bumulong, “Victoria, bakit parang pinagtitinginan nila ako?”
Tinama siya ni Victoria. “Hindi ‘parang’, Engracio. Nakatingin talaga sila sa`yo. Sinong hindi? E ikaw lang naman ang may buhok araw at kutis porselana sa kasuotang tila dadalo ng unang komunyon!”
Kung ang sinasabi ni Victoria’y kakaiba siya manamit ay dahil totoo naman – ito ang normal na kasuotan sa modernong panahon. Pero kung sila ang mapadpad sa kasalukuyan, tiyak pagtitinginan rin sila’t kukutsain kung saang bato sila nanggaling sa pagdadamit ng saya. Tungkol naman sa kulay ng kanyang buhok, wala siyang ibang paliwanag kung hindi dahil bakasyon.
Iginilid ni Mang Arturo ang kalabaw at hininto sa tapat ng pwesto ni Aling Liway, dulong kaliwa ng magkakahilerang tindahang de trapal. Bumaba si Victoria, pagpag ang saya, saka kumuha ng kayang bigat na bandeha. Si Mikael na ang bumuhat ng iba’t isinunod sa harap-lamesa ng tindahan.
Pinaubaya niya kay Victoria ang pagkukwenta’t ginugol ang oras usisain ang loob ng tindahan. Nahagip niya ang nakasabit na kalendaryo sa Espanyol na titik. 1896 – ang taong naka-imprinta sa pulang tinta.
“Totoo? 1896 ngayon?” tanong ni Mikael na siyang nagpahinto sa pagkukwenta ng dalawa.
“Oo, iho, ito o, katatanggal ko lang ng lumang kalendaryo noong isang linggo.” Nilabas ni Aling Liway ang kalendaryong pang-1895 bilang patunay. Nagtaka sila kung bakit gano’n ang kanyang katanungan, tulad ng pagtataka niya sa kabihangang kinasangkutan.
May bahagi kay Mikael kung saan gaano man katotoo sa ibang tao na namuhay sa mundo si Hesus, si Rizal, si St. Therese, at kung sino-sino pang mga personalidad na natalakay sa Kasaysayan, hindi niya ito kayang paniwalaan nang buo.
Bagamat may mga ebidensya ng kanilang existence tulad ng mga nalimbag na nobela, relicts, at kung ano pa, hindi siya makukumbinsi hangga’t hindi makita ng sariling mga mata. At unti-unti itong nabuwag mula ng malaglag ang plawta sa anghel na rebulto at ngayon narito siya sa taong mahigit isang siglo na ang nakalipas.
Dahil may daraanan pa, binuhat na ni Mang Arturo ang apat na kahon ng gatas at itinabi sa gilid, na siya namang diniretso ni Mikael sa loob ng tindahan makaraang mahimasmasan. Inabutan ni Victoria ang tiyo ng isang bote bago magpaalam saka bumalik sa ginang para sa ikalawang yugto ng pagkukwenta.
“Pa’no na tayo uuwi niyan? Maglalakad?” tanong ni Mikael kalaunan.
“Hintayin natin lumabas si Manong Rene; nakikisakay ako sa karwahe niya pag-uuwi.” Dumungaw siya sa kanto papasok sa loob ng pamilihan. “Pero dahil `di pa naman siya lumalabas, halika ipakikilala kita kay Rosa.”
Sinundan ni Mikael ang babae sa pagtawid sa kalsada, sinubukang hulaan kung sino sa mga nasa bangketa ang nagngangalang Rosa. At hindi ito mahirap, dahil iisa lang naman ang dalagang tindera. Nakatulong din na siya ay nakatingin. Siya ang unang bumati.
“Magandang umaga, Victoria.” “Mas maganda ka kesa sa umaga.”
Napangiti si Mikael sa swabeng pagkabanat ng kasama, pero kahit sino sigurong umiibig ay ganoon rin kung maglarawan at baka higit pa nga. Mas maliit si Rosa ng isang pulgada, kulay chico ang balat, at imbes na sa batok ang tali ng ga-bewang na buhok, ang kanya’y sa dulo.
“Engracio, si Rosa nga pala – kaibigan ko. Rosa, si Engracio, may kasintahan na.”
Inabot ng nakangising Mikael ang kamay sa dalaga. “Hindi ko alam ba’t kailangan niya `yong banggitin, pero totoo `yon.”
“Alam ko kung bakit.” Kinuha ni Rosa ang kamay. “Ayaw niya akong makiapid.”
Pare-pareho silang nagsitawanan.
May hinanap si Victoria. “Siya nga pala, ba’t `di mo kasama si Aling Elena?”
“Trinangkaso kasi kahapon. Pinagbawalan ko muna magtinda’t gumawa ng abaniko baka mabinat.”
Naalala ni Mikael nang may tumawag sa cellphone niyang unknown number at binalitang nahimatay ang kanyang ina. “Maalalahanin ka pala, Rosa.”
“Kailangan kong alagaan ang ina, Engracio. Siya na lang at si Toto ang meron ako.”
“Hindi totoo `yan,” ani Victoria. “Narito rin ako.”
Ginawaran ni Rosa si Victoria ng matamis na ngiti bago tawagin ang huli ng nadaang ginoo. Ibinalik ni Mikael ang berdeng abaniko, ang panyo itutupi pa sana nang akuin na ni Rosa. Dumiretso ang dalawa sa likuran ng karwahe at humanap ng komportableng puwesto sa gilid ng kamalig. Kumaway sila nang malagpasan si Rosa hanggang sa habulin sila ng nakayapak na batang may hawak na bote ng gatas.
Pinakiusapan ni Victoria ang ginoo na sandaling huminto. Nakarating sa harap ang paslit, nakatungkod sa karwahe ang siko. “Bakit bata? Ano’ng kailangan mo?”
Naghahabol pa siya ng hininga kaya tinapat na lang niya ang bote ng gatas kay Mikael bilang kasagutan. Kinuha ito ng isa nang may halong pagtataka.
“Libre ba `to?”
Tumango ang bata.
“Sino ang nagpapabigay?”
Tumuro ang bata sa direksyon ng tindahan ni Aling Liway subalit bago pa man makita ni Mikael kung sino naliko na ito sa looban, tanging pantalon lang ang nahagip. “Salamat `ka mo.”
Bumalik ang bata sa pinanggalingan; ang ginoo tinuloy ang pagpapalakad sa kalabaw samantalang si Mikael naiwang nagtatanong, “Sino kaya nagbigay nito?”
“Kung sino man, tiyak may pagtingin sa`yo `yon nang lihim.” “Naka-uniporme ang tao, Victoria. Ibig sabihin, lalaki `yon.” “Lalaki ang nobyo mo, Engracio kaya hindi imposible.”
‘Oo nga, pala,’ sa isip niya, napalagok nang mabahala.
Pero gaano man natuyo ang lalamunan niya sa hinala ni Victoria hindi niya binawasan ang laman ng bote. Para kasing oras na siya’y tumungga, pinahintulutan niya na ang lalaking ipagpatuloy ang gimik, na hindi niya gustong mangyari.
Huminto ang karwahe sa tapat ng bahay. Sa puwesto ni Victoria, natanaw niya si Felix. Tinukso niya si Mikael. “Hindi na `ko magtataka kung bakit nahulog ka kay Felix, Engracio.”
“Ano’ng pinagsasabi mo?” Lumingon si Mikael, saksi ang natigil sa pagsisibak na lalaki, labas ang mabalahibong dibdib at tiyan, ang katawan pawisan. Bumalik siya kay Victoria.
“Hindi ako nahulog dahil diyan.” Tumalon si Mikael sa karwahe. “Nahulog ako dahil sa patibong niya.”
Nagpasalamat si Victoria sa ginoo bago bulungan si Mikael. “Kita ko nga.”
‘Kita ang alin?’ Bumaling muli si Mikael sa lalaki at tinuon ang pansin sa bakat ng pantalon. “Napakapilya mo! Hindi `yon ang ibig kong sabihin!”
Tinawanan lang ito ng dalaga at pagkaraa’y nagmano sa amang nakahubad rin ng pangtaas at animo’y nakipagtagisan kay Felix hindi lang sa katawan pati na rin sa dami ng nasibak. Si Mang Cardino pa lang ang nakilala niyang lagpas singkwenta na batak pa rin ang katawan.
“Maligayang pagbabalik, Mahal,” bati ni Felix nang siya’y makalapit, ang mukha maaliwalas sa kabila ng pawis. “Para sa`kin ba `yan?”
“Eto? Ah, oo.” Inalis ni Mikael ang takip ng bote saka ito inabot. ‘Mas kailangan niya `to,’ sa isip niya.
Tinungga ito ng kasama, ang lalagukan nagtaas-baba. Gamit ang likod-kamay, pinunasan niya ang labi at nagpasalamat. Bumaba si Aling Corazon, dala ang dalawang bimpo, ang isa’y initsa kay Mikael na anong pagtatakang tinitigan.
‘Hindi naman ako ang nagsibak, ah?’
Huminto ang ginang sa tapat ni Mang Cardino at siya’y pinunasan. Tumangan ang ginang sa direksyon nila Mikael, waring may pinupunto. Sa pag-aakalang hindi niya nakuha, tinulungan siya ni Victoria.
“Punasan mo ang katawan ng nobyo mo.”
‘Sarili ko ngang pawis `di ko pinupunasan sa kanya pa kaya?’ Sinampay lang niya ang bimpo sa balikat ni Felix at sinabing, “Oh, magpunas ka raw.”
“Hindi mo ba ako mahal, Mahal?” tanong ni Felix, ang mga mata’y tulad sa tuta. “Iniinggit tayo nila Mang Cardino.”
“Hindi sila nang-iinggit, Felix. Saka, ano ka ba? Kaya mo namang punasan ang sarili mo, ha?”
At bakit siya umasang susunod ang pasaway na “kasintahan” nang hindi mangangatwiran? “Pinararating mo bang inutil na si Mang Cardino dahil si Aling Corazon ang kanyang pinagpunas?”
Lumaki ang mga mata ni Mikael. “Ha? Wala akong sinasabing ganyan, ha?”
“Pero `yon ang nakukuha namin sa pagtanggi mong punasan ang iyong kasintahan. Tama ba, ama?” Tumalikod si Victoria nang `di malaman ni Mikael ang panunulsol.
“Nasaktan ako sa sinabi mo, Engracio. Siguro nga’y tama ka.”
“Naku, Mang Cardino, patawad po. Hindi ko intensyon mang-insulto.” Kinuha ni Mikael ang bimpo’t pinunasan na ang basang katawan ng `di umano’y nobyo sa pag-asang magagawa nitong maibsan ang hinanakit ni Mang Cardino.
“Bwisit ka. Dapat ikaw na gumagawa nito e.” Ngumitngit si Mikael lalo pa ng ngisian ni Felix.
“Hayaan mo, `pag pinawisan ka ako magpupunas.”
Dinampi ni Mikael ang bimpo sa noo nito’t sinabing, “Mas ikatutuwa ko kung ikaw na mismo magpupunas ng pawis mo sa susunod.”
Umisip si Mikael ng ibang mga bagay nang mabaling ang atensyon palayo sa katawan ni Felix. Ito kasi ang unang beses na mag-asikaso sa kapwa lalaki. Walang malisya pero sa parte ni Felix, at ni Victoria, at ngayon maging sa mga magulang niya, meron.
Huli niyang pinunasan ang likod at pagkaraa’y sinampay na ang bimpo sa balikat ng abusado. Humarap siya sa pamilya. At sa pag-aakalang hindi pa niya nakita, pinaalam pa rin ito ni Victoria.
“Engracio, ang magulang ko naghalikan pagkatapos ng –”
Kumaripas si Mikael sa kwarter. Hindi niya hahalikan ang hibang na lalaking `yan! Kahit kailan!