Ngayon lang nasubukan ni Mikael i-pares ang saba sa bagoong. Bagamat kakaiba tulad ng inisyal na reaksyon ng mag-asawa sa relasyong meron sila ni Felix, hindi niya makakailang bumagay ito sa kanyang panglasa.
Ang isa pang `di niya makakaila ay ang kakaibang ligalig ni Victoria na `di niya inaasahan sa kahit sinong dalaga matapos `di piliin bilang maging kabiyak. Ang pagkainteresante niya sa dalawa ang nagtulak kay Felix na gumawa ng kuwento tungkol sa paano sila nagkakilala.
Dahil kaharap mismo ng pamilya, walang magawa si Mikael kung `di mapa-oo sa lumalabas na kasinungalingan sa bibig ng lalaki, tulad ng tiga-Inglatera raw si Mikael at si Felix, trabahador sa kanilang hacienda. Na kesyo normal daw sa tiga-Inglatera ang ganitong relasyon at ang tanging problema lang ng pamilya niya ay dahil isang hamak na trabahador ang inibig ng kanilang anak. At anong paghanga nila kay Mikael nang sinunod niya ang puso higit sa isip.
“Napaka-swerte mo naman pala sa nobyo mo, Felix,” ani Aling Corazon matapos ng pagku-kwento.
“Totoo po,” tugon ng lalaki, malapad ang ngiti.
Pagkatapos ng maikli lang dapat na pagmemeryenda, pinasyal ni Victoria ang dalawa sa paligid simula sa kamalig ng baka sa kanan na ang haba’y tulad sa garahe ng dalawang magkasunod na sasakyan. Kahanay nito ang kamalig para sa mga manok na mistulang tinumbang aparador, gawang kawayan, may apat na palapag.
Sa likod ng bahay ay ang palikuran na bagamat tabi lang ng paliguan ay may sarili ring tabing na parehong gawa sa pinagtagpi-tagping dahon ng niyog. Nakakalat sa buong paligid ang mga pananim na gulay. Pero sa lahat ng makikita roon, ang balon sa harapan ang kanyang paborito. Hindi niya kaagad ito napansin gawa ng mga nakapatong na panggatong.
Kalaunan, inimbitahan sila ni Victoria sa ilalim ng bahay na sa sobrang baba kinailangan yumuko ni Felix, bagay na `di problema ng dalawa. Noon lang din nakumbinsi si Mikael na tahol pagbati nga ang ginawa ng aso nang makita niya ang buntot nito tulad ng sa butiki `pag napuputol at ang ngiti nitong labas dila’t gilagid.
Walang takot itong nilapitan ni Felix at nilandi.
“Mukhang gusto ka ni Nimpa, Felix,” ani Victoria, ngingisi-ngisi nang dilaan ng aso ang mukha ng lalaki.
“Huwag masyado, Nimpa, baka magselos sa’tin ang nobyo ko.”
“Kahit pa ipasakmal mo `yang mukha mo hindi ako magseselos, ano!” Inikutan ni Mikael ang pahayag ng lalaki sabay libot ng tingin sa paligid.
“Pasensya na kung magulo, ha?” Si Victoria, pinulot ang mga babasahing kinalat ng aso. “Itatali ko na lang si Nimpa.”
“Hindi naman ata siya sanay itali. Hayaan mo na.” ani Mikael, pangiting nilingon ang masayahing aso saka pinagpatong ang mga kahon na hiwa-hiwalay. “Nakuha ko kung para saan `yong mga trey ng itlog pero itong mga kahon para sa’n?”
“Nagbabagsak rin kami sa merkado ng sariwang gatas.” Tumulong si Victoria sa ginagawa. “Ito ang mga kahong hindi na namin nagagamit. Simula ng magka-rayuma ang ama, humina ang produksyon namin pero ngayon, sisigla nang muli dahil narito kayo. Tuturuan kita bukas pa’no maggatas. Sa ngayon, magpahinga muna kayo.”
“Pa’no makapagpapahinga kung panay harot ng isa diyan?” Tumikhim si Mikael. “Hindi man lang kumilos para luminis na ang kwarter.”
Pakamot-batok tumayo si Felix, nakalimutang mababa ang lugar kaya dali-dali rin nauntog. Iniwan na muna ni Victoria ang dalawa nang hanapan sila ng extrang damit, kumot at unan.
May kama roon na gawa sa kawayan subalit pilantod ang isang paa; ganoon rin ang silya na nakalapat sa dingding na kapag uupuan mo’y masisilip mo sa espasyo ng dingding na kawayan ang bungad at ang ga-bewang sa taas na talahib sa kabilang kalsada. Bagamat madaling makapasok ang lamig na hangin at sinag ng buwan, gano’n rin ang mga lamok at gamu-gamo.
Tinawag sila sa taas para sa hapunan – sinabawang gulay ang ulam. Pagkaraan, kasabay nilang binaba ang mga ipinahiram na gamit pangtulog at damit pamalit na mula kay Mang Cardino. Ilang minuto bago matulog, binisita ni Aling Corazon ang magnobyo dala ang dalawang gasera.
“Hindi na ba magbabago isip niyo, Felix, Engracio? Maluwag pa naman sa taas, doon na lang kayo mahiga. Doon walang kakagat na lamok.” Pinatong ng ginang ang isang gasera sa nakataob na kahon.
“Salamat po, Aling Corazon, pero dito na lang po kami para tulad niyong mag-asawa may oras rin kaming magkasarilinan,” sagot ni Felix.
Nasa higaan siya samantalang si Mikael kapapasok lang galing sa paliguan. Kanina pa niya talaga gustong saktan si Felix gawa ng nilalagyan niya ng innuendo halos lahat ng kanyang sabihin.
“O siya, sige, kung hindi ko na kayo mapilit.” Si Aling Corazon, may `di maitagong ngiti sa labi. “Patayin niyo na lang ito kung kayo’y matutulog na.”
Bahagyang kinatakot ni Mikael ang anino sa likod ng ginang na animo’y sumasayaw nang mapansing gawa lang pala ito ng malikot na dila ng apoy sa gasera. Pinanatili niyang bukas ang pinto, sinundan ang liwanag mula sa gasera ng ginang palabas ng kwarter, sa bungad, sa hagdan hanggang sa tuluyan na itong umakyat. Wala silang narinig na langitngit ng yabag ng ginang `di katulad ni Victoria na animo’y may bakal ang mga paa.
Pagpag ang unan, umusog si Felix sa kaliwa at niyaya niya ang isa. “Parito ka na’t mahiga sa tabi ko.”
“Sa tabi mo?” Napalingon si Mikael samantalang sinasara ang pinto.
“Oo, sa tabi ko. E `di ba magnobyo tayo?” “Alam mong hindi `yan totoo.” “Pero kailangan nating gawing makatotohanan para –”
“Hindi tayo mabuko?” Pinutol ni Mikael ang kanyang sinabi, pahalukipkip na lumapit. “Sino sa tingin mo palalayasin kung nalaman nilang hindi talaga tayo magnobyo? Ikaw. Kasi sinungaling ka.”
“Pero tingin ko hindi ka rin naman patutuluyin.” “At bakit?” “Kasi wala ka ng mga kakayahang kaya ko.” “Kaya kong magsibak kung kinakailangan, `no!”
“Okay, sige, alang-alang sa matiwasay na pagsasama natin bilang magkasintahan, solohin mo na ang kama.” Kinuha ni Felix ang isang unan, romolyo sa kaliwa’t bumaluktot sa silyang kawayan.
Mabilis namang hinigaan ni Mikael ang kama’t nangiti na na-solo niya ito.
“Hihintayin mo talagang mag-alas dose?” tanong ni Felix mayamaya.
“Natural!” Tumagilid si Mikael nang higa, paharap kay Felix, sa pinto ng kwarter, sa direksyon ng buwan. “Kaya nga dito tayo sa baba pumuwesto para sakaling tumunog ang kampana, diretso takbo na lang tayo.”
Masigla ang pagkakasambit ni Mikael, waring nakatitiyak. Naglaro pa siya sa cellphone para palipasin ang oras. Kung minsan, lilingon sa kinauupuan ni Felix para lang masaksihang gising pa ito.
Subalit namatay na lang ang cellphone niya kalalaro, wala man lang umugong ni mahinang bagting.
Tumayo si Felix. “Hintayin na lang uli natin bukas.”
Tumalikod si Mikael, pumikit kasabay ng pag-ihip ni Felix sa apoy ng gasera.
“Bangon na, Felix, Engracio...”
Napaunat si Mikael nang may kumalabit sa kanyang balikat. Dahan-dahan siyang bumangon; si Felix taas ang damit para punasan ang mga mata. Ginala ni Mikael ang tingin. Liban sa liwanag ng gasera wala na siyang iba pang makita.
“Victoria, madilim pa.”
“Hindi tayo makakarami ng produksyon kung hihintayin pa nating lumiwanag. Kilos na!”
Niligpit ni Mikael ang higaan at pakamot-batok sumunod ng labas. Napaakap siya sa mga braso sa kapal ng hamog. Mapuputak ang maya't paritong mga manok kaya ang dilaw na ilaw sa loob mistulang nagpapatay-sindi lalo na nang turuan ni Victoria si Felix kumuha ng itlog.
Sa pag-aakalang magtatagal, sumandal si Mikael sa haligi ng bahay, pero hindi natuloy ang balak na pag-idlip nang hilain siya ni Victoria sa tapat ng pahabang kamalig.
Samantalang binubuksan ng dalaga, tinanaw niya ang muli na namang sumasayaw na anino ni Aling Corazon sa dulo ng bahay. Naghasik sa ere ang bango ng ginigisang bawang at sibuyas samantalang nakipagtagisan na rin ang sandok at kawali sa mga manok, kulisap at ngayon... sa mga baka.
Inilawan ni Victoria ang mga lampara at noon din nakita ni Mikael ang gumagawa ng tunog na animo’y nanggaling pa sa kailaliman ng lupa – tatlong may batik at isang kulay tsokolate na may kanya-kanyang kwadra.
Kumuha si Victoria ng timbang metal sa lamesa sa kaliwa saka pumasok sa kwadra ng unang baka. Sumunod si Mikael.
“Ay siya nga pala, Engracio, nakalimutan ko. Pakilagyan mo ng dayami ang buslo ni Koko.”
Nakaturo ang babae sa taas-tuhod na damo sa tapat ng kwadra. Dalawang kamay siyang dumampot saka sinuksok sa harapang sisidlan ni Koko. Agad itong nilantakan. Umupo si Mikael sa katabing bangkito at tinuruan siya ng tamang paggagatas.
“Matapos mong pisilin ang isa, gawin mo naman sa kabila. Huwag mo lang bibiglain; masasaktan sila. Isipin mo, pumipiga ka ng espongha. Hayaan mong bumalik ito sa porma at makapuno ng gatas saka mo ulitin ang proseso.”
Tinanguan ni Mikael ang sinabi ni Victoria bago magpalit ng pwesto’t subukan. Makaraan ng ilang minuto, nakuha niya na ang ritmo.
Tinungkod ni Victoria ang siko sa kwadra at nagpangalumbaba. “Alam mo, isang araw kong natutunan ang paggagatas. Isang linggo bago ako maging eksperto. Pero ikaw, katuturo pa lang sa`yo kuha mo na? Aba’y papa’no?”
Sinundan na lang ni Mikael ang kuwento ni Felix. “May bahay rin kami para sa mga baka na kung minsan binibisita ko.”
Tumango ang dalaga’t sinimulan na ring maggatas sa pangalawang baka. Pumasok si Felix kalaunan bitbit ang kahon ng mga isterilisadong bote. “Kumusta kayo, Victoria, Mahal kong Engracio?”
Sumilip si Mikael. “Tapos ka na sa trabaho mo?”
“Aba’y kung ikaw ba naman tukain ng mga manok babagalan mo ba?” “Pero bakit kailangan dugtungan ng ‘Mahal ko’ ang Engracio?” “`Yon naman talaga ang nararamdaman ko e.”
“Mang-iinggit raw ba?” Napasilip na rin si Victoria. “Pasintabi naman sa walang kasintahan!”
Napuno ang kamalig ng tawanan. Tumulong si Felix sa pagsasalin ng mga gatas sa bote hanggang sa mayamaya ibinida ni Victoria si Mikael.
“Felix, hindi ko alam na mahusay maggatas ang nobyo mo!”
Nagitla si Mikael sa bangkito.
“Aba siyempre, praktisado sa`kin e,” ani Felix.
Binato ni Mikael ang lalaki ng timba pero bigo itong tumama.
“Ibig ko lang sabihin, praktisado ka dahil tinuruan kita.” Palusot pa ni Felix. “Masyado kang malisyoso, mahal. Napaghahalataan ka.”
“Ako pa ngayon?” Kulang na lang umusok ang ilong ni Mikael sa sobrang inis.
Nakabuno sila ng apat na kahon, doble ng nagagawa nila Victoria noon. Umakyat sila sa taas, at sa kanilang pag-aalmusal, ibinida ni Victoria sa mga magulang ang husay ng magnobyo; ibinida naman ni Mang Cardino ang sarap ng luto ng kanyang may-bahay. Sa gitna ng pagliligpit, may sumigaw ng 'Baduday!'.
“Si Arturo na ata `yon.” Inudlot ni Mang Cardino ang pag-inom ng tsokolateng tablea. “Madali ka, Felix. Tulungan mo sina Victoria sa pagsakay ng mga itlog at gatas.”
Napalingon si Mikael kay Mang Cardino. “May sasakyan ho kayo?”
Nagtinginan ang mag-ama bago siya sagutin. “Oo.”
Akala ni Mikael pareho sila ng naiisip – kotseng kuba na kadalasang backdrop sa mga lumang lifestyle magazine. Pagbaba ay anong dismaya niyang malamang kar'waheng de hila ng kalabaw pala ang tinutukoy, sakay sa ibabaw ang malumanay na bersyon ni Mang Cardino - si Mang Arturo.
Pinakilala sila ni Victoria sa tiyo. Nagtulong-tulong ang tatlo sa paglalagay ng produkto sa likod nang banggitin si Mikael sa may bintana.
“Engracio, sumama ka kay Victoria sa merkado.”
Sa pag-aakalang pinalalamang si Felix, nagtanong si Mikael. “Si Felix ho, anong gagawin?”
“Pagsisibakin ko `yan ng mga kahoy.” Tinuro ni Mang Cardino ang lagpas-taong kolum ng mga kahoy sa likod ng hagdan pati `yong nasa ibabaw ng balon. “Pero kung gusto mo makipagpalit –”
“Naku, kaya na ho ni Felix `yan.” Dali-daling sumampa si Mikael sa karwahe at umupo katapat ni Victoria.
Hinintay lang nilang maubos ang tsokolate ni Mang Arturo bago umandar ang sasakyan at si Victoria’y nagpaalam.
Kumaway si Aling Corazon. “Mag-iingat kayo.”
Rumihistro bigla kay Mikael ang sariling inang marahil nag-aalala na dahil hindi pa siya nauwi. Mali na ni-low batt niya ang cellphone. Pero hindi rin siguro siya makakatawag o makaka-text gawa ng wala pang cell site sa panahon na `to.
Natigil lang ang kanyang pagmumuni-muni nang ihabol ni Felix ang pagbating sinamahan pa ng halik: Huwag mo ako masyadong isipin, mahal!
Yumuko si Mikael, takip ang tengang nangilabot. “Napakabaliw talaga ng lalaking `yan.”
“Baliw na baliw sa`yo,” sambit ni Victoria, nakangisi.
Umiling si Mikael. “Hindi mo naiintindihan, Victoria. Hibang na ang lalaking `yon simula pa lang.”
“Pero may mas hihibang pa ba sa`yo nang sumama ka sa kanya?”
‘Hay, naku, Victoria, kung alam mo lang.’ Gustuhin man niyang sabihin ang katotohanan baka hindi rin matatas ng babae, ano pa’t wala rin namang kabuluhan ang eksplanasyon sa kanya ni Felix patungkol sa portal.
“Sana kaya ko rin maging baliw tulad mo.” Nabanggit na lang ni Victoria.
“Pinagtatawanan mo ba kalagayan ko?” “Ha? Hindi. Sa kabaliktaran, hinahangaan pa nga kita. `Pag naiisip ko, ano’ng sakit siguro sa magulang mo ang ginawa mong desisyon alang-alang sa pag-ibig.”
Kumurap si Mikael. Hindi lang ito nabanggit ni Victoria para magkaroon ng kaututang-dila. May pinupunto siya at halata iyon sa lumamlam niyang tinig at tingin.
“Kahapon nakita namin ikinilos mo. Sinadya mo ba talagang mag-asal-lalaki’t gawing katawa-tawa ang sarili?”
“Sinadya?” Bahagya siyang natawa. “`Yong nakita niyo kahapon... `yon ang normal na ako, Engracio. Mas sinasadya ko pa nga ang magkilos-babae kaysa magkilos-lalaki.”
“Anong ibig mong sabihin?” May ideya na si Mikael pero gusto niya sa babae mismo magmula.
“Hindi ko `yon mapigilan, Engracio,” ani Victoria. “Tumitibok nang husto ang puso ko sa isa rin dalaga.”
Sinenyasan niya ang babae na nasa harapan lang si Mang Arturo at baka isumbong siya nito sa kapatid.
Pangiti lang siyang nailing. “Kaming dalawa lang ni Tito ang nakakaalam sa totoo naming pagkatao. At ngayon, ikaw. Pareho tayong nabibilang sa maliit na grupong nagtatago. Kaibahan lang, nakakalabas kayo.”
Ayaw niya sanang maging anti-climactic sa pagsasabing hindi siya kabilang sa grupong iniisip niya, pero 'yon na kasi ang pakilala ni Felix sa kanila. At ayaw ni Mikael na ihingi ni Victoria ng tawad ang kinumpisal niya sa kanya.
“Kaya ka ba nalulungkot? Kasi hindi kayo makalabas?”
“Isa `yon,” sabi niya. “Ang inaalala ko si Rosa... kung kaya niya bang iwan ang magulang niya para sa`kin, sa ngalan ng pag-ibig.”
“Kaya mo bang iwan ang magulang mo para sa kanya?”
Bumaling si Victoria sa nilagpasan nilang daan. “Kung hindi kami matatanggap, oo. Pero hanggang maaari ayoko silang iwan.”
“Ganyan talaga siguro ang pag-ibig – may maiiwan kapalit ng pagsasama, may malulungkot kapalit ng iyong saya. Kung pumabor man sa`yo ang langit at kaya kaniyang panindigan, magpasalamat ka. Kung hindi, magpasalamat ka pa rin. Isipin mo na lang, dakilang nagmamahal ang mapagparaya.”
Mapait ang ngiti ni Victoria pero gayunman, nagpasalamat siya na nailabas niya ang saloobin sa lalaking pinagkamalan niyang nakatagpo ng tunay na pag-ibig.