Prologue
Prologue
"Ayoko na."
Dalawang salita.
Dalawang salitang tumapos sa lahat.
Dalawang salitang parang martilyong pinukpok sa puso ko, basag, wasak—walang itinira.
Tumigil ang mundo ko. Walang ibang tunog akong narinig kundi ang unti-unting pagkapunit ng damdamin ko. Ang mga ilaw sa kisame ng kwarto ay tila lumabo. Ang mga salita ay biglang naging mahirap intindihin.
Sa harapan ko, nakatayo si Ellisona, ang lalaking tatlong taon kong pinili, minahal, at pinilit na mahalin ako. Siya, na ilang ulit kong ipinaglaban—kahit walang kasiguraduhan kung may laban ba talaga ako.
Nanginginig ang mga kamay ko habang pilit ko siyang inabot. Gusto kong hawakan ang kamay niya. Gusto kong kumapit. Gusto kong maramdaman kahit kaunting init mula sa kanya—kahit na ito na ang huli.
Ngunit mabilis niyang iniwas ang kanyang mga palad.
Umatras siya ng isang hakbang, at doon ko lalong naramdaman ang bigat. Parang binunot mula sa dibdib ko ang puso ko. Parang tinanggal ang huling hibla ng pag-asa na matagal ko nang pinanghahawakan.
"E-Eli..." mahinang tawag ko, halos hindi ko na marinig ang sarili kong tinig. Parang nalunod na rin sa mga luhang bumabagsak isa-isa mula sa mga mata ko.
"C-can you please repeat what you said?" Kahit ramdam kong ayaw ko na talagang marinig pa ulit, pilit kong hiniling. Kasi gusto kong marinig mula sa kanya kung totoo ba ang lahat. O baka... baka nagbibiro lang siya. Baka sinusubok lang ako ng pagkakataon.
Pero tiningnan niya lang ako ng diretso, malamig ang mga mata. Walang bahid ng pagsisisi. Walang emosyon. Wala.
"I said... I'm done, Zionne. I'm sorry, but I can't do this anymore. Hindi ko na kayang lokohin ang sarili ko."
Muling tumulo ang luha ko.
"Pagod na akong magpanggap... Na kaya kitang mahalin. Na minahal kita. Pero ang totoo... simula't simula pa lang—hindi kita minahal."
Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Umikot ang sikmura ko. Namilog ang mga mata ko habang tinatanggap ang mga salitang alam kong totoo, pero masakit pa ring marinig.
"Stop..." bulong ko, nanginginig.
"I get it, okay? Just stop..."
Tumango ako nang sunod-sunod habang umiiyak, sinasalo ang bawat dagok ng katotohanan. Hindi ko na alam kung tatawa ako sa sarili kong kahibangan o iiyak pa ulit. Pero ang totoo, wasak na wasak na ako.
Tatlong taon. Tatlong taon akong naging asawa niya. Tatlong taon akong umasa. Tatlong taon akong nagpanggap na okay lang ang lahat—kahit gabi-gabi akong umiiyak sa loob ng banyo para lang hindi niya marinig. Tatlong taon kong pinangarap na matutunan niya akong mahalin.
"Tatlong taon, Eli..." bulong ko. "Tatlong taon akong naghintay. Kahit wala akong kasiguraduhan. Bakit ngayon mo lang sinabi?"
Tumingin siya sa sahig. Hindi siya sumagot. Tila wala siyang lakas ng loob para sagutin ang tanong kong matagal ko nang gustong itanong.
"Sana noon pa lang... Sana noong araw pa lang ng kasal natin..." Pinilit kong huminga. "Sana sinabi mo nang ayaw mo. Para hindi ako umabot sa ganitong punto na halos hindi ko na kilala ang sarili ko."
"I had no choice, Zionne." bulong niya, at iyon na ang pinakaunang beses na narinig ko ang boses niya na may bahagyang panginginig.
"You know that. Alam mo kung anong dahilan kung bakit natin ginawa 'to."
Tumulo ang isang mas matinding luha.
Oo, alam ko.
Ang kasal namin ay hindi bunga ng pag-ibig. Kundi ng obligasyon. Dahil sa pamilya. Dahil sa isang pagkakamaling kailangang itama sa mata ng lipunan.
Pero sa kabila ng lahat, ako 'tong tanga.
Ako 'tong naniwala.
Na baka... habang tumatagal... matutunan din niya akong mahalin.
"Zionne..."
Itinaas ko ang kamay ko. Ayoko na. Ayoko nang marinig ang mga salitang susunod pa. Bawat letra ay parang patalim na sumasaksak sa puso kong pagod na.
"Kung ito ang magpapasaya sa'yo, Eli... Sige. Itigil na natin 'to." Malinaw ang bawat salitang lumabas sa bibig ko kahit pa halos hindi ko na maramdaman ang dila ko sa sobrang panginginig.
"Bukas na bukas din, ako na mismo ang magpa-file ng annulment."
Tinalikuran ko siya.
Wala nang ibang dapat sabihin. Wala nang dapat ipaglaban. Kung siya mismo, hindi na ako pinipili... ano pa bang silbi ng paglaban ko?
Lumakad ako palayo. Mabigat ang bawat hakbang, pero mas mabigat ang damdaming iniwan sa akin. Nakabukas ang pintuan ng kotse. Umupo ako sa driver's seat at isinarado ito ng mariin. Doon ko na tuluyang binitiwan ang lahat.
Isang hagulgol ang bumulwak mula sa akin. Hindi ko na napigilan. Para akong batang iniwan. Wala na akong pakialam kung marinig man niya ako.
"Tangina naman..." bulong ko, halos hindi na makuha ang hininga ko.
"Ang tanga ko... Ang tanga-tanga ko..." ulit ko habang yakap ang sarili.
I heard him calling my name, "Zionne, please—" pero hindi ko siya nilingon. Hindi ako huminto. Dahil alam kong kung babalik ako, babagsak ulit ako. Baka magmakaawa ako. Baka pilitin ko siyang manatili kahit alam kong wala na siyang puso para sa akin.
Pinaharurot ko ang kotse.
Mabilis. Tuluy-tuloy. Parang gusto ko nang tumakas sa lahat.
Pero kahit anong bilis ng takbo ko, hindi ko matakasan ang bigat sa dibdib ko. Nandito pa rin ang sakit. Nandito pa rin ang alaala.
Nandito pa rin siya—sa loob ng puso ko kahit ayaw ko na.
I placed a hand over my belly.
Saka ko lang muling naalala. Hindi lang pala ako mag-isa.
"Baby..." bulong ko. Mas mahigpit ang yakap ko sa tiyan ko. "Wala na ang papa mo. Pero andito ako. Ako ang kasama mo. Ako ang kakampi mo."
Walang kasalanan ang batang ito sa lahat ng kaguluhan sa mundo ko. At sa kabila ng lahat, siya lang ang liwanag na meron ako ngayon.
"Hindi mo man masilayan ang ama mo... pero sinisiguro ko sa'yo, anak... gagawin ko ang lahat para maging maayos ang buhay mo. Hindi kita pababayaan."
I smiled bitterly through my tears.
Nakakaawa ako, oo.
Pero may dahilan pa rin para mabuhay.
At kung hindi na para sa sarili ko, para sa batang ito na nasa sinapupunan ko.
"Salamat," bulong ko, tila sa hangin. "Salamat sa regalong iniwan mo, Eli. Maaaring hindi mo ako minahal, pero ibinigay mo sa akin ang dahilan para mahalin ulit ang buhay—ang anak natin."
Kahit kailan, hindi ko pagsisisihan ang pagmamahal ko sa kanya.
Kahit kailan, hindi ko ikahihiya na minsan sa buhay ko, minahal ko siya nang buo.
Pero ngayon... panahon na para buuin ko ang sarili ko muli.
Para sa anak ko.
Para sa bagong simula.