Part I

3170 Words
"Oh my gosh, Bes…bakit antagal mo, inip na inip na ako sa kahihintay sa iyo ah,” pagmamaktol ni Kia at nakapamaywang pa ito. “Oh I’m sorry Bes, si Tiya Lupe kasi eh, inutusan pa niya akong ligpitin ang lahat ng kalat sa mansion. Alam mo namang magagalit iyon ‘pag hindi ko nagawa ang mga habilin niya. Alam mo namang istrikta rin si Ginang Mildred kaya ayaw na ayaw niyang may mga kalat siyang makikita sa loob man o sa labas ng mansion,” katwiran naman ni Fermie sa kaniyang kaibigan na tila hapong-hapo pa ito sa pagmamadali. “Sana man lang nag-text ka na matatagalan ka noh? Kaya nagtatayuan na yata ang mga varicose veins ko sa paa sa kahihintay sa iyo, hmp!” tila pagtatampong sagot ni Kia sa kaibigan. “Ikaw naman Bes…huwag nang magtampo, hindi kaya bagay sa iyo, at saka wala nga akong cellphone, paano pa kaya ako makapag-text sa iyo noh? At saka, nandito na ako Bes at ang importante ay nakarating ako kahit late na,” wika ni Fermie na nakangiti pa at kinikiliti pa ang kaibigan para mawala umano ang kunwaring tampo nito. “Ano ba, oo na ikaw na, sige na nga kung hindi lang kita kaibigan ay kanina pa kita iniwan. O siya, halika ka na nga at hahabol na tayo sa kaarawan ni Badong, siguradong humahaba na ang leeg niya sa kahihintay sa atin. Hmmm...lalo ka na hinihintay na niya ang mapupungay mong mga mata. Alam ko namang may lihim na pagtingin iyon sa iyo eh,” pakindat na sabi ni Kia. “Ayan ka na naman eh, binibigyan mo naman ng malisya ang pagkakaibigan namin ni Badong. Ikaw lang naman ang nag-i-imagine niyan noh, napakamalisyosa mo talaga,” irap ni Fermie sa kaniya. Matalik na magkaibigan sina Fermie at Kia, nasa Grade 12 na sila at kasalukuyang magkaklase sa Tamburao National High School. Nasa kabilang baryo ang bahay nina Fermie at nakitira lamang siya sa kaniyang tiyahin, pinsan ng kaniyang ina dahil maaga siyang naulila. Sa edad na sampung taon ay parehong namatay ang kaniyang mga magulang sa isang aksidente kaya ang tiyahin niya ang kumupkop sa kaniya. Mahirap lamang ang pamumuhay ng kaniyang tiyahin. Ang asawa nito ay isang hardinero sa mansion na ‘di kalayuan sa kanilang bahay. Paminsan minsan ay tagaluto rin ang kaniyang tiyahin sa mansion lalo na kung may mga bisita ang pamilyang Ginoong Victor at Ginang Mildred Madrigal. Minsan ay tumutulong din siya sa kaniyang tiyahin kapag mayroong mga party na dadausin dito. Mabait ang Tiya Lupe niya sa kaniya, lima ang mga anak nito at ang panganay ay Grade 11 na rin, si Harry. Umeekstra rin siya para pandagdag sa kaniyang allowance para hindi na siya makahingi sa kaniyang tiyahin na alam niyang kapos rin ang kita nito para sa pangangailangan nila sa buhay at sa pag-aaral ng kaniyang mga pinsan. Si Kia naman ay nasa average ang katayuan sa buhay. Ang kaniyang mga magulang ay nakapagpatayo ng sari-sari store sa bayan at unti-unting lumalago ito. Minsan kapag nawawalan na ng pamasahe si Fermie ay si Kia na ang nagbibigay nito. Nagtapos sila ng elementarya sa parehong paaralan. Valedictorian si Kia at pumapangalawa sa kaniya si Fermie. Kahit salat sa pamumuhay ay nagawa pa ring magsumikap ni Fermie para sa kaniyang mga pangarap at makatulong na rin sa lahat ng sakripisyo ng kaniyang tiyahin na kumupkop sa kaniya. “Malapit na tayo sa bahay nina Badong Bes...nagugutom na ako,” wika ni Kia. “Ikaw talaga, kaya ka tumataba dahil lagi kang gutom,” ngiting sabi ni Fermie. “Uy, mabuti naman at dumating pa kayo,” agad na salubong ni Badong sa dalawa. “Happy birthday, Badong!” sabay na nawika nina Fermie at Kia. “Eh alam mo naman itong Bes ko, may obligasyon eh, mabuti nga pinayagan pang makadalo sa special moment mo,“ sabi ni Kia. “Mabuti naman at nakarating ka Ferm, nagagalak akong makita ka sa kaarawan ko,“ makikitang nagkislapan ang mga mata ni Badong habang sinasabi ito kay Fermie. “Eheemmmm…ah ganoon, si Fermie lang pala ang gusto mong makita. O sige uwi na ako,“ nagkunwaring tampo ni Kia. Nagtawanan na lamang sila sa tinuran ni Kia. “Ayos nandito rin pala kayo, siguradong mapapasaya ni Fermie ang espesyal na araw ng aking kaibigan,” panunukso na naman ni Danie. Namula yata ang pisngi ni Badong sa tinuran ng kaibigan pero nakangiti lang ito. Nagkindatan naman sina Danie at Kia na tila ba sumabay kung ano ang nasa isipan nila. Parang wala namang narinig si Fermie sa panunukso sa kaniya, marahil nasanay na ito. Agad silang inalayan ni Badong sa loob para makakain na sila. Nasa Junior High School pa lamang sila ay magkaklase na silang tatlo. Kahit hindi man sabihin ni Badong noon pa man ay makikitang may lihim itong tinatangi kay Fermie. Mahiyain kasi si Badong pero matalino rin at madalas sumasama siya sa magkaibigang Fermie at Kia kahit tinutukso siya minsan kung sino ba sa dalawa ang pinupuntirya niya. Ngiti lang ang sinasagot ni Badong sa mga ito. May matalik din itong kaibigan si Danie, isang anak mayaman. Seaman ang tatay nito at isang doktora naman ang kaniyang ina. Kahit kaibigan ni Badong si Danie ay malihim ito sa kaniya lalo na sa larangan ng pag-ibig dahil matabil ang bibig ni Danie kaya ayaw nitong magbahagi ng kaniyang personal na nararamdaman dala na rin ng takot at pag-aalinlangan. Naka-focus lang kasi ang atensiyon ni Badong sa kaniyang pag-aaral. Nag-iisa rin siyang anak kaya ayaw niyang biguin ang mga magulang nito. Minsan ay kinukulit siya ng kaibigan kung sino ba ang crush nito, ngiti lang ang laging tugon niya, pero kapag dumaan si Fermie sa kaniyang harapan ay bigla itong natamimi at nakaw sulyap sa kaklase. Napansin din ito ni Kia kaya tinutukso niya ang kaniyang kaibigan na lagi namang hindi pinapansin ni Fermie. Guwapo naman si Badong, matangkad fair complexion at marami nga lang taghiyawat sa pisngi dala na rin siguro ng kaniyang pagbibinata. “Salamat nga pala Badong ha. Nahihiya kami kasi andaming pagkain ang inihain mo sa amin ni Kia,“ sabi ni Fermie na tila nahihiya pang nakaupo sa tapat ng mesa. “Walang anuman iyon Ferm, heto pa oh, may adobong baboy pa. Kia huwag kang mahiya kumain ka pa, marami pa ito at saka sadyang para sa inyo itong nasa mesa,“ nawika naman ni Badong habang inihain ang pagkain sa lapagan ni Kia. “Wow ha, Oh my gosh, ang bigat na ng tiyan ko Bads, hindi na kaya ng powers ko to lamon more,” natatawang turan ni Kia na hinimas-himas pa ang busog na busog na bilbil nito. Natawa na rin sila Kay Kia. Kalog kasi ito at nakikisabay sa agos. Kaya sila nag-click ni Fermie dahil lagi niya itong pinapatawa lalo na kapag nakikita niyang malungkot ang kaibigan kapag naalala ang namayapang mga magulang. “Ahm…nakakahiya mang sabihin pero kailangan na naming umuwi Badong, baka hinihintay na kasi ako ni Tiya Lupe,” sabi ni Fermie. “Oo nga Bads, na-solve ang problema ng tiyan ko, salamat ha,” natatawang wika pa rin ni Kia. “Okay lang iyon, Ferm, nagpapasalamat nga ako at dumalo kayo, lalo ka na Ferm. Ay siya nga pala ito oh, pinagbalot kita ng ulam diyan para naman may uulamin kayo mamaya sa hapunan,” wika ni Badong sabay abot ng supot ng pagkain. “Naku, nakakahiya naman Badong, nakikain na nga kami may pabaon pa,” nahihiyang sabi ni Fermie. “Ehheemmmm…si Fermie lang ba ang may pabaon?” sabad ni Kia habang nakangiti. “Ay hindi, meron ka rin siyempre, ikaw ba naman ay malilimutan?” nakangiti ring wika ni Badong habang iniabot rin ang supot ng pagkain Kay Kia na nakangiti. “Maraming salamat Badong ha, happy birthday ulit sa iyo. Magpapaalam na kami at saka sa nanay mo,” pamamaalam na ni Fermie. Habang naglalakad pauwi ang magkaibigan ay panay tukso ni Kia Kay Fermie na tawang-tawa ito. “Uy, panay ang sulyap ni Badong sa kaniya…pati yata paghigop mo ng soft drinks ay sinulyapan ka,” tukso ni Kia sa kaniya. “Ay naku, Bes, huwag ka ngang malisyosa riyan…ikaw lang yata ang nag-iimbento ng story mo. At saka ano ka ba, kahit tuksuhin mo pa ako riyan Kay Badong kaibigan lang ang turing ko sa kaniya noh? Wala pa sa isip ko ang love love na iyan. Alam mo namang sagabal lang iyan sa mga pangarap ko,” tugon ni Fermie. Alam ni Kia ang mga pangarap ng kaibigan. Nagtataka nga ito kung bakit wala nga siyang nabanggit na crush nito o may nagustuhan man lang sa kaniyang mga kaklase. Naisip niya tuloy baka tomboy ito. Maganda si Fermie bumagay ang balingkinitang katawan nito sa taas na 5’5, morena matangos ang ilong at binagayan ng namimintog nitong mga mata. Mahaba ang itim na buhok na laging nakapusod. Marami nga ang humahanga sa kaniya kaso wala namang lumakas-loob para manligaw dito. Si Kia naman ay tabain, maputi at maganda ang makinis na bilugang mukha na binagayan naman ng kaniyang alon-alunang buhok at may taas namang 5’4 at mas matangkad nang bahagya sa kaniya si Fermie. Araw ng Lunes, gaya ng dati ay maagang nagising si Fermie para maghanda ng kanilang almusal. Bumuntong hininga siya habang tinitingnan ang bigasan nila. Isa…dalawa…tatlo…apat na lata na lamang ang kaya niyang isaing dahil wala na itong laman. Nararamdaman din niya ang hirap ng tiyahin niya at tiyuhin sa paghahanapbuhay para may makain sila at matustusan ang pag-aaral ng mga pinsan nito. Nagdagdag pa siyang pasanin dahil pinapaaral din siya ng kaniyang tiyahin. Ipinangako kasi ng tiyahin niya sa kaniyang pinsan na hindi niya pababayaan si Fermie. Humagilap siya ng lulutuing ulam. Isang lata ng sardinas ang naroon sa kawayang lalagyan at isang supot ng tuyo na nakasabit sa ibabaw ng basket. Agad niya na itong niluto para sa kanilang almusal. “Ferm, maaga ka na palang nakaluto. Pasensiya ka na ha walang natirang pagkain sa mansion kahapon kasi kunti lang ang naluto namin ni Aling Lety kaya wala na rin tayong ulam ngayon,” wika ni Tiya Lupe na kagigising lang. “Okay lang po Tiya, sa Sabado maglalabada po ako kina Aling Consing para naman may pandagdag tayo sa mga pangangailangan dito sa loob ng bahay. Pasensiya na rin po kasi nagdagdag pa akong pasanin sa inyo ni Tiyo Bor,” sagot naman ni Fermie. “Huwag mo nang alalahanin iyan Ferm, pamangkin kita at saka hindi ka naman pabigat sa amin ah, tumutulong ka pa nga sa amin ng tiyuhin mo. Masipag ka sa pag-aaral at saka naawa nga ako kasi kahit cellphone nga hindi kita mabilhan. Alam mo rin namang hindi sapat ang kinikita namin para sa pangangailangan ninyo,” tugon ni Tiya Lupe na malungkot ang boses. “Wala pong anuman iyon Tiya, hindi naman ako nagde-demand, hindi naman iyon importante at naiintindihan ko po ang sitwasyon natin. Hayaan po ninyo at balang araw ay makababawi rin ako sa inyo Tiya kaya sisikapin kong makatapos ng pag-aaral,” aniya Fermie. “Salamat Fermie at lumaki kang maunawain. Naku, kung buhay lang sina Norman at Alicia ay hindi mo mararanasan ang ganitong hirap sa buhay. Oh sige na maligo ka na roon at ako na ang mag-aayos ng mesa para maaga kang makapasok ng paaralan. Kumain ka na rin at pakigising na sina Harry at Marie para makapaghanda na rin sila,” sabi ni Tiya Lupe at nagsimula nang ayusin ang kanilang hapag kainan na gawa sa kawayan. Gaya ng dati, nag-aabang na si Fermie para makasakay ng traysikel papuntang eskwelahan at may inilaan ng upuang katabi niya si Kia. Lagi rin siyang nililibre nito ng pamasahe. Nahihiya man pero nagpapasalamat naman ito sa kabaitan ng matalik na kaibigan. Kahit noon pa ma’y hindi ito naging madamot sa kaniya. Nauunawaan naman nito ang kalagayan ng kaibigan kaya kung ano ang meron sa kaniya ay ibinabahagi niya ito dahil parang kapatid na rin ang turing niya kay Fermie dahil nag-iisa rin lang siyang anak. Minsan nga sa research nila ay nahihirapan si Fermie dahil sa wala nga itong cellphone, wala ring laptop na pupuwedeng gamitin. Lagi na lamang si Kia ang kaagapay niya. “Bes...nahihiya na ako sa iyo, paano na lang kaya kung wala ka sa buhay ko,” nahihiyang sabi ni Fermie Kay Kia. “Huh? Talagang tinablan ka pa ng hiya?” pabirong nasambit ni Kia. “Ito naman, siyempre noon pa ako nahiya kaso nagpapakapal ng mukha lang sa iyo kasi best friend kita eh,” ngiting wika naman ni Fermie dahil alam niya namang bininiro na naman siya ng kaibigan. “Ano ka ba, para na tayong magkapatid one for me and one for you. Kaya huwag ka nang magdrama riyan, habang kaya ko nandito lang ako para sa iyo, okay?” sabi ni Kia at inakbayan pa ang kaibigan. Maluha-luha naman si Fermie sa tinuran ng kaibigan. Kahit nasa elementarya pa lamang sila, Junior Highschool at hanggang ngayon ay hindi siya binitawan ni Kia. Kahit minsan ay luka-luka ang kaibigan niya pero pinapahalagahan nito ang pinagsamahan nila. Sandigan na nila ang balikat ng isa’t-isa kaya lalong lumalim ang pagkakaibigan nila. Nauunawaan din siya ng iba niyang mga guro kung hindi siya makapasa kaagad ng mga requirements dahil sa katayuan ng kanilang buhay. Minsan kung may mga babayarin ay kinakausap niya ang kaniyang teacher. “Ma’am, pasensiya na po pero hindi ko po kayang bayaran ang miscellaneous ko kasi hindi po sapat yung kita nina Tiya Lupe at Tiyo Bor, marami rin kasi silang anak. Kung pupuwede po Ma’am, maglalabada po ako sa inyo tuwing Sabado para maunti-untian kong mabayaran ang miscellaneous ko po para makakuha rin ako ng pagsusulit sa susunod na linggo,” pagmamakaawa niya kay Ma’am Adoracion. “Naawa naman ako sa iyo, Fermie, matalino ka pa namang bata. O sige malapit lang naman ang lalakarin mo sa bahay namin. Para makatulong na rin ako sa iyo. Pero huwag kang mag-alala dadagdagan ko para naman meron kang ekstra pang allowance mo,” naawa namang sagot ni Maam Adoracion. “Salamat po Ma’am aasahan po ninyo ako sa Sabado darating po ako. Pagpalain po kayo ng Panginoon Ma’am,” sagot naman ni Fermie na makikita ang kasiyahan sa mga mata nito. Ipinapakita ni Fermie na hindi hadlang ang kahirapan sa kaniyang buhay. Kaya, kahit salat sa pera at kulang sa mga kakailanganin sa paaralan ay ginagawan niya ng paraan para hindi na rin magkaproblema ang kaniyang Tiya Lupe. Malapit na ang Disyembre at abala ang lahat sa mga tatapusin nilang pagsusulit bago ang paskong bakasyon. Nagkataon namang nagkasakit ang kaniyang Tiya Lupe kasabay ng dalawa niyang pinsang sina Marie at Rosy. Hindi malaman ni Fermie ang gagawin dahil kailangan niyang mag-aral nang masinsinan para sa kanilang pagsusulit. Siya muna ang umaktong nanay sa kanilang bahay. Abala naman ang kaniyang Tiyo Bor sa hardin ng mansion dahil may inaasahan na namang bisita sina Ginoong Victor at Ginang Mildred sa susunod na linggo kaya puspusan ang paglilinis at pagpapaganda ng kanilang hardin. Nagluto siya ng lugaw para sa kaniyang Tiya Lupe at dalawang pinsan. Si Harry naman ay katuwang din niya sa pag-aalaga ngunit kailangan din ni Harry na mag-aral dahil din sa darating na pagsusulit kaya hindi na rin niya ito inaabala. “Fermie, pasensiya ka na pamangkin dahil ngayon pa nagkataong nagkasakit ako. Naawa ako sa sitwasyon mo dahil wala kang pang pahinga. Sa pag-aaral mo sana ang oras mo pero kailangan mo pa kaming alagaan nina Marie at Rosy,” pag-alala ni Tiya Lupe sa kaniya habang pasalitang umuubo. “Tiya huwag mo nang alalahanin, ang importante gumaling po kayo. At saka manalangin po tayo na malalampasin natin itong lahat. Tiwala lang po tayo Tiya. Sige na po kainin niyo na po itong lugaw habang mainit pa.” Sinapo niya sa noo ang kaniyang tiyahin. “Mainit pa po kayo Tiya, at saka wala na po palang gamot para sa lagnat. Sasabihan ko na lang si Harry na puntahan muna si Tiyo Bor at baka pupuwedeng makahingi ng gamot doon sa mansion,” wika naman ni Fermie. Pagkatapos pakainin ang Tiya ay agad naman niyang inalagaan ang dalawa pang pinsan na sabay ding nilagnat. Pinunasan niya ang mga ito ng maligamgam na tubig. Pinakain niya rin nang sabay ng mainit na lugaw. “A-ate Fermie, gusto ko po sanang uminom ng mainit na gatas,” sambit ni Rosy, ang limang taong gulang niyang pinsan. “Ako rin Ate, gusto kong kumain ng tinapay,” sabi naman ni Marie, nasa Ikalimang baitang na ito. “Ha? O sige Rosy at Marie, bibili lang si Ate ha. Ubusin muna ninyo itong lugaw para may laman ang inyong mga tiyan at gumaling na kayo kaagad,” agad namang sagot ni Fermie. Kinuha ni Fermie ang kaniyang pitaka mayroon pang 50 pesos na naiwan doon. Hindi niya ginalaw ang natira sa ibinayad sa kaniya ni Aling Consing nang naglabada siya noong Sabado. Nagbuntong hininga siya. Allowance na niya ito sa loob ng isang linggo pero kailangan niyang bilhin ang hinihingi ng mga pinsang maysakit. Habang papunta siya ng tindahan para bumili ay nagkataong paparating si Kia. “Bes…naparito ka?” tanong kaagad ni Fermie. “Oo Bes…may kailangan kasi tayong pag-aralan sa calculus. Pumunta na ako para naman matulungan ka. Ito oh may dala akong snacks natin para habang nag-aaral ay hindi tayo gugutumin. Alam mo namang panlaban ito ng utak at tiyan ko,” nakangiti pang turan ni Kia sa kaibigan. “Pasensiya na Bes, ‘di ako makasabay sa pag-aaral ngayon kasi nagkataong nagkasabay na nagkasakit sina Tiya Lupe at ang dalawa kong pinsan. Pupunta nga ako ng tindahan para bumili ng gatas at tinapay,” agad namang sagot ni Fermie na malungkot ang mukha. “Ganoon ba Bes? Kawawa ka naman, sabay pala ang aalagaan mo ngayon. Eh paano na yung pagsusulit mo kapag di ka nakapag-aral? O ibigay mo na rin itong snacks sa mga pinsan mo. Uwi na lang muna ako at saka ipag-pray ko na gumaling na sina Tiya Lupe at nang makapag-aral ka na rin,” turan ni Kia sabay abot ang supot. “Salamat Bes ha…sige nagmamadali kasi ako babalik din ako kaagad sa bahay. Mag-ingat ka,” nagmamadaling sabi naman ni Fermie. Araw na ng pagsusulit. Hindi mapakali si Fermie. Pinagpawisan siya ng malamig. Sumasakit ang ulo niya, marahil dahil sa ilang gabing puyat siya sa pag-aalaga sa kaniyang dalawang pinsan. Mabuti sa gabi ay nandiyan ang Tiyo Bor niya at naalagaan ang kaniyang Tiya Lupe. Nag-usal siya ng dasal para maunawaan niya ang nilalaman ng kaniyang pagsusulit. Hindi siya makapag-concentrate dahil ang gaan-gaan ng kaniyang ulo. Habang pinipilit niyang basahin ang kaniyang test paper ay lalong lumalabo ang kaniyang paningin. Ipinikit pa niya nang bahagya ang kaniyang mga mata. Hanggang sa naramdaman niyang parang lumulutang ang kaniyang ulo. Hinawakan pa niya ito ngunit nakaramdam na siya ng panghihilo at tuluyan na siyang bumagsak sa kaniyang kinauupuan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD