Part II

4004 Words
“Unngghh…ang sakit ng ulo ko,” namutawi sa labi ni Fermie habang unti-unti niyang binuksan ang kaniyang mga mata. “Bes…mabuti naman at nagising ka na…kumusta ka na, ano ba ang nararamdaman mo ngayon?” alalang tanong ni Kia sa kaibigan. “B-bes? Bakit, ano ba ang nangyari? Saan ba ako?” pagtatakang tanong naman ni Fermie. “Naku Bes, nawalan ka ng ulirat kanina habang kumukuha tayo ng pagsusulit. Mabuti na lamang at ‘di kalayuan itong si Badong at naalayan ka kaagad nang nalaglag ka sa kinauupuan mo. Dinala ka kaagad dito sa clinic at sinuri ng nars natin,” paliwanag ni Kia. “Ferm, ano ba ang nangyari sa iyo, kumusta ang pakiramdam mo? Nag-alala kami kung bakit bigla kang nawalan ng malay,” pag-alala ring tanong ni Badong na sumama kaagad kay Kia sa paghatid ky Fermie sa clinic. “A-ah…oo naalala ko na, bigla kasing nanghina ang katawan ko at napagod siguro ang utak ko sa exam natin. Isa pa ilang gabing hindi ako nakatulog nang maayos. Napiga yata ang utak ko,” sagot naman ni Fermie. “Buhat-buhat ka kanina ni Sir Magalon dahil nataranta kaming lahat nang makita kang bumagsak. Naku Bes…ang suwerte mo si Sir Magalon ang bumuhat sa iyo, ang gwapo pa naman ni Sir at super macho, siguro sa susunod ako rin ang mawalan ng malay para si Sir Magalon din ang bubuhat sa akin,” pagbibiro ni Kia. “Ikaw talaga Bes…kahit kailan luka-luka ka. Hindi ka kayang buhatin ni Sir Magalon kasi doble yata ng katawan ko ang pigura mo. Siguradong si Manong Guard ang bubuhat sa iyo kasi malaki katawan niyon,” natawa na ring nawika ni Fermie na sinabayan din ni Badong ng tawa. “Oh Fermie, mabuti at nagising ka na, kumusta ano ang pakiramdam mo ngayon?” agad na tanong ni Ma’am Adoracion na kakapasok pa lang sa clinic. “O-okay na po ako Ma’am, medyo bumigat lang ang ulo ko, pasensiya na po Ma’am, tatapusin ko na rin yung exam ko mamaya,” agad namang sagot ni Fermie. “Napagod ka nang husto Fermie dahil ilang gabing napuyat ka. Mababakas sa mukha mo at katawan ang pagod. Sinabihan na ako ni Kia na sabay nagkasakit ang tiyahin mo at mga pinsan mo, siguradong nalipasan ka din ng gutom kaya hayan nanghina ang katawan mo at kulang pa sa pahinga. Namumutla ka rin. May vitamins diyan na ipinabigay ang nars para sa iyo inumin mo na rin para bumalik ang lakas mo,” pag-alalang turan ni Ma’am Adoracion. Natahimik si Fermie, tama nga si Ma’am Adoracion nalipasan din siya ng gutom kasi mas inuna niyang ipakain sa mga pinsan ang natirang lugaw. Wala na kasi silang bigas. Ang pera ng kaniyang Tiyo Bor ay ibinili pa ng gamot ng dalawa niyang pinsan at pandagdag sa baon ng ila pa niyang pinsan sa eskwelahan. Ilang gabing inaalagaan niya sina Marie at Rosy kahit madaling araw na ay pinupunasan niya ng maligamgam na tubig at pinapainom ang mga ito ng tubig. Mabuti na lamang kung gabi ay nandiyan ang Tiyo Bor niya para maalagaan naman ang kaniyang Tiya Lupe. Hindi na rin niya ginigising si Harry dahil naawa rin siya at maaga ring pumapasok sa eskwelahan. Naawa na siya sa pamilyang kumupkop sa kaniya dahil pakiramdam niya ay isa siya sa mga pabigat, wala na rin siyang sapat na mapagkunan pa ng mapagkikitaan. Balak niyang kausapin muli ang kaniyang teacher. “Ma’am, pupuwede po ba akong maglaba ulit sa inyo sa Sabado? Pandagdag ko lang po sa mga gastusin namin sa bahay, hindi na kasi sapat iyong kita ni Tiyo Bor para sa aming lahat, nagkasakit pa si Tiya Lupe hindi pa siya makapagtrabaho sa mansion. Naawa ako sa mga pinsan ko po,” malumanay na nasabi ni Fermie. “O sige Fermie, pero baka mabinat ka at kung darating ka sa Sabado hintayin kita roon. May ibibigay din ako sa iyong dalawang gatang ng bigas para naman makatulong sa iyo. Huwag kang mag-alala malalampasan mo ang lahat ng hirap dahil alam ko namang mabait ka at masipag sa pag-aaral,” agad namang tugon ni Ma’am Adoracion. Laki ang pasasalamat ni Fermie sa kaniyang guro. Naawa naman sina Kia at Badong sa narinig na kanilang usapan. Kung may magagawa pa sana sila para sa kaibigan lalong-lalo na si Kia. Alam niya ang hirap na dinadanas ng matalik na kaibigan pero humahanga siya sa katatagan ng loob ng kaibigan dahil sa kaniyang mga pangarap at adhikain sa buhay. “Fermie…naku ano ba ang nabalitaan kong hinimatay ka raw sa eskwelahan kanina. Kumusta na ang pakiramdam mo? Nag-alala tuloy ako baka kung napaano ka na,” agad na salubong sa kaniya ni Tiya Lupe. “Tiya bakit lumabas ka na sa kwarto mo? Baka mabinat ka,” alala ring sambit ni Fermie. “Huwag ka nang mag-alala sa akin mabuti na ang pakiramdam ko,” paubong sabi ni Tiya Lupe. “Ikaw nga ang inalala ko kasi sabi ni Harry ay hinimatay ka raw. Maysakit ka ba?” “Hindi pa po kayo magaling Tiya Lupe, okay lang po ako napagod lang siguro kanina kaya nanghina ang katawan ko kung kaya nawalan din ako ng malay. Pero okay na po ako ngayon, kayo nga ang inalala ko,” sagot naman ni Fermie. “Nakainom na ako ng mga gamot, nang malaman ni Ginang Mildred na maysakit ako pinadalhan niya ako kaagad ng mga gamot. Alam mo namang nars ang anak niyang si Ma’am Cathy. Dinalhan din ako kanina ng Tiyo Bor mo ng nilagang baka galing daw sa mansion at nagpadala rin si Ginang Mildred ng maraming prutas. Kaya hayun takam na takam ang mga pinsan mo at nilantakan kaagad. Meron pang natirang mansanas diyan kainin mo Fermie para lumakas ka,” saad naman ni Tiya Lupe. “Mabuti naman kung ganoon Tiya at nang bumalik din ang sigla ninyo lalo na sina Marie at Rosy. Bumalik na po kayo sa loob ng kuwarto at makapagpahinga, magsasaing na rin po ako,” turan ni Fermie. “Pasensiya ka na pamangkin, kami pa yata ang nagpabigat sa iyo salamat sa pag-aalaga mo sa amin ng mga pinsan mo, ‘di- bale babawi na lang ako ‘pag magaling na magaling na ako,” nawika ni Tiya Lupe. Nangiti na lamang si Fermie, siya ang naawa sa tiyahin at naisip nga niyang pabigat siya sa pamilya nito. Pero sa abot ng makakaya niya ay tutulong siya sa mga ito para hindi siya dumagdag sa mga pasaning problema ng pamilya. Lumipas ang isang linggo at magkakaroon na sila ng Christmas vacation. Bago iyan, inanunsiyo muna ng kani-kanilang mga guro sa bawat asignatura ang nakuha nilang iskor sa pagsusulit. Nanlumo man si Fermie dahil sa hindi mataas ang nakuha niya ay hindi niya pinagsisihan, ang importante ay naalagaan niya ang kaniyang tiyahin at mga pinsan nang magkasakit ang mga ito. Hindi na rin siya sumali sa kanilang Christmas Party dahil wala naman siyang pera para sa saluhang handaan at pambili ng exchange gift. Kahit pinipilit siya ni Kia na siya na ang magbabayad at bibili, hindi na pumayag si Fermie. Masyado na kasing marami ang naitulong ng kaibigan sa kaniya. At dahil hindi dadalo sa kanilang party ay minabuti na rin ni Kia na hindi umatend bagkus nagluto silang dalawa ni Fermie ng spaghetti at doon nila pinagsaluhan sa bahay ng kaniyang tiyahin. Tuwang- tuwa rin ang kaniyang mga pinsan dahil nakakain sila ng spaghetti. “Bes…salamat ha, iba ka talaga. Kahit papaano natutuwa akong makita ang nga pinsan ko na masaya. Alam mo namang minsan lang kami nakakain ng ganito,” nahihiyang wika ni Fermie. “Ano ba yan Bes, walang anuman at ‘di ba sabi ko sa iyo, one for me and one for you. Maliit na bagay eh. At isa pa ako naman iyong may pinakamaraming kain ng spaghetti kaya bawing-bawi ‘di ba,” pabiro namang sabi ni Kia. Nagkayakapan ang magkaibigan bago umalis si Kia. Alam niyang magiging abala na si Fermie sa bakasyon dahil tutulong na ito sa kaniyang tiyahin at hindi na sila magkikita ng ilang linggo. “Mag-ingat ka Bes…sulat ka ha,” ngiting pahabol na sabi ni Fermie. “Ano? Akala mo ba mag-a-abroad ako dahil susulat at excuse me, ‘di na uso ang sulat ngayon noh, text na Bes….text,” pahabol ding sabi ni Kia habang sumesenyas pa ang kamay na kunwaring nag-te-text. Natawa na lamang si Fermie dahil alam naman niyang hindi siya makapag-text sa kaibigan dahil wala man lang itong cellphone. Abala na ang lahat dahil may darating na bisita ang mag-asawang Madrigal sa mansion. Darating ang kanilang Kumpadreng Jaime at Kumareng Dolor Sanchez mula sa Maynila. Matagal na niyang kinukumbensi ang kumare na dito magbakasyon at dahil mahilig sa out of town ang magpamilya ay ito na ang pagkakataong pinaunlakan ang kaniyang imbitasyon. Dito sila magdidiwang ng pasko sa mansion. Dahil magaling na si Tiya Lupe pinatawag na siya ni Ginang Mildred. “Lupe, okay ka na ba?” tanong ni Ginang Mildred “Opo Maam, magaling na po ako, salamat sa mga gamot at ipinadala mong pagkain sa amin,” malumanay ring sagot ni Tiya Lupe. “Mabuti naman kung ganoon. Bukas ay darating na ang aming mga bisita galing Maynila. Dahil lalagi sila rito ng ilang linggo regular ka munang mag-duty dito araw-araw para magluto,” wika ni Ginang Mildred na isang mistesang donya ang dating dahil sa mala-Imelda nitong hair style at mamula-mulang pisngi na may binahiran ng manipis na make up. Kahit nasa 60’s na ito walang masisilayang kunot ng balat dahil sa maputi na makinis pa, marahil dahil sa mga mamahaling likido na ipinapahid nito para magmistulang bata. Kung titingnan mas bata ang hitsura ni Ginang Mildred kumpara sa kaniyang tiyahin kahit nasa 50’s pa lang ito. Iba nga ang magagawa ng pera sa balat ng tao, ika nga. “Malinis na malinis na po ang hardin Ma’am, tiniyak ni Bor na magugustuhan ng mga bisita ang kapaligiran nang balik balikan nila ang lugar na ito,” pagtitiyak naman ni Tiya Lupe. “Good. Ikaw naman Fermie, maaari kang tumulong kay Mina sa paghahanda ng mesa. At kung maaari bukas ay maaga na kayong pumunta rito sa mansion para makapaghanda dahil banda alas otso ng umaga ay nandito na ang mga bisita namin. Tandaan ninyo huwag makisalamuha sa kanila at makipag-usap para iwas tsismis,” sarkastikong wika ni Ginang Mildred. Tumugon na lamang ang magtiya sa tinuran ni Ginang Mildred. Kinabukasan maaga ngang nagising sina Tiyo Bor, Tiya Lupe at Fermie. Naghanda na siya ng almusal para makakain na rin ang kaniyang mga pinsan. Pinili niyang suotin ang blusang puti na bigay sa kaniya ni Kia nung nag-debut siya ng nagdaang taon at pinarisan ng maong na medyo hapit sa kaniyang balingkinitang mga binti. Gaya ng dati nakapusod ang kaniyang buhok na medyo basa pa. Pagdating sa mansion ay agad na naghanda sina Tiya Lupe at Aling Lety ang regular na kusinera ng mansion. Samantala si Fermie naman ay agad kinuha ang walis at nilinis ang kusina at komidor kahit may tagalinis naman dito. Nagustuhan siya ng mga kasambahay ng mansion dahil isa siyang ulirang dilag. Sa edad na 18, hubog na hubog na ang kaniyang isipan sa larangan ng buhay. Marunong na siyang lumaban para gapiin ang mga hamon na kaniyang mararaanan at dahil na rin iyon sa suporta ng kaniyang tiyahin na kumupkop sa kaniya. Dumulog rin siya sa platera kung saan naroon ang mga mamahaling plato at kubyertos na gagamitin mamaya sa paghahanda ng mesa. Isa-isa niya itong pinunasan ng malinis na bimpo. “Nandito ka na pala, Fermie, maaga ka yatang pumarito,” sabi ni Aling Mina isa sa mga kasambahay at magiging katulong niya sa paghahanda ng mesa. “Oo Aling Mina, sinabihan kasi kami kahapon ni Ginang Mildred na maaga kaming pupunta ng mansion para makapaghanda na,” agad namang sagot ni Fermie. “Mabuti naman o sige tulungan na kitang magpunas niyan. Pakikuha nga pala iyong isang set ng baso dahil iyan ang gagamitin mamaya,” pakiusap naman ni Aling Mina sa kaniya. Handang-handa na ang mga putaheng ihahain, handa na rin ang mesa na inayos nina Aling Mina at Fermie, lingid sa natutuhan niya ang pag-aayos ng mesa sa eskwelahan ay naoobserbahan din niya ito sa tuwing may okasyon sa mansion kaya bihasa na siya. Tamang alas otso na ng umaga. Sunod-sunod na busina sa labas ng gate ang narinig nila, hudyat na dumating na ang mga bisita na kanina pa hinihintay. Sinundo sila ni Mang Tony, ang matagal ng driver ng mag-asawa sa airport mahigit dalawang oras ang layo ng airport sa mansion. Agad na pumanaog ang mag-asawang Madrigal. Handang-handa ang awra ni Ginang Mildred sa suot na kulay pulang may mahaba ang manggas at pinarisan ng puting maluwang na slacks at high heels na 2 inches at tamang nagpatangkad sa taas nitong 5’1. Bagay na bagay ang hairstyle niyang mala-Imelda at mistulang 30 anyos sa mamula-mulang manipis na make up na lalong nagpaganda sa kaniya. Ganoon din si Ginoong Victor, gwapo sa suot nitong puting polo at pinarisan ng itim na maong at nakasuot ng rubber shoes na kulay puti. Akalain mong parang mga tinedyer ang dalawa. Agad binuksan ni Aling Mina ang gate at pagkapasok sa mansion agad sinalubong nina Ginang Mildred ang mga bisita. “Welcome home, Kumpadre, Kumare,” bati ni Ginang Mildred at agad na nagbeso-beso ang mga ito. “Wow, Kumare this place is amazing. Your mansion is so elegant and very impressive. Napakaluwang at napakaganda,” manghang nasabi ni Ginang Dolor Sanchez. “Kumpadre, this is not just a mansion, this place is a kingdom,” palantak na sabi ni Ginoong Jaime kay Ginoong Victor habang nakipagkamayan ang mga ito. “Mapagbiro ka talaga Kumpadre, welcome to our place, hope you will enjoy staying here,” saad naman ni Ginoong Victor na nakatawa. “Oh by the way, this is Gabbie now, your inaanak, and my pretty daughter like me, Mariz,” pakilala ni Ginang Dolor. “Diyos meo, you’re growing so fast and sobrang gwapo mo inaanak, magkamalang artista ka sa tindig mo, and you too Mariz, you’re so gorgeous, manang-mana ka talaga sa kagandahan ng mommy mo,” agad namang nawika ni Ginang Mildred. “Thank you Tita Ninang, your place is so amazing , very cool, feel the fresh breeze and so relaxing, right, Mariz?” Baling naman ni Gabbie sa kapatid. “Yeah, that’s right. Hello Tita…I like the ambiance, super spacious and wow look at the garden Kuya, very impressive, attractive and greeny. Mom and Dad were right having the decision in spending our vacation here,” nakangiting sambit ni Mariz habang dumidilat ang mata sa pagsasalita. “That’s good iha, thank you, I know you will surely enjoy your Christmas vacation and tomorrow will be the beginning of your journey. We will have an island hopping so prepare yourself and have fun,” pagmamalaki namang wika ni Ginang Mildred. Naglibot-libot pa sila sa likuran ng mansion. Talagang maganda nga ang mansion ng mag-asawang Madrigal, napakalawak at maluwang. Sa likuran ay makikita ang asul na asul na tubig ng swimming pool na para bang nang-anyaya para lumublob dito. Sa gitna naman ay mayroong mesang malapad na pininturahang kulay puti at mga upuang bakal na may disenyo. Para ito sa mga pampamilyang salo-salo. Sa gilid naman ay napapalibutan ng trimadong torpiang halaman, seperado rin ang mga halamang namumulaklak at nagdagdag ng kagandahan sa paligid dahil sa sari-saring kulay nito. Para namang busog na busog sa pag-aalaga ni Tiyo Bor ang mga ito dahil hindi nahihinto sa pagpapayabangan ng kanilang magagandang bulaklak at mayayabong mga dahon. Maganda rin ang pag-landscape sa hardin. Sa gilid naman ng punong makopa ay may garden set na kulay puti rin na gawa sa bakal para sa pang-apat na tao. Maluwang din ang garahe kahit sampung sasakyan ay kakasya. Pinalibutan din ng mga cypress ang mga sulok ng pader na nagpadagdag ng kagandahan sa nasabing hardin. “Excuse me po Ma’am, Sir, handa na po ang mesa para sa almusal,” sabi ni Aling Mina. “Ow, that’s good. Kumare, Kumpadre let’s get in, the breakfast is ready for us,” sabad naman ni Ginang Mildred. Pagpasok sa mansion ay nalula lalo ang nga mata ng mga bisita. “Oh my goodness. Tita I really like your place talaga, it’s just we’re staying in a 5 star hotel, the color combination is so good you have a good architect and engineer for this place,” pagmamanghang nasabi ni Mariz. “Yes, I agree with you iha, your Tita’s mansion is so impressive. Kumare, Mariz really impressed your place it’s because she is now a licensed architect, and maybe she have more ideas to be taken here in your beautiful mansion,” nakangiting turan ni Ginang Dolor. “Oh wow, congratulations iha, your Mom and Dad were so blessed having a pretty architect daughter like you,” agad namang nasabi ni Ginang Mildred. “Guys, I think we must go now to the dining area, baka mapanis na ang pagkain natin,” pagbibirong sabi ni Ginoong Victor. Agad namang tumalima ang lahat para sa almusal. Nakahanda na ang mesa at sumptuous breakfast. Preskang seafoods na galing pa sa baybayin ng lugar, native chicken na niluto sa iba’t ibang putahe, may preskang fruit salad din na nilagyan ng mayonnaise. Naghanda rin sina Fermie ng preska at purong buco juice. Habang abala sila sa komidor sa masarap na almusal, ay nakasilip ng kaunti si Fermie. Gusto niya ring makita ang mga nagdatingang bisita. Nakita niya si Mariz na katabi ng isang lalaki na tantiyado niyang nasa 60’s na rin ang edad, marahil Daddy nito sa isip ni Fermie. “Iba talaga kapag laking Maynila at mayaman, maganda at saka makinis ang kutis,” bulong ni Fermie sa kaniyang sarili habang minamasdan si Mariz sa ‘di kalayuan. “Uy Fermie sino ba ang sinisilip mo riyan, ah siguro yung lalaking gwapong-gwapo. Kung sabagay mapapamangha ka talaga sa tindig niya parang artista makinis ang balat, matangos ang ilong at kapag ngumiti labas ang dalawang biloy sa mukha, parang si…si…sino ba iyong artista na may biloy sa mukha sa GMA? Iyong gwapo na tambal ni Maine Mendora?” tanong ni Aling Mina, habang nagkakamot ng ulo. “Huh? Si Alden? Maine Mendoza po” pagtatakang sagot naman ni Fermie. “Oo iyon nga si Alden, ah Mendoza pala. Naku Fermie kung magkasing-edad lang kami ng anong pangalan niyan magka-crush talaga ako dahil ang sobrang gwapo,” tila pagtitili pa ni Aling Mina nasa 40’s na rin ito. “Ha? Eh matanda na yata yung lalaki Aling Mina ‘di ba, oh silipin mo nga,” pagtataka pa ring sambit ni Fermie. “Ano ka ba, hindi iyan ang tinutukoy kong lalaki. Yung anak niya. Ahh, ayun pala siya katabi ng magandang Ginang na si...si…Dolor? Oo Dolor yata ang pangalan ng Ginang na iyon. Hindi pala makita kasi nakatalikod dito sa atin at natatakpan pa ng malaking halaman ang likuran nila,” sabi ni Aling Mina habang nakasilip na rin sa komidor. “Ah ganoon po ba, pero Aling Mina ang ganda ng babaeng iyon, napakakinis ng kutis at sosyal na sosyal ang dating. Iba talaga kapag lumaki ng Maynila at anak mayaman no? Di katulad natin dito sa probinsiya simple lang at kahit maganda natatakpan naman ang balat ng putik,” nasabi ni Fermie. “Hindi naman lahat Fermie, parang ikaw, ang ganda mo kaya, balingkinitan ang katawan at may hubog pa. Matangos ang ilong na binagayan ng mapipintog at mapupungay mong mata. Makinis naman ang kutis mo kahit morena. Kung tutuusin mas maganda ka pa riyan sa Mariz na iyan mayaman nga lang at natatakpan ng ginto kaya kuminang ang balat. Kahit sinong lalaki magugustuhan ka at higit sa lahat, mabait kang bata,” turan ni Aling Mina na may katotohanan. “Sus binola mo pa po ako Aling Mina. Wala po akong piso rito,” ngiting sagot ni Fermie. “Pssst…ano ba ang pinag-uusapan ninyong dalawa? Parang abot sa kusina ang bungisngis ninyo,” agaw-pansin ni Tiya Lupe na kakalabas galing ng kusina. “Ah wala po Tiya, may binulong lang po itong si Aling Mina. Sige po maiwan ko muna kayo at liligpitin ko pa ang ibang gamit. Baka mamaya tawagin na tayo ni Ginang Mildred,” sabi ni Fermie habang papunta ito sa kusina. Masinsinan din ang kuwentuhan nila habang kumakain. Sarap na sarap ang mga bisita sa mga inihandang pagkain. Talagang masarap magluto si Tiya Lupe ganoon din si Aling Lety. “By the way, Iho Inaanak, noong huli nating pagkikita ‘di ba you’re still studying as nautical, right? So how are you today?” tanong ni Ginang Mildred kay Gabbie. “Actually Tita Ninang it’s my 5th year already na sumampa sa barko. After I graduated and have an apprentice nakasakay ako kaagad with the help of Dad’s cousin, chief captain Tito Greg. Madaling na-i-process yung papers ko at kababa ko lang nito last month. I just passed the exam and fortunately I am now 3rd mate and planning to take exam next month para naman po sa another promotion,” sagot naman ni Gabbie. “Wow Kumare, you are too much blessed to your children, they are now both professional and take note ha, they are both gorgeous too,” nakangiti namang sabi ni Ginang Mildred. “How about you Iha, are you currently working?” “Yes Tita, I have a big project at Makati, ako iyong mag-de-design sa bago nilang building malapit sa BPI bank. May isang hotel na ipapatayo, the company and I already agreed for the cost,” pagmamalaki namang sabi ni Mariz. Si Gabbie ang panganay at nasa 25 taong gulang na ito. Gwapo at bumagay ang taas nito na 5,9 matipuno ang katawan, matangos ang ilong at may kunting bigote. Kapag ngumiti ay lumalabas ang biloy nito sa magkabilang pisngi. Dahil na rin siguro sa mayaman ang pamilya ay naging mahilig sa mga babae at sa kaniyang edad ay wala pa siyang sineryosong babae o karelasyon. Bata ng dalawang taon naman si Mariz sa kaniya, sopistikada, may dating at very independent rin ang dalaga. May kamalditahan din lalo na kung hindi niya gusto. May masugid din siyang manliligaw sa Maynila at isang engineer na nakasama niya minsan sa isang project. “Kumpadre, parang kailan lang anoh? Hindi lang basta ganap na binata itong inaanak namin isa na palang seaman. At tingnan mo naman ang itsura siguradong habulin ito ng mga babae,” pabirong nawika ni Ginoong Victor. “Oo nga kumpadre, kung ako lang sana gusto ko siyang maging abogado katulad ko, kaso hindi naman dw niya hilig ang maghawak ng mga kaso kaso, kaya pinabayaan ko na lang sa kung anong gusto niya,” sabi naman ni Ginoong Jaime. “Oo nga naman, Inaanak, siguradong nalibot mo na ang buong mundo at bawat port ay may natalsikan ka,” pabiro pa ring wika ni Ginoong Victor. “Natural lamang po iyon Tito Ninong sa mga katulad nating gwapo,” hagalpak ring tawa ni Gabbie. “Honey, ano bang natalsikan?” curious na tanong ni Ginang Mildred. “Parang bastos yata iyan ah.” “Ano ka ba Honey ang ibig sabihin ko natalsikan ng kaniyang kagwapuhan, ikaw talaga kung ano ang nasa isip mo,” nakangiting sagot ni Ginoong Victor sabay kindat kay Gabbie. Nagtawanan na lang sila sa tinuran ni Ginoong Victor.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD