Pagkatapos kumain, inilibot ng mag-asawang Madrigal ang kanilang bisita sa loob ng kanilang mansion. Lalong nalula ang mga bisita lalo na si Mariz, dahil sa mga modernong disenyo na akalain niya ay sa siyudad lamang ito makikita. Mayroong sampung kuwarto ang mansion at pumanhik din sila sa roof top, at doon halos makikita ang ilang mga malalaking bahay na nakapalibot sa mansion maging ang mga barong-barong sa ‘di kalayuan na abot tingin ng kanilang pananaw.
“Oh my goodness…this is a paradise talaga Tita, and look Kuya Gab makikita rito ang baybayin. Tita this place ba surrounded by many islands?” manghang tanong ni Mariz.
“Yes Iha, marami na ring mga turista ang pumupunta rito at na-open na rin ng local tourism. And one of the islands na napakaganda ay iyong Whitysand Island Resort, don’t worry, tomorrow iyon ang una nating pupuntahan and I’m sure ma-e-enjoy ninyo ang lugar na ito,” pagmamalaking turan ni Ginang Mildred.
Sa tanghalian ay naghanda naman sina Tiya Lupe at Tiya Lety ng malalaking isda na maaga pang nabili malapit sa baybayin. Abalang-abala ang mga tao sa loob ng mansion. Si Fermie naman ay tumutulong sa paghuhugas ng pinggan at ‘di magkaundagaga sa pagtulong sa mga gawain para madaling matapos.
Walang patid ang mga gawain hanggang umabot na ng takipsilim at kailangan na nilang umuwi. Mabuti naman at may naiwang mga ulam at ipinadala ito ni Aling Lety kina Tiya Lupe para sa mga anak nito. Maghapong hindi na nasilayan ni Fermie ang mga bisita dahil doon sila namalagi sa rooftop. Hindi na rin siya nagbakasakaling bumalik sa komidor dahil si Aling Mina at Aling Goring na ang naghanda ng mesa dahil sinabihan siya ng kaniyang Tiya Lupe na tulungan muna sila sa paghihiwa ng ilang mga sangkap na lulutuin.
Halos hindi maigalaw ni Fermie ang kaniyang mga paa dahil sa sobrang pagod. Nanibago siya sa katagalang pagtatayo, pero kanina sa mansion ay hindi niya ito naramdaman dahil sa walang patid na paggalaw ng kaniyang katawan para sa mga gawain. Nagsalang siya ng mainit na tubig para iyon ang panghugas niya mamaya sa pagod niyang katawan.
“Ferm, nakita mo ba si Harry?” tanong ni Tiya Lupe.
“Ho? Wala po Tiya, kararating lang natin galing mansion, bakit nasaan ba si Harry? Baka po kasama ni Tiyo Bor sa labas,” ang tugon naman ni Fermie.
“Ang Tiyo Bor mo nga ang nagtanong kung nasaan si Harry kasi magdidilim na hindi pa pala nakapagsaing,” nawikang may pag-alala ni Tiya Lupe.
“Marie, Marie!” tawag ni Tiya Lupe sa kaniyang anak.
“Bakit po inay?” Agad namang tumalima si Marie habang hawak ang bunso niyang kapatid na si Benny na apat na taong gulang pa lamang.
“Nasaan ba ang Kuya Harry mo? Bakit hindi pa siya nakapagsaing ng hapunan?” may himig galit na ang tanong ni Tiya Lupe.
“Kanina pa po wala rito si Kuya, dumating po pala rito si Ate Gigi Inay,” agad na sagot ni Marie.
“Ganoon ba, nasaan ang ate Gigi mo?” tanong ulit ni Tiya Lupe habang iniabot kay Fermie ang kaldero na pagsasaingan.
“Baka nasa tindahan Inay bumili po yata ng gatas ni Rosy at Benny,” sagot naman ni Marie.
Si Gigi ay pangalawang anak nina Tiya Lupe at Tiyo Bor, hindi siya namalagi sa kaniyang mga magulang at mga kapatid dahil ang kapatid ni Tiyo Bor na si Tiya Carla ang nagpapaaral dito, dahil isa lang ang anak, minabuting kinuha niya si Gigi para hindi masyadong mahirapan sina Tiya Lupe sa pagpapaaral sa mga anak lalo na at nandiyan ang pamangkin niyang si Fermie. Kahit labag man sa kalooban ay pumayag na rin si Tiya Lupe. Minsan pumupunta si Gigi sa kanilang bahay para madalaw din ang kaniyang mga kapatid.
“Ate…!” sigaw ni Rosy nang makitang dumating na ang Ate Gigi nito na may bitbit itong supot na may lamang gatas at tinapay.
“Mano po Inay,” bating paggalang ni Gigi nang makita kaagad ang kaniyang ina.
“Kaawaan ka ng Diyos anak, mabuti naman at nakapasyal ka rito sa amin ng itay mo at mga kapatid. Nagkita na ba kayo ng itay mo sa labas?” sabi ni Tiya Lupe.
“Opo Inay, hello po Ate Fermie. Hindi na po ako magtatagal inay kasi magtatakipsilim na. Pinadalhan ako ng pera ni Tiya Carla kaya binili ko po ng gatas at mga tinapay para po sa mga kapatid ko. Balik na po ako ng bayan baka wala na po akong masakyan pauwi,” pagmamadaling wika ni Gigi.
“O sige anak, salamat sa pagdalaw mo ha. Mag -aral ka nang mabuti at huwag pasaway kay Tiya mo Carla. Pahatid ka sa tatay mo para makaabang ng traysikel papuntang bayan. Mag-ingat ka,” sabi ni Tiya Lupe sa anak sabay yakap at halik dito.
Nagpaalam rin si Gigi sa kaniyang mga kapatid at sa pinsang si Fermie. Maluha-luha namang inihatid ng tingin ni Tiya Lupe ang anak. Kung may magagawa lamang siya para kunin si Gigi para magkakasama ang pamilya niya. Inakbayan naman siya ni Fermie at sinabihang darating ang araw na makakasama nilang muli si Gigi. Napabuntong hininga ulit si Fermie, naisip niya kung hindi sana siya kinupkop ng Tiya Lupe niya, marahil si Gigi ay hindi papahintulutang malayo sa kanila.
Dahil sa pagod madaling dinalaw ng antok si Fermie ganoon din ang kaniyang Tiya Lupe at Tiyo Bor. Hindi na nila namalayang alas diyes na ng gabi nakauwi si Harry. Dahan-dahan siyang pumanhik upang hindi magising ang kaniyang itay at inay at siguradong mapagalitan siya sa ganitong oras ng kaniyang pag-uwi.
Tamang pagtilaok ng manok ay gumising na si Fermie. Gaya ng dati nagluto ng almusal at naligo para maagang makarating ulit sa mansion. Tamang-tamang ininit niya ang bigay na ulam sa kanila ni Aling Lety at sinamahan ng lugaw para lalong dumami ang kanilang makain.
Alas sais y medya na ng umaga, dali-dali silang tatlo na pumunta sa mansion, bago sila umalis ginising muna ni Tiya Lupe si Harry para alagaan at bantayan ang kaniyang mga kapatid habang wala sila dahil magtatrabaho. Ungol lang ang sinagot ni Harry habang nakatalukbong pa ng kumot.
Pinagbuksan naman sila ni Mang Tony ng gate at agad na pumanhik sa mansion. Kaniya-kaniya na silang puwesto para pagsimulan ang kanilang trabaho.
Samanatala, tig-iisang kuwarto naman sina Gabbie at Mariz at iisang kwarto naman sina Ginoong Jaime at Ginang Dolor. Masyadong maluwang ang kuwarto kahit limang katao kasya sa kuwarto na inakupa ng magkakapatid. Pero iyon ang gusto nina Ginang Mildred at Ginoong Victor na mayroon silang privacy. Dahil sa masarap at mabuting accommodation hindi naging madali sa kanila ang dalawin ng antok at marahil sa malayo rin ng kanilang biniyahe kahapon mula sa Maynila.
Nagising na si Gabbie. Binuksan niya nang bahagya ang bintana ng kuwarto niya. Pinatay niya ang bumubusbos na aircon. Lumanghap siya ng sariwang hangin na agad namang sumayad sa kaniyang ilong habang nakapikit. Nagagandahan siya sa lugar, tahimik at malayo sa traffic. Biglang naalala niya si Mae ang babaeng obsessed na obsessed sa kaniya. Nakilala niya ito sa isang bar sa Maynila nang minsang nagkayayaan ang kaniyang mga kabarkada sa college lalo na nang malaman ng mga ito na bumaba na siya ng barko. Very liberated si Mae dahil nga lumaki itong spoiled ng kaniyang mga magulang na kapwa nasa States nakadestino kaya malaya niyang nagagawa ang gusto niya lalo’t Tita Zel, kapatid ng mommy niya lamang ang nag-aalaga sa kaniya habang wala ang kaniyang mga magulang.
Biglang bumalik kay Gabbie ang una nilang pagkikita.
“Hi can I join with you?” isang malambing na tinig na halos nagpainit sa buong pagkatao ni Gabbie nang gabing iyon dahil nakadikit sa taenga niya ang labi ng babae dahil sa tugtog na bumabalot sa lugar na iyon kaya idiniin ng babae ang kaniyang mga labi sa taenga ni Gabbie para marinig niya ito.
“S-sure…Baby,” agad namang sagot ni Gabbie, at nang lingunin niya ito lalong pumungay ang mata niya dahil na rin sa dami ng nainom at nakita ang mala-diyosang babae na hapit na hapit ang pulang bestida na halos luwa na ang kaluluwa sa kaseksihan.
Agad namang naluwa ang mga mata ng kabarkada ni Gabbie nang makita ang babaeng gusto nang lambitinin sa leeg si Gabbie.
“Hi boys, can I join here? By the way I’m Mae, Mae Barriton,” Agad na inilahad ng babae ang kaniyang palad para makipagkamay sa mga kaibigan ni Gabbie na nang-aakit ang mga mata dala na rin marahil sa nakainom na ito ng maraming alak.
“Sure...come, sit beside here,” agad namang sagot ni Lance ang isa sa mga palikero ring kaibigan ni Gabbie at isa itong engineer.
“Ow, I’d like to sit on the lap of this handsome guy,” sabi ng babae na nakapokus ang paningin kay Gabbie at agad ngang umupo sa kandungan nito.
Nabigla man si Gabbie pero lalong uminit ang katawan niya lalo na’t yumakap pa ito nang mahigpit sa kaniyang leeg. Nagkindatan na ang kaniyang mga kabarkada.
“Ang suwerte mo naman Gaboy, mainit na rosas na ang pumarito para pasiyahan ka,” natatawang naiinggit na sabi ni Keir, kasamahan niya sa barko na sinampahan.
“May I know your name handsome?” paglalambing ng babae kay Gabbie. Wala siyang pakialam kung tinitingnan sila ng mga kabarkada ni Gabbie.
“Ahh…ahh ehemmm…Gab, you can call me Gab,” nag-alangan namang sambit ni Gabbie. Sanay siya sa mga ganito pero hindi niya inaasahang sa ganda ng babaeng ito nagpababa ng uri para gumanito sa isang lalaki. Naisip niya napaka-liberated naman o baka isang pokpok ito.
Nagsimula nang gumapang ang mga kamay ni Mae sa mga bahaging katawan ni Gabbie, kahit nasisiyahan ay naiilang naman siya dahil titig na titig ang mga kaibigan niya sa ginagawa sa kaniya.
Nagsimula nang buksan ni Mae ang kaniyang suot na polo at siniil na siya ng halik na hindi na niya naiwasan. Maalab, mapusok…nanggigigil…na para bang kaytagal nilang magkasintahan na hindi nagkita.
Bumalikwas siya ng upuan. Napapikit siya, muntik na niyang mabitiwan ang kopang may laman ng wine sa ginagawa ng babae sa kaniya. Hindi na siya makapagpigil.
Malakas na katok ang gumising sa kaniyang diwa. Bumuntong hininga siya at dali-dali niyang binuksan ang pintuan.
“Oh so what’s your plan Kuya? Staying here in your room alone for the rest of your life?” taas-kilay na salubong kaagad ni Mariz nang pagbuksan niya ng pintuan.
“My goodness...Mariz panira ka ng moment!” Agad na tinapik nang mahina ang noo ng kapatid dahil naudlot ang pagmuni-muni niya sa pagkikita nila ni Mae.
“Ouch, it’s so hurt ha. At bakit panira ng moment, may ka-honeymoon ka ba riyan?” agad namang sagot ni Mariz habang sumilip silip pa sa kuwarto ng kaniyang Kuya.
“Luka-luka! O sige na mauna ka na roon sa ibaba. Susunod na ako, teka kakain na ba ng agahan?” tanong naman ni Gabbie.
“Whatever…!” sagot naman ni Mariz na pairap sa kaniya at tuluyan nang bumaba ng mansion.
Sanay na siya sa kamalditahan ng kaniyang kapatid, pero mabait naman ito lalo na kung nasa mood itong makipagkuwentuhan sa kaniya. Kahit noon pa man close na silang magkakapatid dahil pinalaki sila ng kanilang Daddy at mommy na may pagmamalasakit sa isa’t isa.
Dali-dali niyang pinalitan ang kaniyang suot para bumaba na. Baka hinihintay na siya nina Ginang Mildred at mga magulang niya. Tiningnan niya ang relos na nasa side table 7:15 na pala.
Hindi pa naluto lahat ang putahe sa kanilang almusal. Pero handa na ang mesa dahil kanina pa ito inihanda nina Fermie at Aling Mina. Bumalik sa kusina si Fermie para ligpitin ang ilang gamit. Inilabas niya kanina ang ilang plato para pagpipilian para palitan ng ilang may disenyo. Pinunasan niya ito at balak na ibalik muli sa malapad na platera.
Samantala naglibot muna sa hardin sina Ginang Mildred kasama ang kanilang bisita habang hindi pa tumawag si Aling Mina para sa kanilang almusal. Sumunod naman doon si Gabbie. Aliw na aliw sila sa magagandang bulaklak na dinidiligan ni Tiyo Bor. Nakaramdam ng uhaw si Gabbie kaya nagpasya siyang pumasok sa kusina upang makakuha ng tubig.
Bitbit naman ni Fermie ang anim na pirasong nakatangkas na plato upang ibalik ito sa platera. Binuksan niya ang pintuan gamit ang kaniyang paa dahil nakaawang naman ito nang bahagya nang biglang may malakas na tumulak sa pintuan.
Malakas na ingay ang bumulagta na ‘di inaasahan ni Fermie na halos nagpakaba sa kaniyang buong pagkatao.
Nabitiwan niya ang anim na pirasong mamahaling plato ni Ginang Mildred. Hindi niya akalain na may tumulak ng pintuan kaya hindi niya nakontrol ang kaniyang katawan at isang masigabong pagbagsak ang narinig. Natumba rin siya at bumagsak kaya hindi na niya maaaring saluhin ang bitbit niya.
“Oh my goodness …I am very sorry, I—I really don’t know na may tao pala kaya nabuksan ko at natulak ang door,” nabigla ring nasabi ni Gabbie. Hindi niya nakita na may lalabas na tao kaya natulak niya ang pintuan.
“A-are you okay? I will help you up,” agad na tinulungan ni Gabbie si Fermie upang makatayo. Habang nakayuko pa rin ito at hawak ang balakang niya na bahagyang nakabagsak sa marmol na sahig.
“O-okay lang po Sir...naku, pagagalitan ako nito,” natatakot pang sambit ni Fermie habang kalat na kalat na sa sahig ang mga platong nabasag.
Tinulungan na siya ni Gabbie hanggang makatayo. Biglang nag-angat ng mukha si Fermie, gulong-gulo ang kaniyang buhok na nakapusod. Tumama ang kanilang paningin ng lalaking umalalay sa kaniya.
“Diyos ko po, si Adonis ba itong kaharap ko? Nasaan ba ako? Nauntog ba ang ulo ko?” sunod-sunod na tanong ng isip niya dahil sa guwapong lalaki na nasa harapan niya at hawak hawak pa ang magkabilang balikat niya.
“A-are you okay po? Nasaktan ba kita? I-I’m sorry, hindi ko talaga sinasadya. Sandali kukuha muna ako ng tubig at nang makainom ka,” taranta na ring sabi ni Gabbie.
“Ano ba ang ingay dito Fermie?” Agad na nagdatingan sina Aling Mina, Tiya Lupe, Aling Lety at Aling Goring dahil sa malakas na pagsabog na hindi nila alam kung saan nanggaling.
“Fermie, anong nangyari bakit wasak na wasak ang mga mamahaling plato ni Ginang Mildred?!” nasambit ni Aling Mina sa pagkakagulat.
Kinabahan si Fermie, hindi niya mawari kung anong kaba ang naramdaman niya, nang makita ang mala-Adonis na lalaki na nasa harapan niya kanina o ang mga mamahaling platong nabasag niya?
Tinakpan niya ang kaniyang mukha at humikbi. Napahagulgol na siya nang tuluyan dahil alam niya pagagalitan siya ni Ginang Mildred.
“Ferm, ano ba ang nangyari, ikaw ba ang nakabasag ng mga platong ito?” kinabahan ring tanong ni Tiya Lupe sa pamangkin.
“O, eto o, uminom ka muna ng tubig,” nahihingal pang pagmamadaling sabi ni Gabbie kay Fermie habang iniabot ang baso ng tubig na galing sa kusina.
Napalingon sila nang makita si Gabbie na may dalang tubig. At bakit dadalhan niya ng tubig si Fermie. Dahil sa takot, tumakbo si Fermie at dumeretso ng comfort room at doon na tuluyang umiyak. Takot na takot siya sa maaaring sabihin ni Ginang Mildred sa kaniya dahil alam niyang hindi mga ordinaryong plato ang mga gamit nito.
Niligpit na nina Tiya Lupe at Aling Mina ang nagkalat na mga basag na plato dahil baka magalit pa si Ginang Mildred kapag nakita niya ang mga ito. Si Gabbie naman ay parang natamimi na rin. Bigla namang pumasok sina Ginang Mildred at nakita niyang nililigpit nina Tiya Lupe ang mga basag na plato.
“Ano ba ang nangyari rito? Dito ba nanggaling ang tila ingay na mga basag? At ano ang mga nabasag na iyan, Mina, Lupe, what is happening here?” pag-uusisa na ni Ginang Mildred habang nasa likuran niya sina Ginang Dolor at Mariz.
“Ah…ah…Ma’am, eh pasensiya na po, hindi rin po namin alam nang marinig po namin na may parang pumutok dali-dali po kaming pumarito para tingnan. Naabutan po namin si Fermie rito na nakatayo at nanginginig habang wasak na wasak ang mga plato,” nanginginig ang boses habang nagpapaliwanag si Aling Mina habang tahimik naman si Tiya Lupe.
“Where is Fermie? Siguradong siya ang nakabasag ng mga mamahaling plato na ito. Lupe, alam mo bang antique itong mga plato na nabasag ng pamangkin mo?” Nababanaag na ang galit sa mukha ni Ginang Mildred.
“Oh my goodness Kumare. This is insane, who is Fermie and where is she? Ano ang karapatan niyang basagin ang mga mamahalin mong gamit?” saad naman ni Ginang Dolor.
“Ahh…ehemmm…Mommy, Tita, hindi naman sinasadya ng ng...babaeng iyon na mabasag ang mga plato,” agaw naman ni Gabbie dahil alam niya ang totoong nangyari.
“Stop it Iho, hindi mo alam ang nangyari, didn’t you see? These plates are antique, there’s a sentimental value and so expensive. You better out and call your Dad and your Tito to prepare, for we are about to go for an island hopping after breakfast,” sarkastikong nasabi ni Ginang Dolor kay Gabbie para maparamdam na nakikisimpatiya siya sa kaniyang kumare. Agad namang tumalima si Gabbie dahil nanlisik na ang mata ng Mommy niya.
Minabuti na ring lumabas ni Fermie. Aniya, hindi tama na tinalikuran niya ang mga nabasag niyang plato. Naisip niya, kasalanan ng lalaking tumulak ng pintuan para mabitawan niya ang mga plato ni Ginang Mildred.
“Bahala na, kailangan kong harapan kung ano mang parusa ang igawad sa akin ni Ginang Mildred,” nausal ni Fermie sa kaniyang sarili habang inaayos na niya ang nagusot niyang buhok. Naghilamos din siya dahil namumugto na ang mga mata nito sa kaiiyak dahil sa takot. Alam niya, kahit dikdikin man ang katawan niya hindi niya kayang bayaran ang mga mamahaling nabasag niya.
Nadatnan niyang pinapagalitan ni Ginang Mildred ang kaniyang Tiya Lupe, naroon na rin si Tiyo Bor na nakatayo at nakayuko habang pinapagalitan ang mga ito.
“Ma’am, sorry po, hindi ko po sinasadya na mabitawan ang mga mamahaling plato po ninyo,” nasambit ni Fermie na nanginginig pa ang katawan.
Agad namang lumingon sina Ginang Mildred at Ginang Dolor maging si Mariz nang marinig ang boses ni Fermie sa likuran.
“My goodness! Ano ba ang ginawa mo bakit mo nabitawan ito lahat, hindi mo ba alam na mamahalin ang mga ito? Kahit gumapang ka pa sa pagtatrabaho rito sa mansion not enough para mabayaran mo!” galit na galit na ang boses ni Ginang Mildred na humarap kay Fermie.
“Ma’am, M-maam, sorry po talaga, nadulas po kasi sa kamay ko ang mga plato, hindi ko po talaga sinasadya…huwag na lang po ninyo akong bayaran, magsisilbi po ako rito sa mansion, habang buhay ko pong bayaran ang nabasag ko po. Patawarin lang po ninyo ako,” maluha-luha nang sambit ni Fermie at tuluyan niyang tinupi ang mga tuhod at lumuhod sa harapan ni Ginang Mildred.
Sa ganoon silang eksena nang pumasok sina Ginoong Victor, Ginoong Jaime at ni Gabbie. Dinig na dinig ni Gabbie ang mga paliwanag ng babae pero nagtataka siya kung bakit hindi nito binanggit na may nagtulak ng pintuan kung kaya niya nabitawan ang mga plato, at siya iyon. Nakaramdam siya ng habag, pinagmasdan niya ang dalaga, habang nakaluhod sa harapan ni Ginang Mildred. Napagtanto niyang bata pa ito, napakaamo ng mukha, ngayon niya lang napagmasdan na maganda ang morenang bata na nakabangga niya kanina. Magandang pagmasdan ng kaniyang mga matang mapupungay habang sabay-sabay na pumapatak ang mga butil ng luha. Hindi siya mapakali, dali-dali niyang pinuntahan ang kinaroroonan ni Fermie at pinatayo ang dalaga.
“Halika, tumayo ka na riyan, huwag ka nang umiyak hindi mo naman sinasadya ang nangyari,” pabulong na sabi niya sa dalaga na nagpagulat muli kay Fermie. Hinawakan siya nito sa balikat at inalalayang tumayo.
“Gabbie!” galit na saway ni Ginang Dolor dahil sa pakikialam ng anak sa hindi niya naman kilala at nakakahiya ito kay Ginang Mildred.
“Honey, bakit ba ginaganito mo si Fermie? Bakit nagkukunot ang mukha mo remember the wrinkles Honey,” pabiro pang nawika ni Ginoong Victor para maibsan ang galit ng asawa.
“Didn’t you see Honey? Binasag ni Fermie ang antique kong mamahaling plato. Sa Paris pa binili ni Mama ang mga iyon,” nakapamaywang na sagot naman ni Ginang Mildred.
“O siya tama na iyan, nakakahiya kina Kumpadre at Kumare, pag-usapan na lang natin iyan sa ibang araw. Halina kayo pumasok na tayo sa komidor siguradong handa na ang almusal natin,” pang-aalo naman ni Ginoong Victor. “Fermie huwag ka nang umiyak. Bumalik ka na sa kusina, huhupa rin ang galit ng Ma’am mo Mildred. Nabigla lang iyon.”
“O—opo, Sir, pasensiya na po ulit. Hindi ko po sinasadya talaga,” pahikbi pa ring turan ni Fermie at dali-dali na itong tumakbo papuntang kusina at sumunod na rin ang Tiya Lupe at Tiyo Bor niya.
Sinundan siya ng tingin ni Gabbie. Nakukunsensiya siya sa nagawa, hindi rin naman niya alam na sa pagtulak niya ng pintuan ay may masasaktan siya. Nagtanong ang isipan niya kung bakit hindi sinabi ng babae na siya ang dahilan kung bakit nabitawan niya ang mga plato at sana hindi na siya napagalitan nang ganoon.
“Gabbie, what are you doing? Hindi ka pa ba papasok sa komidor? Bakit natulala ka riyan? At bakit ginawa mo iyon kanina na patayuin ang babaeng iyon ha?” agaw-pansin ng kaniyang Mommy.
“Yah, that’s right. Akala ko ba seaman ka, bakit magmistulang abogado ka kanina Kuya?” ngiting-tanong na wika ni Mariz.
Hindi na niya pinansin ang mga sinabi at tanong ng Mommy at kapatid niya sumunod na siyang pumasok sa komidor para mag-amusal.