Paikot-ikot si Daniel sa loob ng kwarto, kinakapa ang sugat sa kanyang dibdib gawa ng kanyang pagkalmot dito. Hinihilot niya rin ang kanyang sintido na pumipintig kasabay ng bawat segundo. Patuloy naman ang pagtahol ng aso sa labas na lalo pang nakapagpasakit ng kanyang ulo. "Putang-ina tumigil ka na!" sigaw niya. Mula naman sa ibaba ay narinig ni mang Jojo ang sigaw ng binata. Tila nag-aalala na siya sa kanyang inaasta ngunit hindi niya naman magawang umakyat upang alamin kung ano ang nangyayari sa kanya. Napatingala na lamang siya sa hagdan at pinakinggan ang paikot-ikot na paglalakad ni Daniel sa loob ng kwarto. "Tama na! Tama na!" sigaw ni Daniel. Sa sobrang gigil ay binuksan niya ang bintana at binato ng lukot na papel ang asong iyon. Bahag naman ang buntot nitong tumakbo. "Sir?"

