Masayang nagkukwentuhan ang mag-anak sa veranda ng aming bahay. Naroon ang aking tiyo, isa siya sa mga kolumnista ng isang sikat na tabloid na umiikot sa buong bansa. Kasama niya ang ilan sa may mga katungkulan sa gobyenro at ang iba pa niyang mga kagrupo. Minsan ko nang naitanong sa kanila kung ano ang simbolo ng itim na pakpak sa magkakaibang parte ng kanilang katawan. Ang tangi niya lamang nasambit noon ay isang pamilya...ang magiging kaagapay mo sa panahong wala ka na. Sinabi niya rin sa akin noon na kapag handa na ako ay mapapabilang ako sa pamilyang iyon, isang grupo na nagkakaisa sa isang adhikain. Isang kapatirang ekslkusibo at iilan lang ang nakakaalam.
Masaya silang nagkukwentuhan kasabay ng alak at wine. Nag-iihaw naman ang aking ama sa di kalayuan, nag-iihaw siya ng baboy at manok at ihahain sa kanyang mga kumpare at kamag-anak. Tinutulungan ko rin siya, inihahanda ko ang mga pagkain habang umiinom ako ng beer sa kasalukuyan.
"Alam mo pare...kapag ginawa ni Marcos 'yan, siguradong magkakagulo dito!" wika ng aking tiyo na si Tiyo Garry na isang kolumnista sa dyaryo.. Hinihimay niya ang manok na aking inihain.
"Hindi naman kasi kikilos ang mga 'yan kung walang ginagawang masama ang gobyernong ito, eh" sagot naman ng aking tiyo na si Congressman Neptali Gonzales. Ang kasalukuyang tumatayong congressman ng distrito ng Rizal. Isa naman sa mga sundalo na kanyang kasama ang sumagot.
"Tayo, eh, sumusunod lang naman sa patakaran at batas. Kung tutuusin malaya pa nga ang bayang ito."
"Malaya? Malaya lang sila kapag tahimik. Pero kapag dumaldal ka, tiyak patay ka," sagot naman ng aking ama na si Ronaldo Gonzales habang inihahanda ang iba pa niyang inihaw.
"Eh minsam mas mainam pang manahimik na lang talaga. Kaya nga minsan ho, eh...ka-Garry, nag-aalala rin ako sa mga isinusulat niyo, eh. Sigurado akong nababasa nila iyon sa malakanyang," wika pa ng isa sa mga opisyal ng sundalo na tinatawag ko ring Tiyo Meong o Romeo Espino.
"Hayaan mong mabasa nila! Para naman malaman nila ang mga nangyayari sa ating ordinaryong mamamayan!" sagot naman ni tiyo Garry.
"Nako, Garry! Hindi na tayo ordinaryong tao. Sa mesang naririto, sigurado akong hindi tayo ordinaryong mga tao...lalo na sa kapatiran," sagot naman ng aking itay.
Nagtawanan na lamang ang lahat at nagkasiyahan habang nag-iinuman. Maya-maya pa ay napansin namin ang pagkakagulo ng mga tao sa labas nang gabing iyon.
"Anong nangyayari?" tanong ng aking ama. Humahangos naman palabas ng veranda ang aking ina na si Maryfe.
"Pumasok kayo! Magmadali kayo bilis! Gumagana na ulit ang telebisyon." wika niya. Napakunot na lamang ng noo ang lahat at binitawan ang kanilang mga iniinom at kinakain. Agad kaming nagpasukan sa loob ng bahay at nanood ng telebisyon. Kasalukuyan namang may kausap ang aking babaeng kapatid na si Cherry. Makikita rin ang pag-aalala sa kanyang mukha.
"Ano 'to?" tanong ng sundalo na si Tiyo Meong. Makikita sa telibisyon ang muhka ng presidente na si Ferdinand Marcos.
"Kuya! Kuya...si Christine, nasa kabilang linya," sambit ng aking nakababatang kapatid na babae. Agad akong nagtungo sa sulok at kinuha ang telepono.
"Christine? Bakit?" tanong ko.
"Nanonood ka ba ng telebisyon ngayon?" tanong niya.
"Oo..." wika ko. Hindi na ako nakapagsalita pa. Napatulala na lamang ako sa pinapanood ng lahat habang nanlalaki ang mga mata. Matapos ang dalawang araw ay muling gumana ang telebisyon matapos ipasara ni Marcos ang mga estasyon ng tv at radyo.
"Ito na 'yon Danilo. Hindi na tayo ligtas..." wika niya.
“The President shall be Commander-in-Chief of all Armed Forces of Philippines and whenever it becomes necessary he may call out such armed forces to prevent or suppress lawless violence, invasion, insurrection of rebellion..." wika ni Marcos. Nagtinginan ang ilan sa aking mga kamag-anak. Ang aking kapatid ay napatulala na lamang. Niyakap naman siya ng aking ina.
"Danilo? Danilo na'ndyan ka pa ba?" tanong ng aking mahal.
"Na'ndito pa ako. Mag-iingat ka d'yan, Christine. Susubukan ko pa ring makapunta sa iyong kaarawan sa 27. Hinding-hindi ako mawawala."
"Hindi mo ako kailangang alalahanin. Ikaw ang mas inaalala ko. Kilala ng mga gobyerno ang pamilya mo. Inaalala ko ang kalagayan mo," pag-aalala ni Christine.
"H'wag mo akong alalahanin. Magiging maayos ang lahat. Kilala ang pamilya namin sa gobyerno. Alam kong protektado kami at hindi kami gagalawin," wika ko.
"Garry...Garry! Saan ka pupunta?" tanong ng sundalo na si Espino.
"Kailangang may gawin ako! Hindi puwede ito!"
"Sasama ako! Sasamahan kita! Hindi ka puwedeng mag-isa sa daan baka kung mapano ka!" sambit naman ni Congressman Gonzales. Agad silang naglakad palabas kasama ang ilang mga sundalo at bodyguard.
"Sasama kami!" wika ng aking ama.
"Hindi. Dito lang kayo, Rinaldo. Bantayan mo ang iyong pamilya," sagot ni Congressman Gonzales.
"Anong nangyayari d'yan, Danilo?" tanong ni Christine.
"May aasikasihun lamang kami dito. Basta, Christine...mag-iingat ka. Mahal na mahal kita..." sambit ko.
"Ikaw rin Danilo. Mag-iingat ka. Mahal na mahal kita!" sambit niya sabay baba ng telepono.
Kakaibang kaba ang nararamdaman ko sa pagkakataong iyon. Naging aligaga ang aking ina habang inililigpit ang mga pinagkainan. Nagmadali sa pag-alis ang mga kumpare ng aking ama at tila pinoprotektahan naman nila ang aking tiyo na isang kolumnista. Nagyakap na lamang sa sulok ang aking mga kapatid habang pinapanood pa ang talumpati ng kasalukuyang presidente.
_________________________________
Nagdaan ang mga araw, hindi lumalabas ang buong pamilya mula sa loob ng bahay. Tanging ang mga lalaki lamang ang lumalabas upang magtrabaho at bumili ng mga pagkain at supply. Tanging ang tugtuging jazz lamang ang maririnig sa ilang mga estastyon ng radyo habang ako ay ngtatrabaho sa isang pagawaan ng sapatos sa Marikina. Isa ako sa mga bisor sa pagawaan na iyon. Tahimik lamang ang lahat habang ginagawa ang kanilang mga trabaho. Ipinagbawal ang mga bulungan at ang bawat galaw ng mga empleyado ay aking binabantayan. May mga sundalong rumoronda sa labas ng aming pabrika, sinisugurong walang kontrabando sa aming mga dine-deliver. Walang iba sa aking isipan bawat oras kundi ang aking mahal, kung maayos ba ang kanyang kalagayan.
_______________________________
Humahaba ang pila sa labas ng gusaling iyon. Tila mga presong nag-aabang ang mga tao sa kanilang paghihintay. Makakabili lamang ang mga tao na mayroong ID. Sinisiyasat din ng mga sundalo ang laman ng kanilang mga bag kung may kakaibang bagay ba sa loob nito. Hindi mapigilan ng mga tao ang kabahan, hindi maiwasan ang mga kakaibang tingin mula sa mga sundalong iyon lalo na at bali-balitang mayroong mga nawawalang indibidwal dahil sa ipinatupad na martial law. Wala silang ibang pagpipilian kundi ang sumunod na lamang.
Bahagyang nagkaroon ng komosyon sa unahan ng pila. Isang matandang lalaki ang hindi nagpakita ng ID. Dinahilan niyang nawawala ang kanyang ID at nais niya lamang na makabili ng bigas para sa kanyang pamilya. Mapapansin ang pagiging madungis ng damit nito at ang dumi ng kanyang mga paa. Pilit siyang pinaalis ng mga sundalo ngunit siya'y nagmatigas. Lumuluha siya ngunit matatag ang kanyang loob at umaasang makakabili siya ng kaunting pagkain sa kakarampot niyang pera. Sa tigas ng ulo ay pinalo siya ng baril sa ulo. Napahandusay siya sa sahig at nanghina. Nagsigawan naman ang mga tao at umiwas ngunit sila ay nakatayo pa rin sa kanilang mga pwesto.
"Hindi ka susunod matanda ka?!" sigaw ng isang sundalo.
"Pagkain lang po. Bibili lang po ako ng pagkain. Sige na po...pagbigyan niyo na ako," pagmamakaawa ng matanda.
"Sinabi nang hindi puwede ang walang ID! Hindi ka ba nakakaintindi?!" sigaw ng isa pa.
"Tama na 'yan. Dalhin niyo na 'yan. Matigas ang ulo eh," sambit ng isa nilang kasama. Agad naman siyang nginudngod sa sahig at pinosasan. Binuhat siya at inilayo sa mga tao.
"Huwag po! Parang awa niyo na!" pagmamakaawa ng matanda. Tuluyan siyang dinala sa isa sa mga truck ng mga sundalo na para bang isang biik lamang. Tinapon siya sa loob at tuluyang pinaandar palayo ang truck.
"May susunod pa ba dyan? Magsabi lang agad!" sigaw ng isa sa mga sundalo. Agad namang nanahimik ang mgatao at umiwas ng tingin. Yumuko na lamang ang iba. Ako naman ay napatitig na lamang sa sundalong iyon.
"Bakit? May problema ka?" tanong sa akin ng sundalong iyon. Umiling na lamang ako at yumuko.Ibinaba ko nang kaunti ang aking sumbrero at inayos ang aking coat. Dahil sa asta, tindig at kasuotan kaya marahil hindi niya na tinuloy ang pang-uusig sa akin.
Nagpatuloy ang pag-usad ng pila hanggang sa ako ay makarating sa dulo. Ipinakita ko ang aking ID, binasa nila iyon at tila napalunok ng kaunting laway nang makita nila ang aking apelyido. Bahagya silang yumuko nang isauli sa akin ang aking ID.
"Sir, pasensya na po," wika ng sundalo na nanigaw sa akin kanina. Hindi na lamang ako nagsalita. Wala naman akong ibang pakay sa pagkakataong iyon kundi ang makabili ng cake para sa kaarawan ng aking mahal. Wala akong pakialam sa kung ano man ang ipinatutupad ng gobyernong ito sa kasalukuyan.
______________________________
Sa hapong iyon ay maririnig na agad ang tunog ng mga sirena. Senyales ng nagbabadyang curfew. Nagsisikalat lalo ang mga sundalo kapag ganitong oras. Alam kong kailangan kong magmadali patungo sa tahanan ni Christine. Kahit kilala ang aming pamilya ay sigurado akong kukwestyunin ako ng mga sundalo at pulis. Puwede rin akong ipatapon ng mga iyon sa presinto, kulungan at kung mapagkamalan at malasin ay sa kampo nila ako mismo kwestyunin. Isang kanto na lamang at malapit na ako sa aking pakay. Nagmadali ako sa paglalakad hanggang sa makarating ako sa asul na gate kung saan nakatira si Christine. Kumatok ako, lumingon sa paligid at akma muling kakatok ngunit binuksan naman iyon ni Christine agad na mistulang hinihintay ang aking pagdating. Tumingin muna siya sa paligid at dali-dali akong hinablot papasok. Isang mainit na halik sa labi ang agad niyang ibinigay sa akin. Napangiti naman ako nang muling tunghayan ng nangangamba ngunit maamo niyang mukha.
"H'wag ka nang mag-alala...buo ako," sambit ko.
"Dapat lang!" wika niya.
"May dala ako para sa'yo..." wika ko. Itinaas ko ang aking dalang kahon na naglalaman ng cake. Natahimik naman siya at napangiti.
"Happy Birthday!" bati ko sa kanya.
"Salamat...nag-abala ka pa," wika ni Christine.
"Oh, andito ka na pala, Danilo. Pumasok ka muna nang makapagpahinga ka," nakita kami ng kanyang ina na si ginang Teresita. Agad naman akong hinila ni Christine papasok ng kanilang tahanan. Bumungad kaagad sa akin ang ilang mga handa. Simple ngunit sapat na upang ipagdiwang ang kaarawan ng aking mahal.
___________________________
Napatigil si Daniel sa pagsusulat. Muling sumakit ang kanyang ulo at ang kanyang mga mata. Hinilot niya iyon saglit, tumayo at naglakad-lakad. Matapos ang ilang sandali ay binuksan niya ang cabinet ng mesa at kinuha ang isang kahon ng yosi mula dito. Kinuha niya rin ang gintong lighter na may rosas na disenyo upang sindihan ang yosi na nasa kanyang bibig. Inilapag niya iyon sa tabi ng typewriter, huminga ng malalim at ibinuga ang puting usok mula sa kanyang bibig. Napatingin siya sa lighter na ibinigay sa kanya ng kanyang editor. Hindi niya maintindihan kung bakit ngunit muli ay parang may naglalaro sa kanyang isipan.ilang mga pangitain ang muling nagpakita sa kanyang isipan. Isang sunog...ang apoy ay kumakalat sa pintuan at tila ba parang likido na pumapasok mula sa pinto. Napatalikod na lamang siya at tiningnan ang pinto ng kanyang kwarto. Huminga na lamang siya nang malalim...guni-guni lamang ang lahat. Muli niyang hinilot ang gitna ng kanyang mga mata at nagpatuloy sa pagsusulat.
_________________________
"Kumusta Danilo?" tanong ng kanyang itay sa akin.
"Mabuti naman po," sagot ko.
"Buti naman at nakarating ka. Siguradong aabutin ka ng curfew kung hindi ka nakaabot," wika niya.
"Nagmadali nga po ako. Napakaraming sundalo sa labas."
"Ayos na 'yon. Maigi at nakarating ka ng ligtas. O siya, simulan na natin ang selebrasyon."
Nagsimulang kumanta ang buong pamilya, katabi ko si Christine sa pila. Mababanaag ang pag-aalala sa kanilang mga mukha dahil sa mga pangyayari sa bansa ngunit mas pinili nilang maging masaya para sa kanilang anak. Bago pa man kami nagsimulang kumain say saka naman dumating ang kanyang nakatatandang kapatid na lalaki.
"Nahuli na ba ako ng dating?" tanong ni Albert, ang nakatatandang kapatid ni Christine. suot pa niya ang uniporme na pangsundalo.
"Kuya!" Agad na yumakap si Christine sa kanya.
"Pasensya na...ma, pa. Ngayon lang nakauwi galing sa trabaho. May mga inspeksyon pa kasing ginawa sa kampo."
"Nakaabot ka naman, eh," sambit ng kanyang ama.
"Oy, Danilo. Andito ka pala. Buti nakaabot ka. Sobrang higpit ngayon."
"Oo nga, eh. Saved by the bell," sabi ko.
"Kuya, sino siya?" tanong ni Christine. Saka lamang sumulpot ang kasama ni Albert. Isa ring sundalo. Kasalukuyan itong nagtatanggal ng sapatos sa pintuan.
"Ah, kasama ko sa trabaho. Eric...halika," tawag ni Albert. Lumapit naman siya.
"Magandang gabi po," bati niya.
"Magandang gabi rin naman," sabi ng ina ni Christine.
"Magandang gabi," bati niyang muli na sa akin naman nakatingin.
"Magandang gabi."
"Si Danilo. Kasintahan ng aking kapatid. Si Christine...ang kapatid ko. Kaarawan niya ngayon," sambit ni Albert. Tila iba naman ang naging tingin ng lalaking iyon sa aking kasintahan. May pagkagulat at halatang nabibighani. May kung anong mapait na lasa na umaakyat sa aking lalamunan. Kumuha na lamang ako ng tubig upang pawiin ang pait na iyon.
"Magandang gabi po. Maligayang kaarawan," sambit niya.
"Salamat," sambit naman ni Christine sa malambing na tinig. Iniabot niya ang kanyang kamay. Inabot din naman ng sundalong iyon ang kanyang kamay upang siya ay kamayan. Hindi makaiwas ang aking mata sa aking nakita. Ang lagkit ng tingin kanyang tingin sa aking mahal. Napapangiti na lamang din Si Christine habang dahan-dahang kinukuha ang kanyang kamay.
"Ah, sige po kumain na tayo," putol ko. Ninais ko na lamang iwaksi ang hindi magandang nararamdaman sa aking dibdib. Saka na lamang nagbitaw mula sa kanilang pagkakakamay ang dalawa. Napansin marahil ni Christine ang aking pagseselos at tinabig na lamang ang aking braso nang pabiro.
____________________________
Muling sumakit ang ulo ni Daniel. Hindi man maganda ang kanyang nararamdaman ay sigurado siyang maganda naman ang kahihinatnan ng kwento na kanyang isinusulat. Magkakaroon ng kaunting anghang at pait sa kanyang sulatin dahil sa nabuong tagpo na kanyang sinulat. Ayaw niyang magpaapekto ngunit sa bawat pagpintig ng kanyang sintido ay siya namang pagpapakita ulit ng ilang mga imahe sa kanyang isipan. Muli't-muli ay lumilitaw ang imahe ng lighter, ang apoy sa kwarto at ang tinis ng sigaw ng babae mula sa kanyang panaginip. Natigil lamang ang lahat ng ito nang kumatok si Mang Jojo sa pinto at buksan iyon nang marahan.
"Mang Jo?" tanong ni Daniel.
"A-ah, sir. Busy po ba kayo?" tanong niya.
"Hindi naman. Kakatapos ko lang magsulat. Magpapahinga sana."
"Eh, gusto ko po kasi sana kayong anyayahan...mamasyal lang dyan sa tabing dagat. Mangunguha lang po sana ng buko," pagaanyaya ni Mang Jojo.
"E-eh...sige ho. Wala pong problema. Kailangan ko ring lumabas. Inaatake na naman kasi ako ng migraine," wika ni Daniel.